M’Cheyne Bible Reading Plan
Pumunta si Jacob sa Egipto
46 Umalis si Jacob papuntang Egipto kasama ang sambahayan niya na dala ang lahat ng kanyang ari-arian. Pagdating niya sa Beersheba, naghandog siya sa Dios ng ama niyang si Isaac.
2 Kinagabihan, nakipag-usap ang Dios sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain. Tinawag ng Dios si Jacob, at sumagot si Jacob sa kanya.
3 Pagkatapos, sinabi niya, “Ako ang Dios, na siyang Dios ng iyong ama. Huwag kang matakot pumunta sa Egipto, dahil gagawin ko kayong isang kilalang bansa roon. 4 Ako mismo ang kasama mo sa pagpunta sa Egipto at muli kitang ibabalik dito sa Canaan. At kung mamamatay ka na, nandiyan si Jose sa iyong tabi.”
5 Pinasakay si Jacob ng mga anak niya sa karwaheng ibinigay ng Faraon para sakyan niya. Pinasakay din nila ang mga asawaʼt anak nila, at lumipat sila mula sa Beersheba. 6-7 Dinala nila ang mga hayop at mga ari-ariang naipon nila sa Canaan. Dinala rin ni Jacob sa Egipto ang lahat ng kanyang lahi: ang mga anak niya at mga apo.
8 Ito ang mga pangalan ng mga Israelitang pumunta sa Egipto:
Si Jacob, ang panganay niyang anak na si Reuben;
9 ang mga anak ni Reuben:
sina Hanoc, Palu, Hezron at Carmi.
10 Si Simeon at ang mga anak niya:
sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar at si Shaul na anak ng isang Cananea.
11 Si Levi at ang mga anak niya:
sina Gershon, Kohat at Merari.
12 Si Juda at ang mga anak niya:
sina Er, Onan, Shela, Perez at Zera. (Pero si Er at Onan ay namatay sa Canaan.)
Ang mga anak ni Perez:
sina Hezron at Hamul.
13 Ang mga ito ay kasama rin sa Egipto:
si Isacar at ang mga anak niyang sina Tola, Pua, Iob at Shimron.
14 Si Zebulun at ang mga anak niya:
sina Sered, Elon at Jaleel.
15 Sila ang 33 anak at apo ni Jacob kay Lea na ipinanganak sa Padan Aram, at hindi kabilang ang anak niyang babae na si Dina.
16 Ang mga ito ay kasama rin sa Egipto:
si Gad at ang mga anak niyang sina Zefon, Hagi, Shuni, Ezbon, Eri, Arodi at Areli.
17 Si Asher at ang mga anak niyang sina Imna, Ishva, Ishvi at Beria.
Ang kapatid nilang babae na si Sera.
Ang mga anak ni Beria na sina Heber at Malkiel.
18 Sila ang 16 na anak at apo ni Jacob kay Zilpa, ang alipin na ibinigay ni Laban kay Lea.
19 Ang mga anak ni Jacob kay Raquel:
sina Jose at Benjamin.
20 Ang mga anak ni Jose kay Asenat na ipinanganak sa Egipto na sina Manase at Efraim. (Si Asenat ay anak na babae ni Potifera na pari sa lungsod ng On.)
21 Ang mga anak ni Benjamin:
sina Bela, Beker, Ashbel, Gera, Naaman, Ehi, Rosh, Mupim, Hupim at Ard.
22 Sila ang 14 na anak at apo ni Jacob kay Raquel.
23 Ang mga ito ay kasama rin sa Egipto:
si Dan at ang anak niyang si Hushim.
24 Si Naftali at ang mga anak niya:
sina Jahziel, Guni, Jezer at Shilem.
25 Sila ang pitong anak at apo ni Jacob kay Bilha, ang alipin na ibinigay ni Laban kay Raquel.
26 Ang bilang ng lahat ng anak at apo ni Jacob na pumunta sa Egipto ay 66. Hindi pa kabilang dito ang mga asawa ng kanyang mga anak. 27 Kasama ang dalawang anak ni Jose na ipinanganak sa Egipto, 70 ang kabuuan ng sambahayan ni Jacob na natipon sa Egipto.
28 Nang hindi pa sila nakakarating sa Egipto, inutusan ni Jacob si Juda na maunang pumunta kay Jose para ituro sa kanila ang lugar ng Goshen. Nang dumating na sina Jacob sa Goshen, 29 sumakay si Jose sa karwahe niya at pumunta roon sa Goshen para salubungin ang kanyang ama. Nang magkita sila, niyakap ni Jose ang kanyang ama at tuloy-tuloy ang pag-iyak niya.
30 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Ngayon, handa na akong mamatay dahil nakita na kita ng buhay.”
31 At sinabi ni Jose sa mga kapatid niya at sa buong sambahayan ng kanyang ama, “Aalis ako at sasabihin sa Faraon na narito na ang mga kapatid ko at ang buong sambahayan ng aking ama na nakatira sa Canaan. 32 Sasabihin ko rin sa kanya na nagpapastol kayo ng mga hayop, at dinala ninyo ang mga hayop ninyo at ang lahat ng ari-arian ninyo. 33 Kaya kapag ipinatawag niya kayo at itinanong kung ano ang trabaho ninyo, 34 sabihin nʼyo na nagpapastol kayo ng mga hayop mula pagkabata katulad ng mga magulang ninyo, para patirahin niya kayo sa Goshen. Sapagkat nasusuklam ang mga Egipcio sa mga nagpapastol ng hayop.”
Muling Nabuhay si Jesus(A)
16 Makalipas ang Araw ng Pamamahinga, sina Maria na taga-Magdala, Maria na ina ni Santiago, at Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Jesus. 2 Nang araw ng Linggo, kasisikat pa lang ng araw ay pumunta na sila sa libingan. 3 Habang naglalakad sila, nagtatanungan sila kung sino ang mapapakiusapan nilang magpagulong ng bato na nakatakip sa pintuan ng libingan, 4 dahil napakalaki ng batong iyon. Pero pagdating nila roon, nakita nilang naigulong na sa tabi ang bato. 5 Kaya pumasok sila sa libingan, at nakita nila roon ang isang kabataang lalaking nakasuot ng puti na nakaupo sa gawing kanan. Takot na takot sila. 6 Pero sinabi ng lalaki sa kanila, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Tingnan ninyo ang pinaglagyan ng bangkay niya.” 7 Pagkatapos, sinabi ng lalaki sa kanila, “Lumakad na kayo, sabihin ninyo sa mga tagasunod niya, lalo na kay Pedro, na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita gaya ng sinabi niya.” 8 Kaya lumabas sa libingan ang mga babae at tumakbo dahil sa matinding takot. Wala silang pinagsabihan, dahil takot na takot sila.
9 [Maagang-maaga pa nang araw ng Linggo nang nabuhay si Jesus. Una siyang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. (Siya ang babaeng may pitong masasamang espiritu na pinalayas ni Jesus.) 10 Pinuntahan ni Maria ang mga tagasunod ni Jesus na nagluluksa at umiiyak, at ibinalita ang mga pangyayari. 11 Pero hindi sila naniwala sa ibinalita niyang buhay si Jesus at nagpakita sa kanya. 12 Pagkatapos noon, nagpakita rin si Jesus sa dalawa pa niyang tagasunod na naglalakad patungo sa bukid, pero iba ang kanyang anyo. 13 Kaya bumalik sa Jerusalem ang dalawang tagasunod, at sinabi sa iba nilang kasamahan na nagpakita sa kanila si Jesus. Pero hindi rin naniwala ang mga ito.
14 Nang bandang huli, nagpakita rin si Jesus sa 11 apostol niya habang kumakain ang mga ito. Pinagsabihan niya ang mga ito dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at sa katigasan ng kanilang puso, dahil hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya matapos na muli siyang mabuhay. 15 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ninyo ang Magandang Balita sa lahat ng tao. 16 Ang lahat ng sasampalataya at magpapabautismo ay maliligtas, ngunit ang hindi sasampalataya ay parurusahan. 17 At ito ang mga palatandaang makikita sa mga taong sumasampalataya sa akin: sa pamamagitan ng aking kapangyarihan,[a] magpapalayas sila ng masasamang espiritu; magsasalita sila sa ibang mga wika; 18 kung dumampot man sila ng mga ahas o makainom ng anumang lason ay hindi sila mapapahamak; at gagaling ang mga may sakit na papatungan nila ng kanilang mga kamay.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(B)
19 Pagkatapos magsalita ni Jesus sa kanila, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Dios. 20 Pumunta naman ang mga tagasunod niya sa ibaʼt ibang lugar at nangaral. Tinulungan sila ng Panginoon at pinatunayan niya ang ipinangangaral nila sa pamamagitan ng mga himala na kanilang ginagawa.]
Sumagot si Job
12 Sumagot si Job, 2 “Ang akala nʼyo baʼy kayo lang ang marunong at wala nang matitirang marunong kapag namatay kayo? 3 Ako man ay marunong din gaya ninyo; hindi kayo nakahihigit sa akin. Alam ko rin ang lahat ng sinasabi ninyo. 4 Pero naging katawa-tawa ako sa aking mga kaibigan, kahit na matuwid ako at walang kapintasan, at kahit sinagot ng Dios ang mga dalangin ko noon. 5 Ang mga taong naghihirap na gaya ko na tila mabubuwal ay kinukutya ng mga taong walang problema. 6 Pero ang mga tulisan at ang mga taong ginagalit ang Dios ay namumuhay ng payapa gayong ang dinidios nilaʼy ang sarili nilang kakayahan.
7-8 “Matututo ka sa ibaʼt ibang hayop – ang lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang lumalangoy. 9 Sapagkat alam nila na ang Panginoon ang may gawa nito.[a] 10 Nasa kamay niya ang buhay o hininga ng bawat nilalang, pati na ng tao. 11 Kung alam ng dila ng tao kung alin ang masarap o hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga ng tao kung alin ang mabuti o masamang salita. 12 Maraming alam sa buhay ang matatanda, dahil habang tumatagal ang buhay nila, lalong dumarami ang kanilang nalalaman.
13 “Pero ang Dios ay hindi lang nagtataglay ng karunungan, nasa kanya rin ang kapangyarihan, at siya lang ang nakakaunawa kung ano ang dapat gawin. 14 Walang makapag-aayos ng kanyang sinisira, at walang makapagpapalaya sa kanyang ikinukulong. 15 Kung pipigilin niya ang ulan, matutuyo ang lupa, at kung ibubuhos naman niya ito, babahain ang lupa. 16 Makapangyarihan siyaʼt matagumpay, at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang mandaraya at ang dinadaya. 17 Inaalisan niya ng karunungan ang mga tagapayo, at ginagawang mangmang ang mga hukom. 18 Pinaaalis niya ang mga hari sa kanilang trono at ipinabibihag. 19 Tinatanggal niya sa tungkulin ang mga pari at ang mga taong may kapangyarihan. 20 Pinatatahimik niya ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo at inaalis ang karunungan ng matatanda. 21 Hinahamak niya ang mga mararangal na tao at inaalisan ng kakayahan ang mga may kapangyarihan. 22 Ang mga lihim ay kanyang inihahayag, at ang madilim ay pinapalitan ng liwanag. 23 Pinalalakas niya ang mga bansa at pinapalawak ang kanilang teritoryo, pero ibinabagsak din niya ito at winawasak. 24 Ginagawa niyang mangmang ang kanilang mga pinuno at inililigaw sila sa ilang. 25 Kaya para silang bulag na kumakapa sa dilim at sumusuray-suray na parang lasing.
Mga Pangangamusta
16 Ngayon, nais kong ipakilala sa inyo ang kapatid nating si Febe. Naglilingkod siya sa iglesya sa Cencrea. 2 Tanggapin ninyo siya bilang kapatid sa Panginoon gaya ng nararapat gawin ng mga pinabanal[a] ng Dios. Tulungan ninyo siya sa anumang kakailanganin niya dahil marami siyang natulungan at isa na ako roon.
3 Ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila. Silaʼy kapwa ko manggagawa kay Cristo Jesus. 4 Itinaya nila ang kanilang buhay alang-alang sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa kanila, at hindi lang ako kundi pati na rin ang lahat ng iglesyang hindi Judio. 5 Ikumusta rin ninyo ako sa mga mananampalatayang[b] nagtitipon sa kanilang tahanan.
Ipaabot din ninyo ang pangangamusta ko sa minamahal kong kaibigan na si Epenetus. Siya ang unang sumampalataya kay Cristo Jesus sa probinsya ng Asia. 6 Ikumusta nʼyo rin ako kay Maria, na nagsikap nang husto para sa inyo. 7 Kumusta rin kina Andronicus at Junias, mga kapwa kong Judio at nakasama ko sa bilangguan. Nauna silang naging Cristiano kaysa sa akin, at kilalang-kilala sila ng mga apostol.
8 Ikumusta nʼyo rin ako sa minamahal kong kaibigan sa Panginoon na si Ampliatus. 9 Kumusta rin kay Urbanus na kapwa ko manggagawa kay Cristo, at ganoon din sa minamahal kong kaibigan na si Stakis. 10 Kumusta rin kay Apeles na isang subok at tapat na lingkod ni Cristo. Kumusta rin sa pamilya ni Aristobulus, 11 sa kapwa ko Judio na si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa pamilya ni Narcisus.
12 Ikumusta nʼyo rin ako kina Trifena at Trifosa, na masisipag na manggagawa ng Panginoon. Kumusta rin sa minamahal kong kaibigan na si Persis. Malaki ang naitulong niya sa gawain ng Panginoon. 13 Kumusta rin kay Rufus, na isang mahusay na lingkod ng Panginoon. Kumusta rin sa kanyang ina, na para ko na ring ina.
14 Ikumusta rin ninyo ako kina Asyncritus, Flegon, Hermes, Patrobas, Hermas at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Kumusta rin kina Filologus, Julia, Nereus at sa kapatid niyang babae na si Olimpas, at sa lahat ng pinabanal ng Dios na kasama nila.
16 Magbatian kayo bilang mga magkakapatid kay Cristo.[c] Kinukumusta kayo ng lahat ng iglesya ni Cristo rito.
17 Mga kapatid, mag-ingat kayo sa mga taong lumilikha ng pagkakahati-hati at gumugulo sa pananampalataya ninyo. Nangangaral sila laban sa mga aral na natanggap ninyo sa amin. Kaya iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong ganyan ay hindi naglilingkod sa Panginoong Jesu-Cristo, kundi sa sarili nilang hangarin[d] sila sumusunod. Dinadaya nila ang mga kulang sa kaalaman sa pamamagitan ng mahuhusay at magaganda nilang pananalita. 19 Balitang-balita sa lahat ang inyong katapatan sa pagsunod sa Panginoon, at nagagalak ako dahil diyan. Pero gusto kong maging matalino kayo sa mga bagay na mabuti, at walang alam sa paggawa ng kasamaan. 20 Ang Dios ang nagbibigay ng kapayapaan, at malapit na niyang puksain ang kapangyarihan ni Satanas sa pamamagitan ninyo. Pagpalain kayo ng Panginoong Jesus.
21 Kinukumusta kayo ni Timoteo na kapwa ko manggagawa sa Panginoon, at nina Lucius, Jason at Sosipater na mga kapwa ko Judio.
22 (Kinukumusta ko rin kayo. Ako si Tertius na nasa Panginoon din na siyang sumulat ng liham na ito ni Pablo.)
23 Kinukumusta rin kayo ni Gaius. Akong si Pablo ay nakikituloy dito sa bahay niya, at dito rin nagtitipon ang mga mananampalataya[e] sa lugar na ito. Kinukumusta rin kayo ni Erastus na tresurero ng lungsod at ng ating kapatid na si Quartus. [24 Pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.]
Papuri sa Dios
25 Purihin natin ang Dios na siyang makakapagpatibay sa pananampalataya ninyo ayon sa Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. Ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo ay inilihim nang matagal na panahon, 26 pero ipinahayag na ngayon sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta. Itoʼy ayon sa utos ng walang kamatayang Dios, para ang lahat ng tao ay sumampalataya at sumunod sa kanya.
27 Purihin natin ang Dios na tanging nakakaalam ng lahat. Purihin natin siya magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®