Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 13-14

13 “Kung sa inyo'y may lumitaw na propeta o nagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip, at nagpakita siya ng kababalaghan o kaya'y nagkatotoo ang kanyang pahayag, subalit hinihikayat kayong sumamba sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, huwag kayong makikinig sa kanya. Pagsubok lamang iyon ni Yahweh sa inyo kung talagang iniibig ninyo siya nang buong puso't kaluluwa. Si Yahweh lamang ang inyong sundin. Matakot kayo sa kanya at sundin ninyo ang kanyang mga utos. Paglingkuran ninyo siya, at manatili kayong tapat sa kanya. At ang propetang iyon o ang nagbibigay ng kahulugan sa panaginip ay dapat patayin sapagkat inuudyukan niya ang mga tao upang maghimagsik kay Yahweh na inyong Diyos, na siyang nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto; hinihikayat nila kayong iwan ang daang itinuro niya sa inyo. Iyan ay masama at dapat ninyong iwasan.

“Sinuman ang lapitan ng kanyang kapatid, anak, asawa, o matalik na kaibigan upang lihim na hikayating sumamba at maglingkod sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, o kaya'y sa diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan ninyo, maging malapit o malayo, huwag ninyo siyang papakinggan. Huwag ninyo siyang kaaawaan, o pagtatakpan. Sa halip, patayin ninyo siya. Ang nilapitan ang unang babato sa kanya, pagkatapos ay ang taong-bayan. 10 Batuhin ninyo siya hanggang mamatay sapagkat hinikayat niya kayong tumalikod kay Yahweh na inyong Diyos at siyang nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto. 11 Kapag ito'y napabalita sa buong Israel, wala nang mangangahas pang gumawa ng ganoon, at magkakaroon ng takot ang lahat.

12 “Kapag nabalitaan ninyo na sa alinman sa mga lunsod na ibinigay sa inyo ni Yahweh 13 ay may manlilinlang, at nanghihikayat sa mga tagaroon upang sumamba at maglingkod sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, 14 siyasatin ninyo itong mabuti. Kapag napatunayan ninyong totoo, 15 patayin ninyong lahat ang tagaroon, maging ang kanilang mga alagang hayop. 16 Ang lahat ng masamsam ninyo roon ay ipunin ninyo sa liwasan at sunugin pati ang buong lunsod upang maging handog kay Yahweh. Ang lugar na iyon ay hahayaan ninyong ganoon at hindi na dapat itayo pang muli. 17 Huwag kayong kukuha ng anumang ipinagbabawal sa inyo para hindi magalit si Yahweh sa inyo. Mahahabag siya sa inyo, at kayo'y kanyang pararamihin, tulad ng pangako niya sa inyong mga ninuno, 18 kung papakinggan ninyo ang tinig ng Diyos ninyong si Yahweh, susundin ang kanyang mga utos, at patuloy na gagawin ang ayon sa kanyang kalooban.

Maling Kaugalian ng Pagluluksa

14 “Kayo(A) ang mga anak ng Diyos ninyong si Yahweh. Kung ang isang mahal sa buhay ay mamatay, huwag ninyong hihiwaan ang inyong sarili ni aahitan ang inyong noo upang ipakita lamang na kayo'y nagluluksa. Kayo(B) ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan.

Ang Malilinis at ang Maruruming Hayop(C)

“Huwag kayong kakain ng anumang bagay na marumi. Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: baka, tupa, kambing, usa, gacela, kambing bundok, antilope, at tupang bundok. Maaari rin ninyong kainin ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkain mula sa sikmura. Huwag din ninyong kakainin iyong ngumunguya ngunit hindi biyak ang kuko, tulad ng kamelyo, kuneho, at dagang bukid. Ang mga ito ay marurumi. Ang baboy ay dapat ding ituring na marumi sapagkat biyak man ang kuko, hindi naman ito ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Huwag ninyo itong kakainin ni hahawakan ang kanilang bangkay.

“Sa mga nilikha sa tubig, ang lahat ng may palikpik at kaliskis ay maaari ninyong kainin. 10 Huwag ninyong kakainin ang mga walang kaliskis at walang palikpik; ito ay marurumi.

11-18 “Maaari ninyong kainin ang malilinis na ibon. Ngunit ito ang mga ibon na huwag ninyong kakainin: agila, buwitre, agilang dagat; azor, falcon, at lahat ng uri ng milano; lahat ng uri ng uwak; ang ostrits, kuwago, gaviota, at lahat ng uri ng lawin; lahat ng uri ng kuwago, sisne, pelicano, buwitre, somormuho; lahat ng uri ng tagak, abudilla, kabag, at paniki.

19 “Lahat ng kulisap na may pakpak ay marurumi. Huwag ninyong kakainin ang mga ito. 20 Maaari ninyong kainin ang anumang malilinis na ibon maliban sa mga nabanggit.

21 “Huwag(D) ninyong kakainin ang anumang hayop na basta na lamang namatay. Maaari ninyo itong ibigay o ipagbili sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Ito'y sa dahilang kayo'y sambayanang inilaan sa Diyos ninyong si Yahweh.

“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.

Ang Tuntunin tungkol sa Ikasampung Bahagi

22 “Kukunan(E) ninyo ng ikasampung bahagi ang inyong ani taun-taon. 23 Ang ikasampung bahagi ng inyong ani, alak, langis, at ang panganay ng inyong mga alagang hayop ay doon ninyo kakainin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh upang siya'y inyong maparangalan. 24 Kung malayo ang lugar na pipiliin niya at magiging mahirap dalhin doon ang ikasampung bahagi ng inyong ani, 25 ipagbili ninyo iyon, at dalhin ang pinagbilhan sa lugar na pinili niya. 26 Pagdating doon, bumili kayo ng anumang gusto ninyo: baka, tupa, alak, o inuming nais ninyo at siya ninyong pagsalu-saluhang mag-anak bilang pagdiriwang sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh. 27 Ngunit huwag ninyong kalilimutang bigyan ang mga Levita sa inyong lugar, yamang sila'y walang kaparte sa lupaing minana ninyo.

28 “Tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani tuwing ikatlong taon. 29 Ito ay ibibigay ninyo sa mga Levita yamang wala silang kaparte sa inyong lupain. Bibigyan din ninyo ang mga dayuhang kasama ninyo, ang mga ulila, at ang mga balo. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong mga gawain.

Mga Awit 99-101

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
    mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
    kaya daigdig ay nayayanig.
Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
    si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
    si Yahweh ay banal!

Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
    ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
    ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
    sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
    Si Yahweh ay banal!

Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
    at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
    nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
    sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.

O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
    at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
    ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
    sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!

Awit ng Pagpupuri

Isang Awit ng Pasasalamat.

100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
    lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!

O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
    tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
    lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
    umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
    purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!

Napakabuti(C) ni Yahweh,
    pag-ibig niya'y walang hanggan,
    pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!

Ang Pangako ng Hari

Isang Awit na katha ni David.

101 Ang aking awitin ay ang katapatan at ang katarungan;
    ako'y umaawit patungkol sa iyo, O Yahweh kong mahal;
ang aking susunding lagi ay ugaling walang kapintasan,
    kailan ka kaya darating sa aki't ako'y lalapitan?
Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
    sa buhay kong ito ang gawang masama'y di ko tutulutan.
Ang sinumang taong gawai'y masama, di ko sasamahan,
    di ko papansinin kung sinuman siyang ang Diyos ay kalaban.
Aking sisikapin na ang masunod ko'y ang gawaing tapat;
    maging sa isipan di ko iisipin ang gawang di tumpak.
Siyang naninira ng kanyang kapwa'y aking wawasakin;
    di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.

Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa,
    sa aking palasyo ay papayagan ko na doon tumira,
kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.

Sa aking palasyo yaong sinungaling di ko papayagan,
    sa aking presensya ang mapagkunwari'y di ko tutulutan.
Lahat ng masama, araw-araw sila'y aking wawasakin;
    lahat ng masama sa lunsod ni Yahweh ay palalayasin!

Isaias 41

Ang Pangako ng Diyos sa Israel

41 Sinabi ni Yahweh,
“Tumahimik kayo at makinig, kayo na nasa malalayong lupain!
Pag-ibayuhin ninyo ang inyong lakas,
    at dalhin sa hukuman ang inyong usapin.
Doon ang panig ninyo ay papakinggan upang malaman kung sino ang may katuwiran.

“Sino ang nagdala sa isang mananakop mula sa silangan,
    at nagbigay ng tagumpay sa lahat ng kanyang pakikipaglaban?
Ang mga hari't mga bansa ay parang alikabok na lumilipad
    sa bawat hataw ng kanyang tabak;
    at parang dayaming tinatangay dahil sa kanyang pana.
Buong bilis na tinutugis niya ang mga kaaway,
    ang kanyang mga paa'y hindi halos sumayad sa lupa.
Sinong nasa likod ng lahat ng ito?
    Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula?
Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man,
    at mananatili hanggang sa katapusan.

“Ito'y nasaksihan ng mga tao sa malalayong lupain,
    at nanginginig sila sa takot;
    kaya silang lahat ay lumapit sa akin at sumamba.
Sila-sila ay nagtutulungan at nagpapayuhan, ‘Huwag kayong matakot.’
Sinabi ng mga karpintero sa mga panday-ginto, ‘Magandang trabaho!’
    Hinangaan ng mga gumagawa ng rebulto ang mga nagkabit-kabit nito,
at ang sabi, ‘Mahusay ang pagkahinang’;
    pagkatapos ay ipinako ang rebulto sa patungan nito.

“Ngunit(A) ikaw, Israel, na aking lingkod
    lahi ni Abraham na aking kaibigan.
    Ikaw ang bayang aking hinirang.
Ikaw ay kinuha ko sa mga dulo ng daigdig;
    sa pinakamalalayong sulok nito,
    sinabi ko sa iyo noon, ‘Ikaw ay aking lingkod.’
Pinili kita at hindi itinakwil.
10 Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot,
    ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba.
Palalakasin kita at tutulungan,
    iingatan at ililigtas.

11 “Lahat ng may galit sa iyo
    ay mapapahiya,
at mamamatay ang sinumang lumaban sa iyo.
12 Hahanapin ninyo sila ngunit hindi makikita,
    mawawala na sila ng lubusan dito sa lupa.
13 Ako si Yahweh na inyong Diyos,
    ang magpapalakas sa inyo.
Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”

14 Sinabi pa ni Yahweh,
“Israel, mahina ka man at maliit,
    huwag kang matakot, sapagkat tutulungan kita.
Ako ang iyong tagapagligtas, ang banal na Diyos ng Israel.
15 Gagawin kitang tulad ng panggiik,
    na may bago at matatalim na ngipin.
Iyong gigiikin ang mga bundok at burol,
    at dudurugin hanggang maging alabok.
16 Ihahagis mo sila at tatangayin ng hangin;
    pagdating ng bagyo ay pakakalatin.
Magdiriwang kayo sa pangalan ni Yahweh,
    at pararangalan ang Banal na Diyos ng Israel.

17 “Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan,
    na halos matuyo ang kanilang lalamunan,
akong si Yahweh ang gagawa ng paraan;
    akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya.
18 Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol,
    aagos ang masaganang tubig sa mga libis;
gagawin kong lawa ang disyerto,
    may mga batis na bubukal sa tuyong lupain.
19 Ang mga disyerto'y pupunuin ko ng akasya't sedar,
    kahoy na olibo at saka ng mirto;
    kahoy na sipres, alerses at pino.
20 At kung magkagayon,
    makikita nila at mauunawaan
na akong si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
    ang gumawa at lumikha nito.”

Walang Kabuluhang mga Diyus-diyosan

21 Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Hari ni Jacob:
    “Kayo ay lumapit, mga diyus-diyosan, ang panig ninyo ay ipaglaban.
22 Lumapit kayo at inyong hulaan
    ang mga mangyayari sa kinabukasan.
Ipaliwanag ninyo sa harap ng hukuman,
    upang pagtuunan ng aming isipan,
    ang mga pangyayari sa kahapong nagdaan.
23 Maniniwala kaming kayo nga ay diyos
    kapag ang hinaharap inyong mahulaan.
Kayo'y magpakita ng anumang gawang mabuti, o kahit masama,
    nang kami'y masindak o kaya'y manghina.
24 Kayo at ang inyong gawa'y walang kabuluhan;
    ang sumasamba sa inyo ay kasuklam-suklam.

25 “Mayroon akong isang taong pinili mula sa silangan,
    at aking pinasasalakay mula sa hilaga.
Parang lupang kanyang tatapakan ang mga hari,
    tulad ng pagmamasa sa putik na ginagawang palayok.
26 Mula sa simula sino sa inyo ang nakahula na ito'y mangyayari,
    para masabi naming siya ay tama?
Walang sinabing anuman tungkol dito ang isa man sa inyo.
27 Akong si Yahweh ang unang nagbalita nito sa Jerusalem,
    nang ipasabi ko sa aking sugo ang ganito:
    “Ang aking bayan ay uuwi na.”
28 Nang ako'y maghanap
    wala akong nasumpungang tagapayo,
    na handang sumagot sa sandaling magtanong ako.
29 Lahat ng diyus-diyosan ay walang kabuluhan.
    Wala silang magagawang anuman
    dahil sila'y mahihina at walang kapangyarihan.”

Pahayag 11

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos,(A) binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabihan, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos at ang dambana, at bilangin mo ang mga sumasamba roon. Ngunit(B) huwag mo nang sukatin ang mga bulwagan sa labas ng templo, sapagkat ibinigay na iyon sa mga taong di-kumikilala sa Diyos. Yuyurakan nila ang Banal na Lungsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. Isusugo ko ang dalawa kong saksi na nakadamit ng sako, at sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw ay ipahahayag nila ang mensaheng mula sa Diyos.”

Ang(C) mga saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng daigdig. Kapag may nagtangkang manakit sa kanila, may lalabas na apoy sa kanilang bibig at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Sa ganoong paraa'y mamamatay ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. May(D) kapangyarihan silang isara ang langit upang hindi umulan sa panahon ng pagpapahayag nila ng mensaheng mula sa Diyos. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig, at magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing naisin nila.

Pagkatapos(E) nilang magpatotoo, aahon ang halimaw na nasa napakalalim na hukay at makikipaglaban sa kanila. Matatalo sila at mapapatay ng halimaw, at(F) ang kanilang bangkay ay mahahandusay sa lansangan ng dakilang lungsod, na ang patalinghagang pangalan ay Sodoma o Egipto, kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon. Sa loob ng tatlo't kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay pagmamasdan ng mga tao mula sa iba't ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi papayag ang mga ito na mailibing ang mga bangkay. 10 Magagalak ang lahat ng tao sa daigdig dahil sa pagkamatay ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo sapagkat ang dalawang propetang iyon ay nagdulot sa kanila ng labis na kahirapan.

11 Pagkalipas(G) ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hininga ng buhay mula sa Diyos. Sila'y tumayo at labis na nasindak ang mga nakakita sa kanila. 12 Pagkatapos(H) ay narinig nilang nagsalita ang isang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang nakatingin ang kanilang mga kaaway, umakyat sila sa langit habang nakasakay sa ulap. 13 Nang(I) oras ding iyon ay lumindol nang napakalakas at nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod at pitong libong tao ang namatay. Ang mga natirang tao ay natakot, at niluwalhati nila ang Diyos ng kalangitan.

14 Natapos na ang ikalawang lagim, at ang ikatlong lagim ay malapit na.

Ang Ikapitong Trumpeta

15 Pagkatapos ay hinipan(J) ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at sa langit ay may malalakas na tinig na nagsabi, “Ang paghahari sa sanlibutan ay paghahari na ngayon ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo. Maghahari siya magpakailanman!”

16 At ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno na nakaupo sa kani-kanilang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa kanya. 17 Sinabi nila,

“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang kasalukuyan, at ang nakaraan!
Nagpapasalamat kami na ginamit mo ang iyong walang hanggang kapangyarihan
    at nagpasimula ka nang maghari!
18 Galit na galit(K) ang mga bansang di-kumikilala sa iyo,
    dahil dumating na ang panahon ng iyong poot,
    ang paghatol sa mga patay,
at pagbibigay ng gantimpala sa mga propetang lingkod mo,
    at sa iyong mga hinirang, sa lahat ng may takot sa iyo,
    dakila man o hamak.
Panahon na upang wasakin mo ang mga nagwawasak sa daigdig.”

19 At(L) nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan sa loob nito. Pagkatapos ay kumidlat, dumagundong, kumulog, lumindol at umulan ng batong yelo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.