Chronological
Ang Pagtutuli
5 Nabalitaan ng lahat ng hari na Amoreo sa kanluran ng Jordan at ng lahat ng haring Cananeo sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo kung paanong pinatuyo ng Panginoon ang Ilog ng Jordan nang tumawid ang mga Israelita. Kaya natakot sila at naduwag sa pakikipaglaban sa mga Israelita.
2 Nang panahong iyon, sinabi ng Panginoon kay Josue, “Gumawa ka ng mga patalim na gawa sa bato, at tuliin ang mga Israelita.” (Ito ang ikalawang pagkakataon na tutuliin ang mga Israelitang hindi pa tuli.) 3 Kaya gumawa si Josue ng mga patalim, at tinuli ang mga lalaking Israelita roon sa lugar na tinawag na Bundok ng Pinagtulian.
4-6 Ito ang dahilan kung bakit tinuli ni Josue ang mga lalaki: Nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, ang lahat ng lalaki ay natuli na. Pero ang mga isinilang sa loob ng 40 taon na paglalakbay nila sa ilang ay hindi pa natutuli. Nang panahong iyon, ang mga lalaking nasa tamang edad na para makipaglaban ay nangamatay dahil hindi sila sumunod sa Panginoon. Sinabi sa kanila ng Panginoon na hindi nila makikita ang maganda at masaganang lupain[a] na ipinangako niya sa mga ninuno nila. 7 Ang mga anak nilang lalaki na pumalit sa kanila ang tinuli ni Josue, dahil hindi pa sila tuli nang panahong naglalakbay sila. 8 Matapos silang matuli, nanatili sila sa mga kampo nila hanggang sa gumaling ang mga sugat nila.
9 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, inalis ko sa inyo ang kahihiyan ng pagiging alipin nʼyo sa Egipto.” Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[b] hanggang ngayon.
10 Noong gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan, habang nagkakampo pa ang mga Israelita sa Gilgal, sa Kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 11 Kinaumagahan, kumain sila ng mga produkto ng lupaing iyon: binusang trigo at tinapay na walang pampaalsa. 12 Mula nang araw na iyon, tumigil na ang pagbagsak ng “manna”, at wala ng “manna” ang mga Israelita. Ang pagkain nila ay galing na sa inani sa lupain ng Canaan.
13 Nang malapit na si Josue sa Jerico, bigla niyang nakita ang isang lalaking nakatayo sa harap niya na may hawak na espada. Tinanong siya ni Josue, “Kakampi ka ba namin o kalaban?” 14 “Hindi,” sagot ng lalaki. “Naparito ako bilang pinuno ng mga sundalo ng Panginoon.” Nagpatirapa si Josue bilang paggalang sa kanya at nagtanong, “Ginoo, ano po ang gusto nʼyong ipagawa sa akin na inyong lingkod?” 15 Sumagot ang kumander ng mga sundalo ng Panginoon, “Hubarin mo ang sandalyas mo, dahil banal na lugar ang kinatatayuan mo.” At sinunod ni Josue ang iniutos sa kanya.
Ang Pagbagsak ng Jerico
6 Samantala, isinarang mabuti ng mga nakatira roon ang Jerico dahil sa mga Israelita. Walang makapasok o kayaʼy makalabas na mga tao sa lungsod. 2 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ipapasakop ko sa inyo ang Jerico pati ang hari at mga sundalo nito. 3 Ikaw at ang mga sundalo mo ay iikot sa lungsod ng isang beses sa bawat araw, sa loob ng anim na araw. 4 Pauunahin mo sa Kahon ng Kasunduan ang pitong pari na ang bawat isa sa kanila ay may dalang trumpeta. Sa ikapitong araw, iikutan nʼyo ang lungsod ng pitong beses, kasama ng mga paring nagpapatunog ng mga trumpeta nila. 5 Kapag narinig nʼyo na ang mahabang tunog ng trumpeta nila, sisigaw kayong lahat nang malakas. Pagkatapos, guguho ang pader ng lungsod at makakapasok kayong lahat nang walang hadlang.”
6 Kaya tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa mga ito, “Dalhin nʼyo ang Kahon ng Kasunduan. Mauuna ang pito sa inyo na may dalang trumpeta ang bawat isa.” 7 At sinabi rin niya sa mga tao, “Lumakad na kayo! Paikutan nʼyo ang lungsod. Ang ibang mga sundalo ay mauuna sa pitong pari na may dalang trumpeta.”
8 Ayon sa sinabi ni Josue, nauna ang pitong pari sa Kahon ng Kasunduan at pinatunog nila ang mga trumpeta nila. 9 Ang ibang mga sundalo ay nauuna sa mga pari, at may iba pang sumusunod sa Kahon ng Kasunduan. Walang hinto ang pagtunog ng mga trumpeta. 10 Pero sinabi ni Josue sa mga tao na huwag sumigaw o kayaʼy mag-ingay hanggaʼt hindi pa niya inuutos na sumigaw. 11 Ayon sa iniutos ni Josue, inikot nila sa lungsod ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng isang beses. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila at doon natulog kinagabihan.
12 Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue. Muling dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan, 13 at ang pito sa kanila ay nauna pa rin sa Kahon ng Kasunduan na nagpapatunog ng kanilang mga trumpeta. At ganoon din ang ginawa ng mga sundalo – ang iba sa kanila ay nasa unahan ng Kahon ng Kasunduan at ang ibaʼy nasa hulihan, habang patuloy na pinapatunog ang mga trumpeta. 14 Nang ikalawang araw, inikot nila ulit ang lungsod ng isang beses, at pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila. Ganoon ang ginawa nila sa loob ng anim na araw.
15 Nang ikapitong araw, madaling-araw pa lang ay bumangon na sila at inikutan ang lungsod ng pitong beses, sa ganoon ding paraan. Iyon lang ang araw na umikot sila sa lungsod ng pitong beses. 16 Sa ikapitong beses nilang pag-ikot, pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at inutusan ni Josue ang mga tao na sumigaw. At sinabi ni Josue, “Ibinigay na sa atin ng Panginoon ang lungsod na ito! 17 Ang buong lungsod at ang lahat ng makukuha rito ay wawasakin nang lubusan bilang handog na buo sa Panginoon. Si Rahab lang na babaeng bayaran at ang buo niyang sambahayan niya ang ililigtas dahil itinago niya ang mga espiya natin. 18 At huwag kayong kukuha ng kahit anumang bagay na inihandog na nang buo sa Panginoon. Kapag kumuha kayo ng kahit ano, malilipol kayo at kayo ang magiging dahilan ng pagkawasak na darating sa Israel. 19 Ang lahat ng bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso, o kayaʼy bakal ay ihihiwalay para sa Panginoon, at dapat itong ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon.” 20 Pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at nagsigawan ang mga Israelita nang marinig nila ito. Nawasak ang mga pader ng lungsod at lumusob sila. Nakapasok sila ng walang hadlang at nasakop nila ang lungsod. 21 Inihandog nila nang buo sa Panginoon ang lungsod sa pamamagitan ng pagpatay sa mga lalakiʼt babae, matanda at bata, at pati mga baka, tupa at mga asno. 22 Inutusan ni Josue ang dalawang espiya, “Puntahan nʼyo ang bahay ng babaeng bayaran, at palabasin nʼyo sila at ang buong pamilya niya ayon sa ipinangako nʼyo sa kanya.” 23 Kaya umalis silang dalawa at dinala nila palabas si Rahab, kasama ang mga magulang niya, mga kapatid at ang buo niyang sambahayan. Pinalabas nila ang mga ito at nanatili sa labas ng kampo ng Israel. 24 Sinunog nila ang buong lungsod at ang lahat ng nandoon maliban sa mga bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso at bakal. Pinagkukuha nila ito para ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon. 25 Iniligtas nga ni Josue si Rahab at ang sambahayan niya dahil itinago niya ang mga lalaking inutusan ni Josue para mag-espiya sa Jerico. Hanggang ngayon, ang mga angkan niya ay naninirahan sa Israel.
26 Nang panahong iyon, binalaan ni Josue ang mga Israelita, “Isusumpa ng Panginoon ang sinumang maghahangad na itayo ulit ang lungsod ng Jerico. Mamamatay ang panganay na anak ng sinumang magtatayo ng pundasyon o ang sinumang gagawa ng mga pintuan nito.”
27 Kasama ni Josue ang Panginoon, at naging tanyag siya sa buong lupain.
Ang Kasalanan ni Acan
7 Pero nilabag ng mga Israelita ang utos ng Panginoon na huwag kumuha ng kahit anumang handog na nakalaan nang buo para sa Panginoon. Kumuha si Acan ng mga bagay na hindi dapat kunin, kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila. Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. Si Zabdi ay anak ni Zera. Nagmula sila sa lahi ni Juda.
2 Mula sa Jerico, may inutusan si Josue na mga tao para mag-espiya sa Ai, isang lungsod sa silangan ng Betel, na malapit sa Bet Aven. Kaya umalis ang mga tao para mag-espiya. 3 Pagbalik nila, sinabi nila kay Josue, “Hindi kailangang lumusob tayong lahat sa Ai, dahil kaunti lang naman ang mga naninirahan doon. Magpadala ka lang ng 2,000 o kayaʼy 3,000 tao para lumusob doon.” 4 Kaya 3,000 Israelita ang lumusob sa Ai, pero napaatras sila ng mga taga-Ai. 5 Hinabol sila mula sa pintuan ng lungsod hanggang sa Shebarim[c], at 36 ang napatay sa kanila habang bumababa sila sa kabundukan. Kaya naduwag at natakot ang mga Israelita. 6 Dahil sa lungkot, pinunit ni Josue at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga damit nila, at nilagyan ng alikabok ang mga ulo nila, at nagpatirapa sila sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon hanggang sa gumabi. 7 Sinabi ni Josue, “O Panginoong Dios, bakit nʼyo pa po kami pinatawid sa Ilog ng Jordan kung ipapatalo nʼyo rin lang naman kami sa mga Amoreo? Mabuti pang nanatili na lang kami sa kabila ng Jordan. 8 Panginoon, ano po ang sasabihin ko, ngayong umurong na ang mga Israelita sa mga kalaban nila? 9 Mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng iba pang taga-rito. Paiikutan nila kami at papatayin. Ano po ang gagawin nʼyo alang-alang sa dakila nʼyong pangalan?”
10 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tumayo ka! Bakit ka ba nakadapa? 11 Nagkasala ang Israel; nilabag nila ang kasunduan ko. Kumuha sila ng mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin. Ninakaw nila ito, nagsinungaling sila tungkol dito, at isinama nila ito sa mga ari-arian nila. 12 Ito ang dahilan kung bakit hindi sila makalaban sa mga kaaway nila. Natakot sila at tumakas dahil sila mismo ay lilipulin din bilang handog sa akin. Hindi ko na kayo sasamahan kung hindi ninyo wawasakin ang mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin.
13 “Tumayo ka at sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili[d] para bukas, dahil ako, ang Panginoon na Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘O Israel, may tinatago kayong mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin. Hindi kayo makakalaban sa mga kaaway nʼyo hanggaʼt nasa inyo ang mga bagay na ito. 14 Kaya bukas ng umaga, humarap kayo sa akin ayon sa inyong lahi. Ang lahing ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa angkan nila. Ang angkan na ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa pamilya nila. At ang pamilyang ituturo kong nagkasala ay humanay bawat isa. 15 Ang taong ituturo ko na nagtago ng mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin ay susunugin kasama ng pamilya niya at ng lahat ari-arian niya. Dahil nilabag niya ang kasunduan ko at gumawa siya ng kahiya-hiyang bagay sa Israel.’ ”
16 Kinabukasan, maagang pinalapit ni Josue ang mga Israelita ayon sa lahi nila. At napili ang angkan ni Juda. 17 Pinalapit ang lahi ni Juda, at napili ang angkan ni Zera. Pinalapit ang angkan ni Zera at napili ang pamilya ni Zabdi.[e] 18 Pinalapit ang pamilya ni Zabdi at napili si Acan. (Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. At si Zabdi ay anak ni Zera na mula sa angkan ni Juda.)
19 Sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, parangalan mo ang Panginoon, ang Dios ng Israel; magsabi ka ng totoo sa harapan niya. Ano ang ginawa mo? Huwag mo itong ilihim sa akin.”
20 Sumagot si Acan, “Totoong nagkasala ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito po ang ginawa ko: 21 Sa mga bagay na nasamsam natin, may nakita akong isang magandang damit na mula sa Babilonia, pilak na mga dalawang kiloʼt kalahati at isang baretang ginto na may bigat na kalahating kilo. Naakit ako sa mga ito, kaya kinuha ko. Ibinaon ko ito sa lupa sa loob ng tolda ko. Ang pilak ang nasa pinakailalim.”
22 Kaya nagsugo si Josue ng mga tao, at patakbong pumunta ang mga ito sa tolda ni Acan. At nakita nga nila roon ang mga bagay na ibinaon, ang pilak ay nandoon nga sa ilalim nito. 23 Dinala nila ito kay Josue at sa lahat ng mga Israelita, at inilapag sa presensya ng Panginoon.
24 At dinala ni Josue at ng lahat ng mga Israelita si Acan sa Lambak ng Acor,[f] pati ang pilak, damit, isang baretang ginto, ang mga anak niya, mga baka, mga asno, mga tupa, tolda at ang lahat ng ari-arian niya. 25 Sinabi ni Josue kay Acan, “Bakit mo kami ipinahamak? Ngayon, ipapahamak ka rin ng Panginoon.”
Binato ng mga Israelita si Acan hanggang sa mamatay. Binato rin nila ang pamilya niya at sinunog ang lahat ng bangkay at ang kanyang mga ari-arian. 26 Pagkatapos, tinabunan nila si Acan ng mga bato. Nandoon pa ang mga bato hanggang ngayon. At ang lugar na iyon ay tinatawag na Lambak ng Acor hanggang ngayon.
At napawi ang galit ng Panginoon.
Ang Pagsakop sa Ai
8 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot o kayaʼy manghina. Isama mo ang lahat ng iyong sundalo at lusubin ulit ninyo ang Ai, dahil ibinigay ko na sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga mamamayan, ang kanyang bayan at ang kanyang lupain. 2 Kung ano ang ginawa ninyo sa Jerico at sa hari nito, ganoon din ang gawin ninyo sa Ai. Pero sa pagkakataong ito, maaari na ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at mga hayop para sa inyong sarili. Maghanda kayo at tambangan ninyo sila sa likod ng lungsod.”
3 Kaya umalis sila Josue at ang lahat ng sundalo niya para lusubin ang Ai. Pumili si Josue ng 30,000 sundalo na mahuhusay makipaglaban at pinaalis nang gabi. 4 Ito ang bilin ni Josue sa kanila, “Magtago kayo sa likod ng lungsod, pero huwag masyadong malayo. Humanda kayo sa paglusob kahit anong oras. 5 Ako at ang mga kasama ko ay lulusob sa harapan. Kung lalabas na sila sa pakikipaglaban sa amin, tatakas kami, gaya ng nangyari noon. 6 Iisipin nilang natatakot kami kagaya noon, kaya hahabulin nila kami hanggang sa makalayo sila sa lungsod. 7 Pagkatapos, lumabas kayo sa pinagtataguan nʼyo at sakupin ang lungsod. Ibibigay ito sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 8 Kapag nasakop nʼyo na ang lungsod, sunugin nʼyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon. Tiyakin nʼyong gagawin ito ayon sa iniutos.” 9 Pinaalis sila ni Josue, at nagtago sila sa bandang kanluran ng Ai, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. At sina Josue naman ay nagpaiwan sa kampo nang gabing iyon.
10 Kinaumagahan, maagang tinipon ni Josue ang mga tauhan niya. Pinangunahan niya at ng mga pinuno ng Israel ang mga tao sa pagpunta nila sa Ai. 11 Nakarating sila sa lugar na nakaharap sa lungsod, sa bandang hilaga nito, at doon sila nagtayo ng mga tolda. May lambak na nakapagitan sa kanila at sa Ai. 12 Nagpadala si Josue ng 5,000 sundalo para tambangan ang lungsod sa bandang kanluran nito, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. 13 Kaya pumwesto na ang mga sundalo. Ang ibang mga sundalo ay nasa bandang hilaga ng lungsod, at ang iba naman ay naroon sa bandang kanluran nito.
Nang gabing iyon pumunta sina Josue sa lambak. 14 Nang makita ng hari ng Ai sina Josue, maaga paʼy agad-agad na siyang lumabas sa lungsod kasama ang mga tauhan niya, at pumunta sa lugar na nakaharap sa Lambak ng Jordan[g] para makipaglaban sa Israel. Hindi nila alam na may lulusob sa kanila galing sa likod ng lungsod. 15 Sina Josue at ang mga tauhan niya ay nagkunwaring natalo sila, at tumakas papuntang ilang. 16 Kaya hinabol silang lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa unti-unti silang lumalayo sa lungsod. 17 Lahat ng kalalakihan sa Ai at sa Betel ay hinabol ang mga Israelita, kaya walang naiwan para ipagtanggol ang lungsod.
18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ituro mo ang sibat mo sa Ai dahil ibibigay ko ito sa inyo.” Kaya itinuro ni Josue ang sibat niya sa Ai. 19 Nang ginawa niya iyon, lumabas at nagsitakbo ang mga tauhan niyang nananambang sa bayan, lumusob sila papasok sa lungsod, at dali-daling sinunog ito. 20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nila ang makapal na usok sa ibabaw ng lungsod. Wala na silang matatakbuhan, dahil bigla na lang silang hinarap ng mga Israelita na hinahabol nila sa ilang. 21 Dahil nang makita ni Josue at ng mga tauhan niya na nakapasok na sa lungsod ang mga kasama nila at sinunog na nila ito, bumalik sila at nilusob ang mga taga-Ai. 22 Lumusob din ang mga Israelitang pumasok sa lungsod, kaya napagitnaan nila ang mga taga-Ai. Pinatay nilang lahat ang mga ito at walang nakatakas o kayaʼy naiwang buhay sa kanila, 23 bukod lang sa hari nila. Binihag siya at dinala kay Josue.
24 Nang mapatay na nilang lahat ang taga-Ai na humabol sa kanila sa ilang, bumalik sila sa lungsod at pinatay din ang lahat ng naiwan doon. 25 Nang araw na iyon, namatay ang lahat ng naninirahan sa Ai – 12,000 lahat, lalaki at babae. 26 Nanatiling nakatutok ang sibat ni Josue sa lugar ng Ai hanggang hindi nalilipol ang lahat ng mamamayan nito. 27 Kinuha ng mga Israelita ang mga hayop at mga ari-arian ng lungsod, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Josue. 28 Pagkatapos, ipinasunog ni Josue ang buong Ai, at hindi na ito muling maitatayo; hanggang ngayon wala nang nakatira rito. 29 Pinabitin ni Josue sa isang puno ang hari at pinabayaan doon maghapon. Paglubog ng araw, ipinakuha niya ang bangkay at ipinatapon sa labas ng pintuan ng lungsod. Pinatambakan nila ito ng malaking bunton ng mga bato, at hanggang ngayon ay makikita pa roon ang mga batong ito.
Binasa ang Kasunduan sa Bundok ng Ebal
30 Pagkatapos, nagpagawa si Josue ng altar sa Bundok ng Ebal para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 31 Ipinagawa niya ito ayon sa utos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga Israelita. Nakasulat ito sa Aklat ng Kautusan ni Moises at ito ang sinasabi: “Gumawa ka ng altar na bato na hindi natabasan ng gamit na bakal.” Sa ibabaw ng altar, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 32 Sa harap ng mga Israelita, kinopya ni Josue sa mga bato[h] ang kautusang isinulat ni Moises. 33 Ang lahat ng mga Israelita, kasama ang kanilang mga tagapamahala, mga opisyal at mga hukom nila, pati ang mga dayuhang kasama nila ay tumayo sa dalawang grupo na magkaharap. Ang isang grupo ay nakatalikod sa Bundok ng Gerizim at ang isaʼy nakatalikod sa Bundok ng Ebal. Sa gitna nila ay nakatayo ang mga paring Levita na nagbubuhat ng Kahon ng Kasunduan. Nag-utos sa kanila noon si Moises na lingkod ng Panginoon na gawin ito sa panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas.
34 Binasa ni Josue ang Aklat ng Kasunduan, pati ang pagpapala at sumpa na nakasulat dito. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga utos ni Moises sa harap ng buong mamamayan ng Israelita, kasama na ang mga babae, anak at mga dayuhang naninirahan kasama nila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®