M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kasunduan ng Dios at ni Abram
15 Pagkatapos noon, nagsalita ang Panginoon kay Abram sa pamamagitan ng isang pangitain. Sinabi niya, “Abram, huwag kang matakot dahil ako ang magiging kalasag mo at gagantimpalaan kita.”
2 Pero sinabi ni Abram, “O Panginoong Dios, ano po ang halaga ng gantimpala nʼyo sa akin dahil hanggang ngayon ay wala pa po akong anak. Ang magiging tagapagmana ko po ay si Eliezer na taga-Damascus. 3 Dahil hindi nʼyo po ako binigyan ng anak, kaya isa sa mga alipin ng sambahayan ko ang magmamana ng mga ari-arian ko.”
4 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi siya ang magmamana ng mga ari-arian mo kundi ang sarili mong anak.” 5 Pagkatapos, dinala siya ng Panginoon sa labas at sinabi, “Masdan mo ang mga bituin sa langit, bilangin mo kung makakaya mo. Magiging ganyan din karami ang lahi mo.”
6 Nanalig si Abram sa Panginoon. At dahil dito, itinuring siyang matuwid.
7 Sinabi pa niya kay Abram, “Ako ang Panginoon na nag-utos sa iyo na lisanin ang Ur na sakop ng mga Caldeo[a] para ibigay sa iyo ang lupaing ito at magiging pag-aari mo.”
8 Pero sinabi ni Abram, “O Panginoong Dios, paano ko po malalaman na magiging akin ito?”
9 Sumagot ang Panginoon, “Dalhan mo ako rito ng isang dumalagang baka, isang babaeng kambing, at isang lalaking tupa, na ang bawat isaʼy tatlong taon ang gulang. At magdala ka rin ng isang inakay na batu-bato at isang inakay na kalapati.”
10 Kaya dinala ni Abram ang lahat ng ito sa Panginoon. Pagkatapos, pinaghati-hati niya at inilapag sa gitna na magkakatapat ang bawat kabiyak. Ang batu-bato lamang at ang kalapati ang hindi niya hinati. 11 Dumadapo sa hinating mga hayop ang mga ibong kumakain ng patay, pero binubugaw ito ni Abram.
12 Nang palubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram at matinding takot ang dumating sa kanya. 13 Pagkatapos, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Siguradong ang iyong mga lahi ay maninirahan sa ibang bansa, at gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon. 14 Ngunit parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, aalis sila sa bansang iyon na dala ang maraming kayamanan. 15 Ikaw naman Abram, pahahabain ko ang buhay mo at mamamatay ka sa katandaan na may kapayapaan. 16 Lilipas muna ang apat na henerasyon bago makabalik dito ang mga lahi mo, dahil hindi pa umaabot sa sukdulan ang pagkakasala ng mga Amoreo para parusahan sila at paalisin sa lupaing ito.”
17 Nang lumubog na ang araw at dumilim na, biglang may nakita si Abram na palayok na umuusok at nakasinding sulo, na dumaraan sa gitna ng mga hinating hayop. 18 Sa araw na iyon, gumawa ng kasunduan ang Panginoon kay Abram. Sinabi niya, “Ibibigay ko sa mga lahi mo ang lupaing ito mula sa dulo ng ilog na hangganan ng Egipto hanggang sa malaking ilog na Eufrates. 19 Ito ang lupain ng mga Keneo, Kenizeo, Kadmoneo, 20 Heteo, Perezeo, Refaimeo, 21 Amoreo, Cananeo, Gergaseo, at mga Jebuseo.”
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang tungkol kay Jesus. 2 Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Siyaʼy si Juan na tagapagbautismo! Muli siyang nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”
3 Ipinahuli niya noon si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 4 Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tamang magsama sila ni Herodias. 5 Gusto sanang ipapatay ni Herodes si Juan pero natakot siya sa mga Judio dahil itinuturing nilang propeta si Juan.
6 Nang dumating ang kaarawan ni Herodes, sumayaw para sa mga bisita ang dalagang anak ni Herodias na ikinatuwa naman ni Herodes. 7 Kaya isinumpa niyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito.
8 Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga, “Gusto ko pong ibigay nʼyo sa akin ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang bandehado.” 9 Nalungkot ang hari sa kahilingang iyon. Pero dahil sa pangako niyang narinig mismo ng mga bisita, iniutos niya na gawin ang kahilingan ng dalaga. 10 Kaya pinugutan ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan, 11 inilagay ang ulo niya sa isang bandehado at dinala sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 12 Ang bangkay ni Juan ay kinuha ng kanyang mga tagasunod at inilibing, at ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(B)
13 Nang mabalitaan iyon ni Jesus, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang tahimik na lugar. Nang malaman ng mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan na nakaalis na si Jesus, lumakad sila patungo sa lugar na pupuntahan niya. 14 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga may sakit sa kanila.
15 Nang gumagabi na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang na lugar po tayo at dumidilim na. Paalisin nʼyo na po ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at nang makabili ng pagkain nila.” 16 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila.” 17 Sumagot sila, “Mayroon lang po tayong limang tinapay at dalawang isda.” 18 “Dalhin ninyo ang mga ito sa akin,” ang sabi ni Jesus. 19 Inutusan niya ang mga tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ibinigay naman nila ito sa mga tao. 20 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket. 21 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 5,000, maliban pa sa mga babae at mga bata.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(C)
22 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 23 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi. 24 Nang oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga tagasunod niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Pagkakita ng mga tagasunod na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot. 27 Pero agad na nagsalita si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 28 Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako riyan na naglalakad din sa tubig.” 29 “Halika,” sabi ni Jesus. Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Jesus. 30 Pero nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!” 31 Agad naman siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin. 33 At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, “Talagang kayo nga po ang Anak ng Dios.”
Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(D)
34 Nang makatawid sila ng lawa, dumaong sila sa bayan ng Genesaret. 35 Nakilala ng mga taga-roon si Jesus at ipinamalita nila sa mga karatig lugar na naroon siya. Kaya dinala ng mga tao kay Jesus ang mga may sakit sa kanila. 36 Nakiusap sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.
Hinadlangan ang Pagpapatayo ng Pader
4 Nang mabalitaan ni Sanbalat na itinatayo naming muli ang pader, nagalit siya ng husto at hinamak kaming mga Judio. 2 Sa harap ng mga kasama niya at ng mga sundalo ng Samaria, sinabi niya, “Ano ba ang ginagawa ng mga kawawang Judiong ito? Akala ba nila, maitatayo nila ulit ang pader ng Jerusalem sa loob lang ng isang araw at makapaghahandog uliʼt sila? Akala siguro nila, magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na mga bato ng pader!” 3 Sinabi pa ng Ammonitang si Tobia na nasa tabi ni Sanbalat, “Kahit asong-gubat[a] lang ang sumampa sa pader na iyan, mawawasak na iyan!”
4 Agad akong nanalangin, “O aming Dios, pakinggan nʼyo po kami dahil hinahamak kami. Sa kanila po sana mangyari ang mga panunuya nilang ito sa amin. Madala sana sila sa ibang lugar bilang bihag. 5 Huwag nʼyo po silang patawarin dahil sa panghahamak[b] nila sa inyo sa harap naming mga gumagawa ng pader.”
6 Patuloy ang aming pagtatayo ng pader at nangangalahati na ang taas nito dahil ang mga tao ay talagang masigasig na gumagawa. 7 Ngunit nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobia, at ng mga taga-Arabia, taga-Ammon, at mga taga-Ashdod na patuloy ang pagtatayo ng pader ng Jerusalem at natakpan na ang mga butas nito, galit na galit sila. 8 Binalak nilang lahat na salakayin ang Jerusalem para guluhin kami. 9 Subalit nanalangin kami sa aming Dios at naglagay ng mga guwardya araw at gabi para maprotektahan ang mga sarili namin.
10 Sinabi ng mga taga-Juda, “Pagod na kami sa pagtatrabaho. Napakarami pang guho na dapat hakutin, hindi namin ito makakayang tapusin.”
11 Samantala, sinabi ng mga kalaban namin, “Biglain natin sila, bago nila mapansin, napasok na natin ang lugar nila. Pagpapatayin natin sila, at mahihinto na ang pagtatrabaho nila.”
12 Ang mga Judio na nakatira malapit sa kanila ay palaging nagbabalita sa amin ng balak nilang pagsalakay. 13 Kaya naglagay ako ng mga tao para magbantay sa pinakamababang bahagi ng pader na madaling pasukin. Pinagbantay ko sila roon na magkakagrupo sa bawat pamilya, at may mga armas silang mga espada, sibat at palaso. 14 Habang pinag-iisipan ko ang kalagayan namin, ipinatawag ko ang mga pinuno, mga opisyal at ang mga mamamayan, at sinabi ko sa kanila, “Huwag kayong matakot sa mga kalaban. Alalahanin natin ang makapangyarihan at kamangha-manghang Panginoon. Makipaglaban tayo para mailigtas natin ang ating mga kamag-anak, mga anak, mga asawa, pati ang ating mga bahay.”
15 Nang mabalitaan ng aming mga kalaban na nalaman namin ang balak nilang pagsalakay at naisip nilang sinira ng Dios ang balak nila, bumalik kaming lahat sa ginagawa naming pader. 16 Ngunit mula nang araw na iyon, kalahati lang sa mga tauhan ko ang gumagawa ng pader, dahil ang kalahati ay nagbabantay na may mga sibat, pananggalang, palaso, at panangga sa dibdib. Ang mga opisyal ay nakatayo sa likod ng mga mamamayan ng Juda 17 na gumagawa ng pader. Ang isang kamay ng mga nagtatrabaho ay may hawak na mga gamit sa paggawa at ang isa namang kamay ay may hawak na sandata, 18 at nakasukbit sa baywang nila ang espada. Ang tagapagpatunog ng trumpeta ay nasa tabi ko.
19 Sinabi ko sa mga pinuno, mga opisyal, at sa mga mamamayan, “Malawak ang ginagawa nating pader at malalayo ang ating pagitan habang nagtatrabaho, 20 kaya kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, pumunta kayo agad dito sa akin. Ang Dios natin ang siyang makikipaglaban para sa atin.”
21 Kaya patuloy ang paggawa namin mula madaling-araw hanggang magtakip-silim, at ang kalahati ng mga tao ay nagbabantay na may dalang sandata. 22 Nang panahong iyon, sinabi ko rin sa mga taong naninirahan sa labas ng Jerusalem na sila at ang mga alipin nila ay papasok sa lungsod kapag gabi para magbantay, at kinabukasan naman ay magtatrabaho sila. 23 Dahil palagi kaming nagbabantay, ako at ang mga kamag-anak ko, mga tauhan, at mga guwardya ay hindi na nakapagpalit ng damit. At kahit pumunta sa tubig ay dala-dala namin ang aming mga sandata.
Sina Pablo at Bernabe sa Iconium
14 Ang nangyari sa Iconium ay katulad din ng nangyari sa Antioc. Pumunta sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio. At dahil sa kanilang pangangaral, maraming Judio at hindi Judio ang sumampalataya kay Jesus. 2 Pero mayroon ding mga Judio na hindi sumampalataya. Siniraan nila ang mga mananampalataya sa mga hindi Judio, at sinulsulan pa nilang kalabanin sila. 3 Nagtagal sina Pablo at Bernabe sa Iconium. Hindi sila natakot magsalita tungkol sa Panginoon. Ipinakita ng Panginoon na totoo ang kanilang itinuturo tungkol sa kanyang biyaya, dahil binigyan niya sila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay. 4 Kaya nahati ang mga tao sa lungsod na iyon; ang ibaʼy kumampi sa mga Judiong hindi mananampalataya, at ang iba namaʼy sa mga apostol.
5 Nagplano ang ilang mga Judio at mga hindi Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol. 6 Nang malaman ng mga apostol ang planong iyon, agad silang umalis papuntang Lystra at Derbe, mga lungsod ng Lycaonia, at sa mga lugar sa palibot nito. 7 Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.
Sina Pablo at Bernabe sa Lystra
8 May isang lalaki sa Lystra na lumpo mula nang ipinanganak. 9 Nakinig siya sa mga mensahe ni Pablo. Tinitigan ni Pablo ang lumpo at nakita niyang may pananampalataya ito na gagaling siya. 10 Kaya malakas niyang sinabi, “Tumayo ka!” Biglang tumayo ang lalaki at naglakad-lakad. 11 Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Lycaonia, “Bumaba ang mga dios dito sa atin sa anyo ng tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo dahil siya ang mismong tagapagsalita. 13 Ang templo ng kanilang dios na si Zeus ay malapit lang sa labas ng lungsod. Kaya nagdala ang pari ni Zeus ng mga torong may kwintas na bulaklak doon sa pintuan ng lungsod. Gusto niya at ng mga tao na ihandog ito sa mga apostol. 14 Nang malaman iyon nina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang damit[a] at tumakbo sila sa gitna ng mga tao at sumigaw, 15 “Mga kaibigan, bakit maghahandog kayo sa amin? Kami ay mga tao lang na katulad ninyo. Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita para talikuran na ninyo ang mga walang kwentang dios na iyan at lumapit sa Dios na buhay. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng bagay na narito. 16 Noon, hinayaan na lang ng Dios ang mga tao na sumunod sa gusto nila. 17 Ngunit hindi nagkulang ang Dios sa pagpapakilala ng kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Binibigyan niya kayo ng ulan at mga ani sa takdang panahon. Masaganang pagkain ang ibinibigay niya sa inyo para matuwa kayo.” 18 Pero kahit ganito ang sinasabi ng mga apostol, nahirapan pa rin silang pigilan ang mga tao na maghandog sa kanila.
19 May mga Judiong dumating mula sa Antioc na sakop ng Pisidia at sa Iconium. Kinumbinsi nila ang mga tao na kumampi sa kanila. Pagkatapos, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lungsod sa pag-aakalang siyaʼy patay na. 20 Pero nang paligiran siya ng mga tagasunod ni Jesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe.
Bumalik sina Pablo at Bernabe sa Antioc na Sakop ng Syria
21 Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na sumunod kay Jesu-Cristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Lystra, Iconium, at sa Antioc na sakop ng Pisidia. 22 Pinatatag nila ang mga tagasunod ni Jesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming kahirapan ang dapat nating danasin para mapabilang sa paghahari ng Dios.” 23 Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
24 Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia. 25 Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. 26 Mula roon, bumiyahe sila pabalik sa Antioc na sakop ng Syria. Ito ang lugar na kanilang pinanggalingan, at dito rin sila ipinanalangin ng mga mananampalataya na pagpalain ng Dios ang kanilang gawain na ngayon ay natapos na nila.
27 Nang dumating sina Pablo at Bernabe sa Antioc, tinipon nila ang mga mananampalataya[b] at ikinuwento sa kanila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila, at kung paanong binigyan ng Dios ang mga hindi Judio ng pagkakataong sumampalataya. 28 At nanatili sila nang matagal sa Antioc kasama ang mga tagasunod ni Jesus doon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®