M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Elias at si Haring Ahazias
1 Pagkamatay ni Ahab, ang Moab ay naghimagsik laban sa Israel.
2 Si Ahazias ay nahulog sa sala-sala ng kanyang silid sa itaas sa Samaria, at nagkasakit. Kaya't siya'y nagpadala ng mga sugo, at sinabi sa kanila, “Humayo kayo, sumangguni kayo kay Baal-zebub, na diyos ng Ekron, kung ako'y gagaling sa sakit na ito.”
3 Ngunit sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na Tisbita, “Bumangon ka, umahon ka upang salubungin ang mga sugo ng hari ng Samaria, at sabihin mo sa kanila, ‘Dahil ba sa walang Diyos sa Israel, kaya't kayo'y nagsisihayo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?’
4 Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ikaw ay hindi aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay.’” Kaya't si Elias ay pumaroon.
5 Nang ang mga sugo ay nagsibalik sa hari, at sinabi niya sa kanila. “Bakit kayo'y nagsibalik?”
6 At sinabi nila sa kanya, “May dumating na isang lalaki at sinalubong kami, at sinabi sa amin, ‘Kayo'y bumalik sa haring nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, “Dahil ba sa walang Diyos sa Israel kaya't ikaw ay nagsusugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?” Kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay.’”
7 Sinabi niya sa kanila, “Ano ang anyo ng lalaking iyon na dumating at sumalubong sa inyo, at nagsabi sa inyo ng mga bagay na ito?”
8 Sila'y(A) sumagot sa kanya, “Siya'y lalaking mabalahibo[a] at may pamigkis na balat ng hayop sa kanyang mga balakang.” At kanyang sinabi, “Iyon ay si Elias na Tisbita.”
9 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari sa kanya ng isang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. Umahon siya kay Elias na nakaupo sa tuktok ng burol, at sinabi sa kanya, “O tao ng Diyos, sinabi ng hari, ‘Bumaba ka.’”
10 Ngunit(B) si Elias ay sumagot at sinabi sa kapitan, “Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu.” At bumaba ang apoy mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya.
11 Muling nagsugo ang hari sa kanya ng isa pang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. At siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “O tao ng Diyos, ganito ang sabi ng hari, ‘Bumaba ka agad!’”
12 Subalit si Elias ay sumagot at sinabi sa kanila, “Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu.” At ang apoy ng Diyos ay bumabang mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya.
13 At muling nagsugo ang hari ng kapitan ng ikatlong limampu kasama ng kanyang limampu. At ang ikatlong kapitan ng limampu ay umahon, at dumating at lumuhod sa harapan ni Elias, at nakiusap sa kanya, “O tao ng Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo na ang aking buhay, at ang buhay ng limampung ito na iyong mga lingkod ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin.
14 Bumaba ang apoy mula sa langit, at tinupok ang dalawang unang kapitan ng limampu pati ang limampung kawal nila; ngunit ang aking buhay nawa'y maging mahalaga sa iyong paningin.”
15 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Bumaba kang kasama niya; huwag kang matakot sa kanya.” At siya'y tumindig at bumabang kasama niya hanggang sa hari.
16 At sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat ikaw ay nagpadala ng mga sugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron, dahil ba sa walang Diyos sa Israel na mapagsasanggunian ng kanyang salita?—kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na mamamatay ka.’”
Si Jehoram ang Humalili sa Kanya
17 Kaya't namatay siya ayon sa salita ng Panginoon na sinabi ni Elias. Si Jehoram ay nagharing kapalit niya, nang ikalawang taon ni Jehoram na anak ni Jehoshafat na hari ng Juda, sapagkat si Ahazias ay walang anak na lalaki.
18 Ang iba sa mga gawa ni Ahazias na kanyang ginawa, hindi ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Israel?
Pagbati
1 Si(A) Pablo, si Silvano, at si Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat
3 Dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos, mga kapatid, dahil sa inyo, gaya ng nararapat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay lumalagong lubha, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo para sa isa't isa ay nadaragdagan.
4 Anupa't ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis.
Ang Paghatol sa Pagbabalik ni Cristo
5 Ito ay malinaw na katibayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, upang kayo'y ariing karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito'y nagdurusa kayo.
6 Sapagkat tunay na matuwid sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga nagpapahirap sa inyo,
7 at kayong mga pinahihirapan ay bigyan ng kapahingahang kasama namin, sa pagkapahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel,
8 na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus.
9 Ang(B) mga ito'y tatanggap ng kaparusahang walang hanggang pagkapuksa at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan,
10 kapag dumating siya sa araw na iyon upang luwalhatiin sa kanyang mga banal, at kamanghaan ng lahat ng mga sumasampalataya, sapagkat ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.
11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo'y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan,
12 upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kanya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Handaan ni Belshasar
5 Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.
2 Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
3 Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
4 Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.
6 Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.
7 Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”
8 Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.
9 Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.
10 Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.
11 May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,
12 palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat
13 Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari kay Daniel, “Ikaw ba si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda, na kinuha sa Juda ng aking amang hari?
14 Nabalitaan ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at ang liwanag at pagkaunawa at di-pangkaraniwang karunungan ay natagpuan sa iyo.
15 Ang mga pantas at mga engkantador ay dinala sa harapan ko upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaalam sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
16 Ngunit nabalitaan ko na ikaw ay nakapagbibigay ng mga kahulugan at nakakalutas ng mga suliranin. Kung iyo ngang mababasa ang nakasulat, at maipaalam sa akin ang kahulugan, ikaw ay daramtan ng kulay ube. Magkakaroon ka ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.”
17 Nang magkagayo'y sumagot si Daniel sa harapan ng hari, “Iyo na ang iyong mga kaloob, o ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba! Gayunma'y aking babasahin sa hari ang nakasulat at ipapaalam ko sa kanya ang kahulugan.
18 O hari, ang Kataas-taasang Diyos ay nagbigay kay Nebukadnezar na iyong ama ng kaharian, kadakilaan, kaluwalhatian, at kamahalan.
19 Dahil sa kadakilaang ibinigay niya sa kanya, nanginig at natakot sa harapan niya ang lahat ng mga bayan, mga bansa, at wika. Ang ibig niyang patayin ay kanyang pinapatay, at ang ibig niyang buhayin ay kanyang hinahayaang mabuhay. Ang ibig niyang itaas ay kanyang itinataas, at ang ibig niyang ibaba ay kanyang ibinababa.
20 Ngunit nang ang kanyang puso ay magpakataas, at ang kanyang espiritu ay magmatigas at siya'y nag-asal na may kapalaluan, siya'y pinatalsik sa kanyang trono ng pagkahari, at ang kanyang kaluwalhatian ay inalis sa kanya.
21 Siya'y pinalayas mula sa mga anak ng mga tao, at ang kanyang puso ay naging gaya ng sa hayop, at ang kanyang tahanan ay kasama ng maiilap na mga asno. Siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kanyang kilalanin na ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa kaharian ng mga tao, at iniluluklok niya roon ang sinumang kanyang maibigan.
22 Ngunit ikaw na kanyang anak, O Belshasar, ay hindi mo pinapagkumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat ng ito!
23 Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit! Kanilang dinala ang mga sisidlan ng kanyang bahay sa harapan mo, at ikaw, at ang iyong mga maharlika, ang iyong mga asawa at ang iyong mga asawang-lingkod, ay uminom ng alak mula sa mga iyon. Pinuri mo ang mga diyos na pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, o nakakaalam man. Ngunit ang Diyos na may hawak sa iyong paghinga, at sa kanya ang lahat mong mga lakad, ay hindi mo niluwalhati.
24 Kaya't mula sa kanyang harapan ay sinugo niya ang kamay, at ang sulat na ito'y iniukit.
25 At ito ang sulat na iniukit: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26 Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang na ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian, at ito ay winakasan.
27 TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang.
28 PERES;[a] ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga-Media at taga-Persia.”
29 Nang magkagayo'y nag-utos si Belshasar, at dinamitan nila si Daniel ng kulay ube, at kuwintas na ginto ang inilagay sa palibot ng leeg niya. Gumawa siya ng pahayag tungkol sa kanya, na siya'y dapat maging ikatlong pinuno sa kaharian.
30 Nang gabing iyon ay napatay si Belshasar na hari ng mga Caldeo.
31 At tinanggap ni Dario na taga-Media ang kaharian, siya noo'y halos animnapu't dalawang taong gulang.
Awit ni David.
110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
“Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”
2 Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
3 Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
sa araw ng iyong kapangyarihan
sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
4 Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
“Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
5 Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
6 Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
7 Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.
111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
2 Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
3 Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
5 Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
6 Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
8 ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(C) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001