Chronological
Ipagtatanggol ng Diyos ang Jerusalem
31 Kahabag-habag kayong umaasa sa tulong ng Egipto
at nagtitiwala sa bilis ng kanilang mga kabayo,
nananalig sa dami ng kanilang mga karwahe,
at sa matatapang nilang mangangabayo,
sa halip na sumangguni at umasa kay Yahweh,
ang Banal na Diyos ng Israel.
2 Alam ni Yahweh ang kanyang ginagawa, nagpapadala siya ng salot.
At gagawin niya ang kanyang sinabi.
Paparusahan niya ang gumagawa ng masama
at ang mga tumutulong sa kanila.
3 Hindi Diyos ang mga Egipcio; sila'y mga tao rin,
karaniwang hayop din ang kanilang mga kabayo at hindi espiritu.
Pagkilos ni Yahweh, babagsak ang malakas na bansa,
pati ang mga tinulungan nito.
Sila'y pare-parehong mawawasak.
4 Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh:
“Walang makakapigil sa akin sa pagtatanggol sa Bundok ng Zion,
kung paanong ang leon ay hindi mapipigil sa paglapa nito sa kanyang biktima,
kahit pa magsisigaw ang mga pastol.
Kaya't sa pagdating ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay walang makakapigil,
upang ipagtanggol ang Zion at ang mga burol nito.
5 Tulad ng pag-aalaga ng ibon sa kanyang inakay,
gayon iingatan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang Jerusalem.
Ipagtatanggol niya ito at ililigtas;
hindi niya ito pababayaan.”
Magbalik-loob kay Yahweh
6 Sinabi ng Diyos, “Bayang Israel, magbalik-loob ka sa akin,
labis-labis na ang ginawa mong paghihimagsik.
7 Pagdating ng araw na iyon, itatapon ng bawat isa
ang kanyang mga diyus-diyosang pilak at ginto
na sila-sila rin ang gumawa.
8 “Ang mga taga-Asiria'y malulupig sa digmaan, ngunit hindi tao ang wawasak sa kanila;
sila'y magtatangkang tumakas,
ngunit aalipinin ang kanilang mga kabataan.
9 Sa tindi ng takot, tatakas ang kanyang pinakapinuno,
at iiwan ng mga opisyal ang kanilang bandila.”
Ito ang sabi ni Yahweh,
ang Diyos na sinasamba at hinahandugan sa Jerusalem.
Ang Matuwid na Hari
32 Makikita ninyo, may haring mamamahala nang matuwid,
at mga pinunong magpapairal ng katarungan.
2 Sila'y magiging kanlungan sa malakas na hangin
at pananggalang sa nagngangalit na bagyo;
ang katulad nila'y batis sa tuyong lupain,
parang malaking batong kublihan sa disyerto!
3 Mabubuksan ang kanilang mga mata at tainga
sa pangangailangan ng mga tao.
4 Magiging matiyaga na sila at maunawain sa bawat kilos,
magiging matapat sila sa kanilang sasabihin.
5 Ang mga hangal ay hindi na tatawaging dakila;
o kaya'y sasabihing tapat ang mga sinungaling.
6 Ang sinasabi ng mangmang ay puro kamangmangan,
at puro kasamaan ang kanyang iniisip;
paglapastangan kay Yahweh ang ginagawa niya't sinasabi.
Minsan ma'y hindi siya nagpakain ng nagugutom
o nagpainom ng nauuhaw.
7 Masama ang gawain ng taong hangal.
Ipinapahamak nila ang mahihirap sa pamamagitan ng kasinungalingan,
at gumagawa ng paraan upang hindi pakinabangan ang kanilang karapatan.
8 Ngunit ang taong marangal ay gumagawa ng tapat,
at naninindigan sa kung ano ang tama.
Paghatol at Pagpapanumbalik
9 Kayong mga babaing pabaya,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin.
10 Pagkalipas ng isang taon
mabibigo na kayo,
sapagkat wala na kayong mapipitas na bunga ng ubas.
11 Manginig kayo sapagkat matagal kayong nagpabaya
at nagwalang bahala.
Maghubad kayo ng inyong kasuotan,
at magsuot ng damit-panluksa.
12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan
sapagkat wasak na ang masaganang bukirin at ang mabunga ninyong ubasan.
13 Tinubuan na ito ng mga tinik at dawag.
Tangisan ninyo ang dating masasayang tahanan,
at lunsod na noo'y puno ng kagalakan.
14 Pati ang palasyo ay pababayaan
at ang pangunahing-lunsod ay mawawalan ng tao.
Ang mga burol at tore ay guguho;
ang lupain ay magiging tirahan ng maiilap na asno
at pastulan ng mga tupa.
15 Ngunit minsan pang ibubuhos sa atin ang espiritu ng Diyos.
Ang disyerto ay magiging matabang lupa
at ang bukirin ay pag-aanihan nang sagana.
16 Ang katarungan at katuwiran
ay maghahari sa buong lupain.
17 Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan;
at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.
18 Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa,
ligtas, at tahimik na pamayanan.
19 Kahit pa umulan ng yelo sa kagubatan
at mapatag ang kabundukan.
20 Magiging maligaya ang lahat dahil sa saganang tubig para sa mga pananim
at malawak na pastulan ng mga baka at asno.
Si Yahweh ang Magliligtas
33 Mapapahamak ang aming mga kaaway!
Sila'y nagnakaw at nagtaksil,
kahit na walang gumawa sa kanila ng ganito.
Ngunit magwawakas ang ginagawa nilang ito,
at sila'y magiging biktima rin ng pagnanakaw at pagtataksil.
2 Kahabagan mo kami, O Yahweh, kami'y naghihintay sa iyo;
ingatan mo kami araw-araw
at iligtas sa panahon ng kaguluhan.
3 Kapag ikaw ay nasa panig namin, tumatakas ang mga kaaway
dahil sa ingay ng labanan.
4 Ang ari-arian nila'y nalilimas,
parang pananim na dinaanan ng balang.
5 Dakila si Yahweh! Ang trono niya'y ang kalangitan,
maghahari siya sa Zion na may katarungan at katuwiran.
6 Siya ang magpapatatag sa bansa,
inililigtas niya ang kanyang bayan, at binibigyan ng karunungan at kaalaman;
ang pangunahing yaman nila, si Yahweh'y sundin at igalang.
7 Ang matatapang ay napapasaklolo,
ang mga tagapamayapa ay naghihinagpis.
8 Sapagkat wala nang tao sa mga lansangan,
mapanganib na ang doo'y dumaan.
Mga kasunduan ay di na pinahahalagahan,
at wala na ring taong iginagalang.
9 Ang tuyong lupa'y parang nagluluksa,
ang kagubatan ng Lebanon ay nalalanta;
naging parang disyerto na ang magandang lupain ng Sharon;
gayundin ang Bundok ng Carmel at ang Bashan.
10 “Kikilos ako ngayon,” ang sabi ni Yahweh sa mga bansa,
“At ipapakita ko ang aking kapangyarihan.”
11 Walang kabuluhan ang mga plano ninyo, at ang mga gawa ninyo ay walang halaga;
dahil sa aking poot tutupukin kayo ng aking espiritu.[a]
12 Madudurog kayong tulad ng mga batong sinunog para gawing apog.
Kayo'y magiging abo, na parang tinik na sinunog.
13 Kayong mga nasa malayo, pakinggan ninyo ang ginawa ko;
kayong mga nasa malapit, kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.
14 Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion.
Sabi nila, “Parang apoy na hindi namamatay ang parusang igagawad ng Diyos.
Sino ang makakatagal sa init niyon?”
15 Ngunit maliligtas kayo kung tama ang sinasabi ninyo at ginagawa.
Huwag ninyong gagamitin ang inyong kapangyarihan para apihin ang mahihirap;
huwag kayong tatanggap ng suhol;
huwag kayong makikiisa sa mga mamamatay-tao;
o sa mga gumagawa ng kasamaan.
16 Sa gayon, magiging ligtas kayo,
parang nasa loob ng matibay na tanggulan.
Hindi kayo mawawalan ng pagkain at inumin.
Ang Kinabukasang Punung-puno ng Pag-asa
17 Makikita ninyo ang kaningningan ng hari
na mamamahala sa buong lupain.
18 Mawawala na ang kinatatakutang
mga dayuhang tiktik at maniningil ng buwis.
19 Mawawala na rin ang mga palalong dayuhan
na hindi maunawaan kung anong sinasabi.
20 Masdan mo ang Zion, ang pinagdarausan natin ng mga kapistahan!
Masdan mo rin ang Jerusalem,
mapayapang lugar, magandang panahanan.
Ito'y parang matatag na toldang ang mga tulos ay nakabaon nang malalim
at ang mga lubid ay hindi na kakalagin.
21 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay ihahayag sa atin.
Maninirahan tayo sa baybayin ng malalawak na ilog at batis
na hindi mapapasok ng sasakyan ng mga kaaway.
22 Sapagkat si Yahweh ang ating hukom, siya ang mamamahala,
at siya rin ang haring magliligtas sa atin.
23 Ngayon, tulad mo'y mahinang barko,
hindi mapigil ang lubid o mailadlad ang mga layag.
Ngunit pagdating ng panahong iyon, maraming masasamsam sa mga kaaway,
at pati mga pilay ay bibigyan ng bahagi.
24 Wala nang may sakit na daraing doon,
patatawarin na lahat ng mga kasalanan.
Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa
34 Lumapit kayo mga bansa, makinig kayo buong bayan!
Halikayo at pakinggan ang aking sasabihin,
kayong lahat na nasa ibabaw ng lupa.
2 Sapagkat si Yahweh ay napopoot sa lahat ng bansa,
matindi ang kanyang galit sa kanilang mga hukbo;
sila'y hinatulan na at itinakdang lipulin.
3 Ang kanilang mga bangkay ay ikakalat;
ito'y mabubulok at aalingasaw sa baho,
at ang mga bundok ay babaha sa dugo.
4 Ang(A) araw, buwan at mga bituin ay malalaglag at madudurog
at ang kalangita'y irorolyong
parang balumbon.
Ang mga bituin ay malalaglag
na parang mga tuyong dahon ng igos na nalalagas.
Ang Pagkawasak ng Edom
5 Si(B) Yahweh ay naghanda ng espada sa kalangitan
upang gamitin laban sa Edom,
sa bayang hinatulan niyang parusahan.
6 Ang espada ni Yahweh ay puno ng dugo at taba;
iyon ay dugo ng mga tupa at kambing,
at taba ng lalaking tupa.
Sapagkat siya'y maghahandog sa Bozra,
marami siyang pupuksain sa Edom.
7 Sila'y mabubuwal na parang maiilap na toro at barakong kalabaw,
matitigmak ng dugo
at mapupuno ng taba ang buong lupain.
8 Sapagkat si Yahweh ay may nakatakdang araw ng paghihiganti,
isang taon ng paghihiganti alang-alang sa Zion.
9 Ang mga batis ng Edom ay magiging alkitran,
at magiging asupre ang kanyang lupa,
ang buong bansa ay masusunog na parang aspalto.
10 Araw-gabi'y(C) hindi ito mamamatay,
at patuloy na papailanlang ang usok;
habang panaho'y hindi ito mapapakinabangan,
at wala nang daraan doon kahit kailan.
11 Ang mananahan dito'y mga kuwago at mga uwak.
Ang lupaing ito'y lubusang wawasakin ni Yahweh,
at iiwang nakatiwangwang magpakailanman.
12 Doo'y wala nang maghahari
at mawawala na rin ang mga pinuno.
13 Tutubuan ng damo ang mga palasyo
at ang mga napapaderang bayan,
ito ay titirhan ng mga asong-gubat
at pamumugaran ng mga ostrits.
14 Ang maiilap na hayop ay sasama sa mga asong-gubat,
tatawagin ng mga tikbalang ang kapwa nila maligno;
doon bababâ ang babaing halimaw upang magpahinga.
15 Ang mga kuwago, doon magpupugad,
mangingitlog, mamimisâ at magpapalaki ng kanilang inakay.
Doon din maninirahan ang mga grupo ng buwitre.
16 Sa aklat ni Yahweh ay hanapin ninyo at basahin:
“Isa man sa kanila'y hindi mawawala,
bawat isa'y mayroong kapareha.”
Sapagkat ito'y utos ni Yahweh,
at siya mismo ang kukupkop sa kanila.
17 Siya na rin ang nagtakda ng kanilang titirhan,
at nagbigay ng kani-kanilang lugar;
doon na sila titira magpakailanman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.