Chronological
Binasbasan ni Jesus ang mga Sanggol(A)
15 Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila.
16 Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.”
Ang Mayamang Lalaki(B)
18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
20 Nalalaman(C) mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
21 At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”
22 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.
23 Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman.
24 Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos!
25 Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 At sinabi ng mga nakarinig nito, “Sino kaya ang maliligtas?”
27 Subalit sinabi niya, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”
28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo.”
29 At sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,
30 na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan.”
Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)
31 Isinama niya ang labindalawa at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, umaahon tayo tungo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad.
32 Sapagkat siya'y ibibigay sa mga Hentil at siya'y lilibakin, hahamakin, at luluraan,
33 kanilang hahagupitin siya at papatayin at sa ikatlong araw siya ay muling mabubuhay.”
34 Ngunit wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang salitang ito ay naikubli sa kanila, at hindi nila naunawaan ang sinabi.
Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(E)
35 Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.
36 At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito.
37 Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.
38 At siya'y sumigaw, “Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin.”
39 Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”
40 At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao[a] sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong,
41 “Anong ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ako sana'y muling makakita.”
42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
43 At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos.
Si Jesus at si Zaqueo
19 Siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico,
2 at doon ay may isang lalaki na ang pangalan ay Zaqueo. Siya'y isang punong maniningil ng buwis at mayaman.
3 Nagsikap siyang makita kung sino si Jesus, subalit hindi magawa dahil sa karamihan ng mga tao, sapagkat siya'y pandak.
4 Kaya't tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita siya, sapagkat siya'y daraan sa daang iyon.
5 At nang dumating si Jesus[b] sa lugar na iyon, siya'y tumingala, at sinabi sa kanya, “Zaqueo, dali ka at bumaba ka; sapagkat kailangang ako'y tumuloy sa bahay mo ngayon.”
6 Kaya't siya'y nagmadali, bumaba, at natutuwa siyang tinanggap.
7 Nang kanilang makita ito ay nagbulungan silang lahat, na nagsasabi, “Siya'y pumasok upang maging panauhin ng isang taong makasalanan.”
8 Si Zaqueo ay tumindig at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha at kung sa pamamagitan ng pandaraya ay may kinuha ako sa kanino mang tao, babayaran ko siya ng apat na ulit.”
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating sa bahay na ito ngayon ang kaligtasan, sapagkat siya man ay anak din ni Abraham.
10 Sapagkat(F) ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala.”
Ang Talinghaga ng Sampung Mina[c](G)
11 Samantalang(H) pinapakinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya at nagsalaysay ng isang talinghaga, sapagkat siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagkat kanilang inakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag na kaagad.
12 Sinabi nga niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian at pagkatapos ay bumalik.
13 Tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.’
14 Subalit kinapootan siya ng kanyang mga mamamayan at nagsugo sila sa kanya ng kinatawan na nagsasabi, ‘Ayaw namin na ang taong ito'y maghari sa amin.’
15 Nang siya'y bumalik, pagkatapos matanggap ang kaharian, sinabi niyang tawagin ang mga aliping binigyan niya ng salapi, upang malaman niya kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.
16 Dumating ang una, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng sampung mina pa.’
17 At sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin. Sapagkat naging tapat ka sa kakaunti, mamahala ka sa sampung lunsod.’
18 Dumating ang ikalawa, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng limang mina.’
19 Sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay mamamahala sa limang lunsod.’
20 Dumating ang isa pa, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina na aking itinago sa isang panyo;
21 ako'y natakot sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mahigpit, kinukuha mo ang hindi mo itinabi, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’
22 Sinabi niya sa kanya, ‘Hinahatulan kita mula sa sarili mong bibig, ikaw na masamang alipin. Alam mo na ako'y taong mahigpit, na kumukuha ng hindi ko itinabi, at gumagapas ng hindi ko inihasik.
23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang aking salapi sa bangko at nang sa aking pagbalik ay makuha ko iyon pati ng tinubo?’
24 At sinabi niya sa mga nakatayo, ‘Kunin ninyo sa kanya ang mina, at ibigay ninyo sa may sampung mina.’
25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, siya'y mayroong sampung mina.’
26 ‘Sinasabi(I) ko sa inyo na sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay; subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
27 Ngunit itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito at patayin sila sa harapan ko.’”
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(J)
28 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya na umakyat tungo sa Jerusalem.
29 Nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olibo, ay sinugo niya ang dalawa sa mga alagad,
30 na sinasabi, “Pumunta kayo sa katapat na nayon at sa pagpasok ninyo roon, ay makikita ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin ninyo rito.
31 At kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan? Ganito ang inyong sasabihin, ‘Kailangan siya ng Panginoon.’”
32 Ang mga sinugo ay pumunta at natagpuan ang ayon sa sinabi niya sa kanila.
33 Nang kinakalagan nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga may-ari nito, ‘Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?’
34 At sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.”
35 Dinala nila ito kay Jesus at ipinatong nila ang kanilang mga damit sa batang asno at isinakay nila si Jesus doon.
36 At samantalang siya'y nakasakay, inilalatag ng mga tao[d] ang kanilang mga damit sa daan.
37 Nang malapit na siya sa libis ng bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagpasimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na kanilang nakita,
38 na(K) sinasabi,
“Mapalad ang Hari
na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit,
at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”
39 Ilan sa mga Fariseo na mula sa maraming tao ay nagsabi sa kanya, “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.”
40 At sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo na kung tatahimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.”
Iniyakan ni Jesus ang Jerusalem
41 Nang malapit na siya at nakita ang lunsod, ito'y kanyang iniyakan,
42 na sinasabi, “Kung sa araw na ito ay alam mo sana ang mga bagay na tungo sa kapayapaan! Subalit ngayo'y nakakubli ito sa iyong mga mata.
43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na ang mga kaaway mo ay magtatayo ng muog sa palibot mo at papaligiran ka, at gigipitin ka sa bawat panig.
44 At ibabagsak ka sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Sa iyo'y hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo.”
Nilinis ni Jesus ang Templo(L)
45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nagtitinda,
46 na(M) sinasabi sa kanila, “Nasusulat,
‘Ang aking bahay ay magiging bahay-dalanginan,’
subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
47 Nagturo(N) siya araw-araw sa templo. Ngunit pinagsisikapan ng mga punong pari, ng mga eskriba, at ng mga pinuno ng bayan na siya'y patayin.
48 Ngunit wala silang nakitang magagawa nila, sapagkat nakatuon ang pansin ng buong bayan sa kanyang mga salita.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001