Chronological
Ang Parusa ng Diyos sa Edom
35 Sinabi(A) sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Edom. 3 Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Bundok ng Edom. Gagawin kitang ilang. 4 Wawasakin ko ang iyong mga lunsod at gagawin kong lugar na mapanglaw. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. 5 Lagi mong nilulusob ang Israel at pinuksa mo ang kanyang mamamayan sa panahon ng pagpaparusa sa kanya. 6 Dahil dito, akong si Yahweh, ang Diyos na buháy ay nagsasabi sa iyo na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ikaw ay pumatay kaya papatayin ka rin. 7 Gagawin kong ilang ang iyong lupain at sinumang maglakbay roon ay papatayin. 8 Tatambakan ng bangkay ang iyong mga bundok, libis at mga bangin. 9 Gagawin kitang lugar na mapanglaw at ang iyong mga lunsod ay aalisan ko ng mga tao. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.
10 “Sinabi mong iyo ang Israel at Juda bagama't alam mong ako ang Diyos nila. 11 Dahil diyan, akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ang nagsasabi sa iyong tiyak na pagdurusahan mo ang iyong pagkagalit, pagkainggit at pagkapoot sa aking bayan. Gagawin ko sa iyo ang ginawa mo sa kanila. Makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na kayo. 12 Sa gayon, malalaman din ninyo na alam ko ang inyong kalapastanganan nang sabihin ninyong ang kaburulan ng Israel ay winasak upang inyong sakupin. 13 Kinalaban ninyo ako at pinagsalitaan nang kung anu-ano. Ito'y hindi lingid sa akin. 14 Wawasakin kita nang lubusan at ito'y ikatutuwa ng buong mundo. 15 Gagawin ko sa iyo ang ikinatuwa mong pagkawasak ng Israel na aking hinirang. Wawasakin kita, Bundok ng Seir, at ito ang magiging wakas ng buong Edom. Sa gayon, makikilala ng lahat na ako si Yahweh.”
Pagpapalain ang Israel
36 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka sa kaburulan ng Israel. Sabihin mo: Kaburulan ng Israel, dinggin mo ang salita ni Yahweh: 2 Sinabi sa iyo ng kaaway ninyo na, ‘Mabuti nga,’ at, ‘Ang kanilang mga kabundukan ay sakop na natin.’ 3 Kaya, magpahayag ka. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sinakop ng mga bansa ang kaburulan ng Israel at lubusan itong winasak. Dahil dito, pinagtawanan siya ng lahat. 4 Kaya, ito ngayon ang sinasabi ko tungkol sa mga bundok, burol, bangin, kapatagan at mga lunsod na wasak na naging biktima at katatawanan ng mga bansa sa paligid. 5 Ipinapasabi nga ni Yahweh: Sa pag-iinit ng loob ko dahil sa panibugho, maliwanag kong ipinahayag ang aking galit sa mga bansa, lalo na sa Edom, sapagkat buong pagyayabang niyang sinakop ang aking bayan. Hindi na niya ito iginalang, bagkus ay sinamsam ang lahat ng maibigan niya. 6 Kaya, magpahayag ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, bangin, at kapatagan na ako'y nagsasalita sa tindi ng aking galit dahil sa pagkutyang dinanas nila mula sa ibang bansa. 7 Kaya isinusumpa kong daranas din ng pagkutya ang mga bansa sa iyong paligid.
8 “Kayo naman, mga bundok ng Israel, payabungin na ninyo ang inyong mga sanga at pamungahin nang sagana para sa bayan kong Israel sapagkat uuwi na sila rito. 9 Ako'y inyong kakampi. Bubungkalin at tatamnan ang inyong lupain. 10 Pararamihin ko ang iyong mamamayan. Doon kayo titira sa dati ninyong lunsod at higit ko kayong pasasaganain kaysa noon. 11 Pararamihin ko nga ang mga tao at mga hayop. Marami ang magiging anak nila. Pupunuin kita ng tao, tulad noong una, at higit na maraming mabubuting bagay ang gagawin ko ngayon sa iyo. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. 12 Ibabalik ko kayo, mga Israelita, sa dati ninyong bayan. Magiging inyo na iyon at hindi na kayo magugutom. 13 Akong si Yahweh ang nagsasabi: Sinasabi ng mga tao na ikaw ay kumakain ng tao kaya inaagaw mo ang mga mamamayan ng ibang bansa. 14 Ngunit mula ngayon, hindi mo na gagawin iyon, hindi mo na uubusin ang iyong mamamayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 15 Hindi ka na kukutyain ng ibang bansa at hindi na rin hahamakin ng mga tao. Hindi ka na mang-aagaw ng anak ng may anak. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Ang Bagong Kalagayan ng Israel
16 Sinabi sa akin ni Yahweh, 17 “Ezekiel, anak ng tao, nang ang Israel ay unang tumira sa kanilang lupain, pinarumi nila ito sa kanilang kasamaan. Kaya, ang pamumuhay nila'y kasuklam-suklam sa akin. 18 At dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain, at dahil sa kanilang mga diyus-diyosan, ibinuhos ko sa kanila ang aking matinding poot. 19 Itinapon ko sila at pinangalat sa iba't ibang panig ng daigdig. Ginawa ko sa kanila ang nararapat sa kanila. 20 Ngunit sa mga lugar na kinapuntahan nila, binigyang-daan nila ang mga tao upang hamakin ang aking pangalan. Sinabi ng mga tao sa kanila, ‘Hindi ba sila'y mga mamamayan ni Yahweh, bakit pinaalis sa kanilang bayan?’ 21 Nabahala ako dahil sa banal kong pangalan na ipinahamak ng mga Israelita sa mga dakong kinapuntahan nila.
22 “Kaya, sabihin mo sa Israel na ito ang ipinapasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi dahil sa banal kong pangalan na inyong hinayaang hamakin sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo. 23 Ipapakita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako si Yahweh kung maipakita ko na sa kanila na ako ay banal. 24 Titipunin ko kayo mula sa iba't ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. 25 Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo'y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan. 26 Bibigyan(B) ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin. 27 Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. 28 Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos. 29 Lilinisin ko ang lahat ng inyong karumihan; bibigyan ko kayo ng masaganang ani at hindi na kayo daranas ng gutom. 30 Pamumungahin kong mabuti ang inyong mga punongkahoy at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin upang hindi na kayo hamakin ng kapwa ninyo bansa dahil sa taggutom na inyong dinanas. 31 Maaalala rin ninyo ang inyong kasamaan, at dating kasuklam-suklam na mga gawa. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong mga sarili. 32 Dapat ninyong malaman na ginagawa ko ang lahat ng ito ngunit hindi dahil sa inyo. Dapat kayong mahiya dahil sa inyong kasamaan, mga Israelita.”
33 Ipinapasabi ni Yahweh: “Kapag nalinis ko na kayo sa inyong karumihan, muli kong patitirahan ang inyong mga lunsod at muling itatayo ang mga lugar na wasak. 34 Ang mga ilang na dako ay muling bubungkalin. Kapag nakita ito ng mga tao 35 ay sasabihin nila, ‘Ang lugar na ito'y dating tiwangwang ngunit ngayo'y parang hardin ng Eden. Ang mga lunsod na wasak at walang tao, ngayon ay may nakatira na, muling nakatayo at naliligid ng muog.’ 36 Kung makita nilang muli nang naitayo ang mga guho at puno ng pananim ang dating tigang na lupain, makikilala ng mga karatig-bansa na ako si Yahweh. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko.”
37 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ito pa ang gagawin ko sa kanila. Ipagkakaloob ko ang hilingin nila sa akin. Pararamihin ko sila, tulad ng makapal nilang kawan. 38 Pararamihin ko silang tulad ng mga tupang panghandog, tulad ng mga tupa sa Jerusalem kung panahon ng kapistahan. Sa gayon, ang mga lugar na walang nakatira ay mapupuno ng tao. At makikilala nilang ako si Yahweh.”
Ang Libis na Puno ng Kalansay
37 Nadama ko ang kapangyarihan ni Yahweh at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu[a] ay dinala niya ako sa isang libis na puno ng kalansay. 2 Inilibot niya ako sa lugar na puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. 3 Tinanong niya ako, “Ezekiel, anak ng tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”
Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Yahweh.”
4 Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh. 5 Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. 6 Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
7 Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako'y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. 8 Nakita kong sila'y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. 9 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinapasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila'y mabuhay.” 10 Nagpahayag(C) nga ako at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila'y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.
11 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ 12 Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinapasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. 13 Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako si Yahweh. 14 Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin.”
Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa ng Juda at ng Israel
15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang putol na kahoy at sulatan mo ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo naman ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’ 17 Pagkaraan noon, pagdugtungin mo ito na parang iisa ang hawak mo. 18 Kapag itinanong nila kung ano ang kahulugan noon, 19 sabihin mong ipinapasabi ko na darating na ang panahon at ang kaputol na kahoy na kumakatawan sa Israel ay isasama ko sa kaputol na kahoy na kumakatawan sa Juda upang sila'y maging isa na lang. 20 Kailangang nakikita nilang hawak mo ang mga putol ng kahoy na iyong sinulatan 21 habang sinasabi mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. 22 Sila'y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila'y gagawin kong isa na lamang kaharian. 23 Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging Diyos. 24 Isang(D) tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. 25 Sila'y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at mga susunod pang salinlahi ay mananatili doon habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. 27 Ako'y(E) maninirahang kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila'y magiging bayan ko. 28 At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong si Yahweh ang humirang sa Israel upang maging akin.”
by