Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 31

Si Josue ang Kahalili ni Moises

31 Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita. Ang(A) sabi niya, “Sandaa't dalawampung taon na ako ngayon at hindi ko na kayo kayang pamunuan. Bukod dito, sinabi sa akin ni Yahweh na hindi ako maaaring tumawid sa Jordan. Ang Diyos ninyong si Yahweh mismo ang mangunguna sa inyo. Pupuksain niya ang mga bansang daraanan ninyo upang mapasainyo ang lupain nila. Si Josue ang inyong magiging pinuno gaya ng sinabi ni Yahweh. Ang(B) mga bansang iyon ay lilipulin ni Yahweh tulad ng ginawa niya sa mga haring Amoreo na sina Sihon at Og, at sa kani-kanilang kaharian. Sila'y ipapabihag ni Yahweh sa inyo at gagawin naman ninyo sa kanila ang sinabi ko sa inyo. Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.”

Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng sambayanan ng Israel ay sinabi ang ganito: “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mangunguna sa bayang ito sa pagsakop sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa kanilang mga ninuno. Si(C) Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”

Dapat Basahin ang Kautusan Tuwing Ikapitong Taon

Isinulat ni Moises ang mga utos at ibinigay ito sa mga paring tagadala ng Kaban ng Tipan, at sa matatandang namumuno sa bayan. 10 Sinabi(D) niya, “Sa Pista ng mga Tolda tuwing katapusan ng ikapitong taon na siyang taon ng pagpapatawad ng utang, 11 basahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa lugar na pipiliin ni Yahweh upang doo'y sambahin siya. 12 Tipunin ninyong lahat ang mga lalaki, babae, bata, pati ang mga dayuhang kasama ninyo upang marinig nila ang kautusang ito. Sa ganoon, matututo silang matakot sa Diyos ninyong si Yahweh at sumunod sa kanyang mga utos. 13 Pati ang inyong mga anak na hindi pa nakaaalam nito ay magkakaroon ng takot kay Yahweh habang sila'y nabubuhay sa lupaing titirhan ninyo sa ibayo ng Jordan.”

Ang Huling Tagubilin ni Yahweh kay Moises

14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila. 15 Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan.

16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nalalapit na ang iyong kamatayan. Kapag nangyari na ito, ang Israel ay magpapakasama at maglilingkod sa mga diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan nila. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 17 Kung magkaganoon, magagalit ako sa kanila. Itatakwil ko sila't tatalikuran, at sila'y madaling mabibihag ng kaaway. Daranas sila ng mga kaguluhan at kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito'y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama.

18 “Pababayaan ko sila dahil sa kasamaang ginawa nila, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan. 19 Kaya nga, isulat mo ang awiting ito at ituro sa bansang Israel upang maging tagapagpaalala sa kanila. 20 Kapag nadala ko na sila sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, tulad ng aking pangako sa kanilang mga ninuno, mamumuhay na sila nang sagana at tiwasay. Ngunit sasamba sila at maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 21 Kung dumating na sa kanila ang matinding kahirapan at kaguluhan, ang awit na ito ang siyang susumbat sa kanila sapagkat matatanim ito sa isipan ng magiging lahi nila. Hindi ko pa sila nadadala sa lugar na ibibigay ko sa kanila ay alam ko na ang kanilang binabalak.”

22 Nang araw ring iyon, sinulat niya ang isang awit at itinuro ito sa mga Israelita.

23 Itinalaga(E) ni Yahweh si Josue na anak ni Nun. Sinabi niya, “Magpakatatag at lakasan mo ang loob mo sapagkat ikaw ang mangunguna sa Israel sa pagpunta nila sa lupaing ipinangako ko sa kanila. Hindi kita pababayaan.”

24 Matapos isulat ni Moises sa isang aklat ang buong kautusan, 25 sinabi niya sa mga pari, 26 “Dalhin ninyo ang aklat na ito at itabi sa Kaban ng Tipan upang maging babala sa inyo. 27 Alam kong kayo'y mapaghimagsik at matigas ang ulo. Kung ngayong buháy pa ako ay lagi kayong naghihimagsik kay Yahweh, lalo na kung patay na ako. 28 Pupulungin ko ang inyong matatanda at ang inyong mga pinuno. Ipapaliwanag ko sa kanila ang mga bagay na ito, at gagawin kong saksi ang langit at lupa laban sa kanila. 29 Sapagkat natitiyak kong kayo'y magpapakasama pagkamatay ko, lilihis kayo sa daang itinuro ko sa inyo. Darating ang araw na magagalit sa inyo si Yahweh dahil gagawin ninyo ang pinakaaayawan niya.”

Ang Awit ni Moises

30 Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita:

Mga Awit 119:97-120

Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh

(Mem)

97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
    araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
    kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
    pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
    pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
    ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
    pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
    matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
    kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.

Kaliwanagan mula sa Kautusan ni Yahweh

(Nun)

105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
    sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
    tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107 Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
    sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
    yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
    pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
    ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
    sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112 Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.

Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh

(Samek)

113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
    ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
    ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
    pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
    ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
    ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
    ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
    kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
    sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.

Isaias 58

Ang Tunay na Pagsamba

58 Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas;
    itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta.
Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila'y ihayag.
Sinasangguni nila ako sa araw-araw,
    tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay.
Kung kumilos sila ay parang matuwid,
    at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos.
Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya;
    nais nila'y maging malapit sa Diyos.”

Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin?
    Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma'y magpakumbaba?”
Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno,
    at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa.
Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan,
    kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban.
Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon,
    kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin.
Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran?
    Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbaba ang mga tao?
Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin,
    o mahiga kayo sa sako at abo?
Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan,
    isang araw na nakalulugod kay Yahweh?

“Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo:
    Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo;
    kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin.
Palayain ninyo ang mga inaapi,
    at baliin ang mga pamatok ng mga alipin.
Ang(A) mga nagugutom ay inyong pakainin,
    ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin.
Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit.
    At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.
Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway,
    hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan.
Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa,
    at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh.
Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin;
    kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’

“Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi,
    maling pagbibintang at pagsisinungaling;
10 kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin,
    at tutulungan ang mahihirap,
sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman,
    at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
11 Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh
    at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto.
    Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto.
At magiging tulad kayo ng isang hardin,
    na binubukalan ng masaganang tubig,
    o isang batis na hindi natutuyo.
12 Muli ninyong itatayo ang kutang gumuho,
    at itatatag ito sa dating pundasyon.
Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng mga nawasak na pader,
    mga tagapagtatag ng bagong pamayanan.”

13 Sinabi pa ni Yahweh, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga,
    huwag kayong gagawa para sa pansariling kapakanan sa araw na banal.
Sa araw na ito'y mamamahinga kayo at huwag maglalakbay,
    o gagawa o mag-uusap ng tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan.
14 At kung magkagayon, madarama ninyo ang kagalakan ng paglilingkod sa akin.
    Bibigyan ko kayo ng karangalan sa harap ng buong daigdig;
at tatamasahin ninyo ang kaligayahan habang naninirahan sa lupaing ibinigay ko sa ninuno ninyong si Jacob.
    Mangyayari ito sapagkat akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Mateo 6

Katuruan tungkol sa Paglilimos

“Pag-ingatan(A) ninyong hindi pakitang-tao ang pagtupad ninyo sa inyong mga tungkulin sa Diyos. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.

“Kaya nga, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y purihin ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipaalam ito maging sa matalik mong kaibigan. Gawin mong lihim ang iyong pagbibigay ng limos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”

Katuruan tungkol sa Pananalangin(B)

“Kapag(C) nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.

“Sa(D) pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin,

‘Ama naming nasa langit,
    sambahin nawa ang iyong pangalan.
10     Dumating nawa ang iyong kaharian.[a]
    Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11     Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw;[b]
12     at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.
13     At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.]’[c]

14 “Sapagkat(E) kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang inyong kapwa, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.”

Katuruan tungkol sa Pag-aayuno

16 “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa(F) halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok 18 upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”

Ang Kayamanan sa Langit(G)

19 “Huwag(H) kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. 20 Sa(I) halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”

Ang Ilaw ng Katawan(J)

22 “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”

Diyos o Kayamanan?(K)

24 “Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.

25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa [inyong iinumin][d] upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

28 “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit(L) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit nang singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinadamitan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!

31 “Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. 33 Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos][e] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.

34 “Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.