Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 20-21

Nakipaglaban si Ben-hadad kay Ahab

20 Tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang buong hukbo niya. May tatlumpu't dalawang hari na kasama siya, mga kabayo, at mga karwahe. Siya'y umahon at kinubkob ang Samaria, at nilabanan iyon.

At siya'y nagpadala ng mga sugo kay Ahab na hari ng Israel, sa loob ng lunsod, at sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ni Ben-hadad,

‘Ang iyong pilak at ginto ay akin, pati ang iyong pinakamagagandang asawa at mga anak ay akin.’”

Ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, “Ayon sa iyong sinasabi panginoon ko, O hari; ako'y iyo at lahat ng aking ari-arian.”

Ang mga sugo ay muling dumating, at nagsabi, “Ganito ang sinabi ni Ben-hadad, Ako'y nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, ‘Ibigay mo sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, ang iyong mga asawa at mga anak,’

gayunma'y susuguin ko sa iyo bukas ang aking mga lingkod sa mga ganitong oras. Kanilang hahalughugin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at anumang magustuhan nila ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at iyon ay kukunin.”

Nang magkagayo'y tinawag ng hari ng Israel ang lahat ng matatanda sa lupain, at sinabi, “Inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito'y humahanap ng gulo, sapagkat kanyang ipinakukuha ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak, at mga ginto; at hindi ako tumanggi sa kanya.”

At sinabi sa kanya ng lahat ng matatanda at ng buong bayan, “Huwag mong pansinin, o payagan man.”

Kaya't kanyang sinabi sa mga sugo ni Ben-hadad, “Sabihin ninyo sa aking panginoong hari, ‘Ang lahat ng iyong ipinasugo sa iyong lingkod nang una ay aking gagawin. Ngunit ang bagay na ito ay hindi ko magagawa.’” At ang mga sugo ay umalis at muling nag-ulat sa kanya.

10 Si Ben-hadad ay nagsugo sa kanya, at nagsabi, “Gawin ang gayon ng mga diyos sa akin, at higit pa kung ang alabok sa Samaria ay magiging sapat na dakutin ng lahat ng taong sumusunod sa akin.”

11 At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, “Sabihin ninyo sa kanya na hindi dapat maghambog ang nagbibigkis ng sandata na parang siya ang naghuhubad nito.”

12 Nang marinig ni Ben-hadad ang pasugong ito, habang siya'y umiinom sa tolda kasama ang mga hari, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, “Humanda kayo sa pagsalakay.” At sila'y naghanda sa pagsalakay sa lunsod.

13 Ang isang propeta ay lumapit kay Ahab na hari ng Israel, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Nakita mo ba ang karamihang ito? Tingnan mo, aking ibibigay sila sa iyong kamay sa araw na ito at iyong makikilala na ako ang Panginoon.’”

14 Sinabi ni Ahab, “Sa pamamagitan nino?” At kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan.’” Nang magkagayo'y sinabi niya, “Sino ang magsisimula ng labanan?” At siya'y sumagot, “Ikaw.”

15 Nang magkagayo'y kanyang pinaghanda ang mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at sila'y dalawandaan at tatlumpu't dalawa. Pagkatapos ay kanyang tinipon ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel na may pitong libong katao.

Ang mga Taga-Siria ay Nagapi

16 Sila'y umalis nang katanghaliang-tapat, habang si Ben-hadad ay umiinom na nilalasing ang sarili sa loob ng mga tolda at ang tatlumpu't dalawang haring tumulong sa kanya.

17 At ang mga tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan ay naunang lumabas. Si Ben-hadad ay nagsugo ng mga kawal at isinalaysay nila sa kanya, “May mga taong lumalabas mula sa Samaria.”

18 Kanyang sinabi, “Kung sila'y lumalabas para sa kapayapaan, hulihin ninyo silang buháy; o kung sila'y lumalabas para sa pakikidigma, hulihin ninyong buháy.”

19 Sa gayo'y ang mga ito ay lumabas sa lunsod, ang mga kabataan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila.

20 Pinatay ng bawat isa ang kanya-kanyang kalabang lalaki, at ang mga taga-Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel. Ngunit si Ben-hadad na hari ng Siria ay tumakas na sakay ng isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo.

21 Ang hari ng Israel ay lumabas, binihag ang mga kabayo at mga karwahe, at pinatay ang mga taga-Siria ng maramihang pagpatay.

Si Ben-hadad ay Natalo Ngunit Hinayaang Makatakas

22 Pagkatapos ang propeta ay lumapit sa hari ng Israel, at nagsabi sa kanya, “Halika, magpakalakas ka at tandaan mong mabuti kung ano ang iyong gagawin, sapagkat sa panahon ng tagsibol ay aahon ang hari ng Siria laban sa iyo.”

23 Sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kanya, “Ang kanilang diyos ay diyos ng mga burol, kaya't sila'y mas malakas sa atin. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila.

24 Ito ang gawin mo: alisin mo ang mga hari sa kani-kanilang puwesto, at maglagay ka ng mga punong-kawal na kapalit nila.

25 Magtipon ka para sa iyo ng isang hukbo na gaya ng hukbong nawala sa iyo, kabayo laban sa kabayo, at karwahe laban sa karwahe. Lalabanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila.” Kanyang pinakinggan ang kanilang tinig at gayon nga ang ginawa.

26 Sa panahon ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang mga Arameo at umahon sa Afec upang labanan ang Israel.

27 At ang mga anak ng Israel ay nagtipon din, binigyan ng mga baon, at humayo laban sa kanila. Ang mga anak ng Israel ay humimpil sa harapan nila na parang dalawang munting kawan ng mga kambing, ngunit kinalatan ng mga taga-Siria ang lupain.

28 May isang tao ng Diyos na lumapit at sinabi sa hari ng Israel, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria: Ang Panginoon ay diyos ng mga burol, ngunit hindi siya diyos ng mga libis,’ kaya't aking ibibigay ang napakaraming ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”

29 Sila'y nagkampo na magkatapat sa loob ng pitong araw. Nang ikapitong araw, nagpasimula ang labanan at ang mga anak ni Israel ay nakapatay sa mga taga-Siria ng isandaang libong lakad na kawal sa isang araw.

30 Ang mga nalabi ay tumakas patungo sa lunsod ng Afec, at ang pader ay nabuwal sa dalawampu't pitong libong lalaki na nalabi. Si Ben-hadad ay tumakas din at pumasok sa lunsod, sa isang silid na pinakaloob.

31 Sinabi ng kanyang mga lingkod sa kanya, “Aming narinig na ang mga hari sa sambahayan ng Israel ay mga maawaing hari. Isinasamo namin sa iyo na kami ay hayaan mong maglagay ng mga bigkis na sako sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at pupuntahan namin ang hari ng Israel; marahil ay kanyang ililigtas ang iyong buhay.”

32 Kaya't sila'y naglagay ng bigkis na sako sa kanilang mga balakang, at ng mga lubid sa kanilang mga leeg. Pumunta sila sa hari ng Israel, at nagsabi, “Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-hadad, ‘Hinihiling ko sa iyo, hayaan mo akong mabuhay.’” At sinabi niya, “Siya ba'y buháy pa? Siya'y aking kapatid.”

33 Naghihintay noon ang mga lalaki ng tanda at madali nilang nakuha ang kanyang iniisip at kanilang sinabi, “Oo, ang iyong kapatid na si Ben-hadad.” Nang magkagayo'y sinabi niya, “Humayo kayo at dalhin ninyo siya sa akin.” Nang magkagayo'y nagpakita sa kanya si Ben-hadad at kanyang pinaakyat sa karwahe.

34 Sinabi ni Ben-hadad sa kanya, “Ang mga lunsod na kinuha ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at maaari kang magtayo ng mga kalakalan para sa iyong sarili sa Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria.” At sinabi ni Ahab, “Hahayaan kitang umalis ayon sa mga kasunduang ito.” Sa gayo'y nakipagtipan siya sa kanya, at pinahayo siya.

Si Ahab ay Pinagsalitaan ng Propeta

35 May isang lalaki sa mga anak ng mga propeta ang nagsabi sa kanyang kasama sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, “Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako.” Ngunit ang lalaki ay tumangging saktan siya.

36 Nang(A) magkagayo'y sinabi niya sa kanya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, pagkalayo mo sa akin ay papatayin ka ng isang leon.” Paglayo niya sa kanya, nakasalubong siya ng isang leon at pinatay siya.

37 Pagkatapos ay nakatagpo siya ng isa pang lalaki, at nagsabi, “Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako.” Sinaktan siya ng lalaki, tinaga at sinugatan siya.

38 Sa gayo'y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagkunwari na may benda sa kanyang mga mata.

39 Habang dumaraan ang hari, sumigaw siya sa hari, na sinasabi, “Ang iyong lingkod ay nasa gitna ng pakikipaglaban at may isang kawal na lumapit sa akin, dala ang isang lalaki, at nagsabi, ‘Ingatan mo ang lalaking ito. Kung sa anumang paraan ay makatakas siya, ang iyong buhay ang ipapalit sa kanyang buhay, o magbabayad ka ng isang talentong pilak.’

40 Habang ang iyong lingkod ay abala rito at doon, siya'y nakaalis.” At sinabi ng hari ng Israel sa kanya, “Magiging ganyan ang hatol sa iyo. Ikaw na rin ang nagpasiya.”

41 Pagkatapos, siya'y nagmadali, inalis ang benda sa kanyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na siya'y isa sa mga propeta.

42 At sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat iyong pinabayaang makatakas sa iyong kamay ang lalaki na aking itinalaga sa kamatayan, ang iyo ngang buhay ay papanaw na kapalit ng kanyang buhay, at ang iyong bayan para sa kanyang bayan.’”

43 Kaya't ang hari ng Israel ay umuwi sa kanyang bahay na masama ang loob at malungkot, at pumunta sa Samaria.

Hinangad ni Ahab ang Ubasan ni Nabat

21 Pagkatapos ay naganap ang sumusunod na mga pangyayari: Si Nabat na Jezreelita ay mayroong isang ubasan sa Jezreel na malapit sa bahay ni Ahab na hari sa Samaria.

Sinabi ni Ahab kay Nabat, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang mapasaakin bilang taniman ng gulay, sapagkat malapit iyon sa aking bahay. Aking papalitan iyon ng mas mainam na ubasan kaysa roon, o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyon sa salapi.”

Ngunit sinabi ni Nabat kay Ahab, “Huwag ipahintulot ng Panginoon na aking ibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno.”

Pumasok si Ahab sa kanyang bahay na yamot at malungkot dahil sa sinabi ni Nabat na Jezreelita sa kanya, sapagkat kanyang sinabi, “Hindi ko ibibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno.” Siya'y nahiga sa kanyang higaan, ipinihit ang kanyang mukha, at ayaw kumain ng pagkain.

Ngunit si Jezebel na kanyang asawa ay pumaroon sa kanya, at nagsabi, “Bakit ang iyong diwa ay bagabag at ayaw mong kumain ng pagkain?”

At sinabi niya sa kanya, “Sapagkat kinausap ko si Nabat na Jezreelita, at sinabi ko sa kanya, ‘Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa halaga nitong salapi; o kung hindi, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan.’ Siya'y sumagot, ‘Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.’”

Sinabi ni Jezebel sa kanya, “Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? Bumangon ka, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso; ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita.”

Sa gayo'y sumulat siya ng mga liham sa pangalan ni Ahab, at tinatakan ng kanyang tatak. Ipinadala ang mga sulat sa matatanda at sa mga maharlika na naninirahang kasama ni Nabat sa kanyang lunsod.

Kanyang isinulat sa mga liham, “Magpahayag kayo ng isang ayuno, at ilagay ninyo si Nabat na puno ng kapulungan,

10 at maglagay kayo ng dalawang lalaking walang-hiya[a] sa harapan niya, at hayaang magsabi sila ng bintang laban sa kanya, na magsabi, ‘Iyong isinumpa ang Diyos at ang hari.’ Kaya't ilabas siya at batuhin upang siya'y mamatay.”

Pinatay si Nabat

11 At ginawa ng mga kalalakihan sa kanyang lunsod, ng matatanda at ng mga maharlika na naninirahan sa kanyang lunsod, kung ano ang ipinag-utos ni Jezebel sa kanila, ayon sa nasusulat sa mga sulat na kanyang ipinadala sa kanila.

12 Sila'y nagpahayag ng isang ayuno, at inilagay si Nabat sa unahan ng kapulungan.

13 Ang dalawang lalaking walang-hiya ay pumasok at umupo sa harapan niya. At isinakdal ng lalaking walang-hiya si Nabat sa harapan ng taong-bayan, na nagsasabi, “Isinumpa ni Nabat ang Diyos at ang hari.” Nang magkagayo'y kanilang inilabas siya sa bayan, at binato nila hanggang sa siya'y namatay.

14 Pagkatapos sila'y nagsugo kay Jezebel, na nagsasabi, “Si Nabat ay pinagbabato na. Patay na siya.”

15 Nang mabalitaan ni Jezebel na si Nabat ay pinagbabato at patay na, sinabi ni Jezebel kay Ahab, “Bumangon ka, angkinin mo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita na kanyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi. Sapagkat si Nabat ay hindi buháy, kundi patay.”

16 Nang mabalitaan ni Ahab na patay na si Nabat, bumangon si Ahab upang bumaba sa ubasan ni Nabat na Jezreelita, at angkinin ang ubasan.

17 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Tisbita, na nagsasabi,

18 “Bumangon ka, lumusong ka upang salubungin si Ahab na hari ng Israel, na nasa Samaria. Siya'y nasa ubasan ni Nabat upang kamkamin ito.

19 Iyong sabihin sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, “Pumatay ka ba at nangamkam din?”’ At iyong sasabihin sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, “Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Nabat ay hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.”’”

20 At sinabi ni Ahab kay Elias, “Natagpuan mo ba ako, O aking kaaway?” At sumagot siya, “Natagpuan kita, sapagkat iyong ipinagbili ang iyong sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

21 Dadalhan kita ng kasamaan, at aking lubos na pupuksain ka at aking tatanggalin kay Ahab ang bawat anak na lalaki, nakabilanggo o malaya, sa Israel.

22 Aking gagawin ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahias, dahil sa ibinunsod mo ako sa galit, at ikaw ang naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.

23 Tungkol(B) kay Jezebel ay nagsalita rin ang Panginoon, na nagsabi, ‘Lalapain ng mga aso si Jezebel sa loob ng hangganan ng Jezreel.’

24 Ang sinumang kabilang kay Ahab na namatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na namatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid.”

25 (Walang gaya ni Ahab na nagbili ng kanyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, na inudyukan ni Jezebel na kanyang asawa.

26 Siya'y gumawa ng totoong karumaldumal sa pagsunod sa mga diyus-diyosan, tulad ng ginawa ng mga Amoreo, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.)

27 Nang marinig ni Ahab ang mga salitang iyon, kanyang pinunit ang kanyang mga damit, nagsuot ng sako sa kanyang katawan, nag-ayuno, nahiga sa sako, at nagpalakad-lakad na namamanglaw.

28 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Tisbita, na sinasabi,

29 “Nakita mo ba kung paanong si Ahab ay nagpakababa sa harap ko? Sapagkat siya'y nagpakababa sa harap ko, hindi ko dadalhin ang kapahamakan sa kanyang mga araw, kundi dadalhin ko ang kapahamakan sa kanyang sambahayan sa mga araw ng kanyang mga anak.”

Mga Gawa 12:24-13:15

24 Ngunit ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago at lumaganap.

25 At nagbalik galing sa Jerusalem sina Bernabe at Saulo nang magampanan na nila ang kanilang paglilingkod at kanilang isinama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Isinugo sina Bernabe at Saulo

13 Sa iglesya na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro, si Bernabe, si Simeon na tinatawag na Niger, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na kinakapatid ni Herodes na tetrarka, at si Saulo.

Samantalang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila.”

Nang magkagayon, nang sila'y makapag-ayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinahayo sila.

Ang Pangangaral sa Cyprus

Sila na isinugo ng Espiritu Santo ay pumunta sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus.

Nang sila'y makarating sa Salamis, kanilang ipinangaral ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan bilang katulong.

Nang kanilang mapuntahan na ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang salamangkero, isang bulaang propetang Judio, na ang pangalan ay Bar-Jesus.

Kasama siya ng proconsul na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Kanyang ipinatawag sina Bernabe at Saulo at nais na mapakinggan ang salita ng Diyos.

Ngunit si Elimas na salamangkero (sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan) ay humadlang sa kanila na pinagsisikapang ilayo sa pananampalataya ang proconsul.

Subalit si Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig sa kanya nang mabuti,

10 at sinabi niya, “Ikaw na anak ng diyablo, at kaaway ng lahat ng katuwiran, punung-puno ng lahat ng pandaraya at panlilinlang, hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon?

11 At ngayon, laban sa iyo ang kamay ng Panginoon, mabubulag ka, at hindi mo makikita ang araw ng ilang panahon.”

May ulap at kadiliman na agad nahulog sa kanya at siya'y lumibot na humahanap ng sa kanya'y aakay sa kamay.

12 Nang makita ng proconsul ang nangyari, siya'y naniwala sapagkat siya'y namangha sa turo ng Panginoon.

Sa Antioquia ng Pisidia

13 At umalis mula sa Pafos si Pablo at ang kanyang mga kasama at nakarating sa Perga sa Pamfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at nagbalik sa Jerusalem.

14 Ngunit naglakbay sila mula sa Perga at nakarating sa Antioquia ng Pisidia. At nang araw ng Sabbath, sila'y pumasok sa sinagoga at umupo.

15 Pagkatapos ng pagbasa ng kautusan at ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpautos sa kanila na sinasabi, “Mga kapatid, kung mayroon kayong anumang salitang magpapalakas ng loob ng mga tao ay sabihin ninyo.”

Mga Awit 137

137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
    doon tayo'y naupo at umiyak;
    nang ang Zion ay ating maalala;
sa mga punong sauce sa gitna nito,
    ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
    ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
    “Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”

Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
    sa isang lupaing banyaga?

O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,

    makalimot nawa ang aking kanang kamay!
Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
    kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
    sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
    ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
    Hanggang sa kanyang saligan!
O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
    Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
    ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
    at sa malaking bato sila'y sasalpok.

Mga Kawikaan 17:16

16 Bakit kailangang may halaga sa kamay ng hangal upang ibili ng karunungan,
    gayong wala naman siyang kaunawaan?

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001