M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Tuntunin tungkol sa Unang Bunga at Ikasampung Bahagi ng mga Ani
26 “Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, 2 kumuha(A) kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. 3 Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’
4 “Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. 5 Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:
‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. 6 Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. 7 Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. 8 Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan 9 at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’
“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. 11 Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo.
12 “Sa(B) ikatlong taon, ibubukod ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani upang ibigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila, at sa mga balo upang sila'y may makain. Kapag nagawa na ito, 13 sasabihin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos, ‘Naibukod ko na po ang bahaging nakalaan sa inyo, at naibigay ko na sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at balo, ayon sa utos ninyo sa akin. Hindi ko nilabag o kinaligtaan isa man sa inyong utos. 14 Hindi ko binawasan ang ikasampung bahagi kahit sa panahon ng kahirapan. Hindi ko ito inilabas sa aking bahay nang ako'y marumi. Hindi ko rin iniatang sa mga patay ang bahagi nito. Dininig ko ang inyong tinig, Yahweh, aking Diyos. Sinunod kong lahat ang iniutos ninyo sa amin. 15 Kaya nga, tingnan ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit at pagpalain ninyo ang bayang Israel pati na ang lupaing ibinigay ninyo sa amin ayon sa pangako ninyo sa aming mga ninuno, ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.’
Bayang Nakalaan kay Yahweh
16 “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso't kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo ngayon na si Yahweh ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at papakinggan ang kanyang tinig. 18 Ipinahayag(C) naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayang hinirang, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. 19 Pagpapalain niya kayo higit sa lahat ng bansang kanyang itinatag. Kayo ang bansang nakalaan sa kanya. At tulad ng kanyang pangako, kayo ay tatanggap ng papuri, katanyagan at karangalan.”
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
117 Purihin(A) si Yahweh!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
2 Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagtatagumpay
118 Purihin(B) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
3 Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
4 Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
5 Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
6 Kung(C) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
7 Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
8 Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
9 Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(D) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.
19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.
20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!
21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.
22 Ang(E) (F) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(G) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.
26 Pinagpala(H) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.
28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
53 Sumagot(A) ang mga tao,
“Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito?
Kanino mo ipinakita ang iyong kapangyarihan?
2 Kalooban ni Yahweh na matulad sa isang halaman ang kanyang lingkod,
parang ugat na natanim sa tuyong lupa.
Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin,
walang taglay na pang-akit para siya ay lapitan.
3 Hinamak siya ng mga tao at itinakwil.
Nagdanas siya ng hapdi at hirap.
Wala man lang pumansin sa kanya.
Binaliwala natin siya, na parang walang kabuluhan.
4 “Tunay(B) ngang inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling niya ang ating mga karamdaman.
Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya.
5 Ngunit(C) dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;
siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.
Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya
at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
6 Tayong(D) lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw;
nagkanya-kanya tayo ng lakad.
Ngunit ipinataw ni Yahweh sa kanya
ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap.
7 “Siya(E) (F) ay binugbog at pinahirapan,
ngunit hindi kumibo kahit isang salita;
tulad ay tupang nakatakdang patayin,
parang korderong hindi tumututol kahit na gupitan,
at hindi umiimik kahit kaunti man.
8 Nang siya'y hulihin at hatulan upang mamatay,
wala man lamang nagtanggol sa kanyang kalagayan.
Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.
9 Siya'y(G) inilibing na kasama ng masasama at mayayaman,
kahit na siya'y walang kasalanan
o nagsabi man ng kasinungalingan.”
10 Sinabi ni Yahweh,
“Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko;
ang kanyang kamatayan ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
Dahil dito'y mabubuhay siya nang matagal,
makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya'y maisasagawa ang aking panukala.
11 Pagkatapos ng mahabang pagdurusa, muli siyang lalasap ng ligaya;
malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang tapat kong lingkod na lubos kong kinalulugdan
ang siyang tatanggap sa parusa ng marami,
at alang-alang sa kanya sila'y aking patatawarin.
12 Dahil(H) dito siya'y aking pararangalan,
kasama ng mga dakila at makapangyarihan;
sapagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili
at nakibahagi sa parusa ng masasama.
Inako niya ang mga makasalanan
at idinalanging sila'y patawarin.”
Talaan ng mga Ninuno ni Jesu-Cristo(A)
1 Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
2-11 Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid; Juda na ama ni Fares at Zara kay Tamar; Fares, Esrom, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab; Obed na anak ni Boaz kay Ruth; at Jesse na ama ni Haring David.
6b-11 Mula(B) naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Ammon, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.
12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus—ang tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.
Isinilang si Jesu-Cristo(C)
18 Ito(D) ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan[a] si Maria nang palihim.
20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang(E) siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
23 “Maglilihi(F) ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
(ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”).
24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. 25 Ngunit(G) hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.