Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 9

Ang Tipan ng Panginoon kay Solomon(A)

At nangyari, nang matapos ni Solomon ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at ng bahay ng hari, at ang lahat ng nais ipatayo ni Solomon,

ang(B) Panginoon ay nagpakita kay Solomon sa ikalawang pagkakataon, gaya ng pagpapakita niya sa kanya sa Gibeon.

At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Narinig ko ang iyong dalangin at pagsusumamo na iyong sinabi sa harap ko. Ginawa kong banal ang bahay na ito na iyong itinayo, at inilagay ko ang aking pangalan doon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.

Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama sa katapatan ng puso at sa katuwiran, at gagawa ka ng ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga batas,

ay(C) akin ngang itatatag ang trono ng iyong kaharian sa Israel magpakailanman, ayon sa aking ipinangako kay David na iyong ama, na sinasabi, ‘Hindi mawawalan sa iyo ng papalit sa trono ng Israel.’

“Ngunit kung kayo ay lumihis sa pagsunod sa akin, kayo o ang inyong mga anak, at hindi tuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na aking inilagay sa harap ninyo, kundi kayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila;

ay aking ihihiwalay ang Israel sa lupain na aking ibinigay sa kanila. Ang bahay na ito na aking ginawang banal para sa aking pangalan ay aking aalisin sa aking paningin, at ang Israel ay magiging kawikaan at kukutyain sa gitna ng lahat ng tao.

At(D) bagaman ang bahay na ito ay mataas, ang bawat magdaan sa kanya ay magtataka at susutsot at kanilang sasabihin, ‘Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?’

At sila'y sasagot, ‘Sapagkat kanilang pinabayaan ang Panginoon nilang Diyos na naglabas sa kanilang mga magulang sa lupain ng Ehipto, at yumakap sa ibang mga diyos, at sinamba nila at pinaglingkuran nila; kaya't ipinaranas ng Panginoon sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.’”

Ang mga Lunsod na Ibinigay kay Hiram(E)

10 At sa katapusan ng dalawampung taon, nang maitayo ni Solomon ang dalawang gusali, ang bahay ng Panginoon at ang bahay ng hari,

11 at si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala kay Solomon ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na sipres, ng ginto, hangga't gusto niya. Binigyan ni Haring Solomon si Hiram ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea.

12 Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na ibinigay ni Solomon sa kanya, hindi niya naibigan ang mga ito.

13 Kaya't kanyang sinabi, “Anong uring mga lunsod itong ibinigay mo sa akin, kapatid ko?” Kaya't tinawag ang mga iyon na lupain ng Cabul,[a] hanggang sa araw na ito.

14 Nagpadala si Hiram ng isang daan at dalawampung talentong ginto sa hari.

15 Ito ang kadahilanan ng sapilitang paggawa na iniatang ni Haring Solomon, upang itayo ang bahay ng Panginoon at ang kanyang bahay, at ang Milo at ang pader ng Jerusalem, ang Hazor, ang Megido, at ang Gezer.

16 Si Faraon na hari ng Ehipto ay umahon at sinakop ang Gezer, at sinunog ng apoy, at pinatay ang mga Cananeo na nakatira sa lunsod, at ibinigay iyon bilang dote sa kanyang anak na babae na asawa ni Solomon.

17 Kaya't itinayong muli ni Solomon ang Gezer, ang ibabang Bet-horon,

18 ang Baalat, ang Tamar sa ilang, sa lupain ng Juda,

19 ang lahat ng lunsod na imbakan na pag-aari ni Solomon, ang mga lunsod para sa kanyang mga karwahe, ang mga lunsod para sa kanyang mga mangangabayo, ang anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng lupaing sakop niya.

20 Ang lahat ng mga taong naiwan sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, na hindi kabilang sa mga anak ng Israel;

21 ang kanilang mga anak na naiwan sa lupain pagkamatay nila na hindi nalipol ng mga anak ni Israel, ay ginawa ni Solomon na mga sapilitang alipin, hanggang sa araw na ito.

22 Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon, kundi sila'y mga lalaking mandirigma, mga lingkod, mga pinuno, mga punong-kawal, at mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.

23 Ito ang mga punong kapatas na nangasiwa sa gawain ni Solomon, limang daan at limampu na namumuno sa mga manggagawa.

24 Ngunit ang anak na babae ni Faraon ay umahon mula sa lunsod ni David patungo sa kanyang bahay na itinayo ni Solomon para sa kanya, pagkatapos ay itinayo niya ang Milo.

25 Tatlong(F) ulit sa isang taon naghahandog si Solomon ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan sa ibabaw ng dambana na kanyang itinayo para sa Panginoon, at nagsusunog ng insenso sa harap ng Panginoon. Sa gayon ay natapos niya ang bahay.

Hukbong-Dagat ni Solomon

26 Nagpagawa si Haring Solomon ng mga barko sa Ezion-geber na malapit sa Elot, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom.

27 Nagpadala si Hiram ng mga sasakyan ng kanyang mga tauhan, na mga mandaragat na bihasa sa karagatan, kasama ng mga tauhan ni Solomon.

28 At sila'y pumaroon sa Ofir at kumuha mula roon ng ginto, na apatnaraan at dalawampung talento, at dinala ang mga iyon kay Haring Solomon.

2 Cronica 8

Ang mga Nagawa ni Solomon(A)

Sa pagtatapos ng dalawampung taon, na sa panahong iyon ay naitayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon at ang kanyang sariling bahay,

muling itinayo ni Solomon ang mga lunsod na ibinigay ni Huram sa kanya, at pinatira roon ang mga anak ni Israel.

Si Solomon ay pumaroon laban sa Hamatsoba, at sinakop ito.

Kanyang itinayo ang Tadmor sa ilang at ang lahat ng bayang imbakan na kanyang itinayo sa Hamat.

Itinayo rin niya ang Itaas na Bet-horon at ang Ibabang Bet-horon, mga may pader na lunsod, may mga pintuan, at mga halang,

at ang Baalat at ang lahat ng bayang imbakan na pag-aari ni Solomon, at lahat ng bayan para sa kanyang mga karwahe, at ang mga bayan para sa kanyang mga mangangabayo, at anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa buong lupain na kanyang nasasakupan.

Lahat ng mga taong natira sa mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at mga Jebuseo, na hindi kabilang sa Israel;

mula sa kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain, na hindi pinuksa ng mga anak ni Israel—ang mga ito ay sapilitang pinagawa ni Solomon, hanggang sa araw na ito.

Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon sa kanyang gawain; sila'y mga kawal, kanyang mga pinuno, mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at kanyang mga mangangabayo.

10 Ito ang mga pangunahing pinuno ni Haring Solomon, dalawandaan at limampu, na may kapamahalaan sa taong-bayan.

11 Dinala ni Solomon ang anak na babae ni Faraon mula sa lunsod ni David sa bahay na kanyang itinayo para sa kanya, sapagkat kanyang sinabi, “Ang aking asawa ay hindi maninirahan sa bahay ni David na hari ng Israel, sapagkat ang mga lugar na kinalagyan ng kaban ng Panginoon ay banal.”

12 At nag-alay si Solomon sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa dambana ng Panginoon na kanyang itinayo sa harapan ng portiko,

13 ayon(B) sa kinakailangan sa bawat araw, siya'y naghahandog ayon sa utos ni Moises, sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa tatlong taunang kapistahan, ang kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa, ang kapistahan ng mga sanlinggo, at ang kapistahan ng mga tolda.

14 Ayon sa utos ni David na kanyang ama, kanyang hinirang ang mga pangkat ng mga pari para sa kanilang paglilingkod, at ang mga Levita sa kanilang mga katungkulan ng pagpupuri, at paglilingkod sa harapan ng mga pari, ayon sa kailangan sa bawat araw, at ang mga bantay-pinto sa kanilang mga pangkat para sa iba't ibang pintuan; sapagkat gayon ang iniutos ni David na tao ng Diyos.

15 Sila'y hindi lumihis sa iniutos ng hari sa mga pari at mga Levita tungkol sa anumang bagay at tungkol sa mga kabang-yaman.

16 Gayon naisagawa ang lahat ng gawain ni Solomon mula sa araw na ang saligan ng bahay ng Panginoon ay nailagay at hanggang sa ito ay natapos. Gayon nayari ang bahay ng Panginoon.

Ang Kanyang Pangangalakal

17 Pagkatapos ay pumaroon si Solomon sa Ezion-geber at sa Eloth, sa dalampasigan ng dagat sa lupain ng Edom.

18 Nagpadala sa kanya si Huram ng mga sasakyang dagat sa pamamagitan ng kamay ng kanyang mga lingkod, at mga lingkod na bihasa sa dagat. Sila'y pumunta sa Ofir na kasama ng mga lingkod ni Solomon, at kumuha mula roon ng apatnaraan at limampung talentong ginto at dinala ito kay Haring Solomon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001