Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Tesalonica 1 - Filemon

Mula(A) kina Pablo, Silas, at Timoteo—

Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo.

Kagandahang-loob at kapayapaan nawa ang sumainyo.

Ang Pamumuhay at Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin. Inaalala namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawa dahil sa inyong pananampalataya, ang inyong pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Mga kapatid, nalalaman namin na kayo'y pinili ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Sapagkat ang Magandang Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin alang-alang sa inyo. Sinundan(B) ninyo ang aming halimbawa at ang halimbawa ng Panginoon. Kahit dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, tinanggap ninyo ang salita ng Diyos nang may kagalakang mula sa Espiritu Santo. Kaya't naging huwaran kayo ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya, sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Ang inyong pananampalataya sa Diyos ay nabalita rin sa lahat ng dako, kaya't hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Ang mga tagaroon na rin ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsasabi kung paano ninyo tinalikuran ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, 10 at maghintay sa pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit. Ito'y si Jesus na muli niyang binuhay; na siya ring nagliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam(C) ninyong hinamak kami't inalipusta sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang layunin, o sa hangad na manlinlang. Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na sumisiyasat ng ating puso. Alam ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman. Saksi namin ang Diyos. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman kahit bilang mga apostol ni Cristo ay may karapatan kaming humingi ng anuman mula sa inyo. Sa halip ay naging magiliw kami sa inyo, tulad ng inang mapagkalinga sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang kami handang ibahagi sa inyo ang Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay. Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.

10 Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. 11 Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at inatasan na mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.

13 Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap bilang salita ng tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya. 14 Mga(D) kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Ang(E) mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao! 16 Ang aming pangangaral sa mga Hentil upang ang mga ito'y maligtas ay kanilang hinahadlangan. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila.

Ang Hangad ni Pablo na Dalawin Silang Muli

17 At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling napahiwalay sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli 18 at nais naming makabalik diyan. Ako mismong si Pablo ay makailang ulit na nagbalak dumalaw sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas. 19 Hindi ba't kayo ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.

Kaya naman, nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas at(F) suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa para sa Diyos[a] sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya, upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo. Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka natukso na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.

Ngayon(G) ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo. Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay napasigla kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap. Nabubuhayan kami ng loob kapag kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya. Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? 10 Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11 Loobin nawa mismo ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. 12 Nawa'y palaguin at pasaganain ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nang sa gayo'y palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang lahat ng kanyang mga hinirang. [Amen.][b]

Ang Buhay na Nakalulugod sa Diyos

Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, sang-ayon sa inyong natutunan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos. Alam naman ninyo kung ano ang mga katuruang ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Jesus. Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa,[c] at hindi upang masunod lamang ang pagnanasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos. Sa bagay na ito, huwag ninyong gawan ng masama at dayain ang inyong kapatid, sapagkat paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng mahigpit naming babala sa inyo noon. Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak, hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang Espiritu Santo.

Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo magmahalan. 10 At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pag-ukulan ninyo ng pansin ang sariling gawain at hindi ang sa iba. Maghanapbuhay kayo tulad ng itinuro namin sa inyo. 12 Dahil dito, igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya at hindi na ninyo kailangang umasa sa iba.

Ang Pagbalik ng Panginoon

13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. 14 Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos upang isama kay Jesus ang lahat ng mga namatay na sumasampalataya sa kanya.

15 Ito(H)(I) ang itinuturo ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa at natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon ay maririnig ang tinig ng arkanghel at ang tunog ng trumpeta ng Diyos, at ang Panginoon mismo ay bababâ mula sa langit na sumisigaw. At ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. 17 Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman. 18 Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.

Maging Handa sa Pagdating ng Panginoon

Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat(J) alam na ninyo na ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. Ngunit(K) dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.

Pangwakas na Tagubilin at Pagbati

12 Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Makitungo kayo sa isa't isa nang may kapayapaan.

14 Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat.

16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

19 Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. 20 Huwag ninyong baliwalain ang anumang pahayag mula sa Diyos. 21 Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti. 22 Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.

23 Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ito.

25 Mga kapatid, ipanalangin din ninyo kami.

26 Batiin ninyo ang lahat ng mga mananampalataya bilang mga minamahal na kapatid kay Cristo.[d] 27 Inaatasan ko kayo sa pangalan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga kapatid.

28 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Mula(L) kina Pablo, Silas, at Timoteo—

Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos na ating Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at ang kapayapaang mula sa [ating][e] Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Paghuhukom

Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. Kaya nga, ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.

Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na makatarungan ang paghatol ng Diyos, upang gawin niya kayong karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin kapag ang Panginoong Jesus ay inihayag na mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel, na may naglalagablab na apoy. Parurusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Magdurusa(M) sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa Araw ng kanyang pagparito upang tumanggap ng papuri mula sa kanyang mga hinirang at ng parangal ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat sinampalatayanan ninyo ang patotoong ipinahayag namin sa inyo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Suwail

Mga(N) kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap kami sa inyo na huwag agad magugulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin. Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang Araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail[f] na itinakda sa kapahamakan.[g] Itataas(O) niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.

Hindi ba ninyo natatandaan? Sinabi ko na ito sa inyo nang ako'y kasama pa ninyo. Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon. Ngayon pa man ay gumagawa na ang hiwaga ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, malalantad na ang Suwail. Ngunit pagdating ng Panginoong [Jesus],[h] papatayin niya ang Suwail. Bubugahan niya ito ng hininga mula sa kanyang bibig at pupuksain sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag.

Paglitaw(P) ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. 10 Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak dahil ayaw nilang mahalin ang katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila. 11 Dahil dito, hahayaan ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. 12 Sa gayon, mapaparusahan ang lahat ng natuwa sa paggawa ng kasamaan sa halip na maniwala sa katotohanan.

Hinirang Upang Maligtas

13 Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dapat kaming magpasalamat palagi sa Diyos dahil sa inyo. Kabilang kayo sa mga unang pinili niya[i] upang pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng inyong pananalig sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at panghawakan ninyo ang mga katuruang ipinasa namin sa inyo, sa pamamagitan man ng aming sinabi o isinulat.

16 Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at magandang pag-asa. 17 Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban para sa lahat ng mabuting gawa at salita.

Ipanalangin Ninyo Kami

Mga kapatid, bilang pagtatapos, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at parangalan ng lahat, tulad ng ginawa ninyo. Idalangin din ninyong maligtas kami sa mga taong mapaminsala at masasama, sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya sa Diyos.

Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama. Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na sinusunod ninyo at patuloy na susundin ang mga itinuro namin sa inyo.

Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan ang pag-ibig ng Diyos at ang katatagang nagmumula kay Cristo.

Babala Laban sa Katamaran

Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga turo na ibinigay namin sa inyo. Alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama pa ninyo. Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan. 10 Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, “Ang ayaw magtrabaho ay hindi dapat kumain.”

11 Binanggit namin ito dahil nabalitaan naming may ilan sa inyong ayaw magtrabaho, at walang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. 12 Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming iniuutos sa mga taong ito na sila'y maghanapbuhay nang maayos at huwag umasa sa iba.

13 Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti. 14 Maaaring mayroon sa inyo diyan na hindi susunod sa sinasabi namin sa sulat na ito. Kung magkagayon, tandaan ninyo siya at huwag kayong makisama sa kanya, upang siya'y mapahiya. 15 Ngunit huwag naman ninyo siyang ituring na kaaway; sa halip, pagsabihan ninyo siya bilang kapwa mananampalataya.

Bendisyon

16 Ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Nawa'y sumainyong lahat ang Panginoon.

17 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Ito ang aking lagda sa lahat ng sulat ko. Ganito ako sumulat.

18 Sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa—

Kay(Q) Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya.

Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala tungkol sa Maling Katuruan

Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang talakayan. Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang mga itinuturo nang may buong tiwala sa sarili.

Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikipagtalik sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga bulaang saksi. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. 11 Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng maluwalhati

at mapagpalang Diyos.

Pagkilala sa Habag ng Diyos

12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit(R) na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.

17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.

18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, 19 taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos.

Mga Tagubilin tungkol sa Panalangin

Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. Dahil(S) dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling!

Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.

Ang(T) mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop. 12 Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik. 13 Sapagkat(U) unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at(V) hindi si Adan ang nadaya kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya[j] sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.

Ang mga Tagapangasiwa sa Iglesya

Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa[k] sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya(W) nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa,[l] matino ang pag-iisip, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. Dapat hindi siya lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya mapamahalaan ang sarili niyang pamilya? Hindi siya dapat isang baguhang mananampalataya; baka siya'y maging palalo at mahatulan na gaya ng diyablo. Bukod dito, kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi sumasampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.

Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya

Ang mga tagapaglingkod[m] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi. Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinapahayag, at may malinis na budhi. 10 Kailangang subukin muna sila, at kung mapatunayang sila'y karapat-dapat, saka sila gawing mga tagapaglingkod.

11 Gayundin naman, ang kanilang mga asawa[n] ay dapat maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, mapagtimpi at tapat sa lahat ng mga bagay.

12 Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa[o] at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan. 13 Ang mga tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay nagkakamit ng paggalang ng mga tao at nagkakaroon ng malaking tiwala dahil sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Relihiyon

14 Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga tao sa sambahayan ng Diyos na buháy, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan. 16 Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon:

Siya'y[p] nahayag sa anyong tao,
    pinatunayang matuwid ng Espiritu,[q] at nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga bansa,
    pinaniwalaan sa sanlibutan, at itinaas sa kaluwalhatian.

Mga Huwad na Guro

Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal mula sa mga salita ng pananampalataya at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa maka-Diyos na pamumuhay. Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. 10 Dahil dito, nagsisikap tayo[r] at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya.

11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. 15 Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.

Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya

Huwag mong pagagalitan ang nakatatandang lalaki, kundi pagsabihan mo siya nang mahinahon na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki. Ituring mong parang sariling ina ang nakatatandang babae, at pakitunguhan mo nang may lubos na kalinisan ang mga kabataang babae na tulad sa iyong mga kapatid.

Igalang mo ang mga biyudang wala nang ibang maaasahan sa buhay. Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos. Ang(X) biyuda na walang ibang maaasahan sa buhay ay sa Diyos na lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin araw at gabi. Samantala, ang biyudang mahilig sa kalayawan ay maituturing nang patay, bagaman siya'y buháy. Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman. Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumalikod na sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di-mananampalataya.

Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababâ sa animnapung taong gulang, naging tapat sa kanyang asawa,[s] 10 kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob[t] sa mga hinirang ng Diyos, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti.

11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga nakababatang biyuda, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli. 12 Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo. 13 Bukod dito, sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahihilig makialam sa buhay ng may buhay at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14 Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng dahilan upang mapintasan tayo, 15 sapagkat may ilan nang biyudang sumunod kay Satanas.

16 Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang maaasahan sa buhay.

17 Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. 18 Sapagkat(Y) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa.”

19 Huwag(Z) mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.

20 Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba.

21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi. 22 Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis.

23 Huwag tubig lamang ang iyong inumin; uminom ka rin ng kaunting alak para sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura.

24 May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa dumating ang paghuhukom. At mayroon din namang ang kasalanan ay mahahayag sa bandang huli. 25 Gayundin naman, may mabubuting gawa na kapansin-pansin; at kung hindi man mapansin, ang mga ito'y hindi maililihim habang panahon.

Ang mga alipin ay dapat magpakita ng buong paggalang sa kanilang mga amo upang walang masabing masama laban sa pangalan ng Diyos at sa ating aral. At kung ang kanila namang amo ay kapwa nila mananampalataya, ang kanilang pagiging magkapatid ay hindi dapat maging dahilan ng hindi nila paggalang sa mga ito. Sa halip, dapat pa nga nilang pagbutihin ang kanilang paglilingkod sapagkat ang nakikinabang sa kanilang paglilingkod ay mga mananampalatayang minamahal nila. Ituro mo't ipatupad ang mga bagay na ito.

Mga Huwad na Guro at ang Tunay na Kayamanan

Kung nagtuturo ang sinuman ng ibang katuruan at di sang-ayon sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging maka-Diyos, siya ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita, bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at masasamang hinala. Mahilig din siyang makipagtalo sa mga taong baluktot ang pag-iisip at di kumikilala sa katotohanan. Ang mga taong ito'y nag-aakala na ang relihiyon ay paraan ng pagpapayaman.

Sa katunayan, may malaki ngang pakinabang sa relihiyon kung ang tao'y marunong masiyahan. Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito. Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo'y may pagkain at pananamit. Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.

Mga Tagubilin para kay Timoteo

11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. 12 Ipaglaban mo nang mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo. 13 Iniuutos(AA) ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harapan ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.

17 Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan. 18 Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa. 19 Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.

20 Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang lumalapastangan sa Diyos at ang mga pagtatalo tungkol sa hindi totoong karunungan. 21 Dahil sa kanilang pag-aangking mayroon sila nito, may mga nalihis na sa pananampalataya.

Sumainyo ang kagandahang-loob ng Diyos.

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus—

Kay(AB) Timoteo na minamahal kong anak.

Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pasasalamat at Paalala

Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno. Kapag naaalala ko ang iyong pagluha, nananabik akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan. Hindi(AC) ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na naunang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito. Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na pag-alabin mong muli ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.

Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo para sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, 10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.

11 Para(AD) sa Magandang Balitang ito, ako'y itinalagang mangangaral, apostol at guro, 12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[u] 13 Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo.

15 Alam mong ako'y iniwan ng lahat ng mga nasa Asia, kabilang sina Figelo at Hermogenes. 16 Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon ay pinasigla niya ako at hindi niya ako ikinahiya kahit ako'y isang bilanggo. 17 Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako'y kanyang matagpuan. 18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.

Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus

Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa tulong ng kagandahang-loob ni Cristo Jesus. Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga taong may katapatan at may kakayahang magturo naman sa iba.

Makibahagi ka sa hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. Ang isang kawal ay hindi nagiging abala sa mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging kawal; sa halip, sinisikap niyang mabigyan ng kasiyahan ang kanyang pinuno. Hindi maaaring gantimpalaan ang isang manlalaro kung hindi siya naglalaro ayon sa mga alituntunin. Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti ang siyang dapat unang makinabang sa bunga ng kanyang pinaghirapan. Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito.

Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa Magandang Balitang ipinapangaral ko. Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkagapos na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maigagapos ang salita ng Diyos. 10 Tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian mula kay Cristo Jesus. 11 Totoo ang kasabihang ito:

“Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
    mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung(AE) tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
    maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag itinakwil natin siya,
    itatakwil rin niya tayo.
13 Kung tayo man ay hindi tapat,
    siya'y nananatiling tapat pa rin
    sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.”

Tapat na Lingkod ni Cristo

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga pagtatalo tungkol sa mga salita na walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. 15 Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang paggalang sa Diyos, sapagkat ang mga iyan ang lalong naglalayo ng mga tao sa Diyos. 17 Ang mga salita nila ay parang ganggrena na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga nagturo ng ganito ay sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. 19 Ngunit(AF) matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.”

20 Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw. 21 Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya nga, iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan, sa halip ay pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis na tumatawag sa Panginoon. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sila'y bigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at malaman nila ang katotohanan. 26 Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang kanilang sundin ang kagustuhan niya.

Ang mga Huling Araw

Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. At(AG) tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Mga Huling Tagubilin

10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan(AH) mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.

14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.

Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus na hahatol sa mga buháy at sa mga patay, alang-alang sa kanyang pagdating bilang hari, inaatasan kita: ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga kathang-isip. Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng oras, magtiis ka sa panahon ng kahirapan. Gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at tuparin mo nang lubos ang iyong paglilingkod.

Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kaya naghihintay sa akin ang koronang gantimpala para sa mga namuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.

Mga Personal na Tagubilin

Sikapin mong makapunta dito sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan(AI) na ako ni Demas dahil sa kanyang pag-ibig sa daigdig na ito; pumunta siya sa Tesalonica. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmacia. 11 Si(AJ) Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain. 12 Pinapunta(AK) ko sa Efeso si Tiquico. 13 Pagpunta(AL) mo rito, dalhin mo ang aking balabal na naiwan ko sa Troas sa bahay ni Carpo. Dalhin mo rin ang mga aklat, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop.

14 Napakasama(AM) ng ginawa sa akin ng panday na si Alejandro. Pagbabayarin siya ng Panginoon sa kanyang mga ginawa. 15 Mag-ingat ka sa kanya, sapagkat mahigpit niyang sinalungat ang ipinapangaral natin.

16 Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. 17 Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Pagbati

19 Ikumusta(AN) mo ako kina Priscila at Aquila, at sa sambahayan ni Onesiforo. 20 Nagpaiwan(AO) sa Corinto si Erasto; si Trofimo nama'y iniwan ko sa Mileto na may sakit. 21 Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig.

Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid.

22 Samahan nawa ng Panginoon ang iyong espiritu. Sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng Diyos.

Mula kay Pablo, lingkod[v] ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.

Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.

Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya.

Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Mga Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Italaga(AP) mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[w] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. 12 Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti.

Ang Wastong Pamumuhay

Kaya naman ituro mo ang mga bagay na angkop sa wastong aral. Sabihin mo sa mga nakatatandang lalaki na sila'y maging mapagpigil sa sarili, marangal, makatuwiran, at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at pagtitiis. Sabihin mo sa mga nakatatandang babae na sila'y mamuhay nang may kabanalan, huwag maninirang-puri, at huwag malululong sa alak, kundi magturo ng mabuti, upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging makatuwiran, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila.

Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Sa gayon, mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin.

Turuan mo ang mga alipin na maging masunurin at kalugud-lugod sa kanilang mga amo. Hindi nila dapat sagut-sagutin ang mga ito, 10 ni kupitan man. Dapat silang maging tapat sa lahat ng pagkakataon, upang maipakita nila sa lahat nilang ginagawa ang kagandahan ng katuruan ng Diyos na ating Tagapagligtas.

11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at mamuhay tayo sa daigdig na ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at karapat-dapat sa Diyos 13 habang hinihintay natin ang pinagpalang araw na ating inaasahan. Ito ang araw na mahahayag ang kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, 14 na naghandog(AQ) ng kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging kanyang sariling bayan na masigasig sa paggawa ng mabuti.

15 Ipahayag mo ang lahat ng ito, at gamitin mo ang iyong buong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Ang Dapat na Maging Ugali ng mga Cristiano

Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at maykapangyarihan; sundin ang mga ito at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. Sabihan mo silang huwag magsalita ng masama laban kaninuman, umiwas sa pakikipag-away, at maging mahinahon at magalang sa lahat ng tao. Noong una, tayo rin mismo ay mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng mga makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin. Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y iniligtas niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na naghugas sa atin upang tayo'y ipanganak na muli at magkaroon ng bagong buhay. Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ng inaasahan nating buhay na walang hanggan.

Mapagkakatiwalaan ang aral na ito. Kaya't ang nais ko'y buong tiyaga mong ituro ito sa mga nananalig sa Diyos upang ilaan nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siyang karapat-dapat at kapaki-pakinabang sa mga tao. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pagtatalo, ang di matapus-tapos na talaan ng mga ninuno, at ang mga away at alitan tungkol sa Kautusan. Ang mga ito ay walang pakinabang

at walang halaga. 10 Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, 11 dahil alam mong ang ganyang tao ay masama at ang kanyang sariling mga kasalanan ang nagpapakilalang siya'y mali.

Pangwakas na Paalala

12 Papupuntahin(AR) ko riyan si Artemas o si Tiquico. Pagdating nila diyan, pilitin mong makapunta sa Nicopolis. Doon ako magpapalipas ng taglamig. 13 Sikapin(AS) mong mapadali ang paglalakbay ni Apolos at ng abogadong si Zenas. Tiyakin mong hindi sila magkukulang sa anumang pangangailangan. 14 Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na ilaan ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga nangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.

15 Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa lahat ng kapatid sa pananampalataya na nagmamahal sa atin.

Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos.

Mula kay Pablo, isang bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid—

Para kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa, at(AT) para sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay; kay Apia na aming[x] kapatid na babae at kay Arquipo na kapwa naming[y] kawal sa Panginoon.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon

Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking pananalangin sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng hinirang ng Diyos, at gayundin ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng mas malalim na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, ang pagmamahal mo ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo ay sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos.

Kahilingan para kay Onesimo

Kaya nga, bagaman bilang kapatid mo kay Cristo ay malakas ang loob kong iutos sana sa iyo ang nararapat gawin, mas minabuti kong makiusap sa iyo sa ngalan ng pag-ibig. Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya,[z] 10 ay(AU) nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo. 11 Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo,[aa] ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa.

12 Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso. 13 Nais ko sanang manatili siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito. 14 Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan.

15 Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, 16 hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, at lalo siyang mapapamahal sa iyo, ngayong hindi mo lamang siya alipin, kundi isa nang kapatid sa Panginoon!

17 Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. 18 Kung siya ma'y nagkasala o nagkautang sa iyo, sa akin mo na ito singilin. 19 Akong si Pablo ang siyang sumusulat nito: AKO ANG MAGBABAYAD SA IYO. Hindi ko na dapat banggitin pa na utang mo sa akin ang iyong sarili. 20 Ipinapakiusap ko lamang sa iyo, alang-alang sa Panginoon, ipagkaloob mo na sa akin ito. Pasayahin mo ako bilang kapatid kay Cristo.

21 Lubos akong naniniwala na gagawin mo ang hinihiling ko sa sulat na ito, at maaaring higit pa rito. 22 Ipaghanda mo rin ako ng matutuluyan sapagkat umaasa akong loloobin ng Diyos na ako'y makabalik diyan, gaya ng inyong idinadalangin.

Pangwakas na Pagbati

23 Kinukumusta(AV) ka ni Epafras na kasama kong nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus. 24 Kinukumusta(AW) ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas, na mga kasama ko sa gawain.

25 Nawa'y sumainyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.