M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
11 Nang papalapit na sila sa Betfage at Betania, sa Jerusalem, sa may malapit sa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad. 2 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok doon ay makikita ninyo ang isang nakataling bisirong asno, hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3 Kapag may nagtanong sa inyo kung bakit ginagawa ninyo iyon sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon at ibabalik din agad.’ ” 4 Lumakad ang dalawang alagad at may nakita nga silang bisirong asno sa tabi ng daan. Nakatali ito sa may pintuan. Nang kinakalagan na nila ito, 5 tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Ano ang ginagawa ninyo at kinakalagan ninyo ang bisiro?” 6 Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na sila ng mga ito. 7 Dinala nila kay Jesus ang bisirong asno. Matapos nilang isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, sumakay dito si Jesus. 8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan, samantalang ang iba'y naglatag ng mga madahong sanga na kanilang pinutol mula sa bukid. 9 Ang (B) mga tao naman sa unahan at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw,
“Hosanna! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! 10 Pinagpala ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosanna sa kataas-taasan!”
11 Nang makapasok na si Jesus sa Jerusalem, nagtungo siya sa templo at pinagmasdan ang buong paligid niyon. Dahil gumagabi na, lumabas siya at pumunta sa Betania kasama ang labindalawa.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(C)
12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Betania, nakaramdam ng gutom si Jesus. 13 Natanaw niya sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na maraming dahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Subalit dahil hindi pa panahon ng pamumunga nito, wala siyang nakita kundi mga dahon. 14 Kaya't sinabi niya sa puno, “Mula ngayo'y wala nang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Narinig iyon ng kanyang mga alagad.
Si Jesus sa Templo(D)
15 Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga namimili roon. Pinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi, pati na ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati. 16 Hindi niya pinahintulutang makapasok sa templo ang sinumang may mga dalang paninda. 17 Tinuruan (E) niya ang mga tao at sinabi niya, “Hindi ba nasusulat,
‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’
Ngunit ginawa ninyo itong ‘pugad ng mga magnanakaw!’ ”
18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Mula noon ay humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang humahanga sa kanyang turo. 19 Pagsapit ng gabi, lumabas ng lungsod si Jesus at ang kanyang mga alagad.
Ang Aral mula sa Natuyo na Punong Igos(F)
20 Kinaumagahan, sa paglalakad nila ay nadaanan nilang muli ang punong igos. Nakita nilang natuyo ito mula sa ugat. 21 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa puno, kaya't sinabi niya kay Jesus, “Rabbi, tingnan ninyo! Natuyo ang punong igos na isinumpa ninyo!” 22 Sumagot si Jesus sa kanila, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Katotohanan (G) ang sinasabi ko sa inyo, na sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at maitapon sa dagat,’ mangyayari ang sinabi niya kung siya'y naniniwala at walang pag-aalinlangan sa puso. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at mangyayari nga iyon sa inyo. 25 Kapag (H) kayo'y nakatayo at nananalangin at mayroon kayong sama ng loob sa sinuman, patawarin ninyo siya upang patawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasalanan. 26 [Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”[a]
Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(I)
27 Muli silang pumunta sa Jerusalem. Habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga tagapagturo ng Kautusan, at ang matatandang pinuno. 28 Nagtanong sila sa kanya, “Ano ang kapangyarihan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ito?” 29 Sinabi ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga ito. 30 Ang bautismo ni Juan, ito ba'y mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa langit, itatanong niya sa atin kung bakit hindi tayo naniwala kay Juan. 32 Ngunit sasabihin ba nating mula sa mga tao?” Natatakot sila sa mga taong bayan sapagkat naniniwala silang lahat na si Juan ay tunay na propeta. 33 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang kapangyarihan kong gawin ang mga ito.”
Hindi Ganap na Itinakwil ng Diyos ang Israel
11 Kaya ito (A) ang sinasabi ko: Itinakwil na ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari! Ako mismo ay Israelita, mula sa lahi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin. 2 Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na kanyang kinilala noong una pa man. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng Kasulatan tungkol kay Elias, kung paano siyang dumaing sa Diyos laban sa Israel? 3 “Panginoon,”(B) sabi niya, “pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga dambana. Ako na lang ang natitira, at sinisikap nila akong patayin!” 4 Ngunit ano (C) ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaking hindi yumuyukod kay Baal.” 5 Kaya hanggang sa kasalukuyan ay may nalalabi pa ring mga hinirang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 At kung ang paghirang ay sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi batay sa mga gawa, sapagkat kung gayon, hindi magiging biyaya ang biyaya. 7 Ano ngayon? Hindi nakamtan ng Israel ang pinagsikapan nitong makuha. Ito'y nakamtan ng mga hinirang, subalit ang iba nama'y nagmatigas. 8 Gaya (D) ng nasusulat,
“Binigyan sila ng Diyos ng manhid na diwa,
ng mga matang hindi makakita,
at ng mga taingang hindi makarinig
hanggang sa araw na ito.”
9 Sinabi (E) naman ni David,
“Ang hapag nawa nila'y maging bitag at patibong,
isang katitisuran, at ganti sa kanila;
10 lumabo nawa ang kanilang mga paningin, upang hindi sila makakita,
at sa hirap ay makuba sila habang panahon.”
Ang Kaligtasan ng mga Hentil
11 Kaya't sinasabi ko: natisod ba sila upang tuluyang mabuwal? Huwag nawang mangyari! Sa halip, dahil sa pagsuway nila ay dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang ibunsod sa selos ang Israel. 12 Ngayon, kung ang pagsuway nila ay nagdulot ng kayamanan para sa sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay naging kayamanan para sa mga Hentil, gaano pa kaya ang idudulot ng kanilang lubos na pagbabalik-loob?
13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako nga ang apostol para sa mga Hentil, ikinararangal ko ang aking ministeryo 14 sa pag-asang maibunsod ko sa selos ang aking mga kalahi at sa gayon ay mailigtas ko ang ilan sa kanila. 15 Sapagkat kung ang kanilang pagkatakwil ay naging daan ng pagbabalik-loob ng sanlibutan, hindi ba't ang kanilang pagtanggap ay maitutulad sa muling pagkabuhay mula sa kamatayan? 16 Kung ang masa ng tinapay na inialay bilang unang bunga ay banal, banal din ang buong masa na pinagkunan niyon. Kung banal ang ugat, gayundin ang mga sanga. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sangang ligaw ay idinugtong sa puno upang makabahagi sa katas na nagmumula sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat, kundi ang ugat ang bumubuhay sa iyo. 19 Maaaring sabihin mo, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” 20 Tama iyan. Ngunit pinutol sila dahil sa kawalan nila ng pananampalataya, at ikaw naman ay idinugtong dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmataas, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga likas na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw man ay hindi niya panghihinayangan. 22 Kaya't masdan ninyo ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos: kabagsikan sa mga humiwalay, ngunit kabutihan sa iyo, kung mananatili ka sa kanyang kabutihan. Kung hindi, puputulin ka rin. 23 At kung sila'y hindi magpupumilit sa di-pagsampalataya, muli silang idudugtong, sapagkat kaya ng Diyos na sila'y muling idugtong. 24 Kung ikaw na sangang galing sa ligaw na olibo ay naidugtong sa inaalagaang olibo kahit salungat sa likas na paraan, lalo pang maaaring idugtong ang mga likas na sanga sa sarili nitong puno.
Ang Panunumbalik ng Israel
25 Mga kapatid, hindi ko nais na kayong mga Hentil ay maging mataas ang tingin sa sarili. Kaya't nais kong maunawaan ninyo ang hiwagang ito. Nagkaroon ng pagmamatigas ang isang bahagi ng Israel, hanggang makapasok ang kabuuang bilang ng mga Hentil. 26 Sa (F) ganitong paraan maliligtas ang buong Israel. Gaya ng nasusulat,
“Magbubuhat sa Zion ang sasagip sa atin;
aalisin niya ang kasamaan mula sa lahi ni Jacob.”
27 “At ito (G) ang aking pakikipagtipan sa kanila,
kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”
28 Tungkol sa ebanghelyo, naging kaaway sila ng Diyos alang-alang sa inyo. Tungkol naman sa paghirang, sila'y mga minamahal ng Diyos alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi maaaring bawiin ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos. 30 Dati kayong mga suwail sa Diyos subalit ngayo'y kinahabagan dahil sa kanilang pagsuway. 31 Ngayon nama'y sila ang naging suwail upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ng habag ng Diyos. 32 Sapagkat ibinilanggo ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang mahabag siya sa lahat.
33 Napakalalim(H) ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi maabot ng isip ng tao ang kanyang hatol, at hindi masiyasat ang kanyang mga paraan!
34 “Sapagkat sino (I) ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon,
o sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “Sino (J) ang nakapagbigay sa Diyos ng anuman,
upang siya'y bayaran ng Diyos?”
36 Sapagkat (K) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.