Bible in 90 Days
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Habakuk.
Inireklamo ni Habakuk ang Kawalang-katarungan
2 O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo,
bago ninyo ako dinggin,
bago ninyo ako iligtas sa karahasan?
3 Bakit puro kaguluhan at kasamaan
ang ipinapakita mo sa akin?
Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan;
laganap ang karahasan at ang labanan.
4 Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang,
at hindi umiiral ang katarungan.
Sa husgado ay laging natatalo ng masasama ang walang kasalanan,
kaya't nababaluktot ang katarungan.
Ang Tugon ni Yahweh
5 Pagkatapos(A) ay sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Masdan mo ang mga bansang nakapalibot sa iyo
at mamamangha ka at magugulat sa iyong makikita.
Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing
hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo.
6 Papalakarin(B) ko sa kapangyarihan ang mga taga-Babilonia—
ang bansang kilala sa kalupitan at karahasan.
Sinasalakay nila ang lahat ng dako ng daigdig
upang sakupin ang lupaing hindi kanila.
7 Naghahasik sila ng takot at sindak;
ipinagmamapuri nila na sila mismo ang batas.
8 Ang mga kabayo nila'y mas mabibilis kaysa mga leopardo,
mas mababangis kaysa mga asong-gubat pagsapit ng gabi.
Ang kanilang mga mangangabayo ay rumaragasa mula sa malalayong lupain;
para silang mga agila na dumadagit sa kanilang biktima.
9 Ang kanilang mga hukbo ay marahas na sumasalakay,
at lahat ay nasisindak habang sila'y nananakop.
Di mabilang na parang buhangin ang kanilang mga bihag.
10 Hinahamak nila ang mga hari,
at walang pinunong iginagalang.
Pinagtatawanan lamang nila ang bawat muog,
sapagkat ito'y kanilang nilulusob at madaling nakukuha.
11 Pagkatapos ay nagpapatuloy silang parang malakas na hangin;
walang dinidiyos
kundi ang sarili nilang lakas.”
Muling Dumaing si Habakuk
12 O Yahweh, kayo ay Diyos na walang hanggan.
Kayo ang aking Diyos, banal at magpakailanman.
O Yahweh, aking Diyos at tanggulan,
pinili ninyo ang mga taga-Babilonia at sila'y inyong pinalakas.
O Batong matibay, inilagay mo sila upang kami'y pahirapan,
upang kami'y parusahan.
13 Ngunit paano ninyo natitiis ang mga taksil at masasamang taong ito?
Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan.
Hindi ninyo matitiis ang mga taong gumagawa ng mali.
Bakit hindi kayo kumikibo gayong pinupuksa nila
ang mga taong higit na mabuti kaysa kanila?
14 Itinuturing mo ang mga tao na gaya ng mga isda,
o gaya ng mga kulisap na walang mangunguna sa kanila.
15 Binibingwit sila ng mga taga-Babilonia na wari'y isda.
Itinataboy nila ang mga ito sa mga lambat,
at pagkatapos ay nagsisigawan sa galak!
16 Kaya't sinasamba pa nila ang kanilang mga lambat,
at nag-aalay ng mga handog;
sapagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng karangyaan.
17 Patuloy ba nilang gagamitin ang kanilang tabak
at walang awang pupuksain ang mga bansa?
Ang Tugon ni Yahweh
2 Aakyat ako sa bantayan at hihintayin
ang sasabihin ni Yahweh sa akin,
at ang tugon niya sa aking daing.
2 Ito ang tugon ni Yahweh:
“Isulat mo nang malinaw sa mga tapyas ng bato
ang pangitaing ipahahayag ko sa iyo,
upang sa isang sulyap ay mabasa agad at maipabatid ito.
3 Isulat(C) mo ito sapagkat hindi pa panahon upang ito ay maganap.
Ngunit mabilis na lilipas ang panahon,
at mangyayari ang ipinakita ko sa iyo.
Bagama't parang mabagal ito, hintayin mo.
Tiyak na mangyayari at hindi maaantala ito.
4 Ito(D) ang mensahe: “Ang hambog ay mabibigo sa kanyang pagmamataas,
ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.”
Ang Kapahamakan ng mga Makasalanan
5 Ang kayamanan[a] ay mandaraya.
Ang ganid sa salapi ay hindi makukuntento.
Ang kanyang katakawan ay kasinlawak ng libingan,
tulad ng kamatayan na walang kasiyahan.
Kaya sinasakop niya ang mga bansa,
upang maging kanya ang mga mamamayan.
6 Darating ang araw na hahamakin ng mga nasakop ang mga sumakop sa kanila.
Sasabihin nila, “Kinuha ninyo ang hindi sa inyo, kaya't kayo'y mapapahamak!
Hanggang kailan pa kayo magpapayaman, habang pinipilit na magbayad ang mga may utang sa inyo?”
7 Biglang darating ang panahon na kayo naman ang mangungutang,
at pipiliting magbayad ng interes.
Darating ang inyong kaaway at sisindakin kayo.
Pagnanakawan nila kayo!
8 Sinalanta ninyo ang maraming bansa,
iyan din ang gagawin sa inyo ng mga nakaligtas.
Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak,
dahil sa inyong karahasan sa mga tao,
sa daigdig at sa mga lunsod nito.
9 Mapapahamak kayong mga nagpayaman ng inyong pamilya sa pamamagitan ng inyong mga ninakaw.
Ngayo'y nagsisikap kayong ilayo sa kapahamakan at panganib ang inyong sambahayan.
10 Ang inyong mga pagbabalak ang nagbigay ng kahihiyan sa inyong sambahayan.
Winasak ninyo ang maraming bansa,
kaya kayo naman ngayon ang wawasakin.
11 Sisigaw laban sa inyo ang mga bato ng pader,
at aalingawngaw sa buong kabahayan.
12 Mapapahamak kayo! Nagtatag kayo ng lunsod sa pamamagitan ng kasamaan;
itinayo ninyo ang bayan sa pamamagitan ng pagpatay.
13 Ang(E) mga sinakop ninyong bansa ay nagpakahirap sa walang kabuluhan,
at lahat ng itinayo nila ay natupok sa apoy.
Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang gumawa nito.
14 Subalit(F) ang buong mundo ay mapupuno
ng mga taong kumikilala at dumadakila kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
15 Mapapahamak kayo! Pinainom ninyo ang inyong mga kalapit bansa,
ng alak na tanda ng inyong pagkapoot.
Nilasing ninyo sila at hiniya,
nang inyong titigan ang kanilang kahubaran.
16 Malalagay rin kayo sa kahihiyan at hindi sa karangalan.
Iinom din kayo at malalasing.
Ipapainom sa inyo ni Yahweh ang inyong kaparusahan,
at ang inyong karangalan ay magiging kahihiyan.
17 Hinubaran ninyo ang kagubatan ng Lebanon;
ngayon, kayo naman ang huhubaran.
Pinatay ninyo ang mga hayop doon;
ngayo'y kayo naman ang sisindakin nila.
Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak,
dahil sa inyong karahasan sa mga tao,
sa daigdig at sa mga lunsod nito.
18 Ano ang kabuluhan ng diyus-diyosan?
Tao lamang ang gumawa nito,
at pawang kasinungalingan ang sinasabi nito.
Ano ang ginagawa nitong mabuti upang pagkatiwalaan ng gumawa?
Ito ay isang diyos na hindi man lang makapagsalita.
19 Mapapahamak kayo! Ginigising ninyo ang isang pirasong kahoy!
Pinababangon ninyo ang isang bato!
May maipapahayag ba sa inyo ang isang diyus-diyosan?
Maaaring ito'y nababalot sa pilak at ginto,
ngunit wala naman itong buhay.
20 Si Yahweh ay nasa kanyang banal na templo,
tumahimik ang lahat sa harapan niya.
Manahimik ang buong sanlibutan sa kanyang presensya.
Ang Panalangin ni Habakuk
3 Ito ay panalangin ni Propeta Habakuk:[b]
2 O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa,
at ako'y lubos na humanga.
Ulitin ninyo ngayon sa aming panahon
ang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon.
Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit.
3 Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman,
ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran.
Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian,
at puno ang lupa ng papuri sa kanya.
4 Darating siyang sinliwanag ng kidlat,
na gumuguhit mula sa kanyang kamay;
at doon natatago ang kanyang kapangyarihan.
5 Nagpapadala siya ng karamdaman
at inuutusan ang kamatayan upang sumunod sa kanya.
6 Huminto siya at nayanig ang lupa;
sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa.
Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat;
ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog—
mga daang nilakaran niya noong unang panahon.
7 Nakita kong natakot ang mga tao sa Cusan,
at nanginig ang lahat sa lupain ng Midian.
8 Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh?
Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot?
Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo,
at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe,
habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan.
9 Binunot ninyo sa suksukan ang inyong pana,
at inihanda ang inyong mga palaso.
Biniyak ng inyong kidlat ang lupa.
10 Nakita kayo ng mga bundok at sila'y nanginig;
bumuhos ang malakas na ulan.
Umapaw ang tubig mula sa kalaliman,
at tumaas ang along naglalakihan.
11 Ang araw at ang buwan ay huminto
dahil sa bilis ng inyong pana at sibat.
12 Galit na galit kayong naglakad sa buong daigdig,
at sa tindi ng poot ninyo, ang mga bansa ay niyurakan.
13 Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan,
at ang haring pinili ninyo.
Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama,
at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.
14 Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma,
nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin.
Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha.
15 Niyurakan ninyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong mga kabayo,
at bumula ang malawak na karagatan.
16 Narinig kong lahat ito at ako'y nanginig;
nangatal ang aking mga labi dahil sa takot.
Nanghina ang aking katawan,
at ako'y nalugmok.
Tahimik kong hihintayin ang takdang panahon
ng pagpaparusa ng Diyos sa mga umapi sa amin.
17 Bagama't di namumunga ang puno ng igos
at hindi rin namumunga ang mga ubas,
kahit na maantala ang pamumunga ng olibo
at walang anihin sa mga bukirin,
kahit na mamatay lahat ang mga tupa
at mawala ang mga baka sa kulungan,
18 magagalak pa rin ako at magsasaya,
dahil si Yahweh ang Diyos na magliligtas sa akin.
19 Ang(G) Panginoong Yahweh ang sa aki'y nagpapalakas.
Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
Ang Araw ng Paghatol ni Yahweh
1 Ang(H) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zefanias, anak ni Cusi at apo ni Gedalias; si Gedalias ay anak ni Amarias at apo ni Hezekias. Tinanggap ni Zefanias ang pahayag na ito nang si Josias na anak ni Ammon ang hari sa Juda.
2 “Wawasakin ko ang lahat ng bagay
sa balat ng lupa,” sabi ni Yahweh.
3 “Pupuksain ko ang lahat ng tao at hayop;
papatayin ko ang mga ibon sa himpapawid
at ang mga isda sa dagat.
Ibabagsak ko ang masasama;
lilipulin ko ang sangkatauhan
sa balat ng lupa,” sabi ni Yahweh.
4 “Paparusahan ko ang lahat ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem.
Wawasakin ko rin sa dakong ito ang mga nalalabing bakas ng pagsamba kay Baal
at lubusan nang malilimutan ang mga paring naglilingkod sa mga diyus-diyosan.
5 Kabilang dito ang mga umaakyat sa kanilang bubungan
upang sumamba sa araw, sa buwan at sa mga bituin.
Ang mga taong kunwa'y nanunumpa sa pangalan ni Yahweh
ngunit sa pangalan naman pala ni Milcom;
6 silang mga tumalikod na sa paglilingkod kay Yahweh
at hindi na humihingi ng patnubay sa kanya.”
7 Tumahimik kayo sa harapan ng Panginoong Yahweh!
Sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh.
Inihanda na niya ang kanyang bayan upang ialay,
at inanyayahan niya ang kanyang mga panauhin upang wasakin ang Juda.
8 Sa araw na iyon, sasabihin ni Yahweh,
“Paparusahan ko ang mga pinuno at ang mga anak ng hari,
gayundin ang lahat ng tumutulad sa pananamit ng mga dayuhan.
9 Paparusahan ko rin ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan,
gayundin ang mga nagnanakaw at pumapatay
upang may mailagay lamang sa bahay ng kanilang panginoon.”
10 Sinabi rin ni Yahweh, “Sa araw na iyon,
maririnig ang malakas na pagtangis ng mga tao sa pintuang tinatawag na Isda,
mga panaghoy mula sa bagong bahagi ng lunsod,
at malalakas na ingay dahil sa pagguho ng mga gusali sa mga burol.
11 Tumangis kayo, mga naninirahan sa mababang lugar ng lunsod!
Patay nang lahat ang mga mangangalakal;
ang mga nagtitimbang ng pilak ay wala na.
12 “Sa panahong iyon ay gagamit ako ng ilawan
upang halughugin ang Jerusalem.
Paparusahan ko ang mga taong labis na nagtitiwala sa sarili
at nagsasabing,
‘Si Yahweh ay walang gagawin para sa ating ikabubuti o ikasasamâ.’
13 Sasamsamin ang kanilang kayamanan,
at sisirain ang kanilang mga bahay.
Magtatayo sila ng mga bahay ngunit hindi nila matitirhan;
magtatanim sila ng mga ubas ngunit hindi sila makakatikim ng alak nito.”
14 Malapit na ang dakilang araw ni Yahweh,
at ito'y mabilis na dumarating.
Kapaitan ang dulot ng araw na iyon;
maging ang matatapang ay iiyak nang malakas.
15 Iyon ay araw ng poot, ligalig at dalamhati,
araw ng pagkasira at pagkawasak,
araw ng kadiliman at kalungkutan,
araw ng maitim at makakapal na ulap.
16 Araw ng pagtunog ng trumpeta at ng sigawan ng mga sumasalakay
sa mga napapaderang lunsod at nagtataasang tore.
17 Padadalhan ko ng matinding kalungkutan ang mga tao;
lalakad sila na parang bulag,
sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh.
Mabubuhos na parang tubig ang kanilang dugo,
at mangangalat ang kanilang bangkay na parang basura.
18 Hindi sila maililigtas ng kanilang pilak o ginto
sa araw ng poot ni Yahweh.
Matutupok sa apoy ng kanyang mapanibughuing poot
ang buong daigdig,
sapagkat bigla niyang wawasakin
ang lahat ng naninirahan sa lupa.
Ang Panawagan na Magsisi
2 Magtipun-tipon kayo at magpulong,
bansang walang-hiya!
2 Bago kayo ipadpad na gaya ng ipang tinatangay ng hangin,
bago ninyo lasapin ang matinding galit ni Yahweh,
bago dumating sa inyo ang araw ng kanyang poot.
3 Manumbalik kayo kay Yahweh, kayong mapagpakumbaba,
kayong sumusunod sa kanyang kautusan.
Gawin ninyo ang tama at kayo'y magpakumbaba kay Yahweh,
baka sakaling kayo'y makaligtas
sa parusa sa araw na iyon!
Hahatulan ang mga Bansa sa Paligid ng Israel
4 Walang(I) matitira sa lunsod ng Gaza,
at walang matitira sa lunsod ng Ashkelon.
Ang mga taga-Asdod ay palalayasin sa katanghaliang-tapat,
at itataboy ang mga taga-Ekron.
5 Kahabag-habag kayong naninirahan sa mga baybay-dagat,
kahabag-habag kayo, mga Queretita!
Ang salita ni Yahweh ay laban sa iyo,
O taga-Canaan, lupain ng mga Filisteo;
lilipulin kong lahat ang inyong mga mamamayan.
6 At ang baybay-dagat ay magiging pastulan,
tahanan ng mga pastol at silungan ng mga kawan.
7 Ang baybay-dagat ay titirhan
ng mga hindi namatay sa lahi ni Juda;
doon sila magpapastol,
at pagsapit ng gabi, sila'y matutulog sa mga bahay sa Ashkelon.
Sapagkat makakasama nila si Yahweh na kanilang Diyos
at ibabalik ang kanilang mga kayamanan.
8 “Narinig(J) ko ang pangungutya ng Moab,
at ang paghamak ng mga Ammonita;
iniinsulto nila ang aking bayan
at ipinagmamalaking sasakupin ang kanilang lupain.”
9 Kaya(K) nga't sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
ang Diyos ng Israel,
“Isinusumpa kong mawawasak ang Moab tulad ng Sodoma,
at ang Ammon, tulad ng Gomorra.
Ang lupain nila'y mapupuno ng dawag,
at hindi na ito mapapakinabangan kailanman.
Sasamsaman sila ng mga nakaligtas sa aking bayan,
at aangkinin ang kanilang lupain.”
10 Ito ang parusa sa kanilang kapalaluan,
at sa paghamak nila sa bayan ni Yahweh.
11 Sisindakin sila ni Yahweh.
Pawawalang-kabuluhan niya ang mga diyus-diyosan ng sanlibutan;
at siya ang sasambahin ng lahat ng bansa,
sa kani-kanilang lupain.
12 Kayong(L) mga taga-Etiopia
ay mamamatay rin sa digmaan.
13 Sa(M) kapangyarihan ni Yahweh ay wawasakin ang Asiria;
ibabagsak niya ang Nineve, at ito'y matutulad sa isang disyerto.
14 Maninirahan dito ang mga kawan,
at ang lahat ng uri ng mga hayop sa parang.
Ang mga buwitre ay magpupugad sa mga sirang haligi
at huhuni ang mga kuwago sa may tapat ng bintana;
gayundin ang mga uwak sa may pintuan,
sapagkat malalantad ang mga kahoy na sedar.
15 Ito ang mangyayari sa palalong lunsod
na hindi nababahala, at nagsasabing,
“Wala nang hihigit pa sa akin!”
Anong laking kasawian ang kanyang sinapit;
naging tirahan siya ng mababangis na hayop!
Kukutyain siya at pandidirihan ng lahat ng magdaraan doon.
Ang Kapahamakan at Katubusan ng Israel
3 Mapapahamak ang mapaghimagsik na lunsod ng Jerusalem,
punung-puno ng mga makasalanan at ng mga pinunong mapang-api.
2 Hindi ito sumusunod kay Yahweh
at ayaw tumanggap ng kanyang pagtutuwid.
Wala itong tiwala sa kanya,
at ayaw nitong lumapit sa Diyos upang humingi ng tulong.
3 Ang kanyang mga pinuno ay parang mga leong umuungal;
ang mga hukom nama'y parang mga asong-gubat sa gabi,
na sa pagsapit ng umaga'y walang itinitira kahit na buto.
4 Ang kanyang mga propeta ay di mapagkakatiwalaan at mapanganib;
ang kanyang mga pari ay lapastangan sa mga bagay na sagrado;
at binabaluktot ang kautusan para sa kanilang kapakinabangan.
5 Ngunit nasa lunsod pa rin si Yahweh;
doo'y pawang tama ang kanyang ginawa
at kailanma'y hindi siya nagkakamali.
Araw-araw ay walang tigil niyang ipinapakita
ang kanyang katarungan sa kanyang bayan,
ngunit hindi pa rin nahihiya ang masasama sa paggawa ng kasalanan.
6 “Nilipol ko na ang mga bansa;
winasak ko na ang kanilang mga tore at kuta.
Sinira ko na ang kanilang mga lansangan,
kaya't wala ni isa mang doo'y dumaraan.
Giba na ang mga lunsod nila,
wala nang naninirahan doon,” sabi ni Yahweh.
7 Kaya't nasabi ko, “Tiyak na matatakot na siya sa akin,
tatanggap na siya ng aking pagtutuwid.
Hindi na niya ipagwawalang-bahala ang mga paalala ko.
Ngunit lalo pa siyang nasabik gumawa ng masama.”
8 “Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ni Yahweh,
“hintayin ninyo ang araw ng aking pag-uusig.
Sapagkat ipinasya kong tipunin,
ang mga bansa at ang mga kaharian,
upang idarang sila sa init ng aking galit,
sa tindi ng aking poot;
at ang buong lupa ay matutupok sa apoy ng aking poot.
9 “Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
at bibigyan ko sila ng dilang malinis,
upang sa kay Yahweh lamang manalangin at sumamba
at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya.
10 Mula sa kabilang panig ng mga ilog ng Etiopia,[c]
ang aking nangalat na bayan,
ay sasamba sa akin at magdadala ng kanilang handog.
11 “Sa araw na iyon ay hindi na kayo mapapahiya
sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin,
sapagkat aalisin ko ang mga mapagmataas,
at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok.
12 Iiwan ko roon
ang mga taong mapagpakumbaba;
lalapit sila sa akin upang magpatulong.
13 Hindi(N) na gagawa ng kasamaan ang mga nakaligtas sa Israel;
hindi na sila magsisinungaling ni mandaraya man.
Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag;
wala na silang katatakutan.”
Isang Awit ng Kagalakan
14 Umawit ka nang malakas, Lunsod ng Zion! Sumigaw ka, Israel!
Magalak ka ng buong puso, Lunsod ng Jerusalem!
15 Ang iyong kaparusahan ay inalis na ni Yahweh,
at pinalayas na niya ang iyong mga kaaway.
Nasa kalagitnaan mo si Yahweh, ang Hari ng Israel,
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
16 Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem,
“Huwag kang matakot, Zion;
huwag kang panghinaan ng loob.
17 Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos,
at ang kanyang kapangyarihan ang magbibigay sa iyo ng tagumpay.
Siya ay magagalak sa iyo
at ang pag-ibig niya ang magbibigay sa iyo ng bagong buhay.
Masaya siyang aawit sa laki ng kagalakan,
18 gaya ng nagdiriwang sa isang kapistahan.
Ililigtas kita sa iyong kapahamakan,
upang huwag mo nang maranasan ang kahihiyan.
19 Sa panahong iyon ay haharapin ko ang mga umapi sa iyo.
Titipunin ko ang mga itinakwil,
papalitan ko ng karangalan ang kanilang mga kahihiyan,
at gagawin ko silang tanyag sa buong daigdig.
20 Sa panahong iyon, kayo'y aking titipunin at ibabalik sa inyong tahanan.
Gagawin ko kayong bantog sa buong daigdig,
at muli kong ibabalik ang inyong kayamanan at kasaganaan.”
Si Yahweh ang nagsabi nito.
Iniutos ni Yahweh na Muling Itayo ang Templo
1 Ang(O) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Hagai. Noong ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario sa Persia, noong unang araw ng ikaanim na buwan, si Yahweh ay nangusap kay Hagai para kay Zerubabel na gobernador ng Juda, anak ni Sealtiel, at sa pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak.
2 Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Sinasabi ng mga taong ito na diumano'y hindi pa napapanahon upang itayong muli ang Templo.” 3 Dahil dito, sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay sinabi ni Yahweh sa sambayanan, 4 “Tama ba na naninirahan kayo sa mga magaganda at maaayos na bahay ngunit wasak na wasak naman ang aking Templo? 5 Hindi ba ninyo napapansin ang mga nangyayari sa inyo? 6 Marami na kayong naihasik ngunit kaunti lamang ang inyong ani. May mga pagkain nga kayo ngunit kakaunti naman at hindi makabusog. May alak nga kayong naiinom ngunit hindi naman sapat upang magbigay kasiyahan. May damit nga kayong naisusuot ngunit giniginaw pa rin kayo sa taglamig. Kumikita nga ang manggagawa ngunit kinukulang pa rin siya. 7 Alam ba ninyo kung bakit ganyan ang nangyayari? 8 Hindi ako nasisiyahan sa mga ginagawa ninyo. Kaya pumunta kayo sa kagubatan at kumuha ng mga trosong gagamitin sa muling pagtatayo ng Templo upang ako ay masiyahan at doon ay mabigyan ng karangalan.”
9 “Umasa kayong aani ng masagana ngunit kayo'y nabigo. At ang kaunting ani na iniuwi ninyo ay akin pang isinambulat. Ginawa ko iyan sa inyo sapagkat abalang-abala kayo sa pagpapaganda ng inyong mga bahay samantalang ang Templo na aking tahanan ay pinababayaan ninyong wasak. 10 Iyan ang dahilan kaya kahit hamog ay hindi kayo napapatakan, at ang inyong mga pananim ay hindi lumalago. 11 Matinding tagtuyot ang ipinararanas ko sa buong lupain: sa mga kabukiran at kaburulan, sa mga inaning butil, sa mga bagong alak sa lahat ng ani, sa lahat ng tao at hayop, at sa lahat ng pinagpaguran ninyo.”
Sinunod ng Sambayanan ang Utos ni Yahweh
12 Natakot ang sambayanan kay Yahweh. Kaya't bilang tugon sa ipinasabi nito kay Propeta Hagai, sinunod nina Gobernador Zerubabel na anak ni Sealtiel at ng pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak, gayundin ng buong sambayanang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia, ang ipinagagawa sa kanila ni Yahweh na kanilang Diyos. 13 Nalugod siya kaya't sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay muli niyang ipinasabi sa sambayanan, “Nangangako akong kayo'y aking papatnubayan.” 14 Simula nga noon, si Yahweh ang nagbigay ng lakas ng loob sa lahat ng nagtatrabaho upang muling itayo ang Templo—hindi lamang ni Zerubabel na gobernador ng Juda at ni Josue na pinakapunong pari, kundi ng buong sambayanang lumaya at nagsibalik mula sa pagkabihag. Sama-sama at tulung-tulong nilang sinimulan ang muling pagtatayo ng Templo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos, 15 noong ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario.
Ang Kagandahan ng Bagong Templo
2 Noong ikadalawampu't isa ng ikapitong buwan ng taon ding iyon, muling nagsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Hagai 2 upang ipaabot ang mensaheng ito kay Zerubabel na gobernador ng Juda at kay Josue na pinakapunong pari, gayundin sa buong sambayanan: 3 “Sino(P) sa inyo ang nakakaalala sa maringal na kaningningan ng naunang Templo? Maihahambing ba ninyo ang kagandahan noon sa hitsura ng Templong ito ngayon? Wala itong sinabi sa naunang Templo. 4 Gayunman, magpakatatag kayo. Patuloy ninyong gawin ang Templo sapagkat ako'y kasama ninyo. 5 Nang(Q) palayain ko kayo sa Egipto, aking ipinangakong palagi ko kayong papatnubayan. Hanggang ngayon nga'y kasama ninyo ako kaya't wala kayong dapat ikatakot.
6 “Hindi(R) na magtatagal at yayanigin ko ang langit at ang daigdig, ang lupa at ang dagat. 7 Yayanigin ko ang mga bansa at dadalhin ko dito ang kanilang mga kayamanan. Ang Templong ito ay mapupuno ng kanilang mga kayamanan 8 sapagkat ang lahat ng pilak at ginto sa buong daigdig ay akin. 9 Dahil dito, ang bagong Templo ay magiging higit na maganda kaysa doon sa nauna, at sa bagong Templong ito ay mahahayag ang kasaganaan at katiwasayang ipagkakaloob ko sa aking sambayanan.” Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Sumangguni ang Propeta sa mga Pari
10 Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario sa Persia, muling nagpahayag kay Hagai si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 11 Sinabi ni Yahweh sa kanya na itanong sa mga pari kung ano ang pasya ng mga ito ukol sa ganitong usapin: 12 “Halimbawa'y may dumampot ng isang piraso ng karneng itinalaga mula sa handog na inialay sa altar at ito'y binalot niya sa kanyang damit. Magiging banal din kaya ang mga pagkaing masaling ng kanyang damit tulad ng tinapay, ulam, alak, langis ng olibo, at iba pang pagkain?” Ang sagot ng mga pari ay “Hindi.”
13 Muling(S) nagtanong si Hagai, “Halimbawa'y naging marumi ang isang tao dahil humipo sa bangkay. Magiging marumi rin ba ang anumang pagkaing masaling niya?” “Oo,” ang sagot ng mga pari.
14 Kaugnay nito, sinabi ni Hagai, “Ganito rin ang kalagayan ng mga tao sa bansang ito sa harapan ni Yahweh, pati na ang bunga ng kanilang mga gawain. Kaya nga't ang lahat ng handog nila sa altar ay marurumi.”
Nangako ng Pagpapala si Yahweh
15 Sinabi rin ni Yahweh, “Pag-isipan ninyong mabuti ang mga pangyayaring magaganap sa inyong buhay mula sa araw na ito. Noong hindi pa ninyo nasisimulang gawing muli ang Templo, 16 inaasahan ninyong ang isang buntong trigo ay 200 kilo ngunit iyon pala ay sandaan lamang. Akala ninyo'y sandaang litrong alak ang masasalok sa imbakan ngunit iyon pala'y apatnapu lamang. 17 Sinalanta ko ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, amag, at pag-ulan ng yelo, gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. 18 Ngayon ay ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan at ito ang araw na natapos ang pundasyon ng Templo. Bantayan ninyo ang mga susunod na pangyayari. 19 Ubos na ba ang mga pagkaing butil sa kamalig? Wala pa bang bunga ang mga puno ng ubas, ng igos, ng granada, at ng olibo? Huwag kayong mabahala sapagkat mula ngayon ay pagpapalain ko na kayo.”
Ang Pangako ni Yahweh kay Zerubabel
20 Nang araw ding iyon, ikadalawampu't apat ng buwan, isa pang mensahe ang ibinigay ni Yahweh para kay Hagai 21 upang iparating kay Zerubabel na gobernador ng Juda, “Malapit ko nang yanigin ang langit at ang lupa, 22 pati na ang mga kaharian; wawakasan ko na ang kapangyarihan ng mga ito. Sisirain ko na ang kanilang mga karwahe at papaslangin ang mga nakasakay doon. Mamamatay din ang mga kabayo at magpapatayan ang mga mangangabayo. 23 Pagsapit ng araw na iyon, kukunin kita Zerubabel na aking lingkod. Itatalaga kita upang maghari sa ilalim ng aking kapangyarihan. Ikaw ang aking pinili.” Iyan ang pahayag ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Panawagan na Manumbalik sa Diyos
1 Ang(T) aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zacarias, anak ni Berequias at apo ni Propeta Iddo. Noong ikawalong buwan, ng ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario ng Persia, nangusap si Yahweh sa kanya. 2 Ipinasabi niya sa mga taga-Juda, “Labis akong napoot sa inyong mga ninuno. 3 Kaya't sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Manumbalik kayo sa akin at kakalingain ko kayo. 4 Huwag kayong tumulad sa inyong mga ninuno. Hindi sila nanumbalik sa akin, hindi nila tinalikuran ang kanilang kasamaan sa kabila ng aking mga panawagan sa pamamagitan ng mga propeta. 5 Nasaan sila ngayon? At ang mga propeta, nanatili ba silang buháy? 6 Ngunit natupad ang lahat ng sinabi ko sa pamamagitan ng mga propeta. Kaya naman sila'y nagsisi at sinabi nilang ginawa ko nga ang aking sinabi tungkol sa kanila na katumbas ng kanilang kasamaan.’”
Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo
7 Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikalabing isang buwan ng ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario, nagpahayag si Yahweh kay Propeta Zacarias. Ganito ang salaysay ni Zacarias tungkol sa pangyayari, 8 “Kagabi,(U) nagkaroon ako ng pangitain. May nakita akong isang lalaking nakasakay sa kabayong pula. At siya'y huminto sa kalagitnaan ng mga punong mirto sa isang libis. Sa likuran niya ay may mga nakasakay rin sa kabayong pula, sa kabayong puti at sa kabayong batik-batik. 9 Kaya't itinanong ko sa anghel ni Yahweh na nasa tabi ng mirto kung ano ang kahulugan niyon.”
Ang sagot niya, “Halika't ipapaliwanag ko sa iyo. 10 Ang mga ito ay isinugo ni Yahweh upang magmanman sa buong daigdig.”
11 Sinabi ng mga tinutukoy ng anghel ni Yahweh, “Natingnan na po namin ang kalagayan ng buong daigdig; payapa po ang lahat.”
12 Nang magkagayon, sinabi ng anghel, “Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, hanggang kailan mo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda? Pitumpung taon na po silang nagtitiis.”
13 May sinabi si Yahweh sa anghel na kausap ko, mga salitang nakakaaliw at makapagpapalakas ng loob. 14 Pagkatapos, sinabi naman sa akin ng anghel, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Labis ang aking pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Zion. 15 At malaki ang galit ko sa mga bansang palalo pagkat labis na ang pahirap nilang ginawa. 16 Kukupkupin kong muli ang Jerusalem at ang aking templo ay muling itatayo. Ibabalik ang dating sukat at kaayusan nito. 17 Muling sasagana ang aking mga lunsod. Ang Zion ay muli kong papatnubayan at hihirangin ang Jerusalem.”
Ang Pangitain tungkol sa mga Sungay at sa Panday
18 Ako'y tumingin at may nakita akong apat na sungay. 19 Tinanong ko ang anghel na kausap ko, “Ano ang kahulugan nito?”
Ang sagot niya sa akin, “Iyan ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel at Jerusalem.”
20 Pagkatapos, apat na panday ang ipinakita ni Yahweh sa akin. 21 Itinanong ko, “Ano ang gagawin nila?” Sumagot siya, “Ang Juda ay lubusang winasak ng mga sungay na nakita mo, anupa't walang makalaban sa kanila. Ipinadala ko ang mga panday na ito upang siyang humarap sa apat na sungay; babaliin nila ang lahat ng sungay na ginamit laban sa Juda.”
Ang Pangitain tungkol sa Lalaking may Panukat
2 Muli akong tumingin at may nakita akong isang lalaking may dalang panukat. 2 Tinanong ko ito, “Saan kayo pupunta?”
“Susukatin ko ang luwang at haba ng Jerusalem,” sagot niya.
3 Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel. 4 Sinabi nito sa kanya, “Bilisan mo! Habulin mo ang binatang may dalang panukat at sabihin mo sa kanya na ang Jerusalem ay titirhan ng napakaraming tao at hayop tulad ng bayang walang pader. 5 Si Yahweh mismo ang magiging pader na apoy ng Jerusalem, at ang kaluwalhatian niya'y lulukob sa buong lunsod.”
Tinawagan ang mga Dinalang-bihag
6 “Magmadali kayo!” sabi ni Yahweh. “Umalis kayo sa lupain sa hilaga, kayo na parang ipang inilipad ng hangin sa apat na sulok ng daigdig. 7 Magmadali kayo! Mga taga-Zion na naninirahan sa Babilonia, umuwi na kayo!”
8 Pagkatapos ng pangitaing ito, isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa mga taong nanamsam sa kanyang bayan at ipinasabi ang ganito: “Sinumang lumaban sa aking bayan ay para na ring lumaban sa akin. 9 Bilang parusa ko sa kanila, sila naman ang lulupigin ng mga inalipin nila. Kapag naganap na ito, malalaman nilang isinugo ko ang lalaking ito.”
10 Sinabi pa ni Yahweh, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Zion, sapagkat maninirahan na ako sa inyong kalagitnaan.”
11 Sa araw na iyon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri kay Yahweh at pasasakop sa kanya. Siya'y maninirahan sa inyong kalagitnaan. Sa gayon, malalaman ninyong isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 12 Aangkinin ni Yahweh ang Juda bilang bayang mahal at muli niyang hihirangin ang Jerusalem.
13 Tumahimik kayo sa harapan ni Yahweh, lahat ng nilalang, sapagkat tumayo na siya sa kanyang banal na tahanan.
Ang Pangitain tungkol kay Josue
3 Ipinakita(V) sa akin ni Yahweh ang pinakapunong paring si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ni Yahweh. Siya ay paparatangan ni Satanas na noo'y nasa kanyang kanan. 2 Sinabi(W) ng anghel ni Yahweh kay Satanas,[d] “Hatulan ka nawa ni Yahweh, Satanas. Hatulan ka nawa ni Yahweh na pumili sa Jerusalem. Ang taong ito ay gaya ng isang patpat na inagaw sa apoy.”
3 Nakatayo si Josue sa harapan ng anghel at ang suot ay maruming damit. 4 Sinabi ng anghel sa mga naroon, “Hubarin ang gulanit niyang kasuotan.” Bumaling siya kay Josue at sinabi, “Nilinis na kita sa iyong kasamaan at ngayo'y bibihisan ng magarang kasuotan.”
5 Bumaling muli ang anghel sa kanyang mga inutusan at sinabi, “Suotan ninyo siya ng malinis na turbante.” Gayon nga ang ginawa nila. At binihisan nila si Josue habang nakamasid ang anghel ni Yahweh.
6 Pagkatapos, tinagubilinan si Josue ng anghel ni Yahweh. 7 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Kung lalakad ka sa aking mga landas at susundin mo ang aking mga utos, pamamahalain kita sa aking templo at sa buong paligid nito. Bukod dito, diringgin ko ang mga dalangin mo tulad ng pagdinig ko sa dalangin ng mga anghel na ito. 8 Makinig(X) ka, Josue na pinakapunong pari! Ikaw at ang iyong mga kasamahang pari ay mabuting palatandaan ng mga mangyayari sa hinaharap. Palilitawin ko ang Sanga na aking lingkod. 9 At ang batong ibibigay ko sa iyo, na may pitong tapyas ay uukitan ko ng aking mga salita, at sa loob ng isang araw ay aalisin ko ang kasamaan sa buong lupain. 10 Sa(Y) araw na iyon, sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kaibigan upang magsama-sama sa ubasan ninyo at sa ilalim ng inyong mga punong igos.”
Ang Ilawan at ang Puno ng Olibo
4 Nagbalik ang anghel na kausap ko at ako'y kanyang ginising na para bang ako'y natutulog. 2 Itinanong niya sa akin, “Ano ang nakikita mo?” “Isang ilawang ginto po na may lalagyan ng langis sa itaas at may pitong ilawan, bawat isa'y may pitong lalagyan ng mitsa. 3 Sa(Z) magkabila nito ay may puno ng olibo,” sagot ko naman sa kanya. 4 Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan nito, panginoon?”
5 “Hindi mo ba alam iyan?” patanong na sagot sa akin.
“Hindi po,” ang sagot ko.
Ang Pangako ng Diyos kay Zerubabel
6 Sinabi(AA) sa akin ng anghel ang ipinapasabi ni Yahweh para kay Zerubabel, “Pinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Ang tagumpay ay hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas ng hukbo o sariling kapangyarihan kundi sa pamamagitan lamang ng aking espiritu.[e] 7 Maging ang pinakamalaking hadlang ay makikita ninyong maaalis. Muli mong itatayo ang templo at habang inilalagay mo ang kahuli-hulihang bato, magbubunyi ang mga tao at kanilang sasabihin, ‘Napakaganda!’”
8 Sinabi muli sa akin ni Yahweh, 9 “Si Zerubabel ang naglagay ng pundasyon sa templong ito at siya rin ang tatapos. Kapag ito'y natapos na, mapapatunayan ng lahat na ikaw ang aking isinugo. 10 Nag-aalala(AB) sila ngayon dahil sa mabagal na pagkayari ng templo. Ngunit matutuwa sila kapag nakita nilang ito'y pinapamahalaan na ni Zerubabel.”
Ipinaliwanag ang Pangitain tungkol sa Ilawan
Sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong sinag na iyan ay paningin ng Diyos at lalaganap ito sa buong mundo.”
11 Itinanong(AC) (AD) ko sa anghel, “Ano naman po ang kahulugan ng dalawang puno ng olibo sa magkabila ng ilawan? 12 Bakit may dalawang sanga ng olibo sa magkabilang tabi ng gintong tubo na buhusan ng langis?”
13 “Hindi mo ba alam kung ano ang mga iyan?” patanong na tugon niya sa akin.
“Hindi po,” sagot ko.
14 “Iyan ay dalawang taong pinili ni Yahweh at pinahiran ng langis upang makatulong niya sa pamamahala sa daigdig,” sabi niya.
Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Lumilipad
5 Muli akong tumingala at may nakita akong kasulatang lumilipad. 2 Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakikita mo?” “Isa pong kasulatang lumilipad. Ang haba po nito ay siyam na metro at apat at kalahating metro naman ang lapad,” sagot ko.
3 Sinabi niya sa akin, “Diyan nakasulat ang mga sumpa sa daigdig. Sa kabila ay sinasabing aalisin sa lupain ang lahat ng magnanakaw; sa kabila naman ay sinasabing aalisin din ang lahat ng sinungaling. 4 Ipadadala ko ito sa sambahayan ng mga magnanakaw at sa sambahayan ng mga sinungaling. Mananatili ito sa sambahayang iyon upang ubusin sila nang lubusan.”
Ang Babae sa Loob ng Malaking Basket
5 Lumapit sa akin ang anghel at sinabi, “Tumingala ka at tingnan mo kung ano itong dumarating.”
6 “Ano 'yan?” tanong ko sa kanya.
“Iyan ay isang malaking basket. Inilalarawan niyan ang kasalanan ng buong sanlibutan,” sagot niya. 7 Bumukas ang tinggang takip nito at nakita kong may isang babaing nakaupo sa loob ng malaking basket.
8 Sinabi sa akin ng anghel, “Iyan si Kasamaan.” At itinulak niya ito pabalik sa loob ng kaing at muling sinarhan. 9 Nang ako'y tumingala, may nakita akong dalawang babaing lumilipad papunta sa akin; malalapad ang kanilang pakpak. Pinagtulungan nilang ilipad na palayo ang malaking basket. 10 Tinanong ko ang anghel, “Saan nila iyon dadalhin?”
11 Sumagot siya, “Sa Babilonia. Gagawa sila ng templo roon upang paglagyan ng malaking basket. Pagkatapos, sasambahin nila ito.”
Ang Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe
6 Muli akong tumingin at may nakita akong apat na karwaheng lumabas sa pagitan ng dalawang malalaking bundok na tanso. 2 Pula ang mga kabayong humihila sa unang karwahe, kulay itim naman sa pangalawa, 3 mga(AE) kabayong kulay puti ang sa pangatlo, at mga kabayong batik-batik ang sa pang-apat. 4 Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan ng mga karwaheng ito?”
5 Sumagot(AF) siya, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin ng himpapawid na nagmula kay Yahweh na Panginoon ng buong daigdig. 6 Ang hila ng mga kabayong kulay itim ay pupunta sa hilaga, sa kanluran naman ang hila ng puti, at sa timog naman ang hila ng may batik-batik.” 7 Nang lumabas ang mga kabayong may batik-batik na pula, sila'y nagpipiglas upang siyasatin ang daigdig. Kaya sinabi ng anghel, “Sulong, siyasatin na ninyo ang daigdig!” At gayon nga ang ginawa ng mga ito. 8 Walang anu-ano, isinigaw sa akin ng anghel, “Ang poot ni Yahweh ay pinayapa na ng mga kabayong nagpunta sa Babilonia!”
Ang Kahulugan ng Pagpuputong kay Josue
9 Sinabi sa akin ni Yahweh, 10 “Puntahan mo sina Heldai, Tobias at Jedaias na kasama ng mga bihag na dinala sa Babilonia. Pagkatapos, tumuloy ka kay Josias na anak ni Sefanias. Kunin mo ang kanilang mga handog na pilak at ginto, 11 at gawin mong korona para sa pinakapunong paring si Josue na anak ni Jehozadak. 12 Sabihin(AG) mo sa kanya, ‘Narito ang isang taong ang pangala'y Sanga. Tutubo siya mula sa kanyang kinalalagyan at ipatatayo niya ang templo ni Yahweh. 13 Siya nga ang magtatayo ng templo, uupo sa trono, at manunungkulan bilang hari. Tutulungan siya ng isang pari at maghahari sa kanila ang mabuting pag-uunawaan. 14 Ang korona ay mananatili sa templo bilang pag-alala kina Heldai,[f] Tobias, Jedaias at Josias.’”[g]
15 Magsisiparito ang mga taong taga-malayong lupain upang tumulong sa pagtatayo ng templo ni Yahweh. Sa gayon, mapapatunayan ninyong isinugo nga ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Mangyayari ang lahat ng ito kung tutuparin ninyo ang kanyang mga utos.
Tinuligsa ang Pakunwaring Pag-aayuno
7 Noong ikaapat na taon ng pamamahala ni Haring Dario, muling nagpahayag kay Zacarias si Yahweh. Naganap ito noong ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan ng taon. 2 Ang mga pangkat nina Sarezer at Regemmelec ay sinugo ng mga taga-Bethel upang makiusap kay Yahweh 3 at itanong sa mga pari at sa mga propeta kung kailangan pa nilang magluksa sa ika-5 buwan, tulad ng dati nilang ginagawa.
4-5 Ito ang mga mensaheng ibinigay sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat para sa mga mamamayan ng buong lupain at sa mga pari: “Ang pagluluksa at pag-aayunong ginagawa ninyo tuwing ika-5 at ika-7 buwan sa loob ng pitumpung taon ay hindi parangal sa akin. 6 Hindi ba't nagkakainan at nag-iinuman kayo para lamang mabusog at masiyahan?”
7 Hindi ba't ito rin ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng mga unang propeta, nang ang Jerusalem at ang mga lunsod sa paligid nito kasama ang Negeb at mga bulubunduking lalawigan ay hindi pa nawawasak at nasa panahon ng kaunlaran.
Ang Dahilan ng Pagkabihag
8 Pinahayag ni Yahweh kay Zacarias, “Sabihin mo sa kanila, 9 ‘Pairalin ninyo ang katarungan at maging mahabagin kayo sa isa't isa. 10 Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda, ang mga ulila, ang mga dayuhan o ang mahihirap. Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa.’
11 “Ngunit hindi nila ito pinakinggan; matigas ang kanilang ulo at sila'y nagbingi-bingihan. 12 Ipinilit nila ang sariling kagustuhan at hindi dininig ang sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat sa pamamagitan ng mga propeta. Dahil dito, labis siyang nagalit sa kanila. 13 ‘Nang magsalita ako sa kanila, hindi nila ako pinakinggan, kaya ganoon din ang ginawa ko nang sila naman ang magsalita sa akin. 14 At ipinakalat ko sila sa lahat ng panig ng daigdig, sa mga lugar na di nila dating napupuntahan. Dahil dito, napabayaan ang dating magandang lupain; wala na ring dumaraan at naninirahan doon.’”
Ipinangako ang Muling Pagsasaya sa Jerusalem
8 Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 2 “Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal; isang pagmamahal na naging dahilan upang mapoot ako sa kanyang mga kaaway. 3 Babalik ako sa Jerusalem upang muling manirahan doon. Tatawagin itong Tapat na Lunsod at Banal na Bundok ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 4 Ganito ang sinabi ni Yahweh: “Muling makikita ang matatandang babae't lalaking nakatungkod na nakaupo sa mga liwasan ng lunsod. 5 Ang mga lansangan ay mapupuno ng mga batang naglalaro. 6 Aakalain ng mga naiwan sa lupain na mahirap itong mangyari. Ngunit para kay Yahweh ay walang imposible. 7 Ililigtas ko ang aking bayan mula sa mga lugar sa silangan at sa kanluran, 8 at muli ko silang ibabalik sa Jerusalem. Sila ay aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Diyos.”
9 Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Lakasan ninyo ang inyong loob, kayo na nakarinig ng mensahe ng mga propeta noong inilalagay ang pundasyon ng aking templo. 10 Bago pa dumating ang panahong iyon, hindi nila kayang umupa ng tao o hayop, at mapanganib kahit saan sapagkat ang bawat isa'y ginawa kong kaaway ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ngayon, hindi ko na pababayaang mangyari sa inyo ang nangyari noon. 12 Mapayapa na kayong makapaghahasik. Magbubunga na ang inyong mga ubasan. Papatak na ang ulan sa takdang panahon, ibibigay ko ang lahat ng ito sa mga naiwan sa lupain. 13 Bayan ng Juda at Israel, kayo ang naging sumpa sa mga bansa. Sinasabi nila, ‘Danasin sana ninyo ang kahirapang dinanas ng Juda at ng Israel.’ Ngunit ililigtas ko kayo at gagawing pagpapala para sa kanila. Kaya huwag kayong matakot at lakasan ninyo ang inyong loob.”
14 Ipinapasabi pa rin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Noong una, binalak kong parusahan ang inyong mga ninuno dahil sa kanilang kasamaan. Ginawa ko nga ito. 15 Ngunit ngayon, ipinasya ko namang pagpalain ang Jerusalem at ang Juda; kaya huwag kayong matakot. 16 Ganito(AH) ang dapat ninyong gawin: Katotohanan lamang ang sasabihin ninyo sa isa't isa, paiiralin ninyo ang katarungan at pananatilihin ang kapayapaan. 17 Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa at huwag magsisinungaling, sapagkat nasusuklam ako sa mga ito.”
18 Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, 19 “Sabihin mo sa kanila na ang mga araw ng pag-aayuno tuwing ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ng taon ay gagawin kong araw ng kagalakan at pagdiriwang ng Juda. Kaya't pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.”
20 Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating sa Jerusalem ang mga tao mula sa iba't ibang bayan. 21 Aanyayahan nila ang bawat isa, ‘Tayo na at sambahin natin si Yahweh. Humingi tayo ng pagpapala kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.’ 22 Maraming tao at bansang makapangyarihan ang pupunta sa Jerusalem upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat at upang humingi sa kanya ng pagpapala. 23 Sa araw na iyon, sampu-sampung dayuhan ang makikiusap sa bawat Judio na isama sila dahil sa balitang ang mga Judio ay pinapatnubayan ng Diyos.”
Ang Parusa sa mga Bansa sa Paligid
9 Ito(AI) (AJ) ang ipinapasabi ni Yahweh: “Itinakda ko na ang parusa sa lupain ng Hadrac at sa lunsod ng Damasco. Ang mga lunsod ng Aram ay akin, kung paanong ang lahat ng lipi ni Israel ay akin. 2 Akin din ang Hamat na nasa hangganan ng Hadrac, gayon din ang Tiro at Sidon, bagaman sila'y napakarunong. 3 Ang Tiro ay napapaligiran ng matibay na pader. Nag-ipon siya ng makapal na pilak at gintong sindami ng alabok sa lansangan. 4 Ngunit ngayon, kukunin ni Yahweh ang lahat niyang ari-arian at ihahagis lahat sa dagat. Ang lunsod naman ay ipatutupok niya sa apoy.
5 “Makikita(AK) ito ng Ashkelon at siya ay mangingilabot. Manginginig rin sa takot ang Gaza, at mawawalan ng pag-asa ang Ekron. Mawawalan ng hari ang Gaza at wala nang maninirahan pa sa Ashkelon. 6 Paghaharian ng mga dayuhan ang Asdod. Ibabagsak ko ang palalong Filistia. 7 Hindi na sila kakain ng dugo o anumang ipinagbabawal na pagkain. Ang matitira ay mapapabilang sa aking bayan at ituturing na isa sa mga angkan ni Juda. Ang mga taga-Ekron ay mapapabilang din sa aking bayan, tulad ng nangyari sa mga Jebuseo. 8 Babantayan ko ang aking bayan upang hindi ito mapasok ng kaaway. Hindi ko na papahintulutang lupigin pa sila ng iba, sapagkat nakita ko na ang kanilang paghihirap.”
Ang Magiging Hari ng Zion
9 O(AL) Zion, magdiwang ka sa kagalakan!
O Jerusalem, ilakas mo ang awitan!
Pagkat dumarating na ang iyong hari
na mapagtagumpay at mapagwagi.
Dumarating siyang may kapakumbabaan,
batang asno ang kanyang sinasakyan.
10 “Ipapaalis(AM) niya ang mga karwahe sa Efraim,
gayundin ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Panudla ng mga mandirigma ay mawawala,
pagkat paiiralin niya'y ang pagkakasundo ng mga bansa.
Hangganan ng kaharian niya'y dagat magkabila,
mula sa Ilog Eufrates hanggang dulo ng lupa.”
Muling Aayusin ang Zion
11 Sinabi(AN) pa ni Yahweh,
“Alang-alang sa ating tipan na pinagtibay ng dugo,
ibabalik ko ang mga anak mong itinapon sa balong tuyo.
12 Kayo, mga bilanggo, na di nawalan ng pag-asa,
ay maaari nang bumalik sa inyong lupain.
Ang magandang kalagayan ninyo noong unang panahon,
ay aking hihigitan at pag-iibayuhin.
13 Binanat ko ang Juda gaya ng isang pana,
at ang Efraim naman ang aking panudla.
Kayong mga taga-Zion ay aking isasagupa
laban sa mga anak ng mga taga-Grecia;
gaya ng tabak ng isang mandirigma,
sila'y gagawin kong aking sandata.”
14 Si Yahweh ay magpapakita sa kanyang bayan,
at ang palaso niya'y parang kidlat na sisibat;
trumpeta ng Panginoong Yahweh, kanyang hihipan
at sila'y parang ipu-ipong sasalakay sa katimugan.
15 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa kanila'y mag-iingat;
sa pagdumog sa kaaway sila'y di maaawat.
Dugo ng mga ito'y kanilang paaagusin,
gaya ng mga handog na sa altar inihain.
16 Sa araw na iyon, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos
pagkat sila'y kanyang kawan, iniibig na lubos.
Sa buong lupain ay magniningning sila,
parang batong hiyas ng isang korona.
17 Mararanasan nila'y kagandaha't kasaganaan;
pagkain at alak, may taglay na kalakasan,
para sa kabinataan at mga kadalagahan.
Ang Pagliligtas ni Yahweh sa Kanyang Bayan
10 Humingi kayo ng ulan kay Yahweh, sa panahon ng tagsibol.
Sa kanya na lumilikha ng ulap at hamog na nagpapasariwa sa mga pananim.
2 Ang(AO) mga diyus-diyosan ay wala ng kabuluhan;
ang pangitain ng mga manghuhula ay pawang kasinungalingan;
ang mga panaginip nila'y walang katotohanan;
ang kanilang sinasabi'y wala ring kabuluhan.
Kaya't mga tao'y parang tupang naliligaw,
pagkat walang pastol na sa kanila'y umaakay.
3 Ang mga pastol ay aking kinapopootan,
at ang mga pinuno ay aking paparusahan.
Mahal ko ang Juda, kaya siya'y iingatan,
palalakasin ko silang parang kabayo sa digmaan.
4 Sa kanila magmumula ang batong-panulukan;
sa kanila manggagaling ang tulos ng tolda;
sa kanila magmumula ang panang panudla,
mula rin sa kanila ang pinunong mamamahala.
5 Ang mga anak ng Juda ay mabubuo at sila'y magiging isang malakas na hukbo.
Ang kaaway nila'y kanilang yuyurakan, kanilang tatapakan sa maputik na lansangan.
Sila ay lalaban sapagkat si Yahweh ang kanilang patnubay;
ibabagsak nila ang mga kawal na kabayuhan.
6 “Ang sambahayan ni Juda'y bibigyan ko ng lakas;
ang sambahayan ni Jose'y aking ililigtas.
Ibabalik ko sila sa dating tirahan;
sapagkat sila ay aking kinahabagan, na para bang di ko sila pinabayaan.
Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos,
aking diringgin ang kanilang dalangin.
7 Ang mga taga-Efraim ay magdiriwang, katulad nila'y kawal na nagtagumpay.
Aawit sila sa galak na parang nakainom ng alak.
Makikita ito ng mga anak nila at matutuwa,
si Yahweh ay pupurihin sapagkat siya ang gumawa.
8 “Tatawagin ko sila at muling titipunin,
sa mga kaaway sila'y aking tutubusin;
at tulad noong una, sila'y pararamihin.
9 Bagaman(AP) sila'y pinangalat ko sa iba't ibang mga bansa,
hindi nila ako malilimutan doon,
sila at ang mga anak nila'y maliligtas at makakabalik sa kanilang tahanan.
10 Sila'y aking ibabalik mula sa Egipto,
at aking titipunin mula sa Asiria;
upang iuwi sa Gilead at Lebanon,
hanggang ang lupain ay mapuno ng tao.
11 Tatawid sila sa dagat ng Egipto,
at papayapain ko ang malalaking alon nito;
aking tutuyuin ang Ilog Nilo.
Ibabagsak ko ang Asiria na palalo,
maging setro ng Egipto'y tiyak na maglalaho.
12 Ang aking bayan ay aking palalakasin,
susundin nila ako at sasambahin.”
Ako si Yahweh, ang nagsabi nito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.