Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 43

Bumalik sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose

43 Lumala ang taggutom sa Canaan. Naubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili nila sa Egipto. Kaya inutusan ni Jacob ang mga anak niya, “Bumalik kayo roon sa Egipto at bumili ng kahit kaunting pagkain.”

Pero sumagot si Juda sa kanya, “Binalaan po kami ng gobernador na huwag na po kaming magpapakita sa kanya kung hindi po namin kasama ang aming kapatid na si Benjamin. Kung pasasamahin po ninyo siya sa amin babalik kami roon para bumili ng pagkain. Pero kung hindi po kayo papayag, hindi po kami magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang aming kapatid.”

Sinabi ni Jacob,[a] “Bakit binigyan nʼyo ako ng malaking problema? Bakit ipinagtapat nʼyo pa sa gobernador na may isa pa kayong kapatid?”

Sumagot sila, “Kasi po lagi niya kaming tinatanong tungkol sa pamilya natin. Nagtanong siya kung buhay pa ba ang aming ama at kung may iba pa po kaming kapatid. Kaya sinagot po namin siya. Hindi po namin inaasahan na sasabihin niya sa amin na dalhin namin sa kanya ang kapatid namin.”

Kaya sinabi ni Juda sa kanilang ama, “Ama, pumayag na po kayo na isama namin si Benjamin para makaalis na po kami agad at makabili ng pagkain para hindi po tayo mamatay lahat sa gutom. Igagarantiya ko po ang buhay ko para kay Benjamin. Singilin po ninyo ako kung anuman ang mangyari sa kanya. Kung hindi po siya makakabalik sa inyo nang buhay, sisihin po ninyo ako habang buhay. 10 Kung hindi po tayo nagsayang ng panahon, dalawang beses na sana kaming nakabalik.”

11 Sinabi ng kanilang ama, “Kung ganoon, umalis na kayo. Magdala kayo sa mga sisidlan ninyo ng pinakamagandang produkto rito sa ating lugar para iregalo sa gobernador ng Egipto: mga gamot, pulot, pampalasa, pabango, at mga bunga ng pistasyo at almendro. 12 Doblehin ninyo ang dala ninyong pera dahil dapat ninyong ibalik ang perang ibinalik sa mga sako ninyo. Baka nagkamali lang sila noon. 13 Isama ninyo ang kapatid ninyong si Benjamin at bumalik kayo agad sa gobernador ng Egipto. 14 Nawaʼy hipuin ng Makapangyarihang Dios ang puso ng gobernador para mahabag siya sa inyo at ibalik niya sa inyo sina Simeon at Benjamin. Pero kung hindi sila makabalik, tatanggapin ko na lang nang maluwag sa kalooban ko.”

15 Kaya nagdala ang magkakapatid ng mga regalo at dinoble rin nila ang dala nilang pera. Pagkatapos, umalis sila papuntang Egipto kasama si Benjamin, at nakipagkita kay Jose. 16 Pagkakita ni Jose na kasama nila si Benjamin, inutusan niya ang tagapamahalang alipin, “Dalhin mo ang mga taong ito sa bahay. Magkatay ka ng hayop at magluto, dahil magtatanghalian sila kasama ko.”

17 Sinunod ng tagapamahalang alipin ang utos sa kanya. Kaya dinala niya ang magkakapatid sa bahay ni Jose. 18 Natakot ang magkakapatid nang dinala sila sa bahay ni Jose dahil inisip nila, “Baka dinala tayo rito dahil sa perang ibinalik sa mga sako natin noong una nating pagparito. Baka dakpin nila tayo, at kunin ang mga asno natin at gawin tayong mga alipin.”

19 Kaya nakipag-usap sila sa tagapamahalang alipin habang nasa pintuan pa lang sila ng bahay. 20 Sinabi nila, “Ginoo, sandali lang po, may sasabihin lang po kami sa inyo. Pumunta po kami rito noon para bumili ng pagkain. 21 Nang papauwi na po kami, nagpalipas kami ng gabi sa isang lugar. At doon namin binuksan ang mga sako namin at nakita po namin sa loob ang perang ibinayad namin para sa mga pagkain. Narito, ibinabalik na po namin. 22 Nagdala pa po kami ng karagdagang pera para bumili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng pera sa mga sako namin.”

23 Sumagot ang tagapamahalang alipin, “Walang anuman iyon, huwag kayong matakot. Ang inyong Dios, na Dios din ng inyong ama, ang siya sigurong naglagay ng perang iyon sa mga sako ninyo. Natanggap ko ang bayad nʼyo noon.” Pagkatapos, dinala niya si Simeon sa kanila.

24 Pinapasok ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid sa bahay ni Jose at binigyan ng tubig para makapaghugas sila ng kanilang mga paa. Binigyan din niya ng pagkain ang kanilang mga asno. 25 Inihanda ng magkakapatid ang mga regalo nila kay Jose habang hinihintay nila ang pag-uwi nito. Sapagkat sinabihan sila na doon magtanghalian sa bahay ni Jose.

26 Pagdating ni Jose, yumukod sila sa kanyang harapan bilang paggalang at ibinigay nila ang kanilang mga regalo. 27 Kinamusta sila ni Jose. Pagkatapos, nagtanong din siya, “Kumusta ang ama ninyong matanda na, na binanggit nʼyo noon sa akin? Buhay pa ba siya?”

28 Sumagot sila, “Buhay pa po si ama at mabuti pa naman po siya.” Pagkatapos, yumukod silang muli sa kanya bilang paggalang.

29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin na kapatid niyang buo, sinabi niya, “Ito ba ang bunsong kapatid ninyo na ikinuwento nʼyo noon sa akin?” Sinabi niya agad kay Benjamin, “Nawaʼy pagpalain ka ng Dios.” 30 Pagkatapos, mabilis na lumabas si Jose dahil naiiyak na siya sa pangungulila sa kapatid niya. Pumasok siya sa kanyang silid at doon umiyak.

31 Pagkatapos, naghilamos siya at bumalik sa kanila na pinipigil ang kanyang nararamdaman. At nag-utos siya na ihanda na ang pagkain.

32 Iba ang mesa na kinainan ni Jose, iba rin ang kinainan ng kanyang mga kapatid, at iba rin ang sa mga Egipcio na doon din nananghalian. Sapagkat hindi kumakain ang mga Egipcio na kasama ang mga Hebreo sa isang mesa, dahil kasuklam-suklam iyon para sa kanila. 33 Nakaharap kay Jose ang mesang inuupuan ng kanyang mga kapatid. Nagtitinginan ang magkakapatid dahil nagtaka sila na magkakasunod ang pagkakaupo nila sa mesa mula sa panganay hanggang sa bunso. 34 Hinainan sila ng pagkain na galing sa mesa ni Jose pero ang ibinigay kay Benjamin na pagkain ay limang beses ang dami kaysa sa iba. Nagsikain sila at nagsiinom kasama si Jose.

Marcos 13

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

13 Nang paalis na sina Jesus sa templo, sinabi ng isa sa mga tagasunod niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang templo. Kay laki ng mga ginamit na bato at napakaganda ng pagkakagawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang templong ito na nakikita ninyo ngayon, na gawa sa malalaking bato, ay siguradong magigiba at walang maiiwang magkapatong na bato!”

Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo na nakaharap sa templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, “Sabihin ninyo sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari ang lahat ng ito?”

Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at huwag palilinlang kaninuman. Sapagkat marami ang darating at magsasabi na sila ang Cristo,[a] at marami ang ililigaw nila. Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan malapit sa inyo, at nakabalitang may digmaan din sa malayo, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga iyan, ngunit hindi pa ito ang katapusan. Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Lilindol sa ibaʼt ibang lugar at magkakaroon ng taggutom. Ang mga itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.

“Mag-ingat kayo dahil dadakpin kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin kayo sa sambahan ng mga Judio. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 10 Dapat munang maipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng bansa, bago dumating ang katapusan. 11 Kapag dinakip kayo at iniharap sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo. Bastaʼt sabihin ninyo ang ipinapasabi ng Banal na Espiritu sa oras na iyon. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ninyo. 12 Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 13 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.”

Ang Kasuklam-suklam na Darating(C)

14 “Makikita ninyo ang kasuklam-suklam na darating na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo, at nakatayo ito sa lugar na hindi dapat kalagyan nito.” (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) “Kapag nangyari na ito, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. 15 Ang nasa labas ng bahay[b] ay huwag nang pumasok para kumuha ng anuman. 16 Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. 17 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. 18 Idalangin ninyong huwag itong mangyari sa panahon ng taglamig. 19 Sapagkat sa panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng mga paghihirap na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Dios ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan. 20 Kung hindi paiikliin[c] ng Panginoon ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.

21 “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 23 Kaya mag-ingat kayo! Binabalaan ko na kayo habang hindi pa nangyayari ang mga ito.”

Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(D)

24 “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, 25 at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay[d] sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. 26 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap na taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 Ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(E)

28 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 29 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 30 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito.

31 “Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[e]

Walang Taong Nakakaalam Kung Kailan Babalik si Jesus(F)

32 “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 33 Kaya mag-ingat kayo at laging magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan ako darating. 34 Maaari natin itong ihambing sa isang taong papunta sa malayong lugar. Bago siya umalis ng bahay ay binigyan niya ng kanya-kanyang gawain ang bawat alipin at saka binilinan ang guwardya sa pintuan na maging handa sa kanyang pagdating. 35 Kaya maging handa kayo, dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang may-ari ng bahay; maaaring sa hapon o sa hatinggabi, sa madaling-araw o sa umaga. 36 Baka bigla siyang dumating at datnan kayong natutulog. 37 Kaya ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko rin sa lahat: Maging handa kayo!”

Job 9

Sumagot si Job

Sumagot si Job,

“Totoo ang sinabi mo. Pero paano mapapatunayan ng tao na wala siyang kasalanan sa harapan ng Dios? Kahit na makipagtalo pa siya sa Dios sa hukuman, wala siyang magagawa, dahil sa isang libong katanungan ng Dios, hindi niya masasagot isa man sa mga ito. Marunong at makapangyarihan ang Dios. Sino ang nakipaglaban sa kanya at nagtagumpay?

“Walang anu-anoʼy pinauuga niya ang mga bundok at natitibag ito sa tindi ng kanyang galit. Niyayanig niya ang lupa at ang mga pundasyon nito ay nauuga. Kapag inutusan niya ang araw o ang mga bituin, hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag. Tanging siya lang ang nakapaglalatag ng langit at nakapagpapatigil ng alon. Siya ang manlilikha ng grupo ng mga bituin na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades, at mga bituin sa katimugan. 10 Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin. 11 Kapag dumadaan siya sa tabi ko, hindi ko siya nakikita o nararamdaman. 12 Kung may gusto siyang kunin, walang makakapigil sa kanya. At sino ang makakapagreklamo sa mga ginagawa niya? 13 Hindi pinipigil ng Dios ang kanyang galit. Kahit ang mga katulong ng dragon na si Rahab ay yumuyukod sa takot sa kanya. 14 Kaya papaano ko ipagtatanggol ang sarili ko sa Dios? Ano ang mga salitang maaari kong gamitin para makipagtalo sa kanya? 15 Kahit na wala akong kasalanan, hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko. Ang magagawa ko lamang ay magmakaawa sa Dios na aking Hukom. 16 Kahit hilingin kong magkausap kami at pumayag siya, hindi pa rin niya ako pakikinggan. 17 Sapagkat pinapahirapan niya ako na parang sinasalanta ng bagyo, at dinadagdagan pa niya ang paghihirap ko nang walang dahilan. 18 Halos malagot na ang aking hininga dahil sa paghihirap na idinulot niya sa akin. 19 Kung lakas ang pag-uusapan walang tatalo sa kanya! At kung sa hukuman idadaan, sinong makapaghahabla sa kanya? 20 Kahit na wala akong kasalanan, paparusahan pa rin ako dahil sa mga sinabi ko. 21 Kahit na wala akong kapintasan, wala na itong halaga sa akin ngayon. Kinamumuhian ko na ang aking buhay. 22 Pareho lang naman ang kapalaran ng matuwid at masama. Lahat sila ay mamamatay. 23 Kapag biglang namatay sa kalamidad ang matuwid, natatawa lang siya. 24 Ipinagkatiwala niya ang mundo sa masasama. Tinatakpan niya ang mata ng mga hukom para hindi sila humatol ng tama. Kung hindi siya ang gumagawa nito, sino pa kaya?

25 “Madaling lumipas ang mga araw sa buhay ko; mas mabilis pa ito kaysa sa mananakbo. Lumilipas ito nang walang nakikitang kabutihan. 26 Dumadaan ito na kasimbilis ng isang matuling sasakyang pandagat o ng agilang dumadagit ng pagkain. 27 Kahit tumigil na ako sa pagdaing at pagdadalamhati at akoʼy ngumiti na, 28 nananaig pa rin sa akin ang takot sa mga paghihirap na maaaring dumating sa akin. Dahil alam kong hindi niya ako ituturing na walang kasalanan. 29 Yaman din lamang na itinuring na niya akong may kasalanan, wala nang halaga na ipagtanggol ko pa ang aking sarili. 30 Kahit sabunan ko pa ang aking buong katawan para luminis, 31 ilulubog pa rin niya ako sa maputik na hukay, upang kahit ang sarili kong damit ay ikahiya ako. 32 Hindi tao ang Dios na katulad ko; hindi ko siya kayang sagutin o isakdal man sa hukuman. 33 Mayroon sanang mamagitan sa amin para pagkasunduin kaming dalawa, 34 at mapatigil sana niya ang pagpalo ng Dios sa akin, para hindi na ako matakot. 35 Kung magkagayoʼy makakausap ko na ang Dios nang walang takot, pero sa ngayon hindi ko pa ito magagawa.”

Roma 13

Tungkulin sa mga Pinuno ng Bayan

13 Magpasakop kayong lahat sa mga namumuno sa pamahalaan. Sapagkat ang lahat ng pamahalaan ay nagmula sa Dios, at siya ang naglagay sa mga namumuno sa kanilang pwesto. Kaya ang mga lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Dios, at dahil dito parurusahan niya sila. Ang mga namumuno ay hindi dapat katakutan ng mga gumagawa ng mabuti. Ang dapat matakot sa kanila ay ang mga gumagawa ng masama. Kaya kung nais mo na wala kang ikatakot sa mga namumuno, gawin mo ang mabuti at pupurihin ka pa nila. Sapagkat ang mga namumuno sa bayan ay mga lingkod ng Dios para sa ating ikabubuti. Pero kung gagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil may kapangyarihan silang parusahan ka. Silaʼy mga lingkod ng Dios na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. Kaya magpasakop kayo sa pamahalaan, hindi lang para maiwasan ang parusa kundi dahil ito ang nararapat gawin.

Iyan din ang dahilan kung bakit tayo nagbabayad ng buwis. Sapagkat ang mga namumuno ay lingkod ng Dios at inilalaan nila ang kanilang buong panahon sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Kaya ibigay ninyo ang nararapat ibigay. Bayaran ninyo ang inyong mga buwis, igalang ang dapat igalang, at parangalan ang dapat parangalan.

Tungkulin sa Isaʼt Isa

Huwag kayong mananatiling may utang kaninuman, maliban sa utang ng pagmamahalan. Sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan. Ang mga kautusang, “Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang mag-iimbot,” at ang iba pang mga utos ay napapaloob sa iisang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” 10 Ang taong nagmamahal ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa. Kaya kung nagmamahalan tayo, tinutupad natin ang buong Kautusan.

11 Dapat ninyong gawin ito dahil alam ninyong panahon na para gumising kayo. Sapagkat mas malapit na ngayon ang oras ng ating kaligtasan kaysa noong una, nang tayoʼy sumampalataya kay Jesu-Cristo. 12 Mag-uumaga na, kaya iwanan na natin ang mga gawain ng kadiliman at isuot na ang kabutihan bilang panlaban nating mga nasa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal dahil tayo ay nasa liwanag na. Huwag nating gawin ang paglalasing, magugulong kasiyahan, sekswal na imoralidad, kalaswaan, ang pag-aaway, at inggitan. 14 Sa halip, paghariin ninyo sa inyong buhay ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong pagbigyan ang inyong makamundong pagnanasa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®