Chronological
Muling Nabuhay si Jesus(A)
28 Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng sanlinggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumaroon upang tingnan ang libingan.
2 At biglang nagkaroon ng malakas na lindol, sapagkat bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, na naparoon at iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito.
3 Ang kanyang anyo ay tulad sa kidlat at ang kanyang pananamit ay maputing parang busilak.
4 At sa takot sa kanya, nanginig ang mga bantay, at naging tulad sa mga patay.
5 Ngunit sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, “Huwag kayong matakot, sapagkat nalalaman kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus.
6 Wala siya rito, sapagkat siya'y binuhay, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang dakong hinigaan niya.[a]
7 Pagkatapos ay magmadali kayong umalis at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y binuhay mula sa mga patay. Siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang nasabi ko na sa inyo.”
8 Sila nga'y dali-daling umalis sa libingan na may takot at malaking kagalakan, at tumakbo sila upang magbalita sa kanyang mga alagad.
9 At doo'y sinalubong sila ni Jesus, na nagsasabi, “Kapayapaan ay sumainyo.” At paglapit nila sa kanya ay niyakap ang kanyang mga paa at siya'y sinamba.
10 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon ay makikita nila ako.”
Ang Ulat ng mga Bantay
11 Habang patungo sila roon, ang ilan sa mga bantay ay pumunta sa lunsod at ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga bagay na nangyari.
12 Pagkatapos makipagpulong sa matatanda, nagpanukala sila na magbigay ng sapat na salapi sa mga kawal,
13 na sinasabi, “Sabihin ninyo, ‘Ang kanyang mga alagad ay dumating nang gabi at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y natutulog.’
14 Kung mabalitaan ito ng gobernador, hihikayatin namin siya, at ilalayo namin kayo sa gulo.”
15 At ginawa nga ng mga tumanggap ng salapi ang ayon sa itinuro sa kanila. Ang salitang ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.
Sinugo ni Jesus ang mga Alagad(B)
16 Samantala,(C) ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus.
17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya. Subalit ang ilan ay nag-alinlangan.
18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin.
19 Kaya't(D) sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo,
20 at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.”[b][c]
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
16 Nang makaraan ang Sabbath, sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng mga pabango upang sila'y pumunta roon at siya'y pahiran.
2 Pagka-umaga nang unang araw ng linggo, pagkasikat ng araw, pumunta sila sa libingan.
3 Kanilang sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ang magpapagulong ng bato para sa atin mula sa pasukan ng libingan?”
4 Sa pagtanaw nila ay nakita nilang naigulong na ang bato na lubhang napakalaki.
5 At pagpasok nila sa libingan, kanilang nakita ang isang binata na nakabihis ng isang damit na maputi, nakaupo sa gawing kanan at sila'y nagtaka.
6 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magtaka; hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Siya'y muling binuhay. Wala siya rito. Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kanya!
7 Subalit(B) humayo kayo, sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro na siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.”
8 At sila'y nagsilabas at nagsitakas mula sa libingan, sapagkat sila'y sinidlan ng sindak at pagkamangha, at wala silang sinabi kaninuman sapagkat sila'y natakot.
ANG MAIKLING PAGTATAPOS NI MARCOS
[At ang lahat ng mga iniutos sa kanila ay sinabi ng maiksi sa mga nasa palibot ni Pedro. At pagkatapos si Jesus mismo ay nagsugo sa pamamagitan nila, mula sa silangan hanggang kanluran, ang banal at walang hanggang proklamasyon ng walang katapusang kaligtasan.]
ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)
9 [Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng linggo ay una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas niya.
10 Siya'y lumabas at ibinalita sa mga naging kasama ni Jesus, samantalang sila'y nagluluksa at tumatangis.
11 Ngunit nang kanilang mabalitaan na siya'y buháy at nakita ni Magdalena ay ayaw nilang maniwala.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)
12 Pagkatapos ng mga ito ay nagpakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila noong sila'y naglalakad patungo sa bukid.
13 At sila'y bumalik at ipinagbigay-alam ito sa mga iba ngunit hindi rin sila naniwala.
Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(E)
14 At pagkatapos siya'y nagpakita sa labing-isa samantalang sila'y nakaupo sa hapag-kainan; sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.
15 At(F) sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo[a] sa lahat ng nilikha.
16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
17 At ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga nananampalataya: sa paggamit ng aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga demonyo, magsasalita sila ng mga bagong wika;
18 sila'y hahawak ng mga ahas, at kung makainom sila ng bagay na nakamamatay, hindi ito makakasama sa kanila, ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila'y gagaling.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(G)
19 Kaya't(H) ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na siya'y magsalita sa kanila ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos.
20 At humayo sila at nangaral sa lahat ng dako, habang gumagawang kasama nila ang Panginoon at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][b]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001