The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Tuntunin tungkol sa Taong Inihandog para sa Paglilingkod sa Panginoon
6 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay gagawa ng isang panata na itatalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa akin bilang Nazareo,[a] 3 kailangang hindi siya iinom ng alak na mula sa ubas o ng kahit na anong nakalalasing na inumin. Hindi rin siya gagamit ng suka na galing sa anumang inuming nakalalasing. Hindi rin siya dapat uminom ng katas ng ubas, o kumain ng ubas o pasas. 4 Habang isa siyang Nazareo, kailangang hindi siya kakain ng kahit anong galing sa ubas, kahit na buto o balat nito.
5 “Hindi rin niya pagugupitan ang kanyang buhok habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon. Kailangang maging banal siya hanggang sa matapos ang panahon ng kanyang panata. Kaya hahayaan lang niyang humaba ang kanyang buhok. 6 At habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon, hindi siya dapat lumapit sa patay, 7 kahit na ama pa niya ito, ina o kapatid. Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili dahil lang sa kanila. Dahil ang kanyang buhok ay simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon.[b] 8 Kaya sa buong panahon ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay, ibinukod siya para sa Panginoon.
9 “Kung may biglang namatay sa kanyang tabi, at dahil ditoʼy nadumihan ang kanyang buhok[c] na simbolo ng kanyang pagkakatalaga sa Panginoon, kailangang ahitin niya ito sa ikapitong araw, iyon ang araw ng kanyang paglilinis. 10 Sa ikawalong araw, kailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa pari roon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 11 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isa bilang handog na sinusunog. Sa pamamagitan nito, mapapatawad siya sa kasalanan niya na paghipo sa patay. Sa mismong araw na iyon, itatalaga niyang muli ang kanyang sarili[d] at muli niyang pahahabain ang kanyang buhok. 12 Ang lumipas na mga araw ng kanyang paglilingkod sa Panginoon ay hindi kabilang sa pagtupad niya sa kanyang panata, dahil nadungisan siya nang nakahipo siya ng patay. Kailangang italaga niyang muli ang kanyang sarili hanggang sa matapos ang kanyang panata, at magdala siya ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan.
13 “Ito ang kanyang dapat gawin kapag natapos na niya ang kanyang panata bilang Nazareo: Kailangang dalhin siya sa pintuan ng Toldang Tipanan. 14 Doon, maghahandog siya sa Panginoon nitong mga sumusunod na hayop na walang kapintasan: isang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog, isang babaeng tupa na isang taong gulang din bilang handog sa paglilinis at isang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon. 15 Bukod pa rito, maghahandog din siya ng mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, mga handog na inumin at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa, na ginawa mula sa magandang klaseng harina. Ang ibang tinapay ay makapal na hinaluan ng langis, at ang iba naman ay manipis na pinahiran ng langis.
16 “Ang pari ang maghahandog nito sa Panginoon: Ihahandog niya ang handog sa paglilinis at ang handog na sinusunog; 17 pagkatapos, ihahandog din niya ang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon kasama ang isang basket na tinapay na walang pampaalsa. At ihahandog din niya ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ang mga handog na inumin.
18 “At doon sa pintuan ng Toldang Tipanan aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok na simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon. Susunugin niya ito sa apoy na pinagsusunugan ng handog na para sa mabuting relasyon. 19 Pagkatapos nito, ilalagay ng pari sa kamay ng Nazareo ang balikat ng nilagang tupa at ang manipis at makapal na mga tinapay na walang pampaalsa na galing sa basket. 20 Pagkatapos, kukunin ito ng pari at itataas sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinaas. Banal ang bahaging ito ng handog, at ito ay para na sa pari, pati ang dibdib at paa ng tupa na itinaas din sa Panginoon. Pagkatapos nito, maaari nang makainom ng alak na ubas ang Nazareo.
21 “Ito ang tuntunin para sa isang Nazareo. Pero kung mangangako ang isang Nazareo na maghahandog siya sa Panginoon na sobra sa ipinatutupad sa kanyang panata, dapat niya itong sundin.”
Ang Pagbendisyon ng mga Pari
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 23 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki na ito ang kanilang sasabihin kapag magbabasbas sila sa mga Israelita:
24 ‘Pagpalain sana kayo ng Panginoon.
25 Ipakita sana ng Panginoon ang kanyang kabutihan at awa sa inyo.
26 At malugod sana ang Panginoon sa inyo at bigyan niya kayo ng mabuting kalagayan.’
27 “Sa pamamagitan nitoʼy maipapahayag nila sa mga Israelita kung sino ako, at pagpapalain ko sila.”
Ang mga Handog para sa Pagtatalaga ng Toldang Tipanan
7 Pagkatapos maiayos ni Moises ang Tolda, winisikan niya ito ng langis at itinalaga pati ang lahat ng kagamitan nito. Ganito rin ang kanyang ginawa sa altar at sa lahat ng kagamitan nito. 2 Pagkatapos, nagdala ng mga handog sa Panginoon ang mga pinuno ng Israel, na pinuno ng bawat lahi. Sila ang nakatalaga sa pagsesensus. 3 Nagdala sila ng anim na kariton at 12 baka – isang kariton sa bawat dalawang pinuno, at isang baka sa bawat isa sa kanila. Dinala nila ito sa harapan ng Toldang Sambahan.
4 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 5 “Tanggapin mo ang kanilang mga handog upang magamit para sa mga gawain sa Toldang Tipanan. Ibigay ito sa mga Levita ayon sa kanilang gawain.”
6 Kaya tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka, at ibinigay ito sa mga Levita. 7 Ibinigay niya ang dalawang kariton at apat na baka sa mga angkan ni Gershon para sa kanilang gawain. 8 At ibinigay niya ang apat na kariton at walong baka sa mga angkan ni Merari para rin sa kanilang gawain. Pinamumunuan silang lahat ni Itamar na anak ng paring si Aaron. 9 Pero hindi binigyan ni Moises ng kariton o baka ang mga angkan ni Kohat dahil sila ang itinalaga sa pagdadala ng mga banal na bagay ng Tolda.
10 Nagdala rin ang mga pinuno ng kanilang mga handog para sa pagtatalaga ng altar noong itinalaga ito. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kailangan na sa bawat araw, may isang pinuno na magdadala ng kanyang handog para sa pagtatalaga ng altar.”
12-83 Sa ganitong paraan nila dinala ang kanilang mga handog:
Nang unang araw, si Nashon na anak ni Aminadab, na pinuno ng lahi ni Juda.
Nang ikalawang araw, si Netanel na anak ni Zuar, na pinuno ng lahi ni Isacar.
Nang ikatlong araw, si Eliab na anak ni Helon, na pinuno ng lahi ni Zebulun.
Nang ikaapat na araw, si Elizur na anak ni Sedeur, na pinuno ng lahi ni Reuben.
Nang ikalimang araw, si Selumiel na anak ni Zurishadai, na pinuno ng lahi ni Simeon.
Nang ikaanim na araw, si Eliasaf na anak ni Deuel, na pinuno ng lahi ni Gad.
Nang ikapitong araw, si Elishama na anak ni Amihud, na pinuno ng lahi ni Efraim.
Nang ikawalong araw, si Gamaliel na anak ni Pedazur, na pinuno ng lahi ni Manase.
Nang ikasiyam na araw, si Abidan na anak ni Gideoni, na pinuno ng lahi ni Benjamin.
Nang ikasampung araw, si Ahiezer na anak ni Amishadai, na pinuno ng lahi ni Dan.
Nang ika-11 araw, si Pagiel na anak ni Ocran, na pinuno ng lahi ni Asher.
Nang ika-12 araw, si Ahira na anak ni Enan, na pinuno ng lahi ni Naftali.
Ang bawat isa sa kanila ay nagdala ng mga handog na ito: isang pilak na bandehado na may bigat na isaʼt kalahating kilo, at isang pilak na mangkok na may bigat na 800 gramo ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ang bawat isa nito ay puno ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis para sa handog sa pagpaparangal sa Panginoon. Nagdala rin ang bawat isa sa kanila ng isang gintong pinggan na may bigat na mga 120 gramo na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa at isang batang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog; isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis; dalawang baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing at limang batang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon.
84 Ito ang lahat ng mga handog ng 12 pinuno ng mga Israelita para sa pagtatalaga ng altar: 12 pilak na bandehado, 12 pilak na mangkok, at 12 gintong tasa.
85 Ang bawat bandehadong pilak ay may bigat na isaʼt kalahating kilo, at ang bawat mangkok na pilak ay may bigat na 800 gramo. Ang kabuuang timbang nila ay mga 28 kilo ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari.
86 Ang 12 gintong lalagyan na puno ng insenso ay may bigat na mga 120 gramo bawat isa ayon sa bigat ng ginto sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ang kabuuang timbang nila ay mga 1,440 gramo.
87 Ang mga hayop na ibinigay para sa handog na sinusunog: 12 batang toro, 12 lalaking tupa at 12 lalaking tupang isang taong gulang pa lang ang edad, kasama nito ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ang handog sa paglilinis: 12 lalaking kambing.
88 Ang mga hayop na handog para sa mabuting relasyon: 24 na toro, 60 lalaking tupa, 60 lalaking kambing at 60 batang lalaking tupa na isang taong gulang pa lang ang edad.
Ito ang lahat ng mga handog nang italaga ang altar.
89 Kapag papasok si Moises sa Toldang Tipanan para makipag-usap sa Panginoon, naririnig niya ang boses na nakikipag-usap sa kanya galing sa gitna ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng takip ng Kahon ng Kasunduan. Doon nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(A)
38 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang mamasyal na nakasuot ng espesyal na damit.[a] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar.[b] 39 Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 40 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal! Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”
Ang Kaloob ng Biyuda(B)
41 Umupo si Jesus malapit sa pinaglalagyan ng mga kaloob doon sa templo at pinagmamasdan ang mga taong naghuhulog ng pera. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. 42 May lumapit doon na isang mahirap na biyuda at naghulog ng dalawang pirasong barya. 43 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay. 44 Sapagkat silang lahat ay nagbigay lang ng sumobrang pera nila. Pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”
Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(C)
13 Nang paalis na sina Jesus sa templo, sinabi ng isa sa mga tagasunod niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang templo. Kay laki ng mga ginamit na bato at napakaganda ng pagkakagawa.” 2 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang templong ito na nakikita ninyo ngayon, na gawa sa malalaking bato, ay siguradong magigiba at walang maiiwang magkapatong na bato!”
Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(D)
3 Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo na nakaharap sa templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4 “Sabihin ninyo sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari ang lahat ng ito?”
5 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at huwag palilinlang kaninuman. 6 Sapagkat marami ang darating at magsasabi na sila ang Cristo,[c] at marami ang ililigaw nila. 7 Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan malapit sa inyo, at nakabalitang may digmaan din sa malayo, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga iyan, ngunit hindi pa ito ang katapusan. 8 Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Lilindol sa ibaʼt ibang lugar at magkakaroon ng taggutom. Ang mga itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.
9 “Mag-ingat kayo dahil dadakpin kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin kayo sa sambahan ng mga Judio. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 10 Dapat munang maipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng bansa, bago dumating ang katapusan. 11 Kapag dinakip kayo at iniharap sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo. Bastaʼt sabihin ninyo ang ipinapasabi ng Banal na Espiritu sa oras na iyon. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ninyo. 12 Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 13 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.”
Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan
49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
2 Dakila ka man o aba,
mayaman ka man o dukha, makinig ka,
3 dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
4 Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.
5 Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
6 Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
at dahil dito ay nagmamayabang.
7 Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
kahit magbayad pa siya sa Dios.
8 Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
hindi sapat ang anumang pambayad
9 upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
Doon sila mananahan,
kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
mamamatay din siya katulad ng hayop.
13 Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14 Silaʼy nakatakdang mamatay.
Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.[a]
(Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
malayo sa dati nilang tirahan.
15 Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
Tiyak na ililigtas niya ako.
16 Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17 dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18 Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19 Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20 Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
ay mamamatay katulad ng mga hayop.
27 Ang may paggalang sa Panginoon ay hahaba ang buhay, ngunit ang taong masama ay iigsi ang buhay.
28 Ang pag-asa ng matuwid ay magbibigay ng kaligayahan, ngunit ang pag-asa ng masama ay walang katuparan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®