Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 27

Si Haring Jotam ng Juda(A)

27 Si Jotam ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. Tulad ng kanyang amang si Uzias, ang mga ginawa niya'y naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ngunit hindi niya ito tinularan sa pagpasok sa Templo upang magsunog ng insenso roon. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin sa pagkakasala ang sambayanan. Ipinagawa ni Jotam ang Hilagang Pintuan ng Templo at pinatibay ang pader ng Jerusalem sa gawing Ofel. Nagtayo siya ng mga lunsod sa kaburulan ng Juda. Gumawa rin siya ng mga kuta at bantayan sa kakahuyan. Nakipaglaban siya at nagtagumpay sa hari ng mga Ammonita. Nang taóng iyon ay nagbayad sa kanya ang mga Ammonita ng 3,500 kilong pilak, trigo na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan[a] at sebada na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan. Gayundin ang ibinayad sa kanya nang ikalawa at ikatlong taon. Dahil sa kanyang pananatiling tapat sa Diyos niyang si Yahweh, lumaki ang kapangyarihan ni Jotam. Ang ibang mga ginawa ni Jotam sa panahon ng kanyang paghahari, pati ang lahat niyang pakikipaglaban at ginawa sa panahon ng kapayapaan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. Dalawampu't limang taóng gulang siya nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Namatay siya at inilibing sa Lunsod ni David. Ang anak niyang si Ahaz ang humalili sa kanya bilang hari.

Isaias 9-12

Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan

Ngunit(A) napawi na ang dilim sa bayang matagal nang namimighati. Noong mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil!

Nakakita(B) ng isang maningning na liwanag
    ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman;
sumikat na ang liwanag
    sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim.
Pinasigla mo ang kanilang pagdiriwang,
    dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Nagagalak sila na parang panahon ng anihan,
    at parang mga taong naghahati-hati sa nasamsam na kayamanan.
Sapagkat binali mo ang pamatok ng kahirapan
    at mga bigatin sa kanilang balikat ay pinasan.
Pamalo ng mga mang-aapi, iyong binali
    tulad sa Midian na iyong ginapi.
Ang panyapak ng mga mandirigma,
    at ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin.
    Ibibigay sa kanya ang pamamahala;
at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo,
    Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama,
    Prinsipe ng Kapayapaan.
Magiging(C) malawak ang kanyang kapangyarihan
    at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian.
Itatatag niya ito at pamamahalaan
    na may katarungan at katuwiran
    mula ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

Paparusahan ng Diyos ang Israel

Nagsalita ang Panginoon laban kay Jacob,
    sa kaharian ng Israel.
Malalaman ito ng lahat ng tao sa Efraim
    at ng lahat ng naninirahan sa Samaria,
    ngunit dahil sila'y pangahas at tunay na palalo, sila ay nagsabi ng ganito:
10 “Gumuho man ang mga gusaling yari sa tisa,
    magtatayo naman kami ng gusaling yari sa bato.
Maubos man ang mga punong sikamoro,
    papalitan namin ng sedar ang mga ito.”
11 Kaya sila'y ipasasalakay ni Yahweh
    sa kanilang mga kaaway.
12 Ang Israel ay sasakmalin ng Siria mula sa silangan
at ng mga Filisteo mula sa kanluran,
ngunit hindi pa rin mawawala ang matindi niyang galit,
    at patuloy pa niyang paparusahan ang bayang Israel.

13 Ngunit hindi pa rin magsisisi ang bayan kahit na sila'y parusahan,
    ayaw talaga nilang magbalik-loob kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
14 Kaya sa loob lamang ng isang araw ay paparusahan ni Yahweh ang mga pinuno't mamamayan ng Israel;
    para silang hayop na pinutulan ng ulo't buntot.
15 Ang ulo'y ang matatandang pinuno na iginagalang,
    at ang buntot nama'y mga propetang bulaan.
16 Iniligaw ng kanilang mga pinuno ang bayang ito
    kaya ang mga tagasunod nila ay nagkakagulo.
17 Dahil dito, hindi kinalugdan ng Panginoon ang kanilang mga kabataang lalaki,
    hindi niya kinahabagan ang kanilang mga ulila at biyuda.
Lahat sila'y walang kinikilalang diyos at masasama;
    pawang kahangalan ang kanilang sinasabi.
Sa lahat ng ito'y hindi mawawala ang matindi niyang galit,
    patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.
18 Ang kasamaan ay naglalagablab na parang apoy
    at sumusunog sa mga tinik at dawag;
tutupukin nito ang masukal na gubat
    at papailanlang ang makapal na usok.
19 Susunugin ang buong lupa
    dahil sa poot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
at ang mga tao'y parang mga panggatong sa apoy
    at walang ititira sa kanyang kapwa.
20 Susunggaban nila ang anumang pagkaing kanilang makikita,
    gayunma'y hindi sila mabubusog,
kakainin din nila kahit laman ng kanilang mga anak.
21 Magsasagupaan ang mga naninirahan sa Manases at Efraim
    at pagkatapos ay pagtutulungan ang Juda;
ngunit hindi pa rin mawawala ang matinding poot ni Yahweh.
    Patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.

10 Mapapahamak kayo, mga gumagawa ng hindi makatarungang batas na umaapi sa mga tao,
upang pagkaitan ng katarungan ang mga nangangailangan,
    upang alisan ng karapatan ang mahihirap,
at upang pagsamantalahan ang mga biyuda at ulila.
Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa,
    pagdating ng pagkawasak na magmumula sa malayo?
Kanino kayo lalapit upang humingi ng tulong,
    at kanino ninyo iiwanan ang inyong kayamanan,
upang hindi kayo mabilanggo, o mamatay sa labanan?
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nawawala ang kanyang poot;
    patuloy niyang paparusahan ang kanyang bayan.

Ang Layunin ng Diyos at ang Hari ng Asiria

Ikaw(D) Asiria ang gagamitin kong pamalo—
    ang tungkod ng aking pagkapoot.
Isusugo ko siya laban sa isang bayang walang diyos,
    isang bayang kinapopootan ko,
upang ito'y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman
    at tapakang parang putik sa lansangan.
Ngunit hindi ganito ang binabalak ng hari ng Asiria,
    wala nga ito sa isipan niya.
Ang layunin niya'y wasakin ang maraming bansa.
Ang sabi niya:
“Hindi ba't pawang hari ang aking mga pinuno?
Ano ang pagkakaiba ng Calno sa Carquemis?
    Ng Hamat sa Arpad,
    at ng Samaria sa Damasco?
10 Kung paanong pinarusahan ko ang mga kahariang sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    na higit na marami ang mga larawang inanyuan kaysa naroon sa Jerusalem at Samaria,
11 hindi ko rin ba gagawin sa Jerusalem at sa mga diyus-diyosan nito,
    ang ginawa ko sa Samaria at sa mga imahen nito?”

12 Ngunit kapag natapos na ni Yahweh ang kanyang layunin sa Bundok Zion at sa Jerusalem, paparusahan niya ang hari ng Asiria dahil sa kanyang kayabangan, kataasan at kapalaluan.

13 Sapagkat ang sabi niya:
“Nagawa ko iyan dahil sa taglay kong lakas at karunungan,
inalis ko ang hangganan ng mga bansa,
    at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan;
    ibinagsak ko sa lupa ang mga nakaupo sa trono.
14 Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang nasa isang pugad.
Tinipon ko ang buong lupa
    tulad ng pagtipon sa mga itlog na iniwanan,
wala man lamang pakpak na nagbalak lumipad,
    walang bibig na bumubuka o huning narinig.”

15 Mas magaling pa ba ang palakol kaysa taong may hawak nito?
    Mas mahalaga ba ang lagari kaysa taong gumagamit nito?
Ang tungkod pa ba ang bubuhat sa may hawak nito?

16 Kaya nga padadalhan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
    ng mapaminsalang sakit ang magigiting niyang mandirigma,
at sa ilalim ng kanilang mga kasuotan, mag-aapoy sa init ang kanilang katawan,
    parang sigang maglalagablab nang walang katapusan.
17 Ang ilaw ng Israel ay magiging apoy,
    ang Banal na Diyos ay magniningas,
at susunugin niya sa loob ng isang araw
    maging ang mga tinik at dawag.
18 Wawasakin niya ang kanyang mga gubat at bukirin,
    kung paanong winasak ng sakit ang katawan at kaluluwa ng tao.
19 Ilan lamang ang matitirang punongkahoy sa gubat,
    ang mga ito'y mabibilang kahit ng isang batang musmos.

Ang Pagbabalik ng mga Natirang Sambahayan ng Israel

20 Sa araw na iyon ang matitira sa bansang Israel at Juda ay hindi na aasa sa mga nagpahirap sa kanila. Kay Yahweh lamang, sa Banal na Diyos ng Israel, sila mananalig nang buong katapatan. 21 Ang mga natira sa sambahayan ni Jacob ay magbabalik sa Diyos na Makapangyarihan, 22 sapagkat(E) kung sindami man ng buhangin sa dagat ang mga Israelita, ilan lamang ang makakabalik. Nakatakda na ang pagwasak sa iyo ayon sa nararapat. 23 Sa takdang panahon, ang buong bansa ay wawakasan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.

24 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon: “O bayan kong naninirahan sa Zion, huwag kang matakot sa mga taga-Asiria kung ikaw ma'y hampasin nila o pahirapan tulad ng ginawa sa iyo ng mga taga-Egipto. 25 Sapagkat hindi magtatagal at lilipas na ang galit ko sa iyo, at sa kanila ko ibabaling ang aking poot. 26 At hahagupitin ko sila tulad ng puksain ko ang mga Midianita sa Bato ng Oreb. Itataas ko ang aking tungkod sa ibabaw ng dagat tulad ng ginawa ko sa mga taga-Egipto. 27 Sa araw na iyon aalisin sa iyong balikat ang pahirap na ginagawa ng Asiria at wawasakin na ang pamatok sa iyong leeg.”

Sumalakay siya buhat sa Rimon.
28     At nakarating na sa Aiat,[a]
lumampas na siya sa Migron
    at iniwan sa Micmas ang kanyang dala-dalahan.
29 Nakatawid na sila sa tawiran,
    at sa Geba magpapalipas ng gabi.
Nanginginig ang mga taga-Rama
    at tumakas na ang mga taga-Gibea na kababayan ni Saul.
30 Sumigaw kayo ng malakas, mga taga-Galim!
    Makinig kayo, mga taga-Laisa;
    sumagot kayo, taga-Anatot!
31 Tumatakas na ang Madmena,
    nag-alisan na ang mga taga-Gebim para sa kanilang kaligtasan.
32 Sa araw na ito darating sa Nob ang kaaway,
    ibinigay na niya ang hudyat
    na salakayin ang Bundok ng Zion,
    ang Burol ng Jerusalem.

33 Masdan ninyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon!
    Sa pamamagitan ng nakakapangilabot na lakas,
ibubuwal niya ang pinakamatataas na puno.
    Ibinabagsak niya ang mga palalo.
34 Ibinubuwal niya ang mga punongkahoy sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol,
    bagsak na ang Lebanon at ang matatayog nitong punongkahoy.

Ang Mapayapang Kaharian

11 Naputol(F) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
    Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.

Mananahan sa kanya ang Espiritu[b] ni Yahweh,
    ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
    ng mabuting payo at kalakasan,
    kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
    o magpapasya batay sa kanyang narinig.
Ngunit(G) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
    at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
    sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
Maghahari(H) siyang may katarungan,
    at mamamahala ng may katapatan.

Maninirahan(I) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
    mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
    at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
    ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
    hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
Walang(J) mananakit o mamiminsala
    sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
    kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.

Ang Pagbabalik ng mga Itinapon

10 Sa(K) araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse,
    at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan.
11 Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon
    upang pauwiin ang mga nalabi sa kanyang bayan na mga bihag sa Asiria, sa Egipto, sa Patros, sa Etiopia,[c] sa Elam,
    sa Sinar, sa Hamat at sa mga pulo sa karagatan.
12 Magbibigay siya ng isang palatandaan sa mga bansa,
    at titipunin niya ang mga anak nina Israel at Juda na itinapon sa ibang lupain.
Pauuwiin ang mga nangalat na anak ni Juda
    mula sa apat na sulok ng daigdig.
13 Mapapawi na ang pagkainggit ng Israel,
    at mapuputol na ang pagkamarahas ng Juda.
Hindi na maninibugho ang Israel sa Juda,
    at hindi na kakalabanin ng Juda ang Israel.
14 Lulusubin nila ang mga Filisteo sa kanluran
    at magkasama nilang sasamsamin ang ari-arian, ang mga bansa sa silangan;
sasakupin nila ang Edom at Moab,
    at susundin sila ng mga Ammonita.
15 Tutuyuin(L) ni Yahweh ang Dagat ng Egipto,
at magpapadala siya ng mainit na hangin
    upang tuyuin ang Ilog Eufrates.
Ang matitira lang ay pitong maliliit na batis
    na tatawiran ng mga tao.
16 At magkakaroon ng isang malapad na daan mula sa Asiria
    para sa mga nalabi sa kanyang bayan,
kung paanong ang Israel ay may nadaanan
    nang sila'y umalis mula sa Egipto.

Awit ng Pasasalamat

12 Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito:

“Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan,
    sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon,
    nawala na ang galit mo ngayon, at ako'y iyong inaliw.
Tunay(M) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
    sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
    siya ang aking tagapagligtas.
Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”

Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
    ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
    ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
    ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
    sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.