M’Cheyne Bible Reading Plan
Dinakip Nila si Jesus
18 Pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito ay umalis siya kasama ang kaniyang mga alagad. Sila ay nagtungo sa kabila ng batis ng Kedron na kung saan ay may isang halamanan. Siya at ang kaniyang mga alagad ay pumasok doon.
2 Si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang pook na iyon sapagkat si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay madalas na magtipon doon. 3 At dumating si Judas kasama ang batalyon ng mga kawal at mga opisyales mula sa mga pinunong-saserdote at mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga sulo, mga ilawan at mga sandata.
4 Kaya nga, si Jesus na nalalaman ang lahat ng mga bagay na magaganap sa kaniya, ay sumalubong sa kanila. Sinabi niya sa kanila: Sino ang hinahanap ninyo?
5 Sumagot sila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret.
Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako nga iyon. Si Judas na nagkanulo sa kaniya ay nakatayo ring kasama nila.
6 Kaya nga, nang sabihin niya sa kanila: Ako nga iyon, napaurong sila at natumba sa lupa.
7 Muli nga niya silang tinanong: Sino ang hinahanap ninyo?
Sinabi nila: Si Jesus na taga-Nazaret.
8 Sumagot si Jesus: Sinabi ko na sa inyo: Ako nga iyon. Kung ako nga ang inyong hinahanap, pabayaan ninyong umalis ang mga ito. 9 Ito ay upang matupad ang pananalitang kaniyang sinabi: Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ako nawalan ni isa man.
10 Si Simon Pedro nga ay may tabak at binunot niya ito. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malcu.
11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro: Isalong mo ang iyong tabak. Hindi ba iinumin ko ang sarong ibinigay sa akin ng Ama?
Dinala Nila si Jesus kay Anas
12 Hinuli nga si Jesus ng pangkat ng mga kawal, ng kapitan at ng opisyales ng mga Judio at siya ay kanilang ginapos.
13 Dinala muna nila siya kay Anas sapagkat siya ang biyenang lalaki ni Caifas na pinakapunong-saserdote ng taon ding iyon. 14 Si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga Judio na makakabuting may isang mamatay para sa mga tao.
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus sa Unang Pagkakataon
15 Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote.
16 Si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan. Ang alagad na kilala ng pinakapunong-saserdote ay lumabas. Kinausap niya ang babaeng nagbabantay sa may pintuan at pinapasok si Pedro.
17 Ang utusang babae na nagbabantay ng pintuan ay nagsabi nga kay Pedro: Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?
Sinabi niya: Hindi.
18 Ang mga alipin at mga tanod ng templo ay nakatayo roon. Sila ay nagpabaga ng uling sapagkat malamig doon at nagpapainit ng kanilang mga sarili. Si Pedro ay nakatayong kasama nila at nagpapainit ng kaniyang sarili.
Tinanong si Jesus ng Pinakapunong-saserdote
19 Ang pinakapunong-saserdote ay nagtanong kay Jesus patungkol sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang turo.
20 Sumagot si Jesus sa kaniya: Ako ay hayagang nagsalita sa sangkatauhan. Ako ay laging nagtuturo sa sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabing anuman sa lihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa akin kung ano ang sinabi ko sa kanila. Tingnan mo, alam nila ang sinabi ko.
22 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, isa sa opisyales ng templo na nakatayo sa tabi, ang sumampal kay Jesus. Sinabi niya: Sumasagot ka ba nang ganyan sa pinakapunong-saserdote?
23 Sumagot sa kaniya si Jesus: Kung ako ay nagsalita ng masama, magbigay saksi ka patungkol sa masama. Kung mabuti ang aking sinasabi, bakit mo ako hinampas? 24 Si Jesus ay nakagapos na ipinadala ni Anas kay Caifas na pinakapunong-saserdote.
Si Jesus ay Ipinagkaila ni Pedro sa Ikalawa at Ikatlong Pagkakataon
25 Si Simon Pedro ay nakatayo at siya ay nagpapainit ng kaniyang sarili. Sinabi nga nila sa kaniya: Hindi ba isa ka rin sa kaniyang mga alagad?
Siya ay nagkaila at sinabi: Hindi.
26 Ang isa sa mga alipin ng pinakapunong-saserdote ay kamag-anak ng tinanggalan ni Pedro ng tainga. Siya ay nagsabi: Hindi ba nakita kitang kasama niya sa halamanan? 27 Muling nagkaila si Pedro at kaagad ay tumilaok ang isang tandang.
Si Jesus sa Harap ni Pilato
28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa hukuman. Maaga pa noon. At sila ay hindi pumasok sa hukuman upang hindi sila madungisan at upang sila ay makakain sa Paglagpas.
29 Kaya nga, lumabas si Pilato at sinabi sa kanila: Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?
30 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Kung hindi siya gumagawa ng masama, hindi namin siya ibibigay sa iyo.
31 Sinabi nga ni Pilato sa kanila: Kunin ninyo siya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong kautusan.
Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala kaming karapatang pumatay ng sinumang tao.
32 Ito ay nangyari upang matupad ang sinabi ni Jesus. Ang salita na kaniyang sinabi ay nagpapahayag ng uri nang kamatayan na kaniyang ikamamatay.
33 Pumasok ngang muli si Pilato sa hukuman at tinawag si Jesus. Sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
34 Sumagot sa kaniya si Jesus: Ito ba ay sinasabi mo mula sa iyong sarili? O may ibang nagsabi sa iyo patungkol sa akin?
35 Sumagot si Pilato: Ako ba ay isang Judio? Ibinigay ka sa akin ng iyong sariling bansa at ng mga pinunong-saserdote. Ano ba ang nagawa mo?
36 Sumagot si Jesus: Ang aking paghahari ay hindi sa sanlibutang ito. Kung ang aking paghahari ay sa sanlibutang ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit sa ngayon ang aking paghahari ay hindi mula rito.
37 Kaya nga, sinabi ni Pilato sa kaniya: Kung gayon, ikaw ba ay isang hari?
Sumagot si Jesus: Tama ang iyong sinabi sapagkat ako ay isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak. At sa kadahilanang ito ako ay naparito sa sanlibutan: Upang magpatotoo ako sa katotohanan. Ang bawat isa na nasa katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.
38 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Ano ang katotohanan? Pagkasabi niya nito ay muli siyang pumunta sa mga Judio. Sinabi niya sa kanila: Wala akong makitang kasalanan sa kaniya. 39 Ngunit kayo ay may isang kaugalian na palayain ko sa inyo ang isa sa araw ng Paglagpas. Ibig nga ba ninyo na palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?
40 Lahat nga sila ay muling sumigaw na sinasabi: Hindi ang taong ito kundi si Barabas. Subalit si Barabas ay isang tulisan.
Pagtulad sa Pagpapakababa ni Cristo
2 Yamang mayroon kayong kalakasan ng loob kay Cristo, mayroon kayong kaaliwan sa kaniyang pag-ibig, mayroon kayong pakikipag-isa sa kaniyang Espiritu, mayroon kayong pagmamalasakit at kaawaan.
2 Lubusin nga ninyo angaking kagalakan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang kaisipan, ng iisang pag-ibig, ng iisang kalooban at ngiisang pag-iisip. 3 Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o pagpapalalo. Sa halip, sa kapakumbabaan ng pag-iisip, ituring ninyo na ang iba ay higit na mabuti kaysa sa inyo. 4 Huwag hanapin ng isa’t isa ang ikabubuti ng kaniyang sarili lang kundi ang ikabubuti rin naman ng iba.
5 Ito ay sapagkat kailangang taglayin ninyo ang kaisipan na na kay Cristo Jesus din naman. 6 Bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya itinuring na kailangang pakahawakan ang kaniyang pagiging kapantay ng Diyos. 7 Bagkus ginawa niyang walang kabuluhan ang kaniyang sarili at tinanggap niya ang anyo ng isang alipin at nakitulad sa tao. 8 Yamang siya ay nasumpungan sa anyong tao, siya ay nagpakumbaba at naging masunurin hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus. 9 Kaya nga, siya naman ay lubhang itinaas ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. 10 Ito ay upang sa pangalan ni Jesus ay luluhod ang bawat tuhod ng mga nasa langit, ng mga nasa lupa at ng mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ito ay upang ipahayag ng bawat dila na si Jesucristo ang Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
Magningning Tulad ng mga Bituin
12 Kaya nga, mga minamahal ko, gamitin ninyo ang inyong kaligtasan na may takot at panginginig, tulad ng palagi ninyong pagsunod, hindi lamang kung ako ay kasama ninyo kundi lalo na ngayong wala ako sa inyo.
13 Ang dahilan nito ay gumagawa sa inyo ang Diyos upang naisin at gawin ninyo ang kaniyang mabuting kaluguran.
14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang mga bulung-bulungan at pagtatalo. 15 Gawin ninyo ang gayon upang walang anumang maipaparatang sa inyo at kayo ay maging dalisay, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at lihis. Magliwanag kayo sa kanilang kalagitnaan tulad ng mga liwanag sa sanlibutan. 16 Inyong itanghal ang salita ng buhay upang may ipagmapuri ako sa araw ni Cristo na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal nang walang kabuluhan. 17 Subalit kung ako ay ibubuhos ng Diyos tulad ng haing ibinubuhos sa ibabaw ng handog at paglilingkod ng inyong pananampalataya, matutuwa at magagalak akong kasama ninyo. 18 Sa gayunding paraan, kayo naman ay matutuwa at magagalak na kasama ko.
Si Timoteo at si Epafrodito
19 Ngunit umaasa ako sa Panginoong Jesus na maisugo ko sa inyo si Timoteo sa lalong madaling panahon upang ako rin naman ay maaliw kapag nalaman ko ang inyong kalalagayan.
20 Ito ay sapagkat wala na akong ibang taong katulad niya ang pag-iisip, na may tunay na pagmamalasakit sa inyong kalalagayan. 21 Ito ay sapagkat abala silang lahat sa paghahanap ng mga bagay para sa kanilang sariling kapakanan, hindi sa mga bagay na nauukol kay Cristo Jesus. 22 Ngunit alam na ninyo ang kaniyang subok na pag-uugali, na gaya ng isang anak sa kaniyang ama, ay gayon siyang naglingkod na kasama ko sa ebanghelyo. 23 Siya nga ang aking inaasahang susuguin sa inyo sa lalong madaling panahon pagkatapos kong malaman ang aking magiging kalagayan. 24 Ngunit nakakatiyak ako saPanginoon na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon.
25 Ngunit naisip kong kailangang suguin ko sa inyo si Epafrodito na aking kapatid, kamanggagawa at kapwa kawal, ngunit sugo at lingkod ninyo na tumitingin sa aking mga pangangailangan. 26 Ito ay sapagkat siya ay sabik na sabik sa inyong lahat at labis na namamanglaw dahil sa nabalitaan ninyong siya ay nagkasakit. 27 Ito ay sapagkat totoo ngang siya ay nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos at hindi lamang siya kundi ako rin naman upang huwag akong magkaroon ng sunod-sunod na kalungkutan. 28 Kaya nga, lalo kong pinagsikapang suguin siya sa inyo upang pagkakita ninyong muli sa kaniya, kayo ay magalak at mabawasan naman ang aking kalungkutan. 29 Kaya nga, tanggapin ninyo siya ng buong kagalakan sa Panginoon at parangalan ninyo ang mga katulad niya. 30 Ito ay sapagkat nabingit siya sa kamatayan alang-alang sa gawain ni Cristo, na hindi pinahalagahan ang kaniyang buhay upang punan ang kakulangan ng inyong paglilingkod sa akin.
Copyright © 1998 by Bibles International