Chronological
Nabuhay Muli si Jesus(A)
24 Subalit nang unang araw ng sanlinggo sa pagbubukang-liwayway, pumunta sila sa libingan, dala ang mga pabango na kanilang inihanda.
2 At nakita nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.
3 Subalit nang sila'y pumasok ay hindi nila nakita ang bangkay.[a]
4 Habang sila'y nagtataka tungkol dito, biglang may dalawang lalaki na nakasisilaw ang mga damit ang tumayo sa tabi nila.
5 Ang mga babae ay natakot at isinubsob ang kanilang mga mukha sa lupa, subalit sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa gitna ng mga patay?
6 Wala(B) siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya'y nasa Galilea pa,
7 na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng mga makasalanan, at ipako sa krus, at muling mabuhay sa ikatlong araw.”
8 At naalala nila ang kanyang mga salita,
9 at pagbabalik mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa.
10 Ang nagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila.
11 Subalit ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan.
[12 Subalit tumayo si Pedro at tumakbo sa libingan. Siya'y yumukod at pagtingin niya sa loob ay nakita niya ang mga telang lino na nasa isang tabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na nagtataka sa nangyari.]
Ang Paglalakad Patungong Emaus(C)
13 Nang araw ding iyon, dalawa sa kanila ang patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, na may animnapung estadia[b] ang layo sa Jerusalem,
14 at pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari.
15 Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit at naglakbay na kasama nila.
16 Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya.
17 At sinabi niya sa kanila, “Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?” At sila'y tumigil na nalulungkot.
18 Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, “Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?”
19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” At sinabi nila sa kanya, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan,
20 at kung paanong siya ay ibinigay ng mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan, at siya'y ipinako sa krus.
21 Subalit umasa kami na siya ang tutubos sa Israel.[c] Oo, at bukod sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.
22 Bukod dito, binigla kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Sila ay maagang pumunta sa libingan,
23 at nang hindi nila matagpuan ang kanyang bangkay, sila ay bumalik. Sinabi nilang sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya'y buháy.
24 Pumaroon sa libingan ang ilang kasama namin at nakita nila ang ayon sa sinabi ng mga babae, subalit siya'y hindi nila nakita.”
25 At sinabi niya sa kanila, “O napakahangal naman ninyo at napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta!
26 Hindi ba kailangang ang Cristo ay magdusa ng mga bagay na ito at pagkatapos ay pumasok sa kanyang kaluwalhatian?”
27 At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan.
28 Nang sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa.
29 Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, “Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw.” At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.
30 Habang siya'y nakaupong kasalo nila sa hapag, kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan. Ito'y kanyang pinagputul-putol at ibinigay sa kanila.
31 Nabuksan ang kanilang mga mata, siya'y nakilala nila, at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.
32 Sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin,[d] habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?”
33 Sa oras ding iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem at naratnang nagkakatipon ang labing-isa at ang kanilang mga kasama.
34 Sinasabi nila, “Talagang bumangon ang Panginoon at nagpakita kay Simon!”
35 At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(D)
36 Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus[e] ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.”[f]
37 Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.
38 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso?
39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”
[40 Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.]
41 Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?”
42 At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda.
43 Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila.
44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.”
45 At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan.
46 Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw;
47 at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem.
48 Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.
49 At(E) tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.”
Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus(F)
50 Kanyang(G) inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan.
51 At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit].
52 Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan.
53 At sila'y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos.[g]
Libingang Walang Laman(A)
20 Nang unang araw ng sanlinggo ay maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakitang ang bato ay naalis na sa libingan.
2 Kaya't tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”
3 Kaya't umalis si Pedro kasama ang isa pang alagad at pumunta sila sa libingan.
4 Silang dalawa'y tumakbong magkasama, subalit ang isang alagad ay mas matuling tumakbo kaysa kay Pedro, at naunang dumating sa libingan.
5 At siya'y yumuko upang tingnan ang loob, at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino. Subalit hindi siya pumasok sa loob.
6 Dumating naman si Simon Pedro na sumusunod sa kanya, pumasok siya sa libingan at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino,
7 at ang damit na inilagay sa kanyang ulo ay hindi kasamang nakalatag ng mga telang lino, kundi bukod na nakatiklop sa isang tabi.
8 Pumasok din ang alagad na unang dumating sa libingan at kanyang nakita at siya'y naniwala.
9 Sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang kasulatan na kailangang siya'y bumangon mula sa mga patay.
10 At ang mga alagad ay bumalik na sa kani-kanilang mga tahanan.
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(B)
11 Ngunit si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak, siya'y yumuko at tumingin sa loob ng libingan.
12 At nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi, na nakaupo sa hinigaan ng katawan ni Jesus, ang isa'y sa ulunan, at ang isa'y sa paanan.
13 Sinabi nila sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila, “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.”
14 Pagkasabi nito, siya'y lumingon at nakitang nakatayo si Jesus. Subalit hindi niya alam na iyon ay si Jesus.
15 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Sa kanyang pag-aakalang iyon ay ang hardinero, ay sinabi niya sa kanya, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at siya'y aking kukunin.”
16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria.” Humarap siya, at sinabi sa kanya sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay Guro).
17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa Ama. Ngunit pumunta ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’”
18 Pumunta si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon;” at sinabi niya sa kanila na sinabi niya ang mga bagay na ito sa kanya.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(C)
19 Nang magdadapit-hapon na ng araw na iyon, na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”
20 At nang masabi niya ito ay kanyang ipinakita sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya't ang mga alagad ay nagalak nang makita nila ang Panginoon.
21 Muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Kapayapaan ang sumainyo. Kung paanong sinugo ako ng Ama ay sinusugo ko rin naman kayo.”
22 At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.
23 Kung(D) inyong patawarin ang mga kasalanan ng sinuman, ang mga iyon ay ipinatatawad sa kanila. Sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, iyon ay hindi ipinatatawad.”
Si Jesus at si Tomas
24 Ngunit si Tomas, isa sa labindalawa na tinatawag na Kambal[a] ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus.
25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking daliri sa binutas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kanyang tagiliran ay hindi ako maniniwala.”
26 Pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kanyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, subalit pumasok si Jesus, at tumayo sa gitna, at sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”
27 At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo rito ang iyong daliri at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilapit mo rito ang iyong kamay at ilagay mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan kundi sumampalataya.”
28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kanya, “Panginoon ko at Diyos ko!”
29 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sapagkat ako'y nakita mo ay sumampalataya ka. Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma'y sumasampalataya.”
Layunin ng Aklat na Ito
30 Gumawa si Jesus ng marami pang ibang mga tanda sa harapan ng kanyang mga alagad, na hindi naisulat sa aklat na ito.
31 Ngunit ang mga ito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos; at sa pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan.
Nagpakita si Jesus sa Pitong Alagad
21 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias, at siya'y nagpakita sa ganitong paraan.
2 Magkakasama noon sina Simon Pedro, si Tomas na tinatawag na Kambal, at si Nathanael na taga-Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad.
3 Sinabi(E) sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” Sinabi nila sa kanya, “Kami ay sasama rin sa iyo.” Sila'y umalis at sumakay sa bangka. Nang gabing iyon ay wala silang nahuli.
4 Ngunit nang mag-uumaga na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Subalit hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.
5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, mayroon ba kayong nahuling isda?” Sumagot sila sa kanya, “Wala.”
6 At(F) sinabi niya sa kanila, “Ihulog ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong makikita.” Inihulog nga nila, at hindi na nila ito mahila dahil sa dami ng mga isda.
7 Kaya't ang alagad na minamahal ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, “Ang Panginoon iyon.” Kaya't nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kanyang tunika (sapagkat siya'y walang damit), at tumalon sa dagat.
8 Subalit ang ibang alagad ay lumapit sa bangka na hila ang lambat na punô ng isda, sapagkat sila'y hindi malayo sa lupa, kundi halos siyamnapung metro[b] ang layo.
9 Nang sila'y makadaong sa lupa, nakakita sila roon ng mga nagbabagang uling, at may isdang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.
10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Dalhin ninyo rito ang ilang isdang nahuli ninyo ngayon.”
11 Kaya't si Simon Pedro ay sumampa sa bangka, at hinila ang lambat sa lupa na punô ng malalaking isda, na isandaan at limampu't tatlo, at kahit gayon karami ay hindi nasira ang lambat.
12 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at mag-almusal.” Sinuman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, “Sino ka?” yamang alam nila na iyon ay ang Panginoon.
13 Lumapit si Jesus, dinampot ang tinapay, at ibinigay sa kanila pati ang isda.
14 Ito nga ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y bumangon mula sa mga patay.
Inatasan si Pedro
15 Pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi ni Jesus[c] sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga kordero.”
16 Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi niya sa kanya, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi niya sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”
17 Sinabi niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong ulit nang sinabi sa kanya, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.
18 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nang ikaw ay bata pa, binibigkisan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.”
19 Ito'y sinabi niya upang ipahiwatig kung sa anong kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
Si Jesus at ang Ibang Alagad
20 Pagtalikod(G) ni Pedro, nakita niya ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod. Siya rin iyong nakahilig na malapit kay Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?”
21 Nang makita siya ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, at paano naman ang taong ito?”
22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo? Sumunod ka sa akin.”
23 Kaya't kumalat ang sabi-sabi sa mga kapatid na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Subalit hindi sinabi ni Jesus sa kanya na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo?”
24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at ang sumulat ng mga ito; at nalalaman namin na ang kanyang patotoo ay tunay.
Pagtatapos
25 Subalit marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, sa palagay ko, kahit sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga aklat na isusulat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001