Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 19-23

Sinumbatan ng Isang Propeta si Jehoshafat

19 Si Jehoshafat na hari ng Juda ay ligtas na umuwi sa kanyang bahay sa Jerusalem.

Subalit si Jehu na anak ni Hanani na propeta ay lumabas upang salubungin siya, at sinabi kay Haring Jehoshafat, “Dapat mo bang tulungan ang masasama at mahalin ang mga napopoot sa Panginoon? Dahil dito, ang poot ay lumabas laban sa iyo mula sa harapan ng Panginoon.

Gayunman, may ilang kabutihang natagpuan sa iyo, sapagkat winasak mo ang mga sagradong poste[a] sa lupain, at inilagak mo ang iyong puso upang hanapin ang Diyos.”

Si Jehoshafat ay nanirahan sa Jerusalem; at siya'y muling lumabas sa bayan, mula sa Beer-seba hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at kanyang ibinalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

Siya'y humirang ng mga hukom sa lupain sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda, sa bawat lunsod,

at sinabi sa mga hukom, “Isaalang-alang ninyo kung ano ang inyong ginagawa, sapagkat kayo'y humahatol hindi para sa tao, kundi para sa Panginoon; siya'y kasama ninyo sa pagbibigay ng hatol.

Ngayon, sumainyo nawa ang takot sa Panginoon. Mag-ingat kayo sa inyong ginagawa, sapagkat walang pagpilipit ng katarungan sa Panginoon nating Diyos, o pagtatangi o pagtanggap man ng mga suhol.”

Bukod dito'y naglagay si Jehoshafat sa Jerusalem ng ilang mga Levita, mga pari, at mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel upang humatol para sa Panginoon at upang pagpasiyahan ang mga alitan. Ang kanilang mga luklukan ay nasa Jerusalem.

At kanyang tinagubilinan sila, “Ganito ang inyong gagawin sa takot sa Panginoon, sa katapatan at sa inyong buong puso:

10 tuwing may usaping dumating sa inyo mula sa inyong mga kapatid na naninirahan sa kanilang mga lunsod, tungkol sa pagdanak ng dugo, sa kautusan o batas, mga tuntunin o mga kahatulan, ay inyong tuturuan sila, upang sila'y huwag magkasala sa harap ng Panginoon, at ang poot ay huwag dumating sa inyo at sa inyong mga kapatid. Gayon ang inyong gagawin, at kayo'y hindi magkakasala.

11 Si Amarias na punong pari ay mamumuno sa inyo sa lahat ng bagay ng Panginoon; at si Zebadias na anak ni Ismael, na tagapamahala sa sambahayan ng Juda, sa lahat ng mga bagay ng hari, at ang mga Levita ay maglilingkod sa inyo bilang mga pinuno. Gumawa kayong may katapangan at ang Panginoon nawa'y makasama ng matuwid!”

Digmaan Laban sa Edom

20 Pagkatapos nito, ang mga Moabita at mga Ammonita, at pati ang ilan sa mga Meunita[b] ay dumating laban kay Jehoshafat upang makipaglaban.

Ilang katao ang dumating at nagsabi kay Jehoshafat, “Napakaraming tao ang dumarating laban sa iyo mula sa Edom,[c] mula sa kabila ng dagat; sila'y naroon na sa Hazazon-tamar” (na siya ring En-gedi).

Si Jehoshafat ay natakot, at nagpasiyang hanapin ang Panginoon, at nagpahayag ng pag-aayuno sa buong Juda.

Kaya't ang Juda'y nagtipun-tipon upang humingi ng tulong sa Panginoon; mula sa lahat ng bayan ng Juda ay dumating sila upang hanapin ang Panginoon.

Si Jehoshafat ay tumayo sa kapulungan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng bagong bulwagan,

at kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno, di ba ikaw ay Diyos sa langit? Di ba ikaw ay namumuno sa lahat ng kaharian ng mga bansa? Sa iyong kamay ay kapangyarihan at lakas, anupa't walang makakaharap sa iyo.

Hindi(A) ba't ikaw, O aming Diyos, ang nagpalayas sa mga naninirahan sa lupaing ito sa harapan ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailanman?

Sila'y nanirahan doon at ipinagtayo ka ng santuwaryo para sa iyong pangalan, na sinasabi,

‘Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak, kahatulan,[d] salot, o taggutom, kami ay tatayo sa harapan ng bahay na ito at sa iyong harapan, sapagkat ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito; at kami ay dadaing sa iyo sa aming kahirapan, at ikaw ay makikinig at magliligtas?’

10 Tingnan(B) mo ngayon, ang mga tao mula sa Ammon at Moab, at sa Bundok ng Seir, na hindi mo ipinalusob sa Israel nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, kundi kanilang iniwasan at hindi nila pinuksa—

11 kanilang ginagantihan kami sa pamamagitan ng pagparito upang palayasin kami sa pag-aari na ibinigay mo sa amin upang manahin.

12 O Diyos namin, hindi mo ba sila hahatulan? Sapagkat kami ay walang magagawa laban sa napakaraming taong ito na dumarating laban sa amin. Hindi namin alam kung ano ang gagawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.”

13 Samantala, ang buong Juda ay nakatayo sa harapan ng Panginoon, kasama ang kanilang mga bata, kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.

14 Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jahaziel na anak ni Zacarias, na anak ni Benaya, na anak ni Jeiel, na anak ni Matanias, isang Levita sa mga anak ni Asaf, sa gitna ng kapulungan.

15 At(C) kanyang sinabi, “Makinig kayo, buong Juda at mga mamamayan ng Jerusalem, at Haring Jehoshafat: Ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot, at huwag kayong panghinaan ng loob sa napakaraming taong ito, sapagkat ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos.

16 Bukas ay harapin ninyo sila. Sila'y aahon sa ahunan ng Sis; inyong matatagpuan sila sa dulo ng libis, sa silangan ng ilang ng Jeruel.

17 Hindi(D) ninyo kailangang lumaban sa digmaang ito. Manatili kayo sa inyong puwesto, tumayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagtatagumpay ng Panginoon alang-alang sa inyo, O Juda at Jerusalem.’ Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob; bukas ay harapin ninyo sila sapagkat ang Panginoon ay sasama sa inyo.”

18 Pagkatapos ay itinungo ni Jehoshafat ang kanyang ulo sa lupa, at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa sa Panginoon, na sumasamba sa Panginoon.

19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Kohatita at sa mga anak ng mga Korahita ay tumayo upang purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, nang napakalakas na tinig.

20 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at lumabas sa ilang ng Tekoa. Habang sila'y lumalabas, si Jehoshafat ay tumayo at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Juda at mga mamamayan ng Jerusalem! Manalig kayo sa Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y magiging matatag. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta, at kayo'y magtatagumpay.”

21 Pagkatapos niyang sumangguni sa mga tao, kanyang hinirang ang mga aawit sa Panginoon at magpupuri sa kanya sa banal na kaayusan, habang sila'y nangunguna sa hukbo at nagsasabi, “Magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”

22 Nang sila'y magpasimulang umawit at magpuri, ang Panginoon ay naglagay ng pagtambang laban sa mga taga-Ammon, Moab, at Bundok ng Seir na dumating laban sa Juda kaya't sila'y nagapi.

23 Sapagkat sinalakay ng mga anak ni Ammon at ni Moab ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, at lubos silang pinuksa. Pagkatapos nilang patayin ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, silang lahat ay tumulong upang puksain ang isa't isa.

24 Nang ang Juda ay dumating sa bantayang tore sa ilang, sila'y tumingin sa dako ng napakaraming tao, sila'y mga bangkay na nakabuwal sa lupa at walang nakatakas.

25 Nang si Jehoshafat at ang kanyang mga tauhan ay pumaroon upang kunin ang samsam sa kanila, nakatagpo sila ng napakaraming baka, mga ari-arian, mga damit, at mahahalagang bagay na kanilang kinuha para sa kanilang sarili hanggang sa hindi na nila kayang dalhin. Tatlong araw nilang hinakot ang samsam na talagang napakarami.

26 Nang ikaapat na araw, sila'y nagtipun-tipon sa Libis ng Beraca;[e] sapagkat doo'y pinuri nila ang Panginoon. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Beraca hanggang sa araw na ito.

27 Pagkatapos sila'y bumalik, bawat lalaki ng Juda at Jerusalem, at si Jehoshafat sa unahan nila, pabalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagkat sila'y pinapagkatuwa ng Panginoon sa kanilang mga kaaway.

28 Sila'y dumating sa Jerusalem na may mga salterio, alpa, at mga trumpeta patungo sa bahay ng Panginoon.

29 At ang takot sa Diyos ay dumating sa lahat ng mga kaharian ng mga bansa nang kanilang mabalitaang ang Panginoon ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.

30 Kaya't ang kaharian ni Jehoshafat ay naging tahimik, sapagkat binigyan siya ng kanyang Diyos ng kapahingahan sa palibot.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Jehoshafat(E)

31 Gayon naghari si Jehoshafat sa Juda. Siya'y tatlumpu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.

32 Siya'y lumakad sa landas ni Asa na kanyang ama at hindi siya lumihis doon. Ginawa niya ang matuwid sa paningin ng Panginoon.

33 Gayunman, ang matataas na dako ay hindi inalis; hindi pa nailalagak ng bayan ang kanilang puso sa Diyos ng kanilang mga ninuno.

34 Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoshafat, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa kasaysayan ni Jehu na anak ni Hanani, na nakatala sa Aklat ng mga Hari ng Israel.

35 Pagkatapos nito si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakiisa kay Ahazias na hari ng Israel na siyang gumawa ng masama.

36 Siya'y nakisama sa kanya sa paggawa ng mga sasakyang-dagat upang magtungo sa Tarsis, at kanilang ginawa ang mga sasakyang-dagat sa Ezion-geber.

37 At si Eliezer na anak ni Dodavahu na taga-Maresha ay nagsalita ng propesiya laban kay Jehoshafat, na sinasabi, “Sapagkat ikaw ay nakiisa kay Ahazias, wawasakin ng Panginoon ang iyong mga ginawa.” At ang mga sasakyang-dagat ay nawasak at sila'y hindi nakapunta sa Tarsis.

Si Haring Jehoram ng Juda(F)

21 Si Jehoshafat ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Si Jehoram na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Siya'y mayroong mga kapatid na lalaki, mga anak ni Jehoshafat: sina Azarias, Jeiel, Zacarias, Azarias, Micael, at Shefatias; lahat ng mga ito ay mga anak ni Jehoshafat na hari ng Israel.[f]

Binigyan sila ng kanilang ama ng maraming kaloob na pilak, ginto, at mahahalagang ari-arian, pati ng mga lunsod na may kuta sa Juda; ngunit ang kaharian ay ibinigay niya kay Jehoram, sapagkat siya ang panganay.

Nang si Jehoram ay makaakyat sa kaharian ng kanyang ama at naging matatag, kanyang pinatay sa pamamagitan ng tabak ang lahat niyang mga kapatid, gayundin ang ilan sa mga pinuno ng Israel.

Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng walong taon sa Jerusalem.

At siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat asawa niya ang anak na babae ni Ahab. At siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

Gayunma'y(G) ayaw lipulin ng Panginoon ang sambahayan ni David, dahil sa tipan na kanyang ginawa kay David, at palibhasa'y kanyang ipinangako na bibigyan siya ng ilawan at ang kanyang mga anak magpakailanman.

Sa(H) kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda, at naglagay sila ng sarili nilang hari.

Nang magkagayo'y dumaan si Jehoram na kasama ang kanyang mga punong-kawal at lahat niyang mga karwahe at siya'y bumangon nang kinagabihan at pinatay ang mga Edomita na pumalibot sa kanya at sa mga punong-kawal ng mga karwahe.

10 Kaya't naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda hanggang sa araw na ito. Nang panahon ding iyon ay naghimagsik ang Libna mula sa kanyang pamumuno, sapagkat kanyang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.

Ang Nakakatakot na Sulat ni Elias

11 Bukod dito'y gumawa siya ng matataas na dako sa maburol na lupain ng Juda, at inakay ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan at iniligaw ang Juda.

12 May isang liham na dumating sa kanya mula kay Elias na propeta, na sinasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Sapagkat hindi ka lumakad sa mga landas ni Jehoshafat na iyong ama, o sa mga landas ni Asa na hari ng Juda;

13 kundi lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel, at iyong inakay ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan, kung paanong inakay ng sambahayan ni Ahab ang Israel sa kataksilan, at pinatay mo rin ang iyong mga kapatid sa sambahayan ng iyong ama, na higit na mabuti kaysa iyo;

14 ang Panginoon ay magdadala ng napakalaking salot sa iyong bayan, sa iyong mga anak, mga asawa, at sa lahat ng iyong pag-aari.

15 Ikaw mismo ay magkakaroon ng malubhang sakit sa bituka, hanggang sa lumuwa ang iyong bituka araw-araw dahil sa sakit.’”

16 Pinag-alab ng Panginoon laban kay Jehoram ang galit ng mga Filisteo at ng mga taga-Arabia na malapit sa mga taga-Etiopia.

17 Sila'y dumating laban sa Juda at sinalakay ito, at dinala ang lahat ng pag-aari na natagpuan sa bahay ng hari, pati ang mga anak niya at kanyang mga asawa. Kaya't walang naiwang anak sa kanya, maliban kay Jehoahaz na bunso niyang anak.

Ang Pagkatalo at Kamatayan ni Jehoram

18 Pagkatapos ng lahat ng ito, sinaktan siya ng Panginoon sa kanyang bituka ng sakit na walang lunas.

19 Sa paglakad ng panahon, sa katapusan ng dalawang taon, ang kanyang bituka ay lumabas dahil sa kanyang sakit, at siya'y namatay sa matinding paghihirap. Ang kanyang mamamayan ay hindi gumawa ng apoy para sa kanyang karangalan, gaya ng apoy na ginawa para sa kanyang mga ninuno.

20 Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng walong taon. Siya'y namatay na walang nalungkot. Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit hindi sa mga libingan ng mga hari.

Si Haring Ahazias ng Juda(I)

22 Ginawang hari ng mga mamamayan ng Jerusalem si Ahazias na kanyang bunsong anak bilang hari na kapalit niya, sapagkat pinatay ng pulutong ng mga lalaking dumating na kasama ng mga taga-Arabia ang lahat ng nakatatandang anak na lalaki. Kaya't si Ahazias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay naghari.

Si Ahazias ay apatnapu't dalawang taong gulang nang nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na anak ni Omri.

Lumakad rin siya sa mga landas ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang kanyang ina ang kanyang tagapayo sa paggawa ng kasamaan.

Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab; sapagkat pagkamatay ng kanyang ama sila ang kanyang mga tagapayo, na kanyang ikinapahamak.

Sumunod din siya sa kanilang payo, at sumama kay Jehoram na anak ni Ahab na hari ng Israel upang makidigma kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead. At sinugatan ng mga taga-Siria si Joram.

At siya'y bumalik upang magpagaling sa Jezreel sa mga sugat na tinamo niya sa Rama, nang siya'y makipaglaban kay Hazael na hari ng Siria. At si Azarias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y may sakit.

Ngunit itinalaga na ng Diyos na ang pagbagsak ni Ahazias ay darating sa kanyang pagdalaw kay Joram. Sapagkat nang siya'y dumating doon, siya'y lumabas na kasama ni Jehoram upang salubungin si Jehu na anak ni Nimsi, na siyang binuhusan ng langis ng Panginoon upang wasakin ang sambahayan ni Ahab.

Nang si Jehu ay maglalapat ng kahatulan sa sambahayan ni Ahab, kanyang nakaharap ang mga pinuno ng Juda at ang mga anak ng mga kapatid ni Ahazias, na naglilingkod kay Ahazias, at kanyang pinatay sila.

Hinanap niya si Ahazias, na nahuli habang nagtatago sa Samaria, at dinala kay Jehu at siya'y pinatay. Kanilang inilibing siya, sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y apo[g] ni Jehoshafat na humanap sa Panginoon nang buo niyang puso.” At ang sambahayan ni Ahazias ay wala ni isa mang may kakayahang mamuno sa kaharian.

Si Reyna Atalia ng Juda(J)

10 Nang makita ni Atalia na ina ni Ahazias na ang kanyang anak ay patay na, siya'y humanda upang patayin ang lahat ng angkan ng hari mula sa sambahayan ni Juda.

11 Ngunit kinuha ni Josabet, na anak na babae ng hari, si Joas na anak ni Ahazias, at ipinuslit siya mula sa mga anak ng hari na malapit nang patayin, at kanyang inilagay siya at ang kanyang yaya sa isang silid-tulugan. Gayon siya ikinubli ni Josabet, na anak ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoiada, (sapagkat siya'y kapatid ni Ahazias) kay Atalia, kaya't siya'y hindi niya napatay.

12 At siya'y nanatiling kasama nila sa loob ng anim na taon, na nakatago sa bahay ng Diyos, habang si Atalia ay naghahari sa lupain.

Ang Paghihimagsik Laban kay Atalia(K)

23 Ngunit sa ikapitong taon ay lumakas ang loob ni Jehoiada, at nakipagtipan siya sa mga punong-kawal ng daan-daan, kina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya, at kay Elisafat na anak ni Zicri.

Kanilang nilibot ang Juda at tinipon ang mga Levita mula sa lahat ng bayan ng Juda, at ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel, at sila'y dumating sa Jerusalem.

Ang(L) buong kapulungan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Diyos. At sinabi ni Jehoiada[h] sa kanila, “Narito, ang anak ng hari! Hayaan siyang maghari gaya nang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.

Ito ang bagay na inyong gagawin: sa inyong mga pari at mga Levita na magtatapos ang paglilingkod sa Sabbath, ikatlong bahagi sa inyo ang magiging mga bantay-pinto.

Ang ikatlong bahagi ay sa bahay ng hari, at ang ikatlong bahagi ay sa Pintuan ng Saligan; at ang buong bayan ay sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon.

Walang papapasukin sa bahay ng Panginoon maliban sa mga pari at mga naglilingkod na Levita. Sila'y maaaring pumasok, sapagkat sila'y banal, ngunit ang buong bayan ay susunod sa tagubilin ng Panginoon.

Palilibutan ng mga Levita ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang pumasok sa bahay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari sa kanyang pagpasok at sa kanyang paglabas.”

Ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat ng iniutos ng paring si Jehoiada. Bawat isa'y nagdala ng kanyang mga tauhan, ang mga matatapos ang paglilingkod sa Sabbath, kasama ng mga magsisimulang maglingkod sa Sabbath, sapagkat hindi pinauwi ng paring si Jehoiada ang mga pangkat.

Ibinigay ng paring si Jehoiada sa mga pinunong-kawal ang mga sibat, at ang malalaki at maliliit na mga kalasag na dating kay Haring David, na nasa bahay ng Diyos.

10 Kanyang inilagay ang buong bayan bilang bantay para sa hari, bawat tao'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa gawing timog ng bahay hanggang sa gawing hilaga ng bahay, sa palibot ng dambana at ng bahay.

11 Pagkatapos ay kanyang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo, at ipinahayag siyang hari. Binuhusan siya ng langis ni Jehoiada at ng kanyang mga anak, at kanilang sinabi, “Mabuhay ang hari.”

12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng taong-bayan na nagtatakbuhan at nagpupuri sa hari, siya'y lumabas patungo sa mga tao sa loob ng bahay ng Panginoon.

13 Nang siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng kanyang haligi sa pasukan, at ang mga punong-kawal at ang mga manunugtog ng trumpeta ay nasa tabi ng hari. Ang lahat ng mga taong-bayan ng lupain ay nagagalak at humihihip ng mga trumpeta, ang mga mang-aawit dala ang kanilang panugtog na nangunguna sa pagdiriwang. Kaya't pinunit ni Atalia ang kanyang damit, at sumigaw: “Kataksilan! Kataksilan!”

14 Kaya't inilabas ng paring si Jehoiada ang mga pinunong-kawal na inilagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, “Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; sinumang sumunod sa kanya ay papatayin ng tabak.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng bahay ng Panginoon.”

15 Kaya't kanilang binigyang-daan siya at siya'y pumasok sa pintuan ng kabayo sa bahay ng hari, at siya'y kanilang pinatay roon.

Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoiada(M)

16 Si Jehoiada ay gumawa ng tipan sa pagitan niya, ng buong bayan at ng hari na sila'y magiging bayan ng Panginoon.

17 At ang buong bayan ay pumaroon sa bahay ni Baal at giniba ito. Pinagputul-putol nila ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan, at pinatay nila si Mattan na pari ni Baal sa harapan ng mga dambana.

18 Naglagay si Jehoiada ng mga bantay para sa bahay ng Panginoon sa pangangasiwa ng mga Levitang pari at ng mga Levitang binuo ni David upang mangasiwa sa bahay ng Panginoon, upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na may kagalakan at pag-aawitan, ayon sa utos ni David.

19 Kanyang inilagay ang mga bantay-pinto sa mga pintuan ng bahay ng Panginoon, upang huwag pumasok ang sinuman na sa anumang paraan ay marumi.

20 Kanyang isinama ang mga pinunong-kawal, ang mga maharlika, ang mga tagapamahala ng bayan, at ang mga taong-bayan ng lupain, at ibinaba nila ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at dumaan sa pinakamataas na pintuan patungo sa bahay ng hari. Iniluklok nila ang hari sa trono ng kaharian.

21 Kaya't ang mga taong-bayan ng lupain ay nagalak, at ang lunsod ay natahimik, pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001