M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagpapala ng Pagsunod kay Yahweh
11 “Kaya nga, ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at sundin ninyong lagi ang lahat ng kanyang bilin, tuntunin, batas, at utos. 2 Tandaan ninyo ngayon ang kanyang mga pagtutuwid sa inyo. Alam ninyo ito sapagkat nasaksihan mismo ninyo (hindi tulad ng inyong mga anak na hindi dumaan sa mga ito). Nakita ninyo ang kanyang kadakilaan at kapangyarihan, 3 ang(A) mga kababalaghan, at lahat ng ginawa niya sa Faraon at sa buong Egipto. 4 Nasaksihan(B) din ninyo ang ginawa niya sa buong hukbo ng Egipto pati sa kanilang mga karwahe't kabayo; nilunod sila ni Yahweh sa Dagat na Pula[a] nang kayo'y habulin nila. 5 Hindi rin kaila sa inyo ang ginawa niya nang kayo'y nasa ilang hanggang makarating kayo sa lugar na ito. 6 Nakita(C) ninyo ang ginawa niya kina Datan at Abiram, mga anak ni Eliab at apo ni Ruben. Pinabuka ni Yahweh ang lupa at ipinalamon sila nang buháy, pati na ang kanilang mga kasama at sambahayan, at lahat ng bagay na kaugnay ng kanilang ginawa. 7 Kitang-kita ng inyong mga mata ang lahat ng mga kababalaghang ginawa ni Yahweh.
Ang mga Pagpapala sa Lupang Pangako
8 “Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos niya na ipinapaalala ko sa inyo ngayon upang magkaroon kayo ng lakas na sakupin at ariin ang lupaing papasukin ninyo. 9 Dahil dito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, at sa kanilang magiging lahi—ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Ang lupaing titirhan ninyo ay hindi tulad ng lupaing iniwan ninyo sa Egipto. Doon, ang hinahasikan ninyo ay kailangang patubigan at diligin tulad ng hardin. 11 Ngunit ang lupaing pupuntahan ninyo ay laging inuulan, maraming burol at malawak ang mga kapatagan. 12 Ang lupaing iyon ay palaging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ninyong si Yahweh.
13 “Kaya(D) nga, kung susundin lamang ninyo ang utos na sinasabi ko sa inyo ngayon: Ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at paglingkuran nang buong puso't kaluluwa, 14 sa tamang panahon ay pauulanin niya sa lupaing iyon, at magiging sagana kayo sa pagkain, inumin at langis. 15 Pananatilihin niyang sariwa ang damo para sa inyong mga alagang hayop upang kayo'y sumagana sa lahat ng bagay. 16 Ngunit mag-ingat kayo! Huwag kayong padadaya. Huwag kayong sasamba ni maglilingkod sa mga diyus-diyosan. 17 Kapag tinalikuran ninyo si Yahweh, kapopootan niya kayo. Isasara niya ang langit at hindi ito pauulanin. Kapag nangyari ito, mamamatay ang inyong mga pananim, at malilipol kayo sa mabuting lupaing ibinigay niya sa inyo.
18 “Itanim(E) nga ninyo ang mga utos na ito sa inyong mga puso't kaluluwa. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, at itali sa inyong noo. 19 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. 20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at tarangkahan 21 upang kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Mananatili kayo roon hangga't ang langit ay nasa ibabaw ng lupa.
22 “Kapag sinunod ninyong mabuti ang kanyang mga utos, inibig siya nang tapat, sinundan ang kanyang mga landas, at nanatili kayo sa kanya, 23 palalayasin niya ang mga tao sa lugar na titirhan ninyo. Masasakop ninyo ang lupain ng mga bansang mas malalaki at malalakas kaysa inyo. 24 Kung(F) magkaganoon, ibibigay niya sa inyo ang lahat ng lupang matapakan ninyo; masasakop ninyo mula sa ilang hanggang Lebanon, at mula sa Ilog Eufrates sa gawing silangan hanggang Dagat Mediteraneo sa gawing kanluran. 25 Walang makakatalo sa inyo. Tulad ng pangako ng Diyos ninyong si Yahweh, sisidlan niya ng matinding takot ang lahat sa lupaing pupuntahan ninyo.
26 “Sa araw na ito, binibigyan ko kayo ng pamimilian: pagpapala o sumpa. 27 Pagpapala kapag sinunod ninyo ang kanyang mga utos, 28 ngunit sumpa kapag sumamba kayo sa ibang diyos sa halip na sumunod sa kanyang mga utos. 29 Kapag(G) nadala na kayo ni Yahweh sa lupaing inyong sasakupin at aariin, ang pagpapala ay bibigkasin ninyo sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa'y sa Bundok ng Ebal. 30 Ang mga ito'y nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Gilgal, sa tabi ng Encinar ng Moreh, sa lansangang pakanluran, sa lupain ng mga Cananeo sa Araba. 31 Malapit na kayong tumawid ng Jordan upang sakupin ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh. Pagdating ninyo roon, 32 sundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at tuntuning inilahad ko ngayon sa inyo.
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
95 Tayo na't lumapit
kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
2 Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
3 Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
4 Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
5 Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.
6 Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
7 Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.
At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
8 “Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
9 Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”
Diyos ang Kataas-taasang Hari(E)
96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
2 Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
3 Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
4 Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
5 Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
6 Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.
7 O(F) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
8 Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
9 Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.
10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.
Mga Sugo mula sa Babilonia(A)
39 Nabalitaan ni Merodac-Baladan na hari ng Babilonia, na anak ni Baladan, na si Hezekias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang sulat at regalo. 2 Labis itong ikinagalak ni Hezekias at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang mga itinagong pilak, ginto, mga pabango, mamahaling langis, at ang mga sandata sa arsenal. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo. 3 Nang dumating si Isaias, tinanong niya si Haring Hezekias, “Saan ba nanggaling ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa iyo?” Sumagot ang hari, “Sa malayong lugar sila nanggaling; buhat pa sila sa Babilonia.” 4 Nagtanong na muli si Isaias, “Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?” Sinabi ng hari, “Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega.”
5 Dahil dito'y sinabi ni Isaias, “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: 6 ‘Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa mga iyon!’ 7 Pati(B) ang iyong salinlahi na ipapanganak pa lamang ay dadalhin sa Babilonia at gagawin nilang mga eunuko sa palasyo ng hari.” 8 “Ang sinabi mong iyan buhat kay Yahweh ay mabuti,” sagot ni Hezekias. Sinabi niya ito sapagkat iniisip niyang magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan habang siya'y nabubuhay.
9 Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita kong nahulog sa lupa ang isang bituin; ibinigay rito ang susi sa bukana ng napakalalim na hukay. 2 Binuksan(A) ng bituin ang napakalalim na hukay at may lumabas na makapal na usok, tulad ng usok ng malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid. 3 Mula sa usok ay(B) may naglabasang mga balang na kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang tulad ng sa mga alakdan. 4 Ipinagbilin(C) sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan. 5 Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lamang sa loob ng limang buwan. Parang kagat ng alakdan ang kirot na dulot ng mga balang na ito. 6 Sa(D) loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito.
7 Ang(E) anyo ng mga balang ay tulad sa mga kabayong handa na sa pakikipagdigma. Sa kanilang ulo ay may parang koronang ginto, at parang mukha ng tao ang kanilang mukha. 8 Parang(F) buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. 9 Natatakpan(G) ng parang mga baluting bakal ang kanilang dibdib at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng maraming karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan. 10 Sila ay may mga buntot na may tulis gaya ng sa alakdan. Nasa buntot nila ang kapangyarihang manakit ng mga tao sa loob ng limang buwan. 11 Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa napakalalim na hukay. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon,[a] at sa wikang Griego'y Apolion.[b]
12 Nakaraan na ang unang lagim; dalawa pang lagim ang darating.
13 Hinipan(H) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14 Iniutos nito sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates.” 15 At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taóng ito. 16 Narinig ko na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon (200,000,000). 17 Sa(I) aking pangitain ay nakita ko ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre. 18 Ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay pinatay ng tatlong salot na ito: ang apoy, usok at asupre na nagmula sa bibig ng mga kabayo. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang kanilang mga buntot ay parang ahas na may ulo, na siyang ginagamit nila sa pananakit ng tao.
20 Ang(J) natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man. 21 Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.