M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Haring Jehoram ng Juda(A)
21 Namatay si Jehoshafat at inilibing sa Lunsod ni David sa libingan ng kanyang mga ninuno. Pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Jehoram. 2 Ang iba pang mga anak na lalaki ni Haring Jehoshafat ng Juda ay sina Azarias, Jehiel, Zacarias, Azarias, Micael at Sefatias. 3 Pinamanahan sila ng kanilang ama ng maraming pilak, ginto at iba pang mahahalagang ari-arian. Binigyan din sila ng mga may pader na lunsod sa Juda, ngunit kay Jehoram ibinigay ang paghahari sapagkat siya ang panganay. 4 Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram, pinatay niya ang kanyang mga kapatid at ang ilan pang pinuno sa Juda. 5 Tatlumpu't dalawang taon siya nang magsimulang maghari at walong taóng namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. 6 Sapagkat napangasawa niya ang anak ni Ahab, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siya tulad ng mga naging hari ng Israel, tulad ng sambahayan ni Ahab. 7 Ngunit(B) ayaw wasakin ni Yahweh ang paghahari ng angkan ni David alang-alang sa kanyang pangako kay David. Ipinangako ni Yahweh na ang paghahari ay hindi niya aalisin sa angkan ni David magpakailanman.
8 Nang(C) panahon ng pamamahala ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. 9 Inilabas ni Jehoram at ng kanyang mga pinuno ang lahat nilang karwahe at sinalakay ang Edom. Gabi nang sila'y sumalakay, ngunit napaligiran sila at natalo. 10 Kaya mula noon, hindi na muling nasakop ng Juda ang Edom. Naghimagsik din kay Jehoram ng Juda ang Lunsod ng Libna dahil sa pagtalikod nito kay Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
11 Hindi lamang iyon, nagtayo pa siya ng mga sambahan ng mga pagano sa mga burol ng Juda at nanguna sa mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Siya ang nanguna sa mga taga-Juda para gumawa ng kasamaan. 12 Tumanggap si Jehoram ng isang sulat mula kay Elias na isang propeta. Ang sabi sa liham:
“Ito ang mensahe ni Yahweh, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Hindi mo sinundan ang halimbawa ng iyong amang si Jehoshafat at ni Asa na hari sa Juda. 13 Sa halip, ang sinunod mo'y ang ginawa ng mga hari sa Israel. Inakit mo sa masamang gawain ang Juda at ang mga taga-Jerusalem gaya ng ginawa sa Israel ng sambahayan ni Ahab. Pinatay mo ang iyong mga kapatid at kasambahay na mas mabuti kaysa iyo. 14 Dahil dito, paparusahan ni Yahweh ang iyong bayan, ang iyong mga asawa't anak, at mawawasak ang lahat ng mga ari-arian mo. 15 Magkakasakit ka nang malubha at luluwa ang mga bituka mo sa tindi ng hirap na daranasin mo sa araw-araw.’”
16 Ginamit ni Yahweh ang mga Filisteo at ang mga Arabong malapit sa Etiopia laban kay Jehoram. 17 Kaya't nilusob ng mga ito ang Juda at sinamsam lahat ang ari-arian sa palasyo. Binihag nila ang lahat ng anak at asawa ng hari, maliban sa kanyang bunsong anak na lalaking si Ahazias.[a]
18 Pagkatapos niyon, si Jehoram ay pinadapuan ni Yahweh ng malubhang sakit sa bituka, isang karamdamang walang lunas. 19 Makalipas ang dalawang taon, lumuwa ang kanyang bituka at dumanas siya ng matinding hirap hanggang sa siya'y mamatay. Hindi man lamang siya ipinagluksa ng kanyang mga kababayan; di tulad ng ginawa nila sa kanyang mga ninuno. 20 Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taon nang magsimulang maghari, at walong taon siyang namahala. Wala isa mang nalungkot sa kanyang pagkamatay. Doon siya inilibing sa Lunsod ni David ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari.
9 Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita kong nahulog sa lupa ang isang bituin; ibinigay rito ang susi sa bukana ng napakalalim na hukay. 2 Binuksan(A) ng bituin ang napakalalim na hukay at may lumabas na makapal na usok, tulad ng usok ng malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid. 3 Mula sa usok ay(B) may naglabasang mga balang na kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang tulad ng sa mga alakdan. 4 Ipinagbilin(C) sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan. 5 Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lamang sa loob ng limang buwan. Parang kagat ng alakdan ang kirot na dulot ng mga balang na ito. 6 Sa(D) loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito.
7 Ang(E) anyo ng mga balang ay tulad sa mga kabayong handa na sa pakikipagdigma. Sa kanilang ulo ay may parang koronang ginto, at parang mukha ng tao ang kanilang mukha. 8 Parang(F) buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. 9 Natatakpan(G) ng parang mga baluting bakal ang kanilang dibdib at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng maraming karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan. 10 Sila ay may mga buntot na may tulis gaya ng sa alakdan. Nasa buntot nila ang kapangyarihang manakit ng mga tao sa loob ng limang buwan. 11 Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa napakalalim na hukay. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon,[a] at sa wikang Griego'y Apolion.[b]
12 Nakaraan na ang unang lagim; dalawa pang lagim ang darating.
13 Hinipan(H) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14 Iniutos nito sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates.” 15 At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taóng ito. 16 Narinig ko na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon (200,000,000). 17 Sa(I) aking pangitain ay nakita ko ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre. 18 Ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay pinatay ng tatlong salot na ito: ang apoy, usok at asupre na nagmula sa bibig ng mga kabayo. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang kanilang mga buntot ay parang ahas na may ulo, na siyang ginagamit nila sa pananakit ng tao.
20 Ang(J) natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man. 21 Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw.
Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Lumilipad
5 Muli akong tumingala at may nakita akong kasulatang lumilipad. 2 Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakikita mo?” “Isa pong kasulatang lumilipad. Ang haba po nito ay siyam na metro at apat at kalahating metro naman ang lapad,” sagot ko.
3 Sinabi niya sa akin, “Diyan nakasulat ang mga sumpa sa daigdig. Sa kabila ay sinasabing aalisin sa lupain ang lahat ng magnanakaw; sa kabila naman ay sinasabing aalisin din ang lahat ng sinungaling. 4 Ipadadala ko ito sa sambahayan ng mga magnanakaw at sa sambahayan ng mga sinungaling. Mananatili ito sa sambahayang iyon upang ubusin sila nang lubusan.”
Ang Babae sa Loob ng Malaking Basket
5 Lumapit sa akin ang anghel at sinabi, “Tumingala ka at tingnan mo kung ano itong dumarating.”
6 “Ano 'yan?” tanong ko sa kanya.
“Iyan ay isang malaking basket. Inilalarawan niyan ang kasalanan ng buong sanlibutan,” sagot niya. 7 Bumukas ang tinggang takip nito at nakita kong may isang babaing nakaupo sa loob ng malaking basket.
8 Sinabi sa akin ng anghel, “Iyan si Kasamaan.” At itinulak niya ito pabalik sa loob ng kaing at muling sinarhan. 9 Nang ako'y tumingala, may nakita akong dalawang babaing lumilipad papunta sa akin; malalapad ang kanilang pakpak. Pinagtulungan nilang ilipad na palayo ang malaking basket. 10 Tinanong ko ang anghel, “Saan nila iyon dadalhin?”
11 Sumagot siya, “Sa Babilonia. Gagawa sila ng templo roon upang paglagyan ng malaking basket. Pagkatapos, sasambahin nila ito.”
8 Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. 2 Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat ng mga tao. Umupo siya at nagsimulang magturo. 3 Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, 4 at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. 5 Ayon(A) sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?” 6 Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.
Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.
7 Patuloy(B) sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” 8 At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.
9 Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. 10 Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, “Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?”
11 “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae.
Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”][a]
Patotoo tungkol kay Jesus
12 Muling(C) nagsalita si Jesus sa mga tao. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.”
13 Sinabi(D) sa kanya ng mga Pariseo, “Ikaw lang ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; walang katotohanan ang ganyang patotoo.”
14 Sumagot si Jesus, “Kung nagpapatotoo man ako tungkol sa aking sarili, totoo ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan. 15 Humahatol kayo ayon sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman. 16 At humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi ako nag-iisa sa aking paghatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. 17 Nasusulat(E) sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang saksi. 18 Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Ama na nagsugo sa akin.”
19 Siya'y tinanong nila, “Nasaan ang iyong ama?”
Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.”
20 Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa may lalagyan ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa dumating ang kanyang takdang oras.
Ang Nagsugo kay Jesus
21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y aalis at hahanapin ninyo ako; ngunit hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. Mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”
22 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinabing ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”
23 Kaya't sinabi ni Jesus, “Kayo'y mula dito sa ibaba, ako'y mula sa itaas. Kayo'y taga-sanlibutang ito, ngunit ako'y hindi. 24 Sinabi ko sa inyong mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako'y Ako Nga’, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”
25 “Sino ka nga bang talaga?” tanong nila.
Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo noong simula pa lamang kung sino ako. 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo at dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan.”
27 Hindi nila nauunawaan na ang Ama ang tinutukoy niya. 28 Kaya't sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako'y Ako Nga.’ Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi, 29 at kasama ko ang nagsugo sa akin at hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.”
30 Maraming nakarinig nito ang naniwala sa kanya.
Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo
31 Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga'y tunay na mga alagad ko. 32 Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
33 Sumagot(F) sila, “Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?”
34 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. 36 Kung ang Anak ang magpalaya sa inyo, kayo nga'y magiging tunay na malaya. 37 Alam kong kayo'y mula sa lahi ni Abraham, gayunma'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking turo. 38 Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.”
Ang Diyablo ang Inyong Ama
39 Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.”
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, gagawin sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.”
Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.”
42 Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. 43 Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw ninyong tanggapin ang itinuturo ko? 44 Ang(G) diyablo ang inyong ama! At ang gusto ninyong gawin ay kung ano ang gusto niya. Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya'y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. 45 Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. 46 Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
Si Jesus at si Abraham
48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Hindi ba tama ang sinabi naming ikaw ay Samaritano at sinasapian ng demonyo?”
49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Pinaparangalan ko ang aking Ama ngunit ako'y nilalapastangan ninyo. 50 Hindi ako naghahangad na ako'y parangalan; may isang nagsisikap na ako'y parangalan, at siya ang hahatol. 51 Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.”
52 Sinabi ng mga Judio, “Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. 53 Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?”
54 Sumagot si Jesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama na sinasabi ninyong Diyos ninyo. 55 Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.”
57 Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?”[b]
58 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako Na’.”
59 Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.