Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 60:1-62:5

Ang Magiging Kadakilaan ng Jerusalem

60 Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating,
    at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
Sapagkat narito, tatakpan ang lupa ng kadiliman,
    at ng makapal na dilim ang mga bayan.
Ngunit ang Panginoon ay sisikat sa iyo,
    at ang kanyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag,
    at ang mga hari sa ningning ng iyong pagsikat.

Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin.
    Silang lahat ay nagtitipon, sila'y pumaroon sa iyo,
ang iyong mga anak na lalaki ay magmumula sa malayo,
    at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan,
    at ang iyong puso ay manginginig sa tuwa at magagalak,[a]
sapagkat ang kasaganaan ng dagat ay dadalhin sa iyo,
    ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
Tatakpan ka ng napakaraming kamelyo,
    ng mga batang kamelyo ng Midian at Efa;
    lahat ng mula sa Seba ay darating.
Sila'y magdadala ng ginto at kamanyang,
    at maghahayag ng kapurihan ng Panginoon.
Lahat ng kawan sa Kedar ay matitipon sa iyo,
    ang mga lalaking tupa sa Nebayot ay maglilingkod sa iyo;
sila'y aahon na may pagtanggap sa aking dambana,
    at aking luluwalhatiin ang aking maluwalhating bahay.

Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap,
    at parang mga kalapati sa kanilang mga bintana?
Tunay na ang mga pulo ay maghihintay sa akin,
    at ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna,
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo,
    ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila,
dahil sa pangalan ng Panginoon mong Diyos,
    at dahil sa Banal ng Israel,
    sapagkat kanyang niluwalhati ka.
10 Itatayo ng mga dayuhan ang mga kuta mo,
    at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo;
sapagkat sa aking poot ay sinaktan kita,
    ngunit sa aking biyaya ako sa iyo ay naawa.
11 Magiging(A) laging bukas ang iyong mga pintuan,
    hindi isasara sa araw o sa gabi man;
upang ang mga tao ay magdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa,
    at ang kanilang mga hari ang nangunguna sa hanay.
12 Sapagkat ang bansa at kaharian
    na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay;
    ang mga bansang iyon ay malilipol nang lubusan.
13 Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay darating sa iyo,
    ang puno ng sipres, ng abeto at ng pino na magkakasama,
upang pagandahin ang dako ng aking santuwaryo;
    at aking gagawing maluwalhati ang lugar ng mga paa ko.
14 At(B) ang mga anak nila na umapi sa iyo
    ay paroroong nakayuko sa iyo;
at silang lahat na humamak sa iyo
    ay yuyukod sa talampakan ng mga paa mo;
at tatawagin ka nilang “Ang Lunsod ng Panginoon,
    ang Zion ng Banal ng Israel.”

Ang Maluwalhating Zion

15 Yamang ikaw ay napabayaan at kinamuhian,
    na anupa't walang tao na sa iyo ay dumaraan,
gagawin kitang walang hanggang karilagan,
    na sa maraming salinlahi ay kagalakan.
16 Ikaw ay iinom ng gatas ng mga bansa,
    at sususo sa mga suso ng mga hari;
at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas mo
    at Manunubos, Makapangyarihan ng Jacob.

17 Sa halip na tanso ay magdadala ako ng ginto,
    at sa halip na bakal ay magdadala ako ng pilak,
sa halip na kahoy ay tanso,
    sa halip na mga bato ay bakal.
Ang Kapayapaan ay gagawin kong mga tagapangasiwa mo,
    at ang Katuwiran bilang iyong tagapamahala.
18 Hindi na maririnig sa iyong lupain ang Karahasan,
    ni ang pagkawasak o pagkagiba sa loob ng iyong mga hangganan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong Kaligtasan,
    at Papuri ang iyong mga pintuan.

19 Ang(C) araw ay hindi na magiging
    iyong liwanag kapag araw;
o ang buwan man
    ay magbibigay sa iyo ng liwanag.
Kundi ang Panginoon ang magiging iyong walang hanggang liwanag,
    at ang iyong Diyos ay iyong kaluwalhatian.
20 Ang iyong araw ay hindi na lulubog,
    o ang iyo mang buwan ay lulubog;
sapagkat ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag,
    at ang mga araw ng iyong pagtangis ay matatapos.
21 Magiging matuwid na lahat ang iyong bayan,
    kanilang aangkinin ang lupain magpakailanman,
ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay,
    upang ako'y luwalhatiin.
22 Ang pinakamaliit ay magiging isang angkan,
    at ang pinakakaunti ay magiging isang makapangyarihang bansa.
Ako ang Panginoon,
    ito ay mabilis kong gagawin sa kapanahunan nito.

Balita ng Kaligtasan

61 Ang(D) (E) Espiritu ng Panginoong Diyos ay sumasaakin;
    sapagkat hinirang[b] ako ng Panginoon
upang ipangaral ang mabuting balita sa inaapi
    kanyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso,
upang magpahayag ng kalayaan sa mga bihag,
    at buksan ang bilangguan sa mga bilanggo;
upang(F) ihayag ang kalugud-lugod na taon ng Panginoon,
    at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos;
    upang aliwin ang lahat ng tumatangis;
upang pagkalooban sila na tumatangis sa Zion—
    upang bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo,
sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan,
    sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan,
upang sila'y matawag na mga punungkahoy ng katuwiran,
    ang pananim ng Panginoon, upang siya'y bigyan ng kaluwalhatian.
Kanilang itatayong muli ang mga sinaunang naguho,
    kanilang ibabangon ang mga dating giba,
kanilang kukumpunihin ang mga lunsod na sira,
    na sa maraming salinlahi ay nagiba.

At tatayo ang mga dayuhan at pakakainin ang inyong mga kawan,
    at magiging inyong mga tagapag-araro ang mga dayuhan at manggagawa sa ubasan.
Ngunit kayo'y tatawaging mga pari ng Panginoon,
    tatawagin kayo ng mga tao bilang mga tagapaglingkod ng ating Diyos,
kayo'y kakain ng kayamanan ng mga bansa,
    at sa kanilang kaluwalhatian ay magmamapuri kayo.
Magtatamo kayo ng dalawang bahagi sa halip na kahihiyan,
    sa halip na paghamak ay magagalak kayo sa inyong kapalaran;
kaya't sa inyong lupain ay dalawang bahagi ang aariin ninyo,
    walang hanggang kagalakan ang mapapasa inyo.

Sapagkat akong Panginoon ay umiibig sa katarungan,
    kinapopootan ko ang pagnanakaw at handog na sinusunog;
at aking tapat na ibibigay sa kanila ang kanilang gantimpala,
    at ako'y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan.
At ang kanilang mga lahi ay makikilala sa gitna ng mga bansa,
    at ang kanilang supling sa gitna ng mga bayan;
lahat ng nakakakita sa kanila ay kikilalanin sila,
    na sila ang bayang pinagpala ng Panginoon.
10 Ako'y(G) magagalak na mabuti sa Panginoon,
    ang aking buong pagkatao ay magagalak sa aking Diyos;
sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan,
    kanyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran,
gaya ng lalaking ikakasal na ginagayakan ang sarili ng palamuting bulaklak,
    at gaya ng babaing ikakasal na nagagayakan ng kanyang mga hiyas.
11 Sapagkat kung paanong ang lupa'y nagpapatubo ng kanyang pananim,
    at kung paanong ang halamanan ay nagpapasibol ng mga bagay na sa kanya'y itinanim,
gayon pasisibulin ng Panginoong Diyos ang katuwiran at kapurihan
    sa harapan ng lahat ng bansa.

62 Alang-alang sa Zion ay hindi ako tatahimik,
    at alang-alang sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga,
hanggang sa ang kanyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning,
    at ang kanyang kaligtasan na gaya ng sulong nagniningas.
At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran,
    at ng lahat na hari ang iyong kaluwalhatian;
at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan
    na ipapangalan ng bibig ng Panginoon.
Ikaw naman ay magiging korona ng kagandahan sa kamay ng Panginoon,
    at koronang hari sa kamay ng iyong Diyos.
Hindi ka na tatawagin pang ‘Pinabayaan’;[c]
    hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na ‘Giba’;[d]
kundi ikaw ay tatawaging ‘Ang Aking Katuwaan Ay Nasa Kanya’,[e]
    at ang iyong lupain ay tatawaging ‘May Asawa’,[f]
sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa iyo,
    at ang iyong lupain ay magiging may asawa.
Sapagkat kung paanong ang binata ay ikinakasal sa dalaga,
    gayon ikakasal ka sa iyong mga anak na lalaki,
at kung paanong ang lalaking ikakasal ay nagagalak sa babaing ikakasal,
    gayon magagalak ang Diyos sa iyo.

Filipos 1:27-2:18

27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo, na kahit ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang mga bagay patungkol sa inyo na kayo'y naninindigan sa isang espiritu, na may isang isipan na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo,

28 at sa anuman ay huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang kapahamakan, ngunit ng inyong kaligtasan, at ito'y mula sa Diyos.

29 Sapagkat sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang sa kanya,

30 yamang(A) taglay ninyo ang gayunding pakikipaglaban na inyong nakita sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyo tungkol sa akin.

Tularan ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Kaya nga kung mayroong anumang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung mayroong anumang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anumang pagkagiliw at habag,

ay lubusin ninyo ang aking tuwa sa pagkakaroon ng gayunding pag-iisip, magtaglay ng gayunding pag-ibig, na magkaisa ng diwa, at may isa lamang pag-iisip.

Huwag ninyong gawin ang anuman sa pagpapaligsahan o pagmamataas, kundi sa kababaan, ituring na ang iba ay higit na mabuti kaysa inyong sarili.

Huwag tingnan ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng iba.

Magkaroon kayo sa inyo ng ganitong pag-iisip na na kay Cristo Jesus din naman,

na siya, bagama't nasa anyo ng Diyos,
    ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan
    ang pagiging kapantay ng Diyos,
kundi hinubaran niya ang kanyang sarili
    at kinuha ang anyong alipin
    na naging katulad ng tao.
At palibhasa'y natagpuan sa anyo ng tao,
    siya'y nagpakababa sa kanyang sarili,
    at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
    maging sa kamatayan man sa krus.
Kaya siya naman ay itinaas ng Diyos,
    at siya'y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan;
10 upang(B) sa pangalan ni Jesus
    ay lumuhod ang bawat tuhod,
    sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa,
11 at ipahayag ng bawat dila
    na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Magsilbing Ilaw sa Sanlibutan

12 Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod, hindi lamang sa harapan ko, kundi higit ngayon na ako'y hindi ninyo kasama, ay isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig;

13 sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban.

14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang pabulong-bulong at pagtatalo,

15 upang(C) kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang salinlahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad ng mga ilaw sa sanlibutan,

16 na nanghahawakan sa salita ng buhay upang may ipagkapuri ako sa araw ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan.

17 Oo, kahit ako'y ibuhos bilang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y natutuwa at nakikigalak sa inyong lahat.

18 At sa gayunding paraan kayo'y natutuwa at nakikigalak sa akin.

Mga Awit 72

Awit ni Solomon.

72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
    at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
    at ang iyong dukha ng may katarungan!
Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
    at ang mga burol, sa katuwiran!
Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
    magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
    at ang mapang-api ay kanyang durugin!

Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
    at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
    gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
    at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.

Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
    at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
    at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
    ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
    ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
    lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!

12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
    ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
    at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
    at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.

15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
    at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
    at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
    sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
    ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
    gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
    ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
    at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
    mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.

20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.

Mga Kawikaan 24:11-12

11 Iligtas mo silang dinadala sa kamatayan,
    pigilan mo silang natitisod patungo sa katayan.
12 Kung iyong sinasabi, “Narito, hindi namin ito nalalaman.”
    Hindi ba niya alam ang sa mga puso'y tumitimbang?
At siyang nagbabantay sa iyong kaluluwa, hindi ba niya nalalaman?
    At ang bawat tao ayon sa gawa niya ay di ba niya gagantihan?

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001