Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Error: 'Exodo 3 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Lucas 6

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)

Minsan isang Sabbath,[a] habang nagdaraan si Jesus sa isang triguhan, namitas ang kanyang mga alagad ng uhay at pagkaligis dito ng kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito. Ngunit ilan sa mga Fariseo ang nagsabi, “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal kung Sabbath?” Kaya't sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na ihinandog at kinain ito at ipinamigay pa sa kanyang mga kasama. Hindi ito ipinahihintulot kainin ninuman maliban ng mga pari.” At sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”

Ang Taong Paralisado ang Kamay(B)

Araw din ng Sabbath nang pumasok si Jesus sa sinagoga upang magturo. Naroroon ang isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Si Jesus ay minatyagang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo kung magpapagaling siya sa Sabbath. Nagnanais silang may maibintang laban sa kanya. Ngunit alam niya ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” Tumindig ang lalaki at tumayo nga ito roon. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo, dapat bang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa araw ng Sabbath? Ang magligtas ng buhay o pumuksa?” 10 At pagkalibot ng tingin sa kanilang lahat ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong mga kamay.” Ganoon nga ang ginawa ng lalaki at gumaling ang kanyang kamay. 11 Ngunit nagngitngit sila sa galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.

Ang Pagtawag sa Labindalawa(C)

12 Nang mga araw na iyon, umakyat sa bundok si Jesus upang manalangin. Magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya sa kanila ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Ang mga ito ay sina Simon na tinawag niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; sina Santiago at Juan; sina Felipe, Bartolome, 15 Mateo, at Tomas; si Santiago na anak ni Alfeo; si Simon na tinawag na Makabayan; 16 si Judas na anak ni Santiago; at si Judas Iscariote, na naging taksil.

Si Jesus ay Nagturo at Nagpagaling ng may Sakit(D)

17 At bumaba si Jesus kasama nila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang malaking pangkat ng kanyang mga alagad at ang napakaraming taong buhat sa buong Judea at sa Jerusalem at sa mga baybaying bayan ng Tiro at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang mapakinggan siya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nagpapagaling sa lahat.

Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(E)

20 At tumingin si Jesus sa kanyang mga alagad, at sinabi niya,

“Pinagpala kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Pinagpala kayong ngayon ay nagugutom,
    sapagkat kayo ay bubusugin.
Pinagpala kayong ngayon ay tumatangis,
    sapagkat kayo ay hahalakhak.

22 Pinagpala kayo kung kinapopootan kayo ng mga tao, at kung ipinagtatabuyan kayo at inaalipusta, at kung kinasusuklaman na tila masama ang inyong pangalan dahil sa Anak ng Tao. 23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumundag sa kagalakan sapagkat tiyak na malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 Subalit kaysaklap ng sasapitin ninyong mayayaman,
    sapagkat tinamasa na ninyo ang inyong kaginhawahan.
25 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo ay magugutom.
Kaysaklap ng sasapitin ninyong tumatawa ngayon
    sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis.

26 Kaysaklap ng sasapitin ninyo kapag lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”

Pag-ibig sa mga Kaaway(F)

27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig, ibigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo ng kabutihan ang namumuhi sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo, at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag may sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit panloob. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo. At huwag mo nang bawiin pa ang iyong mga ari-arian sa umagaw nito. 31 Gawin mo sa iyong kapwa ang nais mong gawin nila sa iyo. 32 Kung ang mamahalin ninyo ay iyon lang mga nagmamahal sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagmamahal sa nagmamahal sa kanila. 33 Ano ang mapapala ninyo kung gagawa kayo ng mabuti doon lamang sa gumagawa sa inyo ng mabuti? Ganoon din ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Kung kayo'y nagpapautang doon lamang sa mga taong inaasahan ninyong makababayad, ano ang mapapala ninyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapautang sa inaasahan nilang makapagbabayad. 35 Kaya't mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gumawa kayo ng mabuti, at magpahiram kayo nang hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo at kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan sapagkat siya ay mabait sa mga walang utang na loob at sa masasama. 36 Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama na mahabagin.”

Ang Paghatol sa Iba(G)

37 “Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong humusga upang hindi kayo mahusgahan. Magpatawad kayo at kayo ay patatawarin. 38 Magbigay kayo at kayo ay bibigyan. Husto ang sukat, siksik, liglig at umaapaw ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat ang panukat na ginamit ninyo ang siya ring gagamiting panukat sa inyo.” 39 Sinabi pa niya sa kanila ang isang talinghaga, “Maaari bang akayin ng bulag ang kapwa bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay? 40 Hindi makahihigit sa kanyang guro ang isang alagad; subalit ang sinumang sinanay nang lubos ay magiging tulad ng kanyang guro. 41 Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid gayong hindi mo napapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ gayong ikaw mismo ay hindi nakakakita ng troso sa sarili mong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata at makakakita ka nang mabuti sa pag-alis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.”

Ang Punongkahoy at ang Bunga Nito(H)

43 “Walang mabuting punong namumunga ng masama. Gayon din naman, walang masamang punong namumunga ng mabuti. 44 Bawat puno ay nakikilala sa sarili nitong bunga. Sapagkat hindi makapipitas ng igos sa tinikan ni hindi rin makapipitas ng ubas sa dawagan. 45 Gumagawa ng kabutihan ang mabuting tao dahil sa mabuting kayamanan ng kanyang puso, ngunit ang masamang tao ay gumagawa ng masama dahil sa kanyang kasamaan. Sapagkat mula sa kayamanan ng puso ay nagsasalita ang bibig.”

Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(I)

46 “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon! Panginoon!’ gayong hindi naman ninyo sinusunod ang inuutos ko? 47 Ipapakita ko sa inyo kung saan maihahalintulad ang lahat ng nagsisilapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at gumagawa nito. 48 Siya ay tulad ng isang taong sa pagtatayo ng kanyang bahay ay naghukay nang malalim at naglagay ng pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumaan ang baha at humampas sa bahay na iyon ay hindi iyon natinag sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakarinig subalit hindi sumusunod sa mga ito at tulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay at itinayo ito sa lupang walang pundasyon. Kaya't nang hampasin ito ng agos ay agad na bumagsak. Malaki ang magiging sira ng bahay na iyon.”

Error: 'Job 20 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
1 Corinto 7

Mga Tagubilin tungkol sa Pag-aasawa

Tungkol naman sa mga bagay na isinulat ninyo: “Mabuti para sa isang lalaki na huwag gumalaw ng babae.” Subalit dahil sa laganap na pakikiapid, ang bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sarili niyang asawa, at gayundin ang bawat babae. Dapat ibigay ng lalaki sa kanyang asawa ang karapatan nito bilang asawa, at gayundin ang babae sa kanyang asawa. Sapagkat hindi na ang babae ang nagpapasya tungkol sa kanyang katawan, kundi ang kanyang asawa, at hindi na rin ang lalaki ang nagpapasya tungkol sa kanyang sariling katawan, kundi ang kanyang asawa. Huwag ninyong ipagkait ang inyong mga sarili sa isa't isa, malibang may kasunduan kayo sa loob ng maikling panahon upang mailaan ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos nito ay magsiping kayong muli, upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kakulangan ninyo ng pagpipigil sa sarili. Ngunit sinasabi ko ito bilang panukala at hindi bilang utos. Nais ko sanang ang lahat ay maging katulad ko. Subalit ang bawat isa'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos, ang isa'y ganito at ang iba naman ay ganoon.

Ngunit sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo: mabuti para sa kanila kung sila'y mananatiling kagaya ko. Ngunit kung sila'y hindi makapagpigil, ay magsipag-asawa sila, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-apoy sa pagnanasa. 10 At sa mga may asawa ay nagtatagubilin ako, hindi ako, kundi ang Panginoon, na huwag hiwalayan ng babae ang kanyang asawa. 11 Ngunit kung siya'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, kung hindi naman ay makipagkasundo siya sa kanyang asawa. At hindi dapat iwan ng lalaki ang kanyang asawa. 12 Ngunit sa iba ay ako mismo ang nagsasabi at hindi ang Panginoon, na kung sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-mananampalataya, at pumapayag itong mamuhay na kasama niya, huwag niya itong hiwalayan. 13 At kung ang babae ay may asawang di-mananampalataya, at pumapayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa. 14 Sapagkat ang lalaking di-mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang asawa, at ang babaing di-mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang asawa. Kung hindi gayon, ang mga anak ninyo ay marurumi, ngunit ngayon sila'y mga banal. 15 Ngunit kung humiwalay ang di-mananampalataya, hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o ang kapatid na babae ay hindi dapat paalipin sa gayong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos tungo sa kapayapaan. 16 Hindi mo ba nalalaman, babae, na baka ikaw ang magliligtas sa iyong asawa? At hindi mo ba nalalaman, lalaki, na baka ikaw ang magliligtas sa iyong asawa?

Mamuhay ayon sa Pagkatawag ng Diyos

17 Hayaang mamuhay ang bawat isa ayon sa itinakda sa kanya ng Panginoon, at sa kalagayan niya noong tawagin siya ng Diyos. Ganito ang itinatagubilin ko sa lahat ng mga iglesya. 18 Natuli na ba ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag niyang alisin ang mga tanda ng pagtutuli. Hindi pa ba natuli ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag na siyang magpatuli. 19 Walang kabuluhan ang pagiging tuli o hindi tuli; ang mahalaga ay ang pagtupad sa mga utos ng Diyos. 20 Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin. 21 Isa ka bang alipin nang ikaw ay tawagin? Wala kang dapat alalahanin. Subalit kung magagawa mong maging malaya ay gamitin mo ang pagkakataon. 22 Sapagkat ang tinawag na maging kaisa ng Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, at ang tinawag naman nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo. 23 Mahal ang pagkabili sa inyo, kaya huwag kayong maging mga alipin ng mga tao. 24 Mga kapatid, hayaang manatili ang bawat isa sa kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos.

Sa mga Walang Asawa at mga Balo

25 At tungkol naman sa mga walang asawa[a] ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit nagbibigay ako ng kuru-kuro bilang isang taong mapagkakatiwalaan dahil sa habag ng Panginoon. 26 Sa palagay ko, dahil sa kagipitang kinakaharap ngayon, makabubuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27 Nakatali ka ba sa asawang-babae? Huwag mong sikaping makalaya. Nakalaya ka ba mula sa asawa? Huwag kang nang humanap ng asawa. 28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay[b] at iniiwas ko lamang kayo sa mga iyon. 29 Ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ay maikli na ang panahon. Mula ngayon, ang mga may asawa ay mamuhay tulad sa walang asawa; 30 at ang mga umiiyak ay maging katulad ng mga hindi umiiyak, at ang mga natutuwa ay maging katulad ng mga hindi natutuwa; at ang mga bumibili ay maging katulad ng mga walang pag-aari, 31 at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan ay maging katulad ng mga hindi lubos na gumagamit nito. Sapagkat lumilipas ang anyo ng sanlibutang ito. 32 At nais kong mawalan kayo ng mga alalahanin. Ang lalaking walang asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon. 33 Ngunit ang lalaking may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa, 34 at nahahati ang kanyang pag-iisip. Ang babaing walang asawa at ang birhen ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano magiging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa. 35 Sinasabi ko ito para sa inyong kapakanan, hindi upang paghigpitan kayo, kundi upang magkaroon kayo ng kaayusan at makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.

36 Ngunit kung iniisip ng sinuman na hindi tama ang kanyang inaasal sa kanyang dalaga[c] na nasa hustong gulang na, hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—walang masama rito. 37 Subalit sinumang may matibay na paninindigan sa kanyang puso, at hindi nakakaramdam ng pangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling kagustuhan at nagpasya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang dalaga, mabuti ang kanyang ginagawa. 38 Kaya't ang nagpapakasal sa kanyang kasintahan ay gumagawa ng mabuti at ang hindi naman nagpapakasal ay gumagawa ng mas mabuti.

39 Ang asawang babae ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung namayapa na ang kanyang asawa, malaya na siyang mag-asawa sa kanino mang nais niya, basta sa kapwa nasa Panginoon. 40 Ngunit sa aking palagay, mas maligaya siya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. Iniisip ko rin naman na taglay ko ang Espiritu ng Diyos.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.