Chronological
Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan
1 Nang(A) ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim sa Juda, ang Jerusalem ay kinubkob ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia. 2 Pinahintulutan(B) ng Panginoon na bihagin niya si Haring Jehoiakim at samsamin ang ilang kasangkapan sa Templo. Lahat ng ito ay dinala ni Nebucadnezar sa lupain ng Babilonia at inilagay sa kabang-yaman ng templo ng kanyang mga diyos.
3 Iniutos ng hari kay Aspenaz, ang pinakamataas na opisyal ng palasyo, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika. 4 Ang pipiliin nila ay mga kabataan na walang kapansanan, makikisig, matatalino, madaling turuan, may malawak na pang-unawa at karapat-dapat maglingkod sa palasyo. Tuturuan din sila ng wika at panitikan ng mga taga-Babilonia. 5 Iniutos ng hari na sila'y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang sasanayin bago maglingkod sa hari. 6 Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na pawang nagmula sa lipi ni Juda. 7 Binigyan sila ni Aspenaz ng mga bagong pangalan. Si Daniel ay Beltesazar, Shadrac naman si Hananias, Meshac si Misael, at Abednego si Azarias.
8 Ngunit ipinasya ni Daniel na hindi niya durungisan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga pagkain at alak na galing sa hari. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakainin at painumin ng mga iyon. 9 Niloob naman ng Diyos na siya'y kalugdan at pagbigyan ni Aspenaz. 10 Ngunit sinabi niya kay Daniel, “Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari na naglalaan ng pagkain at inumin ninyo kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa sa ibang mga kabataan na kasing-edad ninyo. Tiyak na papupugutan niya ako ng ulo.”
11 Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na pinagkatiwalaan ni Aspenaz na mangalaga sa kanya at sa tatlo niyang kaibigan. 12 Pakiusap niya, “Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lang at tubig ang ibigay ninyo sa amin. 13 Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kasing-edad namin na pinapakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at gawin ninyo sa amin ang nararapat.”
14 Sinubok nga sila sa loob ng sampung araw. 15 At pagkalipas ng sampung araw, nakitang mas malulusog at malalakas sila kaysa mga kasing-edad nilang pinakain ng pagkaing galing sa hari. 16 Kaya, gulay at tubig na lang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inuming galing sa hari.
17 Binigyan ng Diyos ang apat na kabataan ng kaalaman at kakayahan sa panitikan at agham. Bukod dito, binigyan pa si Daniel ng kakayahang umunawa at magpaliwanag ng lahat ng uri ng pangitain at panaginip.
18 Pagkaraan ng tatlong taon na itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nebucadnezar. 19 Kinausap sila ng hari at nakita niyang walang kapantay sina Daniel, Hananias, Misael at Azarias. Kaya't naging lingkod sila ng hari. 20 Nakita ng hari na sa lahat ng bagay na itanong sa kanila, sampung ulit na mas mahusay at magaling sila kaysa mga salamangkero at mga enkantador ng kaharian. 21 Naglingkod si Daniel doon hanggang sa unang taon ng paghahari ni Ciro.
Ang Panaginip ni Nebucadnezar
2 Noong ikalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, siya ay nagkaroon ng masamang panaginip. Kaya siya'y nabagabag at hindi makatulog. 2 Dahil dito, ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero, enkantador, mangkukulam, at astrologo upang ipaliwanag ang kanyang panaginip. 3 Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at ito ang bumabagabag sa akin hanggang ngayon. Ipaliwanag nga ninyo ang kahulugan ng aking panaginip.”
4 Sumagot ang mga astrologo sa wikang Aramaico,[a] “Mabuhay ang hari! Sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”
5 Sinabi ng hari sa mga astrologo, “Ipinag-uutos kong sabihin muna ninyo ang aking panaginip saka ninyo ipaliwanag. Kung hindi, ipapapatay ko kayo at ipawawasak ang inyong mga tahanan. 6 Kapag nasabi naman ninyo at naipaliwanag ang aking panaginip, gagantimpalaan at pararangalan ko kayo. Kaya sabihin na ninyo at ipaliwanag sa akin ang aking panaginip.”
7 Muli silang sumagot, “Mahal na hari, sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”
8 Sinabi naman ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil sa sinabi ko sa inyo 9 na iisa ang hatol ninyo kapag hindi ninyo nasabi at naipaliwanag sa akin ang aking panaginip. Nagkaisa kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Sabihin ninyo ang aking panaginip at saka ako maniniwalang maipapaliwanag nga ninyo iyon.”
10 Sumagot ang mga astrologo, “Wala pong tao sa daigdig na makakagawa ng iniuutos ninyo. Wala ring hari, gaano man ang kapangyarihan niya, na nag-utos ng ganyan sa sinumang salamangkero, manghuhula, o astrologo. 11 Napakahirap gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makakagawa niyan at hindi sila namumuhay na kasama ng tao.”
12 Dahil sa sagot na ito, nagalit ng husto ang hari kaya't ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga tagapayo sa buong Babilonia. 13 Saklaw ng kautusang ito ang lahat ng matatalinong tao sa kaharian pati si Daniel at ang kanyang mga kaibigan.
Inihayag ng Diyos kay Daniel ang Panaginip
14 Kaya, maingat na kinausap ni Daniel si Arioc, ang kapitan ng mga tanod ng hari na siyang inutusan upang patayin ang mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 15 Tinanong niya ito, “Bakit po nag-utos ng ganito kabigat[b] ang mahal na hari?” At sinabi naman sa kanya ni Arioc ang dahilan.
16 Dahil dito, nagpunta sa hari si Daniel at nakiusap na bigyan pa siya ng panahon at ipapaliwanag niya ang panaginip nito. 17 Matapos payagan, umuwi si Daniel at sinabi kina Hananias, Misael at Azarias ang pangyayari. 18 Hiniling niyang sama-sama silang manalangin sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang iyon upang hindi sila patayin kasama ng mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 19 Nang gabing iyon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos ng kalangitan. 20 Ang sabi ni Daniel:
“Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos,
pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos.
21 Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan,
naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan;
siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
22 Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan;
nakatatalos sa mga nasa kadiliman,
sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
23 Pinupuri ko kayo at pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang,
dahil sa kaloob ninyo sa aking lakas at karunungan,
ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan,
panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari
24 Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc, ang opisyal na inutusan upang patayin ang mga tagapayo ng Babilonia. Sinabi niya, “Huwag mo munang patayin ang mga matatalinong tao. Samahan mo ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”
25 Dali-daling iniharap ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi niya, “Mahal na hari, narito po ang isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag sa inyong panaginip.”
26 Si Daniel na tinatawag na Beltesazar ay tinanong ng hari, “Masasabi at maipapaliwanag mo ba sa akin ang aking panaginip?”
27 Sumagot si Daniel, “Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o manghuhula. 28 Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y natutulog:
29 “Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga. 30 Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi dahil ako'y higit na matalino kaysa iba, kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at upang maunawaan ninyo ang gumugulo sa inyong isipan.
31 “Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan. 32 Ang ulo nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang tiyan at mga hita nito. 33 Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong bakal at putik. 34 Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. 35 Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.
36 “Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan: 37 Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at karangalan. 38 Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon. 39 Ang susunod sa inyo ay ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong daigdig. 40 Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. 41 Ang kahulugan naman ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at putik ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal sapagkat ito'y nakahalo sa putik. 42 Ganito naman ang kahulugan ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at putik: May bahagi itong matibay at may bahagi namang marupok. 43 Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik. 44 Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman. Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan. 45 Katulad ito ng inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak ang kahulugan nito.”
Ginantimpalaan si Daniel
46 Yumukod si Haring Nebucadnezar na lapat ang mukha sa lupa at nagbigay galang kay Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang handugan ito ng insenso at iba pang alay. 47 Sinabi niya kay Daniel, “Tunay na ang Diyos mo ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos at Panginoon ng mga hari. Siya ang tagapagpahayag ng mga hiwaga kaya naipahayag mo ang hiwagang ito.” 48 Pinarangalan ng hari si Daniel at binigyan ng napakaraming handog. Siya ay ginawa nitong tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng mga tagapayo ng Babilonia. 49 Hiniling naman ni Daniel sa hari na sina Shadrac, Meshac at Abednego ay gawing tagapangasiwa sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa palasyo ng hari.
Iniutos sa Lahat na Sumamba sa Rebultong Ginto
3 Si Haring Nebucadnezar ay nagpagawa ng rebultong ginto na dalawampu't pitong metro ang taas at may tatlong metro naman ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. 2 Pagkatapos, ipinatawag niya ang mga pinuno ng mga rehiyon, mga pinuno ng mga hukbo, mga gobernador ng mga lalawigan, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, mga mahistrado at iba pang mga pinuno ng kaharian, para sa pagtatalaga sa nasabing rebulto. 3 Nang nasa harap na sila ng rebulto, 4 malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Iniuutos sa lahat ng tao, mula sa lahat ng bansa at wika, 5 na lumuhod at sumamba sa rebultong ipinagawa ni Haring Nebucadnezar sa sandaling marinig ang tunog ng tambuli, plauta, lira, sitar, alpa, at iba pang instrumento. 6 Sinumang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis agad sa naglalagablab na pugon.” 7 Nang marinig nga ng mga tao ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebultong ginto na ipinagawa ni Haring Nebucadnezar.
Pinaratangan ang Tatlong Judio
8 Sinamantala ito ng ilang mga mamamayan ng Babilonia upang paratangan ang mga Judio. 9 Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Mabuhay ang mahal na hari! 10 Iniutos po ninyo na lumuhod at sumamba sa inyong rebultong ginto ang sinumang makarinig sa tugtog ng mga instrumento. 11 At sinumang hindi sumunod ay ihahagis sa naglalagablab na pugon. 12 Hindi po sumusunod sa utos ninyo sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ang mga Judiong inilagay ninyo bilang mga tagapamahala sa Babilonia. Hindi po sila naglilingkod sa inyong diyos ni sumasamba sa ipinagawa ninyong rebultong ginto.”
13 Nagalit si Haring Nebucadnezar nang marinig ito, at ipinatawag niya ang tatlong lalaki. 14 Sinabi niya, “Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo bang hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos ni sumasamba sa rebultong ginto na aking ipinagawa? 15 Iniuutos ko sa inyong lumuhod kayo at sumamba sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Sa palagay ba ninyo'y may diyos na makakapagligtas sa inyo mula sa aking kapangyarihan?”
16 Sinabi nina Shadrac, Meshac at Abednego, “Mahal na haring Nebucadnezar, wala po kaming masasabi sa inyo tungkol sa bagay na ito. 17 Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa naglalagablab na pugon at mula sa inyong kapangyarihan. 18 Kung hindi man niya kami iligtas, hindi pa rin kami maglilingkod sa inyong mga diyos ni sasamba sa rebultong ginto na ipinagawa ninyo.”
Inihagis ang Tatlong Kabataan sa Naglalagablab na Pugon
19 Namula ang mukha ni Haring Nebucadnezar sa tindi ng galit kina Shadrac, Meshac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painitin pa ng pitong ulit ang pugon. 20 Inutusan din niya ang ilan sa mga pinakamalakas niyang kawal na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego at ihagis sa naglalagablab na pugon. 21 Ginapos nga sila nang hindi na inalis ang damit, ang panloob at panlabas, turbante, at iba pang nakasuot sa kanila, at inihagis sila sa naglalagablab na apoy. 22 Dahil sa mahigpit ang utos ng hari na patindihin ang init ng pugon lumabas ang apoy kaya nasunog at namatay ang mga kawal na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. 23 Samantala, nakagapos pa rin na bumagsak sa naglalagablab na apoy ang tatlong kabataan.
Ang Panalangin ni Azarias
24 Habang lumalakad ang tatlong kabataan—sina Hananias, Misael at Azarias—sa gitna ng apoy, umaawit sila ng papuri sa Diyos at dinadakila ang Panginoon. 25 Huminto si Azarias at nanalangin nang malakas doon sa loob ng nagniningas na pugon,
26 “Napakadakila mo, Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno.
Purihin nawa at parangalan ang iyong pangalan magpakailanman!
27 Makatarungan ka at tapat sa lahat ng ginagawa mo;
makatuwiran ang iyong landas;
walang kinikilingan ang mga hatol mo.
28 Makatarungan ang naging parusa mo sa amin at sa Jerusalem,
ang banal na lunsod ng aming mga ninuno.
Oo, makatarungan lamang ang hatol mo sa mga kasalanan namin.
29 Talagang kami'y nagkasala,
lumabag sa kautusan, at naghimagsik laban sa iyo.
30 Hindi namin ginampanan ang iyong mga utos
na para sa kapakanan din naming lahat.
31 Kaya nga, makatarungan lamang
ang mga parusang inilapat mo sa amin.
32 Ipinabihag mo kami sa pinakamahigpit naming mga kaaway, lahing malulupit at kasuklam-suklam.
Inalipin kami ng isang napakasamang hari, pinakamasama sa buong sanlibutan.
33 At ngayon, nauutal ang aming dila sa laki ng kahihiyan.
Kaming iyong mga alipin at tagasunod ay naging kasuklam-suklam.
34 Alang-alang sa iyong karangalan, huwag mo kaming itakwil habang panahon;
huwag mong putulin ang iyong tipan sa amin.
35 Muli mo kaming kahabagan,
alang-alang kay Abraham na iyong minamahal,
kay Isaac na iyong lingkod,
at kay Israel na iyong ginawang banal.
36 Ipinangako mong pararamihin ang kanilang lahi
gaya ng mga bituin sa langit at ng buhanginan sa tabing-dagat.
37 Subalit ngayon, Panginoon, kami ay naging pinakamaliit na bansa.
Dahil sa aming mga kasalanan, kami ang pinakaaba ngayon sa sanlibutan.
38 Wala kaming hari, mga propeta, o mga pinuno ngayon.
Walang templong mapagdalhan sa mga handog na susunugin, mga hain at insenso;
wala man lamang dakong mapaghandugan upang kami ay humingi ng awa mo.
39 Ngunit lumalapit kami sa iyo ngayon na nagsisisi at nagpapakumbaba.
Tanggapin mo na kami na parang nag-aalay ng mga barakong tupa at toro,
at libu-libong matatabang tupa na susunugin bilang handog sa iyong harapan.
40 Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami'y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.
Walang nagtiwala sa iyo na nabigo.
41 Simula ngayon, buong puso kaming susunod sa iyo,
sasamba at magpupuri sa iyo.
42 Huwag mo kaming biguin.
Sapagkat ikaw ay maamo at mapagkalinga,
kahabagan mo kami at saklolohan.
43 Muli mong iparanas sa amin ang iyong kahanga-hangang pagliligtas
upang muling dakilain ang iyong pangalan, Panginoon.
44 “Mapahiya nawa ang lahat ng nananakit sa amin na iyong mga alipin;
alisin mo ang kanilang kapangyarihan,
at durugin ang kanilang lakas.
45 Ipakita mong ikaw lamang ang Panginoong Diyos
na makapangyarihan at dakila sa buong sanlibutan.”
46 Ang mga alipin ng hari na naghagis sa tatlong kabataang lalaki sa pugon ay patuloy na naghahagis doon ng mga pampaningas: langis, alkitran, dayami at mga sanga ng kahoy, 47 anupa't tumaas nang mahigit dalawampu't dalawang metro ang apoy. 48 Lumabas ang ningas at nasunog ang mga taga-Babilonia na nakatayo malapit sa pugon. 49 Ngunit(C) bumabâ ang isang anghel ng Panginoon at sinamahan ang tatlong kabataan. Itinulak ng anghel ang apoy papalayo sa tatlo 50 at ginawang sa paligid nila'y tila may umiihip na napakalamig na hanging parang hamog. Kaya't hindi sila nalapatan ng apoy o nasaktan dahil dito.
Ang Awit ng Tatlong Kabataan
51 Habang naroon sa loob ng pugon, ang tatlong kabataan ay sama-samang nagpuri at nagparangal sa Diyos,
52 “Pinupuri ka namin, Panginoon; Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat po kayong parangalan
at dakilain magpakailanman!
53 Purihin po ang iyong marangal at banal na pangalan.
Nararapat kang purihin at parangalan magpakailanman.
54 Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
55 Purihin ka mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita po ninyo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.
56 Purihin ka, na nakaupo sa maningning mong trono,
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
57 Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
58 “Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilikha;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
59 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat, mga kalangitan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
60 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga anghel ng Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
61 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga tubig sa ibabaw ng langit;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
62 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na bumubuo ng kanyang hukbo;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
63 Purihin ninyo ang Panginoon, araw at buwan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
64 Purihin ninyo ang Panginoon, mga bituin sa langit;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
65 “Purihin ninyo ang Panginoon, mga ulan at hamog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
66 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng hanging umiihip sa buong daigdig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
67 Purihin ninyo ang Panginoon, apoy at init;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
68 Purihin ninyo ang Panginoon, matinding lamig at nakakapasong init;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
69 Purihin ninyo ang Panginoon, mga hamog at yelong nalalaglag;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
70 Purihin ninyo ang Panginoon, mga gabi at mga araw;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
71 Purihin ninyo ang Panginoon, liwanag at kadiliman;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
72 Purihin ninyo ang Panginoon, yelo at ginaw;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
73 Purihin ninyo ang Panginoon, yelo at taglamig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
74 Purihin ninyo ang Panginoon, mga kidlat at mga ulap;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
75 “O lupa, dakilain mo ang Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
76 Purihin ninyo ang Panginoon, mga bundok at mga burol;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
77 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tumutubo sa lupa;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
78 Purihin ninyo ang Panginoon, mga dagat at mga ilog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
79 Purihin ninyo ang Panginoon, mga batis at mga bukal;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
80 Purihin ninyo ang Panginoon, mga balyena at lahat ng nilikhang nasa tubig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
81 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng ibon sa himpapawid;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
82 Purihin ninyo ang Panginoon, mga kawan at maiilap na hayop;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
83 “Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tao sa daigdig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
84 Purihin ninyo ang Panginoon, bansang Israel;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
85 Purihin ninyo ang Panginoon, mga paring naglilingkod sa Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
86 Purihin ninyo ang Panginoon, mga lingkod ng Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
87 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga tapat;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
88 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga banal at mapagpakumbaba;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
89 Purihin ninyo ang Panginoon, Hananias, Azarias, at Misael;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Sapagkat hinango niya tayo sa daigdig ng mga patay; iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kamatayan.
Hinango niya tayo sa nagliliyab na pugon;
iniligtas niya tayo sa apoy.
90 Pasalamatan natin ang Panginoon sapagkat napakabuti niya;
nananatili magpakailanman ang kanyang habag.
91 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na sumasamba sa kanya;
awitan siya ng papuri, ang Diyos ng mga diyos.
Pasalamatan natin siya dahil sa habag niyang walang hanggan.”
92 Nagtaka at biglang napatindig si Haring Nebucadnezar at itinanong sa kanyang mga tagapayo, “Hindi ba't tatlo lamang ang inihagis sa apoy?”
“Opo, kamahalan,” sagot nila.
93 “Bakit apat ang nakikita kong walang gapos at naglalakad sa gitna ng apoy nang hindi nasusunog? At ang tingin ko sa ikaapat ay parang anak ng mga diyos.”
Pinalaya at Itinaas sa Tungkulin sina Shadrac, Meshac at Abednego
94 Lumapit si Haring Nebucadnezar sa may bunganga ng pugon. Sinabi niya, “Lumabas kayo riyan at halikayo rito, Shadrac, Meshac at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos!” Lumabas nga silang tatlo mula sa pugon 95 at lumapit sa kanila ang lahat ng mga pinuno ng kaharian. Tiningnan silang mabuti ng mga ito ngunit wala man lamang nakitang bakas ng apoy sa katawan ng tatlo. Hindi nasunog ni bahagya man ang kanilang buhok at ang kanilang kasuotan. Hindi rin sila nag-amoy usok.
96 Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego! Isinugo niya ang kanyang anghel upang iligtas ang mga lingkod niyang ito na ganap na sumampalataya sa kanya. Hindi sinunod ng mga ito ang aking utos; ginusto pa nilang sila'y ihagis sa apoy kaysa sumamba sa diyus-diyosan. 97 Kaya, ipinag-uutos ko: Sinuman mula sa alinmang lahi, bansa o wika na magsasalita laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego ay papatayin at ang kanilang bahay ay wawasakin. Walang ibang diyos na makakapagligtas sa tao, tulad ng ginawa ng kanilang Diyos.”
98 At sina Shadrac, Meshac at Abednego ay itinaas niya sa tungkulin sa lalawigan ng Babilonia.
by