Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 39:1-41:16

Mga Sugo mula sa Babilonia(A)

39 Nang panahong yaon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may dalang mga sulat at regalo kay Hezekias, sapagkat nabalitaan niya na siya'y nagkasakit at gumaling.

At natuwa si Hezekias dahil sa kanila, at ipinakita sa kanila ang taguan ng kanyang kayamanan, ang pilak, ang ginto, ang mga pabango, ang mahalagang langis, ang lahat ng kanyang sandata, at lahat na nandoon sa kanyang mga imbakan. Walang bagay sa kanyang bahay, o sa buong sakop man niya, na hindi ipinakita ni Hezekias sa kanila.

Nang magkagayo'y pumunta si Isaias na propeta kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila nanggaling upang makipagkita sa iyo?” Sinabi ni Hezekias, “Sila'y nagsiparito sa akin mula sa malayong lupain, mula sa Babilonia.”

Kanyang sinabi, “Ano ang kanilang nakita sa iyong bahay?” At sumagot si Hezekias, “Lahat ng nasa aking bahay ay kanilang nakita; walang anumang bagay sa aking mga imbakan na hindi ko ipinakita sa kanila.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon ng mga hukbo:

Narito, ang mga araw ay dumarating, na ang lahat na nasa iyong bahay, at ang mga inipon ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng Panginoon.

At(B) ang iba sa iyong mga anak na ipapanganak sa iyo ay dadalhin. Sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinabi.” Sapagkat kanyang sinabi, “Magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga araw.”

Mga Pananalita ng Pag-asa

40 Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan,
    sabi ng inyong Diyos.
Magsalita kayo nang sa puso sa Jerusalem,
    at sabihin ninyo sa kanya,
na ang kanyang pakikipagdigma ay tapos na,
    na ang kanyang kasamaan ay pinatawad,
sapagkat siya'y tumanggap sa kamay ng Panginoon
    ng ibayong bahagi para sa lahat niyang kasalanan.

Ang(C) (D) tinig ng isang sumisigaw:
“Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon,
    tuwirin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Diyos.
Bawat libis ay matataas,
    at bawat bundok at burol ay mabababa;
ang mga baku-bako ay matutuwid,
    at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag.
At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag,
    at sama-samang makikita ng lahat ng laman,
    sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon.”

Sinasabi(E) ng isang tinig, “Ikaw ay dumaing!”
    At sinabi ko, “Ano ang aking idadaing?”
Lahat ng laman ay damo,
    at lahat niyang kagandahan ay parang bulaklak ng parang.
Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta,
    kapag ang hininga ng Panginoon ay humihihip doon;
    tunay na ang mga tao ay damo.
Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta;
    ngunit ang salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailanman.
Umakyat ka sa mataas na bundok,
    O Zion, tagapagdala ng mabubuting balita;
itaas mo ang iyong tinig na may kalakasan,
    O Jerusalem, tagapagdala ng mabubuting balita,
    itaas mo, huwag kang matakot;
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
    “Tingnan ang inyong Diyos!”
10 Narito,(F) ang Panginoong Diyos ay darating na may kapangyarihan,
    at ang kanyang kamay ay mamumuno para sa kanya;
narito, ang kanyang gantimpala ay dala niya,
    at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.
11 Kanyang(G) pakakainin ang kanyang kawan na gaya ng pastol,
    kanyang titipunin ang mga kordero sa kanyang bisig,
at dadalhin sila sa kanyang kandungan,
    at maingat na papatnubayan iyong may mga anak.

12 Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kanyang kamay,
    at sumukat sa langit ng sa pamamagitan ng dangkal,
at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal,
    at tumimbang ng mga bundok sa mga timbangan,
    at ng mga burol sa timbangan?
13 Sinong(H) pumatnubay sa Espiritu ng Panginoon,
    o bilang kanyang tagapayo ay nagturo sa kanya?
14 Kanino siya humingi ng payo upang maliwanagan,
    at nagturo sa kanya sa landas ng katarungan,
at nagturo sa kanya ng kaalaman,
    at nagpakilala sa kanya ng daan ng pagkaunawa?
15 Masdan mo, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba,
    itinuturing na parang alabok sa timbangan;
    masdan mo, kanyang itinataas ang mga pulo na parang pinong alabok.
16 Ang Lebanon ay hindi sapat upang maging panggatong,
    ni ang mga hayop niyon ay sapat na handog na sinusunog.
17 Lahat ng mga bansa ay parang walang anuman sa harap niya;
    kanyang itinuring ang mga ito na mas kulang pa sa wala at walang laman.

18 Kanino(I) nga ninyo itutulad ang Diyos?
    O anong wangis ang ihahambing ninyo sa kanya?
19 Sa larawang inanyuan! Hinulma ito ng manggagawa,
    at binabalot ito ng ginto ng platero,
    at hinulmahan ito ng mga pilak na kuwintas.
20 Siyang napakadukha ay pumipili bilang handog
    ng kahoy na hindi mabubulok;
siya'y humahanap ng isang bihasang manlililok
    upang gumawa ng larawang inanyuan na hindi makakakilos.

21 Hindi ba ninyo nalaman? Hindi ba ninyo narinig?
    Hindi ba sinabi sa inyo mula nang una?
    Hindi ba ninyo naunawaan bago pa inilagay ang mga pundasyon ng lupa?
22 Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa,
    at ang mga naninirahan doon ay parang mga balang;
siyang naglaladlad ng langit na parang tabing,
    at inilaladlad ang mga iyon na parang tolda upang tirahan;
23 na dinadala sa wala ang mga pinuno,
    at ginagawang walang kabuluhan ang mga hukom ng lupa.

24 Oo, sila'y hindi nagtatanim, oo, sila'y hindi naghahasik,
    oo, ang kanilang puno ay hindi nag-uugat sa lupa,
at humihihip din siya sa kanila at sila'y natutuyo,
    at tinatangay sila ng ipu-ipo na gaya ng dayami.

25 Kanino nga ninyo ako itutulad,
    upang makatulad niya ako? sabi ng Banal.
26 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas,
    at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito?
Siya na naglalabas ng kanilang hukbo ayon sa bilang;
    tinatawag niya sila ayon sa pangalan;
sa pamamagitan ng kadakilaan ng kanyang kapangyarihan,
    at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan
    ay walang nagkukulang.

27 Bakit sinasabi mo, O Jacob,
    at sinasalita mo, O Israel,
“Ang daan ko ay lingid sa Panginoon,
    at nilalagpasan ng aking Diyos ang kahatulan ko”?
28 Hindi mo ba nalaman? Hindi mo ba narinig?
Ang Panginoon ang walang hanggang Diyos,
    ang Lumikha ng mga dulo ng lupa.
Hindi siya nanghihina, o napapagod man;
    walang makatatarok ng kanyang kaunawaan.
29 Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina;
    at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ang kalakasan.
30 Maging ang mga kabataan ay manghihina at mapapagod,
    at ang mga binata ay lubos na mabubuwal;
31 ngunit silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas,
    sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila,
sila'y tatakbo at hindi mapapagod,
    sila'y lalakad, at hindi manghihina.

Ang Pangako ng Diyos sa Israel

41 Tahimik kayong makinig sa akin, O mga lupain sa baybayin;
    hayaang magpanibagong lakas ang mga bayan;
hayaang lumapit sila, at hayaang magsalita sila;
    tayo'y sama-samang lumapit para sa kahatulan.

Sinong nagbangon ng matuwid sa silangan,
    na kaniyang tinawag sa kanyang paanan?
Siya'y nagbibigay ng mga bansa sa harap niya,
    pinasusuko niya ang mga hari;
kanyang ginagawa silang parang alabok sa kanyang tabak,
    na parang pinaspas na dayami ng kanyang busog.
Kanyang hinahabol sila at lumalampas na payapa
    sa mga daang hindi dinaanan ng kanyang mga paa.
Sinong nagbalak at nagsagawa nito,
    na tumawag ng mga salinlahi mula nang pasimula?
Akong Panginoon, ang una,
    at kasama ng huli, Ako nga.
Nakita ng mga pulo, at natakot,
    ang mga dulo ng lupa ay nanginig;
    sila'y lumapit, at pumarito.
Bawat tao'y tumutulong sa kanyang kapwa,
    at sinasabi sa kanyang kapatid, “Ikaw ay magpakatapang!”
Pinasisigla ng karpintero ang platero,
    at pinasisigla ng gumagamit ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan,
na sinasabi tungkol sa paghinang, “Mabuti”;
    at kanyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.

Ang Israel ay Tiniyak na Tutulungan ng Panginoon

Ngunit(J) ikaw, Israel, lingkod ko,
    Jacob, na siyang aking pinili,
    na binhi ni Abraham na aking kaibigan;
ikaw na aking kinuha mula sa mga dulo ng lupa,
    at tinawag kita mula sa mga pinakamalayong sulok niyon,
na sinasabi sa iyo, “Ikaw ay aking lingkod,
    aking pinili ka at hindi kita itinakuwil”;
10 huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo,
    huwag kang mabalisa, sapagkat ako'y Diyos mo;
aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan;
    oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.

11 Narito, silang lahat na nagagalit sa iyo
    ay mapapahiya at malilito:
silang nakikipaglaban sa iyo
    ay mawawalan ng kabuluhan at mapapahamak.
12 Iyong hahanapin sila na nakikipaglaban sa iyo,
    ngunit hindi mo sila matatagpuan;
silang nakikipagdigma laban sa iyo
    ay matutulad sa wala.
13 Sapagkat ako, ang Panginoon mong Diyos,
    ang humahawak ng iyong kanang kamay;
ako na nagsasabi sa iyo, “Huwag kang matakot,
    ikaw ay aking tutulungan.”

14 Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob,
    at kayong mga lalaki ng Israel!
aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon,
    ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.
15 Narito, ginawa kitang bagong matalas na kasangkapang panggiik,
    na may mga ngipin;
iyong gigiikin ang mga bundok, at dudurugin ang mga iyon,
    at iyong gagawing parang ipa ang mga burol.
16 Iyong tatahipan sila, at tatangayin ng hangin,
    at pangangalatin ng ipu-ipo.
At ikaw ay magagalak sa Panginoon,
    at iyong luluwalhatiin ang Banal ng Israel.

Efeso 1

Pagbati

Si(A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal [na nasa Efeso], at sa mga mananampalataya kay Cristo Jesus:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo

Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan,

ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig.

Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban,

para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal.

Sa(B) kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya,

na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa,

na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo,

10 bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa;

11 sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban;

12 upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian.

13 Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo.

14 Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian.

Panalangin ni Pablo

15 Dahil dito, sapagkat narinig ko rin naman ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal,

16 hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat para sa inyo, na binabanggit kayo sa aking mga panalangin,

17 upang ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magkaloob sa inyo ng espiritu ng karunungan at ng pahayag sa isang ganap na pagkakilala sa kanya,

18 yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa kanyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kanyang pamana sa mga banal,

19 at kung ano ang di-masukat na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kapangyarihan ng kanyang lakas.

20 Kanyang(C) isinagawa ito kay Cristo, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay, at pinaupo sa kanyang kanan sa sangkalangitan,

21 higit na mataas kaysa lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at paghahari, at sa bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating na panahon.

22 At(D) kanyang inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya,

23 na(E) siyang katawan niya, ang kapuspusan niya na pumupuspos ng lahat sa lahat.

Mga Awit 66

Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.

66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
    awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
    gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
    Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)

Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
    siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
    ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
    siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
    ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)

O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
    ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
    at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
    sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
    nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
    kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.

13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
    ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
    at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
    na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)

16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
    at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
    at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
    ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
    kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.

20 Purihin ang Diyos,
    sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
    ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!

Mga Kawikaan 23:25-28

25 Hayaang ang iyong ama at ina ay sumaya,
    at siyang nagsilang sa iyo ay lumigaya.
26 Anak ko, ang puso mo sa akin ay ibigay,
    at magmasid[a] ang iyong mga mata sa aking mga daan.
27 Sapagkat ang masamang babae ay isang malalim na hukay,
    at ang babaing di kilala ay isang makipot na balon.
28 Oo, siya'y nag-aabang na parang tulisan,
    at nagpaparami ng mga taksil sa mga kalalakihan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001