Chronological
Dumating si Ezra sa Jerusalem
7 1-6 Makalipas ang ilang panahon, nang si Artaxerxes ang hari ng Persia, dumating mula sa Babilonia ang isang lalaking nagngangalang Ezra. Nagmula siya sa angkan ni Aaron dahil ang kanyang ama na si Seraias ay anak ni Azarias na anak ni Hilkias. Si Hilkias naman ay anak ni Sallum na anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub na anak ni Amarias na anak ni Azarias. Si Azarias naman ay anak ni Meraiot na anak ni Zerahias na anak naman ni Uzi. Si Uzi ang anak ni Buki na anak ni Abisua na anak naman ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar at apo ni Aaron na pinakapunong pari. Si Ezra ay isang eskriba na dalubhasa sa Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Si Ezra ay pinatnubayan ni Yahweh na kanyang Diyos kaya't lahat ng kahilingan niya'y ipinagkaloob sa kanya ng hari. 7 Noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaxerxes, umalis si Ezra sa Babilonia patungong Jerusalem, kasama ang isang pangkat ng mga Israelita na kinabibilangan ng mga pari at mga Levita, mga mang-aawit, mga bantay sa pinto at mga tagapaglingkod sa Templo. 8-9 Umalis sila sa Babilonia nang unang araw ng unang buwan, at sa patnubay ng kanyang Diyos ay dumating siya sa Jerusalem nang unang araw ng ikalimang buwan. 10 Buong sikap na pinag-aralan ni Ezra ang Kautusan ni Yahweh upang maisagawa niya ito at upang maituro niya sa bayang Israel ang mga batas at tuntunin nito.
Ang Dokumentong Ibinigay ni Artaxerxes kay Ezra
11 Ito ang nilalaman ng liham na ibinigay ni Haring Artaxerxes kay Ezra, ang pari at eskriba na dalubhasa sa Kautusang ibinigay ni Yahweh sa Israel:
12 “Buhat kay Haring Artaxerxes;[a] para kay Ezra na pari at eskriba ng Kautusan ng Diyos ng kalangitan,
13 “Ngayo'y ipinag-uutos ko na sinuman sa mga Israelita, mga pari man o mga Levita sa aking kaharian, na gustong sumama sa iyo pabalik sa Jerusalem ay pahihintulutan. 14 Isinusugo kita, at ng aking pitong tagapayo, upang siyasatin ang mga nagaganap sa Jerusalem at Juda. Alamin mo kung sinusunod nilang mabuti ang Kautusan ng iyong Diyos na ipinagkatiwala sa iyo. 15 Dalhin mo ang mga ginto at pilak na ipinagkakaloob ko at ng aking mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang Templo ay nasa Jerusalem. 16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at gintong ipagkakaloob sa iyo mula sa buong lalawigan ng Babilonia, gayundin ang mga kusang-loob na handog na ibibigay ng mga Israelita at ng kanilang mga pari para sa Templo ng Diyos sa Jerusalem.
17 “Tiyakin mong ang salaping ito ay gagamitin mo sa pagbili ng mga toro, mga lalaking tupa, at mga kordero, pati ng mga handog na pagkaing butil at alak na panghandog. Ihandog mo ang mga ito sa altar ng Templo ng Diyos na nasa Jerusalem. 18 Ang matitirang ginto at pilak ay maaari mong gamitin, pati na ng iyong mga kababayan, sa anumang naisin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Diyos. 19 Dalhin mo rin sa Templo ng iyong Diyos sa Jerusalem ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para gamitin sa paglilingkod sa Templo. 20 Kung may iba ka pang kakailanganin para sa Templo, kumuha ka mula sa kabang-yaman ng hari.
21 “Ako, si Haring Artaxerxes, ay nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates na ipagkaloob agad ninyo kay Ezra, na pari at dalubhasa sa Kautusan ng Diyos ng kalangitan, ang anumang hingin niya sa inyo. 22 Maaari ninyo siyang bigyan ng hanggang 3,500 kilong pilak, 100 malalaking sisidlang[b] puno ng trigo, 10 malalaking sisidlang puno ng alak, 10 malalaking sisidlang puno ng langis ng olibo, at gaano man karaming asin na kakailanganin. 23 Ibigay ninyo ang lahat ng kailangan sa templo na ipinag-uutos ng Diyos ng kalangitan. Kung hindi ay baka ibaling niya ang kanyang galit sa aking kaharian at sa aking mga anak. 24 Labag din sa batas na pagbayarin ng buwis ang mga pari, Levita, mang-aawit, bantay sa pinto, manggagawa o iba pang mga naglilingkod sa Templong ito ng Diyos.
25 “At ikaw naman, Ezra, gamitin mo ang karunungang ibinigay sa iyo ng iyong Diyos; maglagay ka ng mga tagapamahala at mga hukom na mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates. Ang ilalagay mo ay ang marurunong sa Kautusan ng Diyos. Sa hindi naman marurunong, ituro mo sa kanila ang Kautusan. 26 Ang lahat ng sumuway sa mga utos ng Diyos o sa mga utos ng hari ay paparusahan ng kamatayan, o pagkabihag, o pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o pagkabilanggo.”
Pinuri ni Ezra ang Diyos
27 Sinabi ni Ezra, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng ating mga ninuno! Inudyukan niya ang hari upang pagandahin ang Templo ni Yahweh na nasa Jerusalem. 28 Sa tulong ng Diyos, napapayag ko ang hari at ang kanyang mga tagapayo, pati ang lahat ng kanyang makapangyarihang pinuno. Lumakas ang aking loob sapagkat pinatnubayan ako ni Yahweh na aking Diyos upang tipunin at isama ang mga pangunahing lalaki ng Israel.”
Ang mga Bumalik Mula sa Babilonia
8 Ito ang listahan ng mga pinuno ng mga angkan na dinalang-bihag sa Babilonia at bumalik na kasama ni Ezra noong panahon ng paghahari ni Artaxerxes: 2 Sa angkan ni Finehas ay si Gersom; sa angkan ni Itamar, si Daniel; sa angkan ni David ay si Hatus 3 na anak ni Secanias; sa angkan ni Paros ay si Zacarias at ang mga kasama niyang 150 lalaki; 4 sa angkan ni Pahat-moab ay si Eliehoenai na anak ni Zeraias at ang kasama nilang 200 lalaki; 5 sa angkan ni Zatu[c] ay si Secanias na anak ni Jahaziel at ang kasama nilang 300 lalaki; 6 sa angkan ni Adin ay si Ebed na anak ni Jonatan at ang kasama nilang limampung lalaki; 7 sa angkan ni Elam ay si Isaya na anak ni Atalias at ang kasama nilang pitumpung lalaki; 8 sa angkan ni Sefatias ay si Zebadias na anak ni Micael at ang kasama nilang walumpung lalaki; 9 sa angkan ni Joab ay si Obadias na anak ni Jehiel at ang kasama nilang 218 lalaki; 10 sa angkan ni Bani[d] ay si Selomit na anak ni Josifias at ang kasama nilang 160 lalaki; 11 sa angkan ni Bebai ay si Zacarias na kanyang anak at ang kasama nilang dalawampu't walong lalaki; 12 sa angkan ni Azgad ay si Johanan na anak ni Hacatan at ang kasama nilang 110 lalaki; 13 sa angkan ni Adonikam ay sina Elifelet, Jeuel, at Semarias ang huling dumating, bukod sa kasama nilang animnapung lalaki; 14 sa angkan ni Bigvai ay sina Utai, Zacur at ang kasama nilang pitumpu.
Humanap si Ezra ng mga Levita
15 Sinabi ni Ezra,
“Tinipon ko sila sa ilog na umaagos papuntang Ahava at tatlong araw kaming tumigil doon. Nalaman ko roon na may mga pari sa grupo ngunit walang Levita. 16 Dahil dito, ipinatawag ko ang mga pinunong sina Eliezer, Ariel, Semaias, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesulam at ang mga gurong sina Joiarib at Elnatan. 17 Isinugo ko silang lahat kay Ido na pinuno ng Casifia para hilingin sa kanya at sa kanyang mga kapanalig na manggagawa ng templo na magpadala ng mga taong maglilingkod sa Templo ng Diyos. 18 Sa tulong ng Diyos ay ipinadala nila sa amin si Serebias, isang matalinong lalaking Levita na mula sa angkan ni Mali. May mga kasama siyang anak at kapatid na ang kabuuang bilang ay labingwalo. 19 Ipinadala rin nila sina Hashabias at Jesaias na nagmula sa angkan ni Merari, dalawampung kamag-anak naman ang kasama nito. 20 Napadagdag pa sa kanila ang 220 trabahador ng templo na ang mga ninuno ay inatasan ni Haring David at ng kanyang mga opisyal upang tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang kanilang mga pangalan.
Pinangunahan ni Ezra ang mga Tao sa Pag-aayuno at Pananalangin
21 “Doon sa pampang ng Ilog Ahava, sinabi ko sa buong grupo na kaming lahat ay mag-aayuno at maninikluhod sa harap ng aming Diyos upang hilingin sa kanya na patnubayan kami at ingatan sa paglalakbay, pati na ang aming mga anak at mga ari-arian. 22 Nahihiya akong humiling sa hari ng mga kawal na magbabantay sa amin laban sa mga kaaway habang kami'y naglalakbay sapagkat nasabi ko na sa hari na pinapatnubayan ng aming Diyos ang lahat ng nagtitiwala sa kanya. Napopoot siya at nagpaparusa sa mga nagtatakwil sa kanya. 23 Nag-ayuno nga kami at hiniling sa Diyos na nawa'y ingatan kami, at pinakinggan naman niya ang aming kahilingan.
Ang mga Handog para sa Templo
24 “Mula sa mga pangunahing pari ay pinili ko sina Serebias at Hashabias, at sampung iba pa na pawang mga kamag-anak din nila. 25 Pagkatapos ay tinimbang ko at ibinigay sa mga pari ang mga pilak, ginto, at lalagyang ipinagkaloob ng hari at ng kanyang mga tagapayo at mga pinuno, at ng buong Israel upang gamitin sa Templo. 26-27 Ang mga ibinigay ko sa kanila ay 22,750 kilong pilak; sandaang sisidlang pilak na may bigat na pitumpung kilo; 3,500 kilong ginto; dalawampung mangkok na ginto na ang timbang ay walong kilo at apat na guhit; at dalawang mangkok na yari sa pinong tanso na kasinghalaga ng mga mangkok na ginto.”
28 Sinabi ko sa kanila, “Kayo'y banal sa harap ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno; sagrado rin naman ang lahat ng pilak at gintong kagamitan na iniaalay kay Yahweh bilang mga kusang-loob na handog. 29 Ingatan ninyong mabuti ang mga ito hanggang sa makarating kayo sa Templo, sa silid ng mga pari, kung saan titimbangin ang mga ito sa harap ng mga punong pari, mga Levita at mga pinuno ng mga angkan ng Israel sa Jerusalem.” 30 Pinamahalaan nga ng mga pari at mga Levita ang mga ginto, ang mga pilak, at ang mga lalagyan. Kinuha nila ang mga ito at dinala sa Templo ng aming Diyos sa Jerusalem.
Ang Pagbalik sa Jerusalem
31 Umalis kami sa pampang ng Ilog Ahava at naglakbay patungong Jerusalem noong ika-12 araw ng unang buwan. Pinatnubayan kami ng aming Diyos at iningatan kami sa anumang pananalakay at pananambang ng mga kaaway. 32 Pagdating namin sa Jerusalem, tatlong araw kaming nagpahinga roon. 33 Noong ikaapat na araw, nagtungo na kami sa Templo at pagkatapos timbangin doon ang mga pilak, ang mga ginto, at ang mga lalagyan, ipinagkatiwala namin ang mga ito sa paring si Meremot na anak ni Urias, Eleazar na anak ni Finehas at sa mga Levitang sina Jozabad na anak ni Josue at Noadias na anak ni Binui. 34 Ang lahat ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng bawat isa ay inilista.
35 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay nagdala ng mga handog na susunugin para sa Diyos ng Israel. Nag-alay sila ng labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na tupang lalaki at pitumpu't pitong kordero; nag-alay din sila ng labindalawang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan. Ang lahat ng ito'y sinunog bilang handog kay Yahweh. 36 Ibinigay din nila sa mga gobernador at mga pinuno ng lalawigan sa kanluran ng Ilog Eufrates ang nakasulat na utos ng hari. Sa bisa ng utos na ito ay tumulong ang mga pinuno sa buong bayang Israel at sa pagsamba sa Templo ng Diyos.
Nalaman ni Ezra na may mga Judiong Nag-asawa ng Di-Judio
9 Nang magawâ na ang mga bagay na ito, kinausap ako ng mga pinuno na dala ang ganitong ulat: “Hindi inihiwalay ng bayang Israel—kasama na rito ang mga pari at mga Levita—ang kanilang sarili mula sa mga naninirahan sa lupain gaya ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio at Amoreo. Dahil dito, gumaya sila sa mga karumal-dumal na gawain ng mga taong ito. 2 Nakipag-asawa sila at ang kanilang mga anak na lalaki sa mga kababaihan doon. Kaya't ang banal na lahi ay nahaluan ng ibang mga lahi, at ang mga pinuno at tagapanguna pa nila ang pasimuno sa pagtataksil na ito.” 3 Nang marinig ko ito ay sinira ko ang aking damit at balabal; bumunot ako ng buhok sa aking ulo at sa aking balbas at naupong nanlulumo. 4 Nakaupo ako roon na nagdadalamhati hanggang sa oras ng panggabing handog. Maya-maya ay nagdatingan na ang mga tao sa paligid ko. Sila ang mga nabagabag dahil alam nila ang sinabi ng Diyos ng Israel tungkol sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag.
5 Nang oras na ng pag-aalay ng panggabing handog, tumayo ako sa aking pagdadalamhati na suot pa rin ang aking sirang damit. Lumuhod ako at nanalanging nakataas ang mga kamay kay Yahweh na aking Diyos. 6 Sinabi ko sa kanya, “O Diyos, wala po akong mukhang maiharap sa inyo, sapagkat ang aming kasamaan ay patung-patong na at ngayo'y lampas na sa aming mga ulo. Ang aming kasalanan ay abot na sa langit. 7 Mula pa sa panahon ng aming mga ninuno hanggang ngayon, kami po na inyong bayan ay lubog na sa kasalanan. Dahil po sa aming mga kasalanan, kami—pati ang aming mga hari at mga pari—ay pinabayaan ninyong madaig at masakop ng mga hari ng ibang mga lupain. Pinagpapatay nila kami, binihag, at pinagnakawan. Ganap ang pagyurak na nangyari sa amin maging hanggang sa kasalukuyan. 8 Gayunman, Yahweh na aming Diyos, pinakitaan pa rin ninyo kami ng kagandahang-loob maging ito ma'y sa isang maikling panahon lamang. Ilang tao ang pinalaya ninyo mula sa pagkaalipin at ligtas na pinatira sa banal na dakong ito upang bigyan ninyo ng bagong pag-asa at buhay. 9 Kami po'y mga alipin ngunit hindi ninyo pinabayaan sa pagkaalipin. Sa halip, ipinakita ninyo ang inyong tapat na pag-ibig nang inudyukan ninyo ang mga hari ng Persia na sumang-ayon sa amin at pahintulutan kaming mamuhay at muling itayo ang Templo na noo'y wasak na wasak. Iningatan din ninyo kami sa Juda at sa Jerusalem.
10 “Ngunit ngayon, O aming Diyos, ano pa ang masasabi namin pagkatapos ng lahat ng ito? Muli naming sinuway ang inyong mga utos 11 na sa ami'y ibinigay ninyo sa pamamagitan ng mga lingkod ninyong propeta. Sinabi nila sa amin na ang lupaing aming papasukin at aariin ay isang maruming lupain sapagkat ang mga nakatira rito ay punung-puno ng mga gawaing karumal-dumal. 12 Sinabi(A) rin nila sa amin na kailanma'y huwag kaming mag-aasawa sa mga iyon at huwag din naming tulungang umunlad ang kanilang kabuhayan, kung gusto naming pakinabangan ang mga pagpapala sa lupaing iyon at maipamana namin ito sa aming mga susunod na salinlahi magpakailanman. 13 Kahit naranasan na namin ang inyong parusa dahil sa aming mga kasalanan at kamalian, alam namin, O aming Diyos, na ang parusang iginawad ninyo sa amin ay kulang pa sa dapat naming tanggapin; sa halip, pinahintulutan pa ninyo kaming mabuhay. 14 Muli ba naming susuwayin ang inyong mga utos at makikipag-asawa kami sa mga taong ito na kasuklam-suklam ang mga gawain? Kung gagawin namin ito'y labis kayong mapopoot sa amin at wawasakin ninyo kami hanggang sa maubos. 15 O Yahweh, Diyos ng Israel, kayo ay makatarungan, subalit niloob ninyong may matira sa aming lahi. Inaamin po namin ang aming kasalanan sa inyo at wala po kaming karapatang humarap sa inyo dahil dito.”
Nakipaghiwalay ang mga may Asawang Hindi Kalahi
10 Habang si Ezra ay nakadapang nananalangin sa harap ng Templo at tumatangis na ipinapahayag ang mga kasalanan ng bayan, pumalibot sa kanya ang napakaraming tao na buong kapaitan ding tumatangis. 2 Pagkatapos ay sinabi sa kanya ni Secanias na anak ni Jehiel, mula sa angkan ni Elam, “Nagtaksil kami sa ating Diyos dahil nag-asawa kami ng mga babaing dayuhan. Gayunma'y may pag-asa pa rin ang Israel sa kabila ng lahat ng ito. 3 Kaya't sumusumpa kami ngayon sa ating Diyos na palalayasin at hihiwalayan namin ang mga babaing ito pati na ang mga anak nila. Gagawin namin ang payo mo at ng iba pang mga pinuno na may paggalang sa utos ng ating Diyos. Tutuparin namin ang anumang itinatakda ng Kautusan. 4 Bumangon ka at gawin mo ito sapagkat ito'y pananagutan mo at kami'y nasa likuran mo.”
5 Tumayo nga si Ezra at pinanumpa niya ang mga pinakapunong pari at Levita, pati na ang buong Israel, na gagawin ng mga ito ang sinabi ni Secanias. 6 Pagkatapos ay umalis si Ezra sa harap ng Templo at pumunta sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pinalipas niya roon ang magdamag na nagdadalamhati dahil sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Hindi siya kumain ni uminom ng anuman.
7 Isang mensahe ang ipinahayag sa buong Juda at Jerusalem para sa lahat ng bumalik mula sa pagkabihag na kailangang dumalo sila sa isang pagpupulong sa Jerusalem. 8 Ayon sa utos ng mga pinuno, sasamsamin ang lahat ng ari-arian ng sinumang hindi dumalo sa loob ng tatlong araw. Bukod dito ay aalisan pa sila ng karapatang makabilang sa sambayanan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. 9 Sa loob ng tatlong araw ang mga kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipon nga sa harapan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noo'y ika-20 araw ng ika-9 na buwan. Ang mga tao'y nanginginig dahil sa kahalagahan ng bagay na pinag-uusapan at dahil din sa napakalakas na ulan.
10 Tumayo ang paring si Ezra at sinabi sa kanila, “Nagtaksil kayo sa Diyos nang mag-asawa kayo ng mga babaing banyaga at dahil dito'y pinalaki ninyo ang pagkakasala ng Israel. 11 Kaya nga ipahayag ninyo ang inyong mga kasalanan kay Yahweh na Diyos ng inyong mga ninuno, at gawin ninyo ang kanyang kagustuhan. Humiwalay kayo sa mga tagarito; palayasin at hiwalayan din ninyo ang inyong mga asawang banyaga.”
12 Pasigaw na sumagot ang buong kapulungan, “Gagawin namin ang anumang sasabihin mo sa amin! 13 Ngunit masyadong marami ang mga tao at napakalakas ng ulan; hindi kami makakatagal sa labas. Hindi rin naman matatapos ang bagay na ito sa loob lamang ng isa o dalawang araw sapagkat napakarami naming gumawa ng kasalanang ito. 14 Ang mga pinuno na lamang namin ang pananatilihin mo rito para kumatawan sa buong bayan. Pagkatapos ay itakda ninyo ang pagparito ng lahat ng may asawang banyaga, kasama ang matatandang pinuno at mga hukom ng kani-kanilang lunsod. Sa ganitong paraan ay mawawala ang galit ng Diyos dahil sa bagay na ito.” 15 Walang sumalungat sa balak na ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazeias na anak ni Tikva. Sila nama'y sinuportahan nina Mesulam at Sabetai na isang Levita.
16 Sinang-ayunan nga ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang balak na iyon, kaya pumili ang paring si Ezra ng mga lalaki mula sa mga pinuno ng mga angkan at inilista ang kanilang mga pangalan. Nang unang araw ng ika-10 buwan, sinimulan nila ang kanilang pagsisiyasat, 17 at sa loob ng sumunod na tatlong buwan ay nasiyasat nila ang lahat ng kaso ng mga lalaking may mga asawang banyaga.
Ang mga Lalaking may mga Asawang Banyaga
18 Ito ang listahan ng mga lalaking may asawang banyaga:
Sa mga pari, mula sa angkan ni Josue at ng kanyang mga kapatid, ang mga anak ni Jehozadak na sina Maaseias, Eliezer, Jarib, at Gedalia. 19 Nangako silang palalayasin at hihiwalayan ang kani-kanilang mga asawa. Nag-alay din sila ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kasalanan.
20 Mula sa angkan ni Imer: sina Hanani at Zebadias.
21 Mula sa angkan ni Harim: sina Maaseias, Elias, Semaias, Jehiel, at Uzias.
22 Mula sa angkan ni Pashur: sina Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Jozabad, at Elasa.
23 Sa mga Levita: sina Jozabad, Simei, Petahias, Juda, Eliezer, at Kelaias, na kilala rin sa pangalang Kelita.
24 Sa mga mang-aawit: Si Eliasib.
Sa mga bantay sa pinto ng Templo: sina Sallum, Telem, at Uri.
25 Mula naman sa angkan ni Paros: sina Ramias, Izias, Malquijas, Mijamin, Eleazar, Malquijas, at Benaias.
26 Mula sa angkan ni Elam: sina Matanias, Zecarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elias.
27 Mula sa angkan ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza.
28 Mula sa angkan ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai.
29 Mula sa angkan ni Bani: sina Mesulam, Maluc, Adaias, Jasub, Seal, at Jeremot.
30 Mula sa angkan ni Pahat-moab: sina Adna, Helal, Benaias, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases.
31-32 Mula sa angkan ni Harim: sina Eliezer, Isijas, Malquijas, Semaias, Simeon, Benjamin, Maluc, at Semarias.
33 Mula sa angkan ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Simei.
34-37 Mula sa angkan ni Bani: sina Maadai, Amram, Uel, Benaias, Bedeias, Heluhi, Vanias, Meremot, Eliasib, Matanias, Matenai, at Jaasu.
38-42 Mula sa angkan ni Binui: sina Simei, Selemias, Natan, Adaias, Macnadebai, Sasai, Sarai, Azarel, Selemias, Semarias, Sallum, Amarias, at Jose.
43 Mula sa angkan ni Nebo: sina Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaias.
44 Ang lahat ng ito ay may mga asawang banyaga na hiniwalayan nila at pinaalis kasama ang kani-kanilang mga anak.[e]
by