Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 29

Nakarating si Jacob sa Bahay ni Laban

29 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay niya hanggang sa nakarating siya sa lupain ng mga taga-silangan. May nakita siya roon na isang balon at sa tabi nito ay may tatlong pulutong ng tupa na nagpapahinga, dahil doon kumukuha ang mga tao ng tubig na ipinapainom sa mga tupa. Ang balon na ito ay tinatakpan ng malaking bato. Iniipon muna ng mga pastol ang lahat ng tupa bago nila pagulungin ang batong nakatakip sa balon. Pagkatapos nilang painumin ang mga tupa, muli nilang tinatakpan ang balon.

Ngayon, nagtanong si Jacob sa mga pastol ng tupa, “Mga kaibigan, taga-saan kayo?”

Sumagot sila, “Taga-Haran.”

Muling nagtanong si Jacob, “Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?”

Sumagot sila, “Oo, kilala namin.”

Nagpatuloy sa pagtatanong si Jacob, “Kumusta na ba siya?”

Sumagot sila, “Mabuti naman. Tingnan mo, paparating ang anak niyang si Raquel dito kasama ang kanilang mga tupa.”

Sinabi ni Jacob sa kanila, “Napakaaga pa at hindi pa oras para ipunin ang mga tupa, mabuti sigurong painumin ninyo sila at muling ipastol.”

Sumagot sila, “Hindi namin iyan magagawa kung hindi muna maiipon ang lahat ng tupa. Kung nandito na ang lahat, doon pa lamang namin pagugulungin ang takip na bato para silaʼy painumin.”

Nagsasalita pa si Jacob sa kanila nang dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kanyang ama, dahil siya ang nagbabantay sa mga ito. 10 Pagkakita ni Jacob kay Raquel na anak ng tiyuhin niyang si Laban, na kasama ang mga tupa, pumunta siya sa balon at pinagulong ang bato at pinainom ang mga tupa ng tiyuhin niyang si Laban. 11 Pagkatapos, hinagkan niya si Raquel at napaiyak siya sa tuwa. 12 Sinabi niya kay Raquel, “Anak ako ni Rebeka, kaya pamangkin ako ng iyong ama.” Patakbong umuwi si Raquel at sinabi sa kanyang ama.

13 Nang marinig ni Laban na nariyan si Jacob na pamangkin niya kay Rebeka, agad niya itong sinalubong. Hinagkan niya si Jacob at dinala sa bahay niya. At doon sinabi ni Jacob kay Laban ang lahat ng nangyari. 14 Sinabi ni Laban sa kanya, “Tunay na magkadugo tayo.”

Naglingkod si Jacob kay Laban dahil kina Raquel at Lea

Pagkalipas ng isang buwan na pananatili ni Jacob kina Laban, 15 sinabi ni Laban sa kanya, “Hindi mabuti na magtrabaho ka para sa akin na walang bayad dahil pamangkin kita. Sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo.”

16 May dalawang anak na dalaga si Laban. Si Lea ang panganay at si Raquel ang nakababatang kapatid. 17 Mapupungay[a] ang mata ni Lea, pero mas maganda ang hubog ng katawan ni Raquel. 18 Dahil may gusto si Jacob kay Raquel, sinabi niya kay Laban, “Maglilingkod po ako sa inyo ng pitong taon kung ibibigay nʼyo sa akin ang kamay ni Raquel.”

19 Sumagot si Laban, “Mas mabuti pang ikaw ang mapangasawa niya kaysa sa ibang lalaki. Manatili ka na lang dito.” 20 Kaya naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon para mapangasawa niya si Raquel. Dahil sa pagmamahal niya kay Raquel, parang ilang araw lang sa kanya ang pitong taon.

21 Pagkalipas ng pitong taon, sinabi ni Jacob kay Laban, “Natapos na ang paglilingkod ko sa inyo, kaya ibigay nʼyo na sa akin si Raquel para magsama na kami.”

22 Pumayag si Laban, kaya nagdaos siya ng handaan at inimbitahan niya ang lahat ng tao sa lugar na iyon. 23 Pero kinagabihan, sa halip na si Raquel ang dalhin ni Laban kay Jacob, si Lea ang dinala niya. At sumiping si Jacob kay Lea. 24 (Ibinigay ni Laban kay Lea ang alipin niyang babae na si Zilpa para maging alipin nito.)

25 Kinabukasan, nalaman ni Jacob na si Lea pala ang kasiping niya. Kaya pinuntahan niya si Laban at sinabi, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Naglingkod ako sa iyo para mapangasawa ko si Raquel. Ngayon, bakit niloko mo ako?”

26 Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa aming lugar na maunang makapag-asawa ang nakababatang kapatid kaysa sa nakatatandang kapatid. 27 Hintayin mo lamang na matapos ang isang linggong pagdiriwang ng inyong kasal at ibibigay ko agad sa iyo si Raquel, iyan ay kung muli kang maglilingkod ng pitong taon pa.”

28 Pumayag si Jacob sa sinabi ni Laban. Pagkatapos ng isang linggo na pagdiriwang ng kasal nila ni Lea, ibinigay ni Laban kay Jacob si Raquel. 29 Ibinigay ni Laban kay Raquel ang alipin niyang babae na si Bilha para maging alipin nito. 30 Kaya sumiping din si Jacob kay Raquel. Mas mahal niya si Raquel kaysa kay Lea. Naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon pa.

Ang mga Anak ni Jacob

31 Nakita ng Panginoon na hindi mahal ni Jacob si Lea, kaya niloob niyang magkaanak si Lea, pero si Raquel naman ay hindi. 32 Nagbuntis si Lea at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Reuben,[b] dahil sinabi niya, “Nakita ng Panginoon ang paghihirap ko, at ngayoʼy tiyak na mamahalin na ako ng aking asawa.”

33 Muli siyang nagbuntis at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Panginoon ng isang anak na lalaki dahil narinig niya na hindi ako minamahal ng aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Simeon.[c]

34 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, magiging malapit na sa akin ang aking asawa dahil tatlo na ang anak naming lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Levi.[d]

35 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Juda.[e] Mula noon, hindi na siya nagkaanak.

Mateo 28

Muling Nabuhay si Jesus(A)

28 Madaling-araw ng Linggo, makalipas ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala kasama ang isa pang Maria upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas, at isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit at iginulong ang bato na nakatakip sa libingan at inupuan ito. Nakakasilaw na parang kidlat ang kanyang anyo at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga sundalong nagbabantay sa libingan at hinimatay.

Sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan ng kanyang bangkay.” Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Puntahan nʼyo agad ang mga tagasunod niya, at sabihin ninyo sa kanila na nabuhay siyang muli at mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo!” Kaya dali-dali silang umalis sa libingan. At kahit natatakot sila, masaya pa rin sila sa ibinalita sa kanila ng anghel. Patakbo nilang pinuntahan ang mga tagasunod ni Jesus upang ibalita ang pangyayari.

Pero maya-maya, sinalubong sila ni Jesus sa daan at binati. Lumapit sila kay Jesus, niyakap ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Puntahan ninyo ang aking mga kapatid at sabihin sa kanila na pumunta sila sa Galilea. Doon nila ako makikita.”

Ang Ulat ng Mga Guwardya

11 Pagkaalis ng mga babae sa libingan, pumunta naman sa lungsod ang ilan sa mga guwardya upang ibalita sa mga namamahalang pari ang nangyari. 12 Matapos makipagpulong ng mga namamahalang pari sa mga pinuno ng mga Judio, sinuhulan nila ng malaking halaga ang mga bantay. 13 Sinabi nila sa mga bantay, “Ipamalita ninyo na habang natutulog kayo kagabi, dumating ang mga tagasunod ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay. 14 Kapag narinig ito ng gobernador, kami na ang bahalang magpaliwanag sa kanya, para hindi kayo mapahamak.” 15 Tinanggap ng mga guwardya ang pera at ginawa ang sinabi sa kanila. Kaya hanggang ngayon, ito pa rin ang kwentong ikinakalat ng mga Judio.

Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(B)

16 Pumunta ang 11 tagasunod ni Jesus sa Galilea, doon sa isang bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, sumamba sila sa kanya, kahit na ang ilan ay may pagdududa. 18 Lumapit sa kanila si Jesus at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”

Ester 5

Nakiusap si Ester sa Hari

Nang ikatlong araw, isinuot ni Ester ang kasuotan niyang pangreyna, at tumayo sa bulwagan ng palasyo na nakaharap sa trono ng hari. Nakaupo noon ang hari sa trono niya at nakaharap siya sa pintuan. Nang makita niya si Reyna Ester, tuwang-tuwa siya at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Kaya lumapit si Ester at hinipo ang dulo ng setro.

Nagtanong ang hari sa kanya, “Ano ang kailangan mo Mahal na Reyna? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” Sumagot si Ester, “Mahal na Hari, kung ibig po ninyo, inaanyayahan ko po kayo at si Haman sa hapunang ihahanda ko para sa inyo.” Sinabi ng hari sa mga alipin niya, “Tawagin ninyo si Haman para masunod namin ang nais ni Ester.” Kaya pumunta agad ang hari at si Haman sa hapunang inihanda ni Ester. At habang nag-iinuman sila, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba talaga ang kailangan mo? Sabihin mo na dahil ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” Sumagot si Ester, “Ito po ang kahilingan ko, kung kalugod-lugod po ako sa inyo, at gusto ninyong ibigay ang kahilingan ko, minsan ko pa po kayong inaanyayahan at si Haman sa hapunan na ihahanda ko para sa inyo bukas. At saka ko po sasabihin ang kahilingan ko sa inyo.”

Nagplano si Haman na Patayin si Mordecai

Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas sa palasyo si Haman. Pero nagalit siya nang makita niya si Mordecai sa pintuan ng palasyo na hindi man lang tumayo o yumukod bilang paggalang sa kanya. 10 Ganoon pa man, pinigilan niya ang kanyang sarili at nagpatuloy sa pag-uwi.

Pagdating sa bahay niya, tinawag niya ang mga kaibigan niya at ang asawa niyang si Zeres. 11 Ipinagmalaki niya sa kanila ang kayamanan at mga anak niya, ang lahat ng pagpaparangal sa kanya ng hari pati na ang pagbibigay sa kanya ng pinakamataas na katungkulan sa lahat ng pinuno at sa iba pang mga lingkod ng hari. 12 Sinabi pa niya, “Hindi lang iyon, noong naghanda ng hapunan si Reyna Ester, ako lang ang inanyayahan niyang makasama ng hari. At muli niya akong inanyayahan sa ihahanda niyang hapunan bukas kasama ng hari. 13 Pero ang lahat ng itoʼy hindi makapagbibigay sa akin ng kaligayahan, habang nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng palasyo.”

14 Sinabi sa kanya ng kanyang asawaʼt mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng matulis na kahoy na 75 talampakan ang taas. At bukas ng umaga, hilingin mo sa hari na ituhog doon si Mordecai para maging maligaya kang kasama ng hari sa inihandang hapunan.” Nagustuhan iyon ni Haman kaya nagpagawa siya niyon.

Gawa 28

Sa Malta

28 Nang makaahon na kami at ligtas na sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta. Napakabait sa amin ng mga taga-roon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagsiga sila para makapagpainit kami, dahil umuulan at maginaw. Nanguha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Pero nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, biglang lumabas ang makamandag na ahas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay. Pagkakita ng mga taga-roon sa ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng dios ng katarungan na mabuhay pa siya.” Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano. Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang dios!”

Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw. Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito. Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila. 10 Marami silang ibinigay sa amin na regalo. At nang paalis na kami, binigyan pa nila kami[a] ng mga kakailanganin namin sa paglalakbay.

Mula Malta Papuntang Roma

11 Matapos ang tatlong buwan na pananatili namin sa isla ng Malta, sumakay kami sa isang barkong nagpalipas doon ng tag-unos. Ang barkong itoʼy galing sa Alexandria, at nakalarawan sa unahan nito ang kambal na dios. 12 Mula sa Malta, pumunta kami sa Syracuse at tatlong araw kami roon. 13 Mula roon, bumiyahe kami hanggang sa nakarating kami sa Regium. Kinabukasan, umihip ang habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli. 14 Doon may nakita kaming mga kapatid sa Panginoon. Hiniling nila sa amin na manatili roon ng isang linggo. Pagkatapos, dumiretso kami sa Roma. 15 Nang marinig ng mga kapatid sa Roma na dumating kami, sinalubong nila kami sa Pamilihan ng Apius[b] at sa Tres Tabernas. Nang makita ni Pablo ang mga kapatid, nagpasalamat siya sa Dios at lumakas ang kanyang loob.

Sa Roma

16 Pagdating namin sa Roma, pinahintulutan si Pablo na tumira kahit saan niya gusto, pero may isang sundalong magbabantay sa kanya.

17 Pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng mga Judio sa Roma. Nang nagkakatipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na wala akong nagawang kasalanan laban sa ating bayan o sa mga kaugaliang mula sa ating mga ninuno, dinakip nila ako sa Jerusalem at inakusahan sa gobyerno ng Roma. 18 Nilitis ako ng mga Romanong opisyal, at nang malaman nila na wala akong nagawang masama para hatulan ng kamatayan, palalayain na sana nila ako. 19 Pero tinutulan ng mga Judio, kaya napilitan akong lumapit sa Emperador, kahit wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. 20 Ito ang dahilan kung bakit hiniling kong makita kayo, para makapagsalita ako sa inyo, dahil nakakadena ako ngayon dahil naniniwala ako sa inaasahan ng mga Judio.”

21 Sinagot nila si Pablo, “Wala kaming natanggap na sulat mula sa Judea tungkol sa iyo. Ang mga kapwa natin Judio na dumating dito galing sa Jerusalem ay wala ring ibinalita o sinabi laban sa iyo. 22 Pero gusto rin naming marinig kung ano ang iyong sasabihin, dahil alam namin na kahit saang lugar, minamasama ng mga tao ang sekta mong iyan.”

23 Kaya nagtakda sila ng araw para magtipong muli. Pagdating ng araw na iyon, lalong dumami ang pumunta sa bahay na tinutuluyan ni Pablo. Pinatunayan niya sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios, at ipinaliwanag niya ang tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng mga Kautusan ni Moises at ng mga isinulat ng mga propeta para sumampalataya sila sa kanya. 24 Ang iba ay naniwala sa kanyang sinabi, pero ang iba naman ay hindi. 25 At dahil sa hindi sila magkasundo, nagsiuwian sila. Pero bago sila umalis, sinabi ni Pablo sa kanila, “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. 26 Sapagkat sinabi niya,

    ‘Puntahan mo ang mga taong ito at sabihin mo sa kanila na kahit makinig sila, hindi sila makakaunawa,
    at kahit tumingin sila, hindi sila makakakita,
27 dahil matigas ang puso ng mga taong ito.
    Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
    Dahil baka makakita sila at makarinig,
    at maunawaan nila kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila.’ ”[c]

28 Sinabi pa ni Pablo, “Gusto ko ring sabihin sa inyo na ang salita ng Dios tungkol sa kaligtasan ay ibinalita na sa mga hindi Judio, at sila ay talagang nakikinig.” [29 Pagkasabi nito ni Pablo, nag-uwian ang mga Judio na mainit na nagtatalo.]

30 Sa loob ng dalawang taon, nanatili si Pablo sa bahay na kanyang inuupahan. At tinanggap niya ang lahat ng dumadalaw sa kanya. 31 Tinuruan niya sila tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo. Hindi siya natakot sa kanyang pagtuturo at wala namang pumigil sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®