Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 19

Pananakot ni Jezebel

19 Isinalaysay ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paanong kanyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta.

Nang magkagayo'y nagpadala si Jezebel ng sugo kay Elias na nagsasabi, “Gayundin ang gawin sa akin ng mga diyos, at higit pa, kung hindi ko gagawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila bukas sa mga ganitong oras.”

Kaya't siya'y natakot; bumangon siya at umalis upang iligtas ang kanyang buhay at dumating sa Beer-seba na sakop ng Juda, at iniwan ang kanyang lingkod doon.

Ngunit(A) siya'y naglakbay ng isang araw patungo sa ilang at dumating at umupo sa lilim ng isang punungkahoy. Siya'y humiling na siya'y mamatay na sana, na nagsasabi, “Sapat na; ngayon, O Panginoon, kunin mo ang aking buhay sapagkat hindi ako mas mabuti kaysa aking mga ninuno.”

Siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punungkahoy na enebro; kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kanya, “Bumangon ka at kumain.”

Siya'y tumingin, at nasa kanyang ulunan ang isang munting tinapay na niluto sa nagbabagang bato, at isang bangang tubig. Siya'y kumain, uminom at muling nahiga.

Ang anghel ng Panginoon ay nagbalik sa ikalawang pagkakataon, at kinalabit siya, at sinabi, “Bumangon ka at kumain; kung hindi, ang paglalakbay ay magiging napakahirap para sa iyo.”

Siya nga'y bumangon, kumain, uminom, at humayo na taglay ang lakas mula sa pagkaing iyon sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Horeb na bundok ng Diyos.

Ang Tinig ng Panginoon

Siya'y pumasok doon sa isang yungib, at nanirahan roon. Ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, at sinabi niya sa kanya, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”

10 Sinabi(B) niya, “Ako'y naging napakamapanibughuin para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang tinutugis ang aking buhay, upang patayin ito.”

11 Kanyang sinabi, “Humayo ka, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon.” At ang Panginoon ay nagdaan at biniyak ang mga bundok ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputul-putol ang mga bato sa harap ng Panginoon, ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin. At pagkatapos ng hangin ay isang lindol, ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol:

12 Pagkatapos ng lindol ay apoy, ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang banayad at munting tinig.

13 Nang marinig iyon ni Elias, binalot niya ang kanyang mukha ng kanyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan ng yungib. Dumating ang isang tinig sa kanya, at nagsabi, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”

14 At kanyang sinabi, “Ako'y tunay na nanibugho para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang ang naiwan, at kanilang tinutugis ang buhay ko, upang patayin ito.”

15 Sinabi(C) ng Panginoon sa kanya, “Humayo ka, bumalik ka sa iyong dinaanan sa ilang ng Damasco. Pagdating mo, buhusan mo ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.

16 Si(D) Jehu na anak ni Nimsi ay iyong buhusan ng langis upang maging hari sa Israel; at si Eliseo na anak ni Shafat sa Abel-mehola ay iyong buhusan ng langis upang maging propeta na kapalit mo.

17 Ang makakatakas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu, at ang makatakas sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo.

18 Gayunma'y(E) mag-iiwan ako ng pitong libo sa Israel, lahat ng tuhod na hindi pa lumuhod kay Baal, at bawat bibig na hindi pa humalik sa kanya.”

Si Eliseo ay Naging Kahalili ni Elias

19 Kaya't umalis siya roon at natagpuan niya si Eliseo na anak ni Shafat na nag-aararo, na may labindalawang pares ng baka sa unahan niya, at siya'y kasabay ng ikalabindalawa. Dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kanya ang kanyang balabal.

20 Kanyang iniwan ang mga baka, patakbong sumunod kay Elias, at sinabi, “Hayaan mong hagkan ko ang aking ama at aking ina, pagkatapos ay susunod ako sa iyo.” At sinabi niya sa kanya, “Bumalik ka uli, sapagkat ano bang ginawa ko sa iyo?”

21 At siya'y bumalik mula sa pagsunod sa kanya, at kinuha ang mga pares ng baka. Kanyang kinatay ang mga iyon at inilaga ang laman sa pamamagitan ng mga pamatok ng mga baka. Ibinigay niya iyon sa taong-bayan at kanilang kinain. Pagkatapos, tumindig siya at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kanya.

Mga Gawa 12:1-23

Muling Inusig ang Iglesya

12 Nang panahong iyon, inilapat ni Herodes ang kanyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kaanib ng iglesya.

Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan.

Nang makita niya na ito'y ikinasiya ng mga Judio, kanya namang isinunod na dakpin si Pedro. Ito ay nang panahon ng pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa.

(A) Nang siya'y mahuli na niya, kanyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na pangkat na mga kawal upang siya'y bantayan at binabalak na siya'y iharap sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa.

Habang si Pedro ay nasa bilangguan, ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.

Pinalaya ng Anghel si Pedro

Nang gabing si Pedro ay malapit nang ilabas ni Herodes, natutulog siya sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos ng dalawang tanikala at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan.

At biglang nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at tumanglaw ang isang liwanag sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at siya'y ginising, na sinasabi, “Bumangon kang madali.” At nalaglag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay.

Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” At iyon nga ang ginawa niya. At sinabi niya sa kanya, “Ibalot mo sa iyong sarili ang iyong balabal at sumunod ka sa akin.”

Si Pedro[a] ay lumabas, at sumunod sa kanya. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel, ang akala niya'y nakakakita siya ng isang pangitain.

10 Nang sila'y makaraan sa una at sa pangalawang bantay, dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan sa kanila, sila'y lumabas at dumaan sa isang lansangan at agad siyang iniwan ng anghel.

11 Nang matauhan si Pedro, ay kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio.”

12 Nang kanyang mabatid ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag na Marcos, na kinaroroonan ng maraming nagkakatipon at nananalangin.

13 Nang siya'y kumatok sa tarangkahan ay isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin[b] kung sino ang kumakatok.

14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan.

15 Kanilang sinabi sa kanya, “Nasisiraan ka na.” Ngunit ipinilit niya na gayon nga. Ngunit kanilang sinabi, “Iyon ay kanyang anghel.”

16 Ngunit nagpatuloy si Pedro ng pagkatok at nang kanilang buksan, siya'y kanilang nakita at sila'y namangha.

17 Sila'y sinenyasan niya ng kanyang kamay upang tumahimik at isinalaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, “Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid.” At siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.

18 Nang mag-umaga na, malaki ang kaguluhang nangyari sa mga kawal tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro.

19 Nang siya'y maipahanap na ni Herodes at hindi siya natagpuan, siniyasat niya ang mga tanod at ipinag-utos na sila'y patayin.

At buhat sa Judea si Pedro[c] ay pumunta sa Cesarea, at doon nanirahan.

Namatay si Herodes

20 Noon ay galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Kaya't sila'y nagkaisang pumaroon sa kanya, at nang mahikayat na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinakiusap ang pagkakasundo, sapagkat ang lupain nila'y umaasa sa lupain ng hari para sa pagkain.

21 Sa isang takdang araw ay isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati.

22 Ang taong-bayan ay nagsisigaw, “Tinig ng diyos at hindi ng tao!”

23 Agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya'y kinain ng mga uod at namatay.

Mga Awit 136

136 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
O magpasalamat kayo sa Diyos ng mga diyos,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
Ang Panginoon ng mga panginoon ay inyong pasalamatan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;

siya na tanging gumagawa ng mga dakilang kababalaghan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
siya(B) na sa pamamagitan ng unawa ay ginawa ang kalangitan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
siya(C) na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
siya(D) na gumawa ng mga dakilang tanglaw,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
ng araw upang ang araw ay pagharian,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
ng buwan at mga bituin upang ang gabi'y pamunuan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;

10 siya(E) na sa mga panganay sa Ehipto ay pumaslang,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
11 at(F) mula sa kanila, ang Israel ay inilabas,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
12 sa pamamagitan ng malakas na kamay at ng unat na bisig,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
13 siya(G) na sa Dagat na Pula ay humawi,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
14 at sa gitna nito ang Israel ay pinaraan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
15 ngunit nilunod si Faraon at ang kanyang hukbo sa Pulang Dagat,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
16 siya na pumatnubay sa kanyang bayan sa ilang,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
17 siya na sa mga dakilang hari ay pumatay,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,
18 at sa mga bantog na hari ay pumaslang,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
19 kay(H) Sihon na hari ng mga Amorita,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
20 at(I) kay Og na hari ng Basan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
21 at ang kanilang lupain bilang pamana'y ibinigay,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
22 isang pamana sa Israel na kanyang tauhan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

23 Siya ang nakaalala sa atin sa ating mababang kalagayan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
24 at iniligtas tayo sa ating mga kaaway,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
25 siya na nagbibigay ng pagkain sa lahat ng laman,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

26 O magpasalamat kayo sa Diyos ng kalangitan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

Mga Kawikaan 17:14-15

14 Gaya ng pagpapalabas ng tubig ang pasimula ng alitan,
    kaya't huminto na bago sumabog ang away.
15 Siyang nagpapawalang-sala sa masama, at siyang nagpaparusa sa matuwid,
    ay kapwa kasuklamsuklam sa Panginoon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001