Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 31

31 Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, ang lahat ng Israelitang dumalo ay pumunta sa mga lunsod ng Juda, at pinutol nila ang mga haliging sinasamba at dinurog ang mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. Winasak din nila ang mga sambahan at dambana ng mga pagano. Ginawa rin nila ito sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manases. Pagkatapos ay umuwi na sila sa kanilang mga tahanan.

Pinagpangkat-pangkat muli ni Ezequias ang mga pari at Levita at binigyan ng kanya-kanyang gawain: may para sa handog na susunugin, at may para sa handog na pagkain. Ang iba'y tutulong sa pagdaraos ng pagsamba. Ang iba'y taga-awit ng pagpupuri at pasasalamat at ang iba nama'y mangangasiwa sa mga pintuan ng Templo ni Yahweh. Lahat(A) ng handog na susunugin sa umaga at sa gabi, at sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang panahon ay kaloob ng hari, ayon sa itinakda ng Kautusan. Iniutos(B) ni Ezequias sa mga taga-Jerusalem na ibigay sa mga pari at Levita ang para sa mga ito upang ang buong panahon nila ay maiukol sa kanilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Yahweh. Pagkatanggap ng utos, ang mga Israelita ay nagbigay ng kanilang mga kaloob mula sa pangunahin nilang ani ng trigo, alak, langis at pulot at iba pang bunga ng kanilang bukid. Nagbigay din sila ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang kinita. Ang mga taga-Juda at mga Israelitang naninirahan sa mga lunsod ng Juda ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at lahat ng mga inani sa kanilang lupain. Nagdala rin sila ng napakaraming mga handog na inialay nila kay Yahweh na kanilang Diyos. Nagsimula ang pagdating ng mga kaloob noong ikatlong buwan at nagpatuloy hanggang sa ikapito. Nang makita ni Ezequias at ng kanyang mga pinuno ang dami ng mga kaloob, pinuri nila si Yahweh at pinasalamatan ang buong bayan. Tinanong ni Ezequias ang mga pari at mga Levita tungkol sa napakaraming handog. 10 Ganito ang sagot ni Azarias, ang pinakapunong pari mula sa angkan ni Zadok: “Mula nang magdala ng handog sa Templo ni Yahweh ang mga tao, saganang-sagana kami sa pagkain at marami pang natitira. Nangyari ito dahil sa pagpapala ni Yahweh.”

11 Iniutos ni Ezequias na gumawa ng mga bodega sa Templo, 12 upang doon ilagay ang mga kaloob at mga ikasampung bahagi. Si Conanias na isang Levita ang ginawa nilang katiwala sa lahat ng ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na si Simei. 13 Ang iba pang mga katulong nila ay sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asael, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismaquias, Mahat at Benaias. Pinili sila ni Haring Ezequias at ni Azarias, ang namamahala sa Templo ni Yahweh. 14 Si Korah na anak ni Imna at isang Levita ang bantay sa pintuan sa gawing silangan, ang pinamahala sa pagtanggap at pamamahagi ng mga kusang-loob na handog. Siya ang nagbibigay sa mga pari ng bahagi ng handog ng pasasalamat na para kay Yahweh at ng bahagi ng handog para sa kasalanan na kakainin ng mga pari sa banal na lugar. 15 Ang katulong naman niya sa mga lunsod ng mga pari ay sina Eden, Minyamin, Jeshua, Semaya, Amarias at Secanias. Sila ang namamahagi sa mga kapatid, matanda o bata, ayon sa kanya-kanyang pangkat. 16 Bawat isa'y tumatanggap ng nauukol sa sarili—lahat ng lalaki mula sa gulang na tatlong taon pataas na may pang-araw-araw na tungkulin sa Templo. 17 Ang mga pari ay pangkat-pangkat na inilagay sa kanya-kanyang tungkulin ayon sa kanilang angkan at ang mga Levita namang mula sa dalawampung taon pataas ay ayon sa kanilang tungkulin. 18 Itinalang kasama ng mga pari ang kanilang pamilya sapagkat kailangang maging handa sila anumang oras sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 19 Ang mga pari na naninirahan sa mga lunsod na ibinigay sa angkan ni Aaron, o sa mga bukiring nasa lunsod ng mga ito ay nilagyan din ng mga tagapamahagi ng pagkain para sa lahat ng lalaki sa mga pamilya ng mga pari at sa lahat ng nakatala sa angkan ng mga Levita.

20 Sa buong Juda, ginawa ni Haring Ezequias ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos niyang si Yahweh. 21 Naging matagumpay siya, sapagkat ang lahat ng ginawa niya para sa Templo at sa kanyang pagtupad sa Kautusan, ay ginawa niya nang buong puso at katapatan sa kanyang Diyos.

Pahayag 17

Ang Reyna ng Kahalayan

17 Pagkatapos,(A) ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok ay lumapit sa akin at sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo kung paano paparusahan ang reyna ng kahalayan na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. Ang(B) mga hari sa lupa ay nakiapid sa babaing ito, at ang lahat ng tao sa sanlibutan ay nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan.”

At(C) napasailalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa dakong ilang. Nakita ko roon ang isang babaing nakasakay sa isang pulang halimaw. Ang halimaw ay may pitong ulo at sampung sungay. Nakasulat sa buong katawan nito ang mga pangalang lumalait sa Diyos. Ang(D)(E) damit ng babae ay kulay ube at pula. Ang kanyang mga alahas ay ginto, mahahalagang bato at perlas. Hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng kanyang kasumpa-sumpang mga gawa at kahiya-hiyang kahalayan. Nakasulat sa kanyang noo ang isang pangalang may lihim na kahulugan, “Ang tanyag na Babilonia, ang ina ng mga nangangalunya at ng lahat ng kahalayan sa lupa.” At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga hinirang ng Diyos at sa dugo ng mga martir na pinatay dahil kay Jesus.

Nanggilalas ako nang makita ko siya. “Bakit ka nanggilalas?” tanong sa akin ng anghel. “Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. Ang halimaw na nakita mo ay buháy noong una ngunit patay na ngayon; muli itong lilitaw buhat sa napakalalim na hukay at tuluyang mapapahamak. Ang mga taong nabubuhay sa lupa, na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat pinatay na siya ngunit muling lilitaw.

“Kailangan dito ang pang-unawa at karunungan: ang pitong ulo ay ang pitong burol na kinauupuan ng babae. Ang mga ito rin ay pitong hari: 10 bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa, at ang huli ay hindi pa dumarating. Pagdating niya, sandali lamang siyang maghahari. 11 At ang halimaw na buháy noong una ngunit ngayo'y wala na ay isa sa pitong hari at siyang magiging ikawalo. Siya ay patungo sa kapahamakan.

12 “Ang(F) sampung sungay na nakita mo ay sampung haring hindi pa naghahari, ngunit bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ng halimaw sa loob ng isang oras. 13 Iisa ang layunin ng sampung ito, at ipapailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihan at karapatan. 14 Makikidigma sila laban sa Kordero ngunit tatalunin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama niya sa tagumpay ang kanyang mga tinawag, pinili, at tapat na tagasunod.”

15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang nakita mong mga tubig na kinauupuan ng babae ay mga lahi, mga bansa, at mga wika. 16 Ang sampung sungay na nakita mo at ang halimaw ay mapopoot sa reyna ng kahalayan. Aagawin nila ang lahat ng ari-arian nito at iiwan siyang hubad. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin siya. 17 Inilagay ng Diyos sa kanilang puso na isagawa ang kanyang layunin nang sila'y magkaisa at ipailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihang maghari hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na may kapangyarihan sa mga hari sa lupa.”

Zacarias 13:2-9

“Aalisin ko sa lupain ang lahat ng diyus-diyosan at mapapawi sila sa alaala habang panahon. Aalisin ko na rin ang mga bulaang propeta at masasamang espiritu. Sakali mang may lumitaw na bulaang propeta, sasabihin ng kanyang mga magulang na hindi siya dapat mabuhay, pagkat ginagamit pa niya sa kasinungalingan ang pangalan ni Yahweh. At ang mga magulang niya mismo ang papatay sa kanya sa sandaling siya'y magpahayag. Sa araw ngang iyon, wala nang magmamalaking siya ay propeta, wala nang magdadamit-propeta ni magkukunwaring propeta. Sa halip, sasabihin nilang sila'y hindi propeta kundi mga hamak na magbubukid lamang mula sa kanilang kabataan. Kung may magtanong sa kanya tungkol sa mga pilat niya sa dibdib, sasabihin niyang iyon ay likha ng mga nagmamahal sa kanya.”

Ang Pagpatay sa Pastol ni Yahweh

Ito(A) ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Tabak, kumilos ka laban sa tagapangalaga ng aking mga tupa, laban sa aking lingkod. Patayin mo ang pastol upang magkawatak-watak ang mga tupa; lilipulin ko naman pati ang maliliit. Malilipol ang dalawang ikatlong bahagi ng naninirahan sa lupain; ikatlong bahagi lamang ang matitira. Ang mga ito'y padadaanin ko sa apoy upang dalisayin, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Tatawag sila sa akin at akin namang diringgin. Sasabihin kong sila ang aking bayan. Sasabihin naman nilang ako ang kanilang Diyos.”

Juan 16

16 “Sinabi ko ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananalig sa akin. Ititiwalag kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag dumating na ang oras na gagawin na nila ang mga ito, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo tungkol sa kanila.”

Ang Gawain ng Espiritu Santo

“Hindi ko ito sinabi sa inyo noong una sapagkat kasama pa ninyo ako. Ngunit ngayo'y pupunta na ako sa nagsugo sa akin at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. Ngayon sinabi ko na sa inyo, lubha naman kayong nalungkot. Subalit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Ang pag-alis ko'y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Patnubay kung hindi ako aalis. Ngunit pag-alis ko, isusugo ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kanyang patutunayan na mali ang mga taga-sanlibutan tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol ng Diyos. Patutunayan niya ang tungkol sa kanilang kasalanan sapagkat hindi sila naniwala sa akin. 10 Patutunayan niya ang tungkol sa katuwiran sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; 11 at ang tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng sanlibutang ito.

12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin sa ngayon. 13 Ngunit(A) pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. 14 Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.”

Kalungkutang Magiging Kagalakan

16 “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.”

17 Nag-usap-usap ang ilan sa kanyang mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin na kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’ 18 Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!”

19 Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’ 20 Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at tatangis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan.

21 “Kapag manganganak na ang isang babae, siya'y nalulungkot sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, nakakalimutan na niya ang kanyang paghihirap; sapagkat nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.

22 “Gayundin naman, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. 23 Sa araw na iyon, hindi na ninyo kailangang humingi sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”

Pagtatagumpay sa Pangalan ni Jesus

25 “Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinghaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. 27 Mahal kayo ng Ama sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos.[a] 28 Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo'y aalis na ako sa sanlibutan at babalik na sa Ama.”

29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon po'y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! 30 Ngayon alam na po naming alam ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin pa kayo ninuman. Dahil dito, naniniwala po kami na kayo'y mula sa Diyos.”

31 Sumagot si Jesus, “Talaga bang naniniwala na kayo? 32 Darating ang oras, at ngayon na nga, na magkakawatak-watak kayo. Magkakanya-kanya kayo ng lakad, at iiwan ninyo ako. Gayunma'y hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.