Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 41:17-43:13

17 Kapag ang dukha at nangangailangan ay humahanap ng tubig,
    at wala,
    at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw,
akong Panginoon ay sasagot sa kanila,
    akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.
18 Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga lantad na kaitaasan,
    at ng mga bukal sa gitna ng mga libis;
aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig,
    at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.
19 Aking itatanim sa ilang ang sedro,
    ang puno ng akasya, at ang arayan, at ang olibo;
aking ilalagay na magkakasama sa ilang ang sipres na puno,
    ang alerses at pino;
20 upang makita at malaman ng mga tao,
    isaalang-alang at sama-samang unawain,
na ginawa ito ng kamay ng Panginoon,
    at nilikha ito ng Banal ng Israel.

Ang Hamon ng Diyos sa mga Huwad na Diyos

21 Iharap ninyo ang inyong usapin, sabi ng Panginoon;
    dalhin ninyo ang inyong mga matibay na dahilan, sabi ng Hari ni Jacob.
22 Hayaang dalhin nila, at ipahayag sa amin
    kung anong mangyayari.
Sabihin sa amin ang mga dating bagay, kung ano ang mga iyon,
upang aming malaman ang kalalabasan nila;
    o ipahayag ninyo sa amin ang mga bagay na darating.
23 Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos,
    upang aming malaman na kayo'y mga diyos;
oo, kayo'y gumawa ng mabuti, o gumawa ng kasamaan,
    upang kami ay mawalan ng loob at mamasdan naming sama-sama.
24 Narito, kayo'y bale-wala,
    at walang kabuluhan ang inyong gawa;
    kasuklamsuklam siya na pumipili sa inyo.
25 May ibinangon ako mula sa hilaga, at siya'y dumating;
    mula sa sikatan ng araw ay tatawag siya sa aking pangalan;
siya'y paroroon sa mga pinuno na parang pambayo,
    gaya ng magpapalayok na tumatapak sa luwad.
26 Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming malaman?
    At nang una, upang aming masabi, “Siya'y matuwid”?
Oo, walang nagpahayag, oo, walang nagsalita,
    oo, walang nakinig ng inyong mga salita.
27 Ako'y unang magsasabi sa Zion,
    narito, narito sila;
    at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.
28 Ngunit nang ako'y tumingin ay walang tao,
    sa gitna nila ay walang tagapayo
    na makapagbibigay ng sagot, kapag nagtatanong ako.
29 Narito, silang lahat ay masama;
    ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan,
    ang kanilang mga larawang inanyuan ay hangin at walang laman.

Ang Lingkod ng Panginoon

42 Narito(A) (B) ang aking lingkod, na aking inaalalayan;

    ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa.
Inilagay ko ang aking Espiritu sa kanya;
    siya'y maglalapat ng katarungan sa mga bansa.
Siya'y hindi sisigaw, o maglalakas man ng tinig,
    o ang kanyang tinig man sa lansangan ay iparirinig.
Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin,
    ni ang mitsa na bahagyang nagniningas ay hindi niya papatayin;
    siya'y tapat na maglalapat ng katarungan.
Siya'y hindi manlulupaypay o madudurog man,
    hanggang sa maitatag niya sa lupa ang katarungan;
    at ang mga pulo ay maghihintay sa kanyang kautusan.

Ganito(C) ang sabi ng Diyos, ang Panginoon,
    na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga iyon;
    siyang naglatag ng lupa at ang nagmula rito,
siyang nagbibigay ng hininga sa mga tao nito,
    at ng espiritu sa kanila na nagsisilakad dito:
“Ako(D) ang Panginoon, tinawag ko kayo sa katuwiran,
    kinuha ko kayo sa pamamagitan ng kamay, at kayo'y iniingatan,
at ibinigay kita sa bayan bilang tipan,
    isang liwanag sa mga bayan,
    upang imulat ang mga bulag na mata,
upang ilabas ang mga bilanggo sa bilangguan,
    at silang nakaupo sa kadiliman mula sa bilangguan.
Ako ang Panginoon, iyon ang aking pangalan;
    hindi ko ibibigay sa iba ang aking kaluwalhatian,
    o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.
Narito, ang mga dating bagay ay lumipas na,
    at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko;
bago sila lumitaw
    ay sinasabi ko sa inyo ang tungkol sa kanila.”

Pagpupuri sa Diyos Dahil sa Pagliligtas

10 Umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit,
    at ng kapurihan niya mula sa dulo ng lupa!
Kayong bumababa sa dagat at ang lahat na nariyan,
    ang mga pulo, at mga doon ay naninirahan.
11 Maglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyon,
    ang mga nayon na tinitirhan ng Kedar;
umawit ang mga naninirahan sa Sela,
    magsigawan sila mula sa mga tuktok ng mga bundok.
12 Magbigay-luwalhati sila sa Panginoon,
    at magpahayag ng kanyang kapurihan sa mga pulo.
13 Ang Panginoon ay lalabas na parang mandirigma,
    pinupukaw niya ang kanyang galit na parang lalaking mandirigma;
siya'y sisigaw, oo, siya'y sisigaw nang malakas,
    at magtatagumpay laban sa kanyang mga kaaway.

14 Ako'y tumahimik nang matagal,
    ako'y hindi kumibo, at nagpigil ako;
ngayo'y sisigaw akong parang nanganganak na babae,
    ako'y hihingal at hahapuin.
15 Ang mga bundok at mga burol ay aking wawasakin,
    at ang lahat nilang mga pananim ay aking tutuyuin;
ang mga ilog ay gagawin kong mga pulo,
    at ang mga lawa ay aking tutuyuin.
16 At aking aakayin ang bulag
    sa daan na hindi nila nalalaman;
sa mga landas na hindi nila nalalaman
    sila ay aking papatnubayan.
Aking gagawing liwanag ang kadiliman sa kanilang harapan,
    at ang mga baku-bakong lugar ay papatagin.
Ang mga bagay na ito ay aking gagawin sa kanila,
    at hindi ko sila pababayaan.
17 Sila'y mapapaurong at ganap na mapapahiya,
    sila na sa mga larawang inanyuan ay nagtitiwala,
na nagsasabi sa mga larawang hinulma,
    “Kayo'y aming mga diyos.”

Bigong Karanasan ng Israel

18 Makinig kayong mga bingi;
    at tumingin kayong mga bulag, upang kayo'y makakita!
19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod,
    o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo?
Sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan,
    at bulag na gaya ng lingkod ng Panginoon?
20 Ikaw na nakakakita ng maraming bagay, ngunit hindi mo ginagawa ang mga ito;
    ang kanyang mga tainga ay bukas, ngunit hindi siya nakakarinig.
21 Nalugod ang Panginoon, alang-alang sa kanyang katuwiran,
    upang dakilain ang kanyang kautusan at gawing marangal.
22 Ngunit ito ay isang bayang ninakawan at sinamsaman,
    silang lahat ay nasilo sa mga hukay,
    at nakakubli sa mga bilangguan;
sila'y naging biktima at walang magligtas,
    isang samsam, at walang magsabi, “Iyong panunumbalikin!”
23 Sino sa inyo ang makikinig nito,
    na papansin at makikinig para sa panahong darating?
24 Sino ang nagbigay ng Jacob sa mananamsam,
    at ng Israel sa mga magnanakaw?
Hindi ba ang Panginoon, na laban sa kanya ay nagkasala tayo,
    at hindi sila magsilakad sa kanyang mga daan,
    o naging masunurin man sila sa kanyang kautusan?
25 Kaya't ibinuhos niya sa kanya ang init ng kanyang galit,
    at ang lakas ng pakikipagbaka;
at nilagyan siya nito ng apoy sa palibot, gayunma'y hindi niya nalaman;
    at sinunog siya nito, gayunma'y hindi niya ito inilagay sa kanyang puso.

Ang Panginoon Lamang ang Makapagliligtas

43 Ngunit ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon,
    siya na lumalang sa iyo, O Jacob,
    siya na nag-anyo sa iyo, O Israel:
“Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay tinubos ko;
    tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay akin.
Kapag ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y makakasama mo;
    at sa pagtawid sa mga ilog ay hindi ka nila aapawan,
kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog;
    at hindi ka tutupukin ng apoy.
Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
    ang Banal ng Israel, ang iyong Tagapagligtas.
Aking ibinigay ang Ehipto bilang pantubos sa iyo,
    ang Etiopia at ang Seba bilang kapalit mo.
Sapagkat ikaw ay mahalaga sa aking paningin,
    at kagalang-galang, at minamahal kita,
nagbibigay ako ng mga tao na pamalit sa iyo,
    at mga bayan na kapalit ng buhay mo.
Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo;
    aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan,
    at titipunin kita mula sa kanluran.
Aking sasabihin sa hilaga, Hayaan mo,
    at sa timog, Huwag mong pigilin;
dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki na sa malayo nagmula,
    at ang aking mga anak na babae na mula sa mga dulo ng lupa,
bawat tinatawag sa aking pangalan,
    sila na aking nilikha ay para sa aking kaluwalhatian,
    oo, yaong aking inanyuan, oo, yaong aking ginawa.”

Ang Israel ang Saksi ng Panginoon

Iyong ilabas ang mga taong bulag, gayunma'y may mga mata,
    na mga bingi, gayunma'y may mga tainga!
Hayaang sama-samang magtipon ang lahat na bansa,
    at magpulong ang mga bayan.
Sino sa kanila ang makapagpapahayag nito,
    at makapagsasabi sa amin ng mga dating bagay?
Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapawalang-sala,
    at dinggin nila, at sabihin, Katotohanan nga.
10 “Kayo'y aking mga saksi,” sabi ng Panginoon,
    “at aking lingkod na aking pinili,
upang inyong malaman at manampalataya kayo sa akin,
    at inyong maunawaan na Ako nga.
Walang diyos na inanyuan na una sa akin,
    o magkakaroon man pagkatapos ko.
11 Ako, ako ang Panginoon,
    at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
12 Ako'y nagpahayag, ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala,
    nang walang ibang diyos sa gitna ninyo;
    at kayo ang aking mga saksi,” sabi ng Panginoon.
13 “Ako ang Diyos, at mula sa walang hanggan ay ako nga;
    walang sinumang makapagliligtas mula sa aking kamay;
    ako'y gumagawa at sinong pipigil?”

Efeso 2

Mga Patay na Binuhay

Kayo(A) noo'y mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,

na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.

Tayong lahat ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba.

Ngunit ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin,

maging noong tayo'y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas,

at tayo'y muling binuhay na kasama niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus,

upang kanyang maipakita sa mga panahong darating ang di-masukat na kayamanan ng kanyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Sapagkat sa biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos;

hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.

10 Sapagkat tayo'y kanyang pinakamahusay na gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos nang una pa upang siya nating lakaran.

Iisa kay Cristo

11 Kaya nga, alalahanin ninyo na noong una, kayo'y mga Hentil sa laman, tinatawag na di-tuli ng mga tinatawag na tuli sa laman, na ginawa ng mga kamay ng tao,

12 na nang panahong iyon, kayo ay walang Cristo, hiwalay sa pagiging mamamayan ng Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.

13 Subalit ngayon ay na kay Cristo Jesus, kayo na noong una ay malayo, ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan, na kanyang pinag-isa ang dalawa, at sa pamamagitan ng kanyang laman ay giniba ang gitnang pader ng alitang humahati.

15 Kanyang(B) pinawalang-bisa ang kautusang mga batas sa mga alituntunin upang siya ay lumalang sa kanyang sarili ng isang bagong tao, kapalit ng dalawa, sa gayo'y gumagawa ng kapayapaan,

16 at(C) kanyang papagkasunduin ang dalawa sa isang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na sa pamamagitan niyon ay pinatay ang alitan.

17 At(D) siya'y dumating at ipinangaral ang kapayapaan sa inyo na malalayo, at kapayapaan sa mga malalapit.

18 Sapagkat sa pamamagitan niya, kapwa tayong makakalapit sa isang Espiritu patungo sa Ama.

19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo'y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos,

20 na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok.

21 Sa kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon;

22 na sa kanya kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu.

Mga Awit 67

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.

67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
    at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
    ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!

Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
    sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
    at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.

Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
    ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
    matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!

Mga Kawikaan 23:29-35

29 Sinong may pagkaaba? Sinong may kalungkutan?
    Sinong may gulo? Sinong may karaingan?
Sino ang may sugat na walang kadahilanan?
    Sino ang may matang may kapulahan?
30 Silang naghihintay sa alak;
    silang sumusubok ng pinaghalong alak.
31 Huwag kang tumingin sa alak kapag ito'y mapula,
    kapag nagbibigay ng kanyang kulay sa kopa,
    at maayos na bumababa.
32 Sa huli ay parang ahas itong kumakagat,
    at ulupong na tumutuklaw ang katulad.
33 Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga kakatuwang bagay,
    at ang iyong puso ay magsasabi ng mga mandarayang bagay.
34 Ikaw ay magiging parang taong nahihiga sa gitna ng karagatan,
    o parang nahihiga sa dulo ng isang tagdan ng sasakyan.
35 “Kanilang pinalo ako, ngunit hindi ako nasaktan;
    hinampas nila ako, ngunit hindi ko naramdaman.
Kailan ako gigising?
    Hahanap ako ng isa pang tagay.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001