Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 8

Dinala ang Kaban sa Templo(A)

Pagkatapos(B) ay tinipon ni Solomon ang matatanda ng Israel at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng bayan ni Israel, sa harapan ni Haring Solomon sa Jerusalem, upang iakyat ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.

Ang(C) lahat ng mamamayan sa Israel ay nagtipon kay Haring Solomon sa kapistahan, sa buwan ng Ethanim, na siyang ikapitong buwan.

At ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagtipon, at binuhat ng mga pari ang kaban.

Kanilang iniakyat ang kaban ng Panginoon, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nasa tolda; iniakyat ang mga ito ng mga pari at ng mga Levita.

Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipon sa kanyang harapan ay kasama niya sa harap ng kaban na nag-aalay ng napakaraming mga tupa at mga baka na di matuturingan o mabibilang man.

At ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan nito, sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.

Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa gawing ibabaw ng kaban, anupa't ang mga kerubin ay kumakanlong sa ibabaw ng kaban at sa mga pasanan niyon.

Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng panloob na santuwaryo, ngunit hindi nakikita sa labas at nandoon ang mga iyon hanggang sa araw na ito.

Walang(D) anumang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises doon sa Horeb, na kung saan ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

10 Kapag(E) ang mga pari ay lumabas sa dakong banal, ang bahay ng Panginoon ay napupuno ng ulap,

11 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang mangasiwa dahil sa ulap; sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.

Nagsalita si Solomon(F)

12 Pagkatapos(G) ay nagsalita si Solomon, “Sinabi ng Panginoon na siya'y maninirahan sa makapal na kadiliman.

13 Ipinagtayo kita ng isang marangal na tahanan, isang dako na iyong tatahanan magpakailanman.”

14 Humarap ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, habang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo.

15 At kanyang sinabi, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang ipinangako ng kanyang bibig kay David na aking ama, na sinasabi,

16 ‘Mula(H) nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel mula sa Ehipto, hindi pa ako pumili ng isang lunsod sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; ngunit aking pinili si David upang maghari sa aking bayang Israel.’

17 Nasa(I) puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

18 Ngunit sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na iyon ay nasa iyong puso.

19 Gayunma'y(J) hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang magiging anak mo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’

20 Ngayon ay tinupad ng Panginoon ang salitang kanyang sinabi, sapagkat ako'y bumangong kapalit ni David na aking ama, at nakaupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

21 At doo'y aking ipinaghanda ng isang lugar ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa ating mga ninuno, nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto.”

22 Pagkatapos ay tumayo si Solomon sa harap ng dambana ng Panginoon, sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at inilahad ang kanyang mga kamay paharap sa langit.

Nanalangin si Solomon(K)

23 At kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba na tumutupad ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad sa harap mo ng buong puso nila,

24 na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama ng iyong ipinangako sa kanya. Ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay sa araw na ito.

25 Ngayon,(L) O Panginoon, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi mawawalan sa iyo ng kapalit sa aking harapan na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa harap ko gaya ng paglakad mo sa harap ko.’

26 Ngayon, O Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David na aking ama.

27 Ngunit(M) totoo bang maninirahan ang Diyos sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkakasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo!

28 Gayunma'y iyong pahalagahan ang dalangin ng iyong lingkod at ang kanyang samo, O Panginoon kong Diyos, na dinggin ang daing at dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harapan mo sa araw na ito;

29 na(N) ang iyong mga mata ay maging bukas nawa sa lugar ng bahay na ito gabi at araw, sa lugar na iyong sinabi, ‘Ang aking pangalan ay doroon;’ upang iyong dinggin ang panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa lugar na ito.

30 Pakinggan mo ang pakiusap ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalanging paharap sa lugar na ito. Oo, dinggin mo sa langit na iyong tahanan; dinggin mo at patawarin.

31 “Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa, at pinasumpa siya ng isang panata, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito,

32 pakinggan mo sa langit, at kumilos ka at hatulan mo ang iyong mga lingkod. Iyong parusahan ang nagkasala sa pamamagitan ng pagpapataw ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo, at ariing-ganap ang matuwid upang bigyan siya ng ayon sa kanyang pagiging matuwid.

33 “Kapag ang iyong bayang Israel na nagkasala laban sa iyo ay nagapi sa harap ng kaaway ngunit muling nanumbalik sa iyo, at kinilala ang iyong pangalan, nanalangin at nagsumamo sa iyo sa bahay na ito,

34 ay pakinggan mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.

35 “Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, at pagkatapos sila'y dumalangin paharap sa dakong ito, at kinilala ang iyong pangalan, at tinalikuran ang kanilang kasalanan, sapagkat iyong pinarusahan[a] sila,

36 pakinggan mo sa langit at patawarin mo ang pagkakasala ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, at sila'y iyong turuan ng mabuting daan na kanilang dapat lakaran; at bigyan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana.

37 “Kung magkaroon ng taggutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng tagtuyot o amag, balang o higad, kung kubkubin sila ng kanilang kaaway sa lupain ng kanilang mga lunsod; anumang salot, anumang sakit na naroon,

38 anumang dalangin at pakiusap na gawin ng sinumang tao, o ng iyong buong bayang Israel, na nalalaman ng bawat tao ang salot sa kanyang sariling puso, at iuunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito,

39 pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, magpatawad, kumilos, at gantihan mo ang bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman ayon sa lahat niyang mga lakad, sapagkat ikaw, ikaw lamang ang nakakaalam ng mga puso ng lahat ng mga anak ng mga tao—

40 upang sila'y matakot sa iyo sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno.

41 “Gayundin ang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel, kapag siya'y magmumula sa isang malayong lupain dahil sa iyong pangalan,

42 sapagkat kanilang mababalitaan ang iyong dakilang pangalan, at ang iyong makapangyarihang kamay, at ang iyong nakaunat na bisig, kapag siya'y paparito at dadalangin paharap sa bahay na ito;

43 pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat na ipapanawagan sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, upang matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.

44 “Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makidigma sa kanyang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa Panginoon paharap sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan;

45 dinggin mo sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang kahilingan at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban.

46 “Kung sila'y nagkasala laban sa iyo, (sapagkat walang taong hindi nagkakasala,) at ikaw ay nagalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, anupa't sila'y dalhing bihag sa lupain ng kaaway sa malayo man o malapit;

47 gayunma'y kung kanilang isapuso ito sa lupain na pinagdalhang-bihag sa kanila, at sila'y magsisi, at magsumamo sa iyo sa lupain ng nagdalang-bihag sa kanila na nagsasabi, ‘Kami ay nagkasala, at kami ay gumawa ng kalikuan, at kami ay gumagawa ng kasamaan’;

48 kung sila'y magsisi ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang mga kaaway, na nagdalang-bihag sa kanila at manalangin sa iyo paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno sa lunsod na pinili mo, at sa bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan,

49 pakinggan mo ang kanilang dalangin at ang kanilang samo sa langit na iyong tahanan, at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban.

50 Patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo, at ang lahat nilang pagsuway na kanilang ginawa laban sa iyo. Mahabag ka sa kanila sa harap ng mga nagdalang-bihag sa kanila, upang sila'y mahabag sa kanila

51 (sapagkat sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas sa Ehipto mula sa gitna ng hurnong bakal).

52 Mabuksan nawa ang iyong mga mata sa dalangin ng iyong lingkod at sa dalangin ng iyong bayang Israel, na iyong dinggin sila kapag sila'y tumatawag sa iyo.

53 Sapagkat iyong ibinukod sila mula sa lahat ng mga bayan sa lupa, upang maging iyong mana, gaya ng iyong ipinahayag sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod, nang iyong ilabas ang aming mga ninuno sa Ehipto, O Panginoong Diyos.”

Ang Basbas ni Solomon

54 Pagkatapos na ialay ni Solomon ang lahat ng dalangin at samong ito sa Panginoon, siya'y tumindig mula sa harap ng dambana ng Panginoon at doon ay lumuhod na ang kanyang mga kamay ay nakalahad paharap sa langit.

55 Siya'y tumayo, at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel ng may malakas na tinig, na sinasabi,

56 “Purihin(O) ang Panginoon na nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayang Israel, ayon sa lahat ng kanyang ipinangako. Walang nagkulang ni isang salita sa lahat niyang mabuting pangako na kanyang ipinangako sa pamamagitan ni Moises na kanyang lingkod.

57 Sumaatin nawa ang Panginoon nating Diyos, kung paanong siya'y sumaating mga magulang, huwag nawa niya tayong iwan o pabayaan man;

58 upang kanyang ibaling ang ating mga puso sa kanya, upang lumakad sa lahat ng kanyang mga daan, at sundin ang kanyang mga utos, at ang kanyang mga tuntunin, at ang kanyang mga kahatulan na kanyang iniutos sa ating mga ninuno.

59 At ang mga salitang ito na aking idinalangin sa harap ng Panginoon ay malapit nawa sa Panginoon nating Diyos sa araw at gabi, at panatilihin nawa niya ang ipinaglalaban ng kanyang lingkod, at ang ipinaglalaban ng kanyang bayang Israel, ayon sa kailangan sa bawat araw;

60 upang malaman ng lahat ng tao sa lupa, na ang Panginoon ay Diyos; wala ng iba.

61 Kaya't maging tapat nawa ang inyong puso sa Panginoon nating Diyos, na lumakad sa kanyang mga tuntunin, at sundin ang kanyang mga utos, gaya sa araw na ito.”

62 Pagkatapos, ang hari at ang buong Israel na kasama niya ay naghandog ng alay sa harap ng Panginoon.

63 Nag-alay si Solomon bilang mga handog pangkapayapaan sa Panginoon, ng dalawampu't dalawang libong baka, at isandaan at dalawampung libong tupa. Ganito itinalaga ng hari at ng lahat ng mga anak ni Israel ang bahay ng Panginoon.

64 Nang araw ding iyon ay ginawang banal ng hari ang gitna ng bulwagan na nasa harap ng bahay ng Panginoon, sapagkat doon niya inialay ang handog na sinusunog, ang handog na butil, at ang mga piraso ng taba ng mga handog pangkapayapaan, sapagkat ang tansong dambana na nasa harap ng Panginoon ay napakaliit, na hindi magkasiya roon ang handog na sinusunog, ang handog na butil, at ang taba ng mga handog pangkapayapaan.

65 Gayon ipinagdiwang ni Solomon ang kapistahan nang panahong iyon at ng buong Israel na kasama niya, isang malaking pagtitipon, mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Ehipto, sa harap ng Panginoon nating Diyos, pitong araw, at pitong araw, samakatuwid ay labing-apat na araw.

66 Nang ikawalong araw ay kanyang pinauwi ang taong-bayan; at kanilang pinuri ang hari at naparoon sa kanilang mga tolda na nagagalak at may masayang puso dahil sa lahat ng kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David na kanyang lingkod, at sa Israel na kanyang bayan.

Efeso 5

Lumakad sa Liwanag

Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal,

at(A) lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy.

Ngunit ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag sanang mabanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal.

Gayundin ang karumihan at hangal na pagsasalita, o mga pagbibiro na di-nararapat, kundi ang pagpapasalamat.

Sapagkat inyong nalalaman na bawat mapakiapid, o mahalay, o sakim, na sumasamba sa mga diyus-diyosan, ay walang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Diyos.

Huwag kayong padaya sa mga salitang walang katuturan, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.

Kaya't huwag kayong makibahagi sa kanila;

sapagkat kayo'y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon. Lumakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag—

(sapagkat ang bunga ng liwanag ay nasa lahat ng mabuti, matuwid at katotohanan)

10 na inaalam kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.

11 At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito.

12 Sapagkat ang mga bagay na palihim nilang ginagawa ay kahiya-hiyang sabihin,

13 subalit ang lahat ng mga bagay na inilantad sa pamamagitan ng liwanag ay nakikita,

14 sapagkat anumang bagay na nakikita ay liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”

15 Kaya't maging maingat kayo sa inyong paglakad, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong,

16 na(B) sinasamantala ang panahon, sapagkat ang mga araw ay masasama.

17 Kaya't huwag kayong maging mga hangal, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

18 Huwag kayong magpakalasing sa alak, na ito ay labis na kahalayan, kundi mapuno kayo ng Espiritu.

19 Kayo'y(C) magsalita sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espirituwal, na sa inyong mga puso ay nag-aawitan at gumagawa ng himig sa Panginoon,

20 laging nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa Diyos na ating Ama.

Ang Relasyong Mag-asawa

21 Pasakop kayo sa isa't isa dahil sa takot kay Cristo.

22 Mga(D) asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa, gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon.

23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, gaya ni Cristo na ulo ng iglesya, na siya ang tagapagligtas ng katawan.

24 Subalit kung paanong ang iglesya ay napapasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng mga bagay.

25 Mga(E) asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, gaya ni Cristo na nagmahal sa iglesya, at ibinigay ang kanyang sarili alang-alang sa kanya;

26 upang kanyang pakabanalin siya, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita,

27 upang kanyang maiharap sa kanyang sarili ang isang maluwalhating iglesya, na walang batik, o kulubot, o anumang gayong bagay, kundi siya ay maging banal at walang dungis.

28 Gayundin naman, nararapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanya-kanyang sariling asawa gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kanyang sariling asawa ay umiibig sa kanyang sarili.

29 Sapagkat walang sinumang napoot sa kanyang sariling katawan, kundi inaalagaan at iniingatan ito, gaya naman ni Cristo sa iglesya;

30 sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan.

31 Dahil(F) dito iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.

32 Ang hiwagang ito ay dakila, subalit ako ay nagsasalita tungkol kay Cristo at sa iglesya.

33 Gayunman, dapat ibigin ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling asawa gaya ng kanyang sarili, at igalang ng babae ang kanyang asawa.

Ezekiel 38

Ang Pahayag Laban sa Gog

38 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak(A) ng tao, humarap ka sa dako ni Gog, sa lupain ng Magog, na pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya,

at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, na pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal.

Paiikutin kita at kakawitan ko ng mga pangbingwit ang iyong mga panga. Ilalabas kita kasama ng iyong buong hukbo, mga kabayo at mga mangangabayo, silang lahat na may sandata na napakalaking pulutong, na may sinturon, kalasag, at mga tabak.

Ang Persia, Etiopia, at Put ay kasama nila; silang lahat ay may kalasag at helmet;

ang Gomer at ang lahat niyang mga pulutong; ang Bet-togarmah mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga, at lahat niyang mga pulutong—maraming bayan ang kasama mo.

“Humanda ka at manatiling handa, ikaw at ang buong hukbo na natipon sa palibot mo, at maging bantay ka nila.

Pagkatapos ng maraming araw ay tatawagin ka. Sa mga huling taon ay hahayo ka laban sa lupain na ibinalik mula sa digmaan, ang lupain na ang mga bayan ay natipon mula sa mga bundok ng Israel, na naging laging giba. Ang mga bayan nito ay kinuha mula sa mga bansa at silang lahat ay naninirahan ngayong tiwasay.

Ikaw ay sasampa, ikaw ay darating na parang bagyo; ikaw ay magiging parang ulap na tatakip sa lupain, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang maraming tao na kasama mo.

10 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na iyon, may mga bagay na darating sa iyong kaisipan, at ikaw ay magbabalak ng masamang panukala.

11 At iyong sasabihin, ‘Ako'y aahon laban sa lupaing may mga nayong walang pader. Ako'y darating sa isang tahimik na bayan na naninirahang tiwasay, silang lahat na naninirahang walang pader, at wala kahit mga halang o mga pintuan man;’

12 upang kumuha ng samsam at magdala ng nakaw, upang wasakin ang mga gibang dako na tinatahanan ngayon, at ang bayan na tinipon mula sa mga bansa, na nagkaroon ng mga hayop at mga ari-arian, na nagsisitahan sa gitna ng daigdig.

13 Ang Seba, Dedan, ang mga mangangalakal sa Tarsis at ang lahat nitong mga nayon, ay magsasabi sa iyo, ‘Naparito ka ba upang kumuha ng samsam? Tinipon mo ba ang iyong pulutong upang kumuha ng samsam, upang magdala ng pilak at ginto, upang magdala ng mga hayop at mga ari-arian, upang kumuha ng malaking samsam?’

14 “Kaya't anak ng tao, ikaw ay magsalita ng propesiya, at sabihin mo kay Gog, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na ang aking bayang Israel ay naninirahang tiwasay, di mo ba malalaman?

15 Ikaw ay darating mula sa iyong dako, mula sa mga kadulu-duluhang bahagi ng hilaga, ikaw at ang maraming tao na kasama mo, silang lahat na nakasakay sa mga kabayo, isang malaking pulutong at makapangyarihang hukbo.

16 Ikaw ay aahon laban sa aking bayang Israel, gaya ng ulap na tumatakip sa lupain. Sa mga huling araw, dadalhin kita laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa, kapag sa pamamagitan mo, O Gog, ay pinatunayan ko ang aking kabanalan sa harapan ng kanilang mga mata.

17 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ikaw ba ang aking kinausap noong una sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na nagsalita ng propesiya nang mga araw na iyon sa loob ng maraming taon na aking dadalhin ka laban sa kanila?

18 Ngunit sa araw na iyon, kapag si Gog ay pumaroon laban sa lupain ng Israel, ang aking poot ay mag-aalab, sabi ng Panginoong Diyos.

19 Sapagkat sa aking paninibugho at sa aking nag-aalab na poot ay nagpahayag ako, tunay na sa araw na iyon ay magkakaroon ng malaking panginginig sa lupain ng Israel.

20 Ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa himpapawid, ang mga hayop sa parang, at lahat ng gumagapang na bagay sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao na nasa ibabaw ng lupa, ay manginginig sa aking harapan. Ang mga bundok ay maguguho at ang matatarik na dako ay guguho, at bawat pader ay babagsak sa lupa.

21 Aking ipatatawag sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kanya, sabi ng Panginoong Diyos; ang tabak ng bawat lalaki ay magiging laban sa kanyang kapatid.

22 Hahatulan ko siya sa pamamagitan ng salot at pagdanak ng dugo. Pauulanan ko siya, ang kanyang mga pulutong, at ang maraming bayan na kasama niya ng napakalakas na ulan at ng malalaking yelo, ng apoy, at ng asupre.

23 Kaya't aking ipapakita ang aking kadakilaan at kabanalan at ipapakilala ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Mga Awit 89

Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.

89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
    sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
    itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.

“Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
    ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
    at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)

Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O Panginoon,
    ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal!
Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa Panginoon?
    Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng Panginoon,
isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal,
    dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya?
O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    sino ang makapangyarihang gaya mo, O Panginoon?
    Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo.
Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat;
    kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay,
    pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway.
11 Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo,
    ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo.
12 Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang,
    ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig;
    malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay.
14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
    ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
    na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
    at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
    sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
    ang aming hari sa Banal ng Israel.

19 Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi,
    “Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan;
    aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan.
20 Si(C) David na aking lingkod ay aking natagpuan,
    ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran,
21 na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag,
    ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kaaway;
    ni hindi siya masasaktan ng masama.
23 Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya,
    at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya.
24 Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya,
    at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya.
25 Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat,
    at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog.
26 Siya'y dadaing sa akin, ‘Ikaw ay Ama ko,
    Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.’
27 Gagawin(D) ko siyang panganay,
    ang pinakamataas sa mga hari sa lupa.
28 Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat,
    at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag.
29 Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman,
    at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit.
30 Kung tatalikuran ang aking kautusan ng kanyang mga anak,
    at hindi lumakad sa aking mga batas,
31 at ang aking mga tuntunin ay kanilang labagin,
    at ang aking mga utos ay hindi nila sundin,
32 kung magkagayo'y ang kanilang mga pagsuway, sa pamamagitan ng pamalo ay aking parurusahan,
    at sa pamamagitan ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
33 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pagmamahal,
    o maging hindi tunay sa aking katapatan.
34 Ang aking tipan ay hindi ko lalabagin,
    ni ang salita na lumabas sa aking mga labi ay aking babaguhin.
35 Minsan at magpakailanman ay sumumpa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan,
    kay David ay hindi ako magsisinungaling.
36 Ang kanyang mga lahi ay mananatili magpakailanman;
    ang kanyang trono ay magiging gaya ng araw sa aking harapan.
37 Gaya ng buwan, ito ay matatatag magpakailanman,
    at tapat ang saksi sa kalangitan.” (Selah)

38 Ngunit ngayo'y iyong itinakuwil at tinanggihan,
    ikaw ay punô ng galit sa iyong pinahiran ng langis.
39 Iyong tinalikuran ang tipan ng iyong lingkod;
    dinungisan mo ang kanyang korona sa alabok.
40 Giniba mo ang lahat ng mga pader niya,
    ang kanyang mga tanggulan ay iginuho mo pa.
41 Sinamsaman siya ng lahat ng dumadaan sa lansangan,
    siya'y naging katawa-tawa sa kanyang kapwa.
42 Iyong itinaas ang kanang kamay ng kanyang mga kaaway;
    iyong pinagalak ang lahat niyang mga kalaban.
43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kanyang tabak,
    at hindi mo siya itinayo sa pakikipaglaban.
44 Ginawa mong maglaho ang kanyang kakinangan,
    at sa lupa'y inihagis mo ang kanyang trono.
45 Iyong pinaikli ang mga araw ng kanyang kabataan,
    tinakpan mo siya ng kahihiyan. (Selah)

46 O Panginoon, hanggang kailan ka magkukubli? Magpakailanman?
    Ang pagniningas ng iyong poot na parang apoy ay hanggang kailan?
47 Alalahanin mo kung ano ang sukat ng buhay ko,
    sa anong walang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao!
48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan?
    Maililigtas ba niya ang kanyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)

49 Panginoon, nasaan ang dati mong tapat na pag-ibig,
    na iyong isinumpang may katapatan kay David?
50 Alalahanin mo, O Panginoon, kung paano nilibak ang lingkod mo,
    kung paanong sa aking dibdib ang paghamak ng mga bayan ay taglay ko,
51 na itinuya ng iyong mga kaaway, O Panginoon,
    na sa pamamagitan nito ay kanilang pinagtatawanan ang mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen at Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001