Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 3-4

Ang Templo sa Jerusalem(A)

Ang(B) Templo ni Yahweh sa Jerusalem ay sinimulang itayo ni Solomon sa Bundok ng Moria, sa giikan ng Jebuseong si Ornan. Inihanda ni David ang pook na iyon matapos magpakita sa kanya si Yahweh. Sinimulan niya ang pagtatayo noong ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.

Ito ang sukat ng Templo sa Jerusalem: dalawampu't pitong metro ang haba at siyam na metro ang luwang ayon sa matandang sukatan. Ang haba ng portiko sa dakong harap ng Templo ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo at limampu't apat na metro naman ang taas. Binalutan niya ng lantay na ginto ang loob nito.

Ang bulwagan ay pinatakpan ni Solomon ng mga tablang sipres. Pagkatapos, pinabalutan niya ito ng purong ginto at pinalagyan ng disenyo ng mga punong palma at kadena. Pinalamutian pa niya ito ng magagandang batong hiyas at gintong galing sa Parvaim. Binalutan niya ng ginto ang mga biga at hamba ng mga pinto at ang mga dingding ng Templo. Pinaukitan pa niya ang mga dingding ng mga larawan ng kerubin.

Ang(C) haba naman ng Dakong Kabanal-banalan ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo—at siyam na metro ang luwang. Binalot din niya ito ng lantay na ginto na umabot sa 21,000 kilo, at dalawampung onsa naman ang ginto na ginamit sa paggawa ng mga pako. Binalot din ng ginto ang mga dingding ng mga silid sa itaas.

10 Nagpagawa(D) siya ng dalawang rebultong kerubin na yari sa kahoy sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Binalot din ito ng ginto. 11 Siyam na metro ang kabuuang haba ng mga pakpak ng dalawang kerubin, dalawa't kalahating metro ang bawat isang pakpak. Ang dulo ng isang pakpak ng unang kerubin ay abot sa dingding at ang dulo naman ng kabilang pakpak ay abot sa dulo ng pakpak ng ikalawang kerubin. 12 Gayundin naman, ang dulo ng isang pakpak ng pangalawang kerubin na dalawa't kalahating metro ang haba ay abot sa kabilang dingding at ang dulo ng kabilang pakpak ay abot naman sa dulo ng pakpak ng unang kerubin. 13 Kaya't ang nasasakop ng kanilang mga pakpak ay siyam na metro. Nakatayo ang mga rebultong kerubin at parehong nakaharap sa bulwagan ng Templo.

14 Ang(E) ginamit na tabing ay mga telang hinabi sa lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula, at mamahaling lino. Pinaburdahan pa ito ng mga larawan ng kerubin.

Ang Dalawang Haliging Tanso(F)

15 Sa harap ng Templo, nagtayo siya ng dalawang haligi na labing-anim na metro ang taas at ang taas naman ng pinagkakabitan nito sa itaas ay dalawa't kalahating metro. 16 Nagpagawa siya ng mga kadena at isinabit iyon na parang kuwintas sa ibabaw ng mga haligi, at ikinabit sa mga kadena ang sandaang bunga ng granadang yari sa tanso. 17 Itinayo niya sa magkabilang tagiliran ng pasukan ng Templo. Ang nasa kanan ay tinawag na Jaquin at ang nasa kaliwa ay tinawag na Boaz.

Mga Kasangkapan sa Bulwagan ng Templo(G)

Gumawa(H) siya ng isang altar na tanso na siyam na metro ang haba, siyam na metro din ang luwang, at apat at kalahating metro ang taas. Gumawa rin siya ng malaking ipunan ng tubig na yari sa tanso. Ito'y isang malaking kawa, apat at kalahating metro ang luwang ng labi, dalawa't kalahating metro naman ang lalim at labingtatlo't kalahating metro ang sukat pabilog. Sa gilid nito'y may palamuting hugis toro na nakapaikot, sampu sa bawat apat at kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na hinulma kasama ng kawa. Ang patungan ng lalagyang ito ay labindalawang torong magkakatalikod: tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, tatlo sa kanluran at tatlo sa silangan. Tatlong pulgada ang kapal ng kawa at ang labi nito'y hugis kopa, parang bulaklak na liryo. Maaaring maglaman ito ng tatlong libong baldeng tubig. Nagpagawa(I) rin siya ng sampung palangganang hugasan, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Doon nililinis ang mga handog na susunugin at sa malaking kawa naman naghuhugas ang mga pari.

Gumawa(J) rin siya ng sampung ilawang ginto, katulad ng ipinagawa ni Yahweh kay Moises. Ipinalagay naman niya ang mga ilawang ito sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Pagkatapos,(K) nagpagawa siya ng sampung hapag at ipinalagay rin sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa gawing kaliwa. Nagpagawa rin siya ng sandaang mangkok na ginto.

Gumawa rin siya ng bulwagan ng mga pari, at ng bulwagang malaki, pati ng mga pinto nito. Ang mga pintong ito ay binalot niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang malaking kawa sa gawing kanan sa dakong timog-silangang sulok ng Templo. 11 Gumawa rin si Huram ng mga lalagyan ng abo, mga pala at mga kalderong sahuran ng dugo.

Tinapos nga ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa Templo ng Diyos: 12 ang dalawang haliging tanso, ang hugis mangkok na nasa itaas ng mga haligi at ang dalawang hanay ng palamuti na parang lambat na nakapaligid dito; 13 ang apatnaraang granadang tanso na dalawang hanay ang pagkakabit sa mga palamuting hugis mangkok sa itaas ng mga haligi; 14 ang sampung palanggana at ang sampung patungan ng mga ito; 15 ang malaking kawang tanso at ang labindalawang rebultong toro na kinapapatungan nito; 16 ang mga lalagyan ng abo, mga pala at mga pantusok at iba pang kasangkapan. Ang mga kasangkapang ito na yari lahat sa makinis na tanso ay ginawa ni Huram para sa Templo ni Yahweh ayon sa utos ni Haring Solomon. 17 Ipinahulma ng hari ang lahat ng ito sa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zereda. 18 Sa dami ng mga kagamitang ito na ipinagawa ni Solomon, hindi na matiyak ang kabuuang timbang ng ginamit na tanso.

19 Ipinagawa rin ni Solomon ang mga kasangkapan sa loob ng Templo ng Diyos: ang altar na ginto, ang mga mesa para sa tinapay na handog; 20 ang mga ilawang lantay na ginto, pati ang mga ilawang dapat sindihan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, ayon sa Kautusan; 21 ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga sipit na pawang gintong lantay; 22 ang mga pampatay ng ilaw, mga palanggana, mga lalagyan ng insenso at mga lalagyan ng baga ay pawang lantay na ginto. Pati ang mga pinto ng Templo, at ng Dakong Kabanal-banalan ay balot din ng ginto.

1 Juan 3

Ang mga Anak ng Diyos

Tingnan(A) ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, mga anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagdating ni Cristo, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay nagsisikap na maging malinis tulad niyang malinis.

Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Nalalaman(B) ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at siya'y walang kasalanan. Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya.

Mga anak, huwag kayong palinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y nagkakasala na ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.

Ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanila ang binhing mula sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama nila, hindi sila maaaring magpatuloy sa pagkakasala. 10 Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng ayon sa kalooban ng Diyos at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.

Magmahalan Tayo

11 Ito(C) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(D) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.

13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(E) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid. 17 Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? 18 Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa.

Panatag na Kalooban at Pananatili sa Diyos

19 Dito nga natin matitiyak na tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos 20 sakali mang tayo'y usigin nito. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi, at alam niya ang lahat ng bagay. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. 22 Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. 23 Ito(F) ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin. 24 Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin.

Nahum 2

Ang Pagbagsak ng Nineve

Nineve, sinasalakay na kayo!
Dumating na ang kapangyarihang wawasak sa inyo.
    Bantayan ninyo ang mga pader at ang daan!
    Maghanda kayo para sa labanan!
Sapagkat papanumbalikin na ni Yahweh ang kadakilaan ng Israel,
    gaya noong panahong hindi pa sila nilulusob ng mga kaaway.
Naghahanda na silang sumalakay,
    pula ang mga kalasag ng mga kawal,
    at pula rin ang kanilang kasuotan.
Nagliliyab na parang apoy ang kanilang mga karwahe!
    Rumaragasa ang kanilang mga kabayong pandigma.[a]
Ang mga karwahe'y humahagibis sa mga lansangan,
    paroo't parito sa mga liwasan;
parang naglalagablab na sulo ang mga ito,
    at gumuguhit na parang kidlat.
Pagtawag sa mga pinuno'y
    nagkakandarapa sila sa paglapit.
Nagmamadali nilang tinungo ang pader na tanggulan,
    upang ilagay ang pananggalang laban sa mantelet.
Nabuksan na ang mga pintuan sa ilog,
    at ang mga tao sa palasyo ay nanginginig sa takot.
Ang reyna ay dinalang-bihag,
    kaya't dinadagukan ng mga lingkod ang kanilang dibdib.
    Sila'y nag-iiyakan, gaya ng mga kalapating nananaghoy.
Tulad ng tubig sa isang lawa na wasak ang pampang,
    ang mga tao'y mabilis na tumatakas mula sa Nineve.
“Huminto kayo!” ang sigaw nila,
    ngunit kahit isa ay wala man lang lumingon.
Samsamin ang pilak!
    Samsamin ang ginto!
Ang lunsod ay puno ng kayamanan!

10 Wasak na ang Nineve!
Iniwan na ng mga tao at ngayo'y mapanglaw na.
    Ang mga tao'y nasisindak,
    nanginginig ang mga tuhod;
    wala nang lakas, at putlang-putla sa takot.
11 Wala na ang lunsod na parang yungib ng mga leon,
    ang dakong tirahan ng mga batang leon.
Wala na rin ang dakong pinagtataguan ng inahing leon,
    ang lugar kung saan ligtas ang kanyang mga anak.
12 Pinatay na ng leon ang kanyang biktima
    at nilapa ito para sa kanyang asawa at mga anak;
    napuno ng nilapang hayop ang kanyang tirahan.

13 “Ako ang kalaban mo,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Susunugin ko ang iyong[b] mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang mga kawal mo. Kukunin ko sa iyo ang lahat ng iyong sinamsam sa iba. Ang tinig ng iyong mga sugo ay hindi na maririnig kailanman.”

Lucas 18

Ang Biyuda at ang Hukom

18 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. Sa lungsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.’ Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’” At nagpatuloy ang Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. Ngayon,(A) ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?”

Ang Talinghaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis

Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. 10 “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ 14 Sinasabi(B) ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(C)

15 Inilalapit ng mga tao kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang mga kamay. Nang ito'y makita ng mga alagad, sinaway nila ang mga tao. 16 Ngunit tinawag ni Jesus ang mga bata at sinabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga katulad nila ang kaharian ng Diyos. 17 Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos gaya ng pagtanggap ng isang bata ay hindi makakapasok doon.”

Ang Lalaking Mayaman(D)

18 May isang pinuno ng bayan na nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lamang ang mabuti! 20 Alam(E) mo ang mga utos, ‘Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; at igalang mo ang iyong ama at ina.’”

21 Sinabi ng lalaki, “Ang lahat pong iyan ay tinupad ko na mula pa sa pagkabata.”

22 Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi ang pinagbilhan sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig iyon, sapagkat siya'y napakayaman.

24 Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”

26 Nagtanong ang mga taong nakarinig nito, “Kung gayon, sino ang maliligtas?”

27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus.

28 Sinabi naman ni Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang aming mga tahanan at sumunod sa inyo.”

29 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos, 30 tatanggap siya ng higit pa sa panahong ito. At sa panahong darating, tatanggap siya ng buhay na walang hanggan.”

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(F)

31 Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil; kukutyain, hahamakin, at duduraan. 33 Siya'y hahagupitin at papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” 34 Subalit ang Labindalawa ay walang naunawaan sa kanilang narinig; inilihim sa kanila ang kahulugan niyon, at hindi nila nalalaman ang sinasabi ni Jesus.

Pinagaling ang Lalaking Bulag(G)

35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari.

37 “Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret,” sabi nila sa kanya.

38 At siya'y sumigaw, “Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

40 Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” “Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli,” sagot niya.

42 At sinabi ni Jesus, “Makakita ka! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

43 Noon di'y nakakita ang bulag at nagpupuri sa Diyos na sumunod kay Jesus. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.