Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 6:8-16:37

Ang Pagdakip kay Esteban

Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla. Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya[a], na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia[b]. 10 Ngunit hindi nila kayang salungatin ang karunungang kaloob ng Espiritu kay Esteban. 11 Kaya't lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya ng ganito, “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” 12 Sa gayon, naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y sinunggaban nila at dinala sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi ng mga ito, “Ang taong ito ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinasabi niya na ang Templo raw ay gigibain nitong si Jesus na taga-Nazaret, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Si Esteban ay pinagmasdang mabuti ng lahat ng nakaupo sa Kapulungan, at nakita nila na ang kanyang mukha ay parang mukha ng anghel.

Ang Talumpati ni Esteban

Si Esteban ay tinanong ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang lahat ng ito?”

Sumagot(A) si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ang dakila at makapangyarihang Diyos ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham nang siya'y nasa Mesopotamia pa, bago siya nanirahan sa Haran. Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwan mo ang iyong lupain at mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.’

“Kaya't(B) umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, siya'y pinalipat ng Diyos sa lupaing ito na inyong tinitirhan ngayon. Gayunman,(C) hindi pa siya binigyan dito ng Diyos ng kahit na kapirasong lupa, ngunit ipinangako sa kanya na ang lupaing ito ay magiging pag-aari niya at ng magiging lahi niya, kahit na wala pa siyang anak noon. Ganito(D) ang sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Makikitira sa ibang lupain ang iyong magiging lahi. Aalipinin sila roon at pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon, ngunit(E) paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Aalis sila roon at sasamba sa akin sa lugar na ito.’ At(F) iniutos ng Diyos kay Abraham ang pagtutuli bilang palatandaan ng kanilang kasunduan. Kaya't nang isilang si Isaac, tinuli niya ito sa ikawalong araw. Ganoon din ang ginawa ni Isaac sa anak niyang si Jacob, at ginawa naman ni Jacob sa labindalawa niyang anak na lalaki, na naging mga ninuno ng ating lahi.

“Ang(G) mga ninuno nating ito ay nainggit kay Jose, kaya't siya'y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, 10 at(H) hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya'y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambahayan ng hari.

11 “Nagkaroon(I) ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya't nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa(J) ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Dahil(K) dito'y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu't limang katao silang lahat. 15 Pumunta(L) nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang ating mga ninuno. 16 Ang(M) kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor.

17 “Nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham, maraming-marami(N) na ang mga Israelita sa Egipto. 18 Sa panahong iyon, hindi na kilala ng hari [ng Egipto][c] si Jose. 19 Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating mga ninuno at sapilitan niyang ipinatapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Noon(O) ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, 21 at(P) nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. 22 Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa.

23 “Nang(Q) si Moises ay apatnapung taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. 24 Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. 25 Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin? 28 Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ 29 Nang(R) marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Doon ay nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki.

30 “Makalipas(S) ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal ang lupang kinatatayuan mo. 34 Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo kita sa Egipto.’

35 “Itinakwil(T) nila ang Moises na ito nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Sila(U) ay inilabas niya mula sa Egipto sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya roon, sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon. 37 Siya(V) rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Ang Diyos ay pipili ng isa sa inyo at gagawing propetang tulad ko.’ 38 Siya(W) ang kasama sa kapulungan ng mga Israelita sa ilang at ng anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin.

39 “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. 40 Sinabi(X) pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’ 41 At(Y) gumawa nga sila ng isang diyus-diyosan na may anyong guyang baka. Nag-alay sila ng handog at ipinagpista ang diyus-diyosang hinugis ng kanilang mga kamay. 42 Dahil(Z) diyan, itinakwil sila ng Diyos at hinayaang sumamba sa mga bituin sa langit, ayon sa nakasulat sa aklat ng mga propeta:

‘Bayang Israel, hindi naman talaga ako
    ang tunay na hinandugan ninyo ng mga alay at mga hayop na pinatay
    sa loob ng apatnapung taong kayo'y nasa ilang.
43 Sa halip, ang inyong dala-dala ay ang santuwaryo ni Molec,
    at ang bituin ng inyong diyos na si Refan.
Dahil ginawa ninyo ang mga rebultong ito upang sambahin,
    dadalhin ko kayong mga bihag sa kabila pa ng Babilonia.’

44 “Kasama(AA) ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. 45 Minana(AB) ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito'y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. 46 Kinalugdan(AC) ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos[d] ng Israel. 47 Ngunit(AD) si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon.

48 “Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta,

49 ‘Ang(AE) langit ang aking trono,’ sabi ng Panginoon,
    ‘at ang lupa ang aking tuntungan.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin,
    o anong lugar ang pagpapahingahan ko?
50 Hindi ba't ako ang gumawa ng lahat ng ito?’

51 “Napakatigas(AF) ng ulo ninyo! Ang mga puso at tainga ninyo ay parang sa mga pagano! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon. Lagi ninyong nilalabanan ang Espiritu Santo. 52 Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na Lingkod na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinunod.”

Ang Pagbato kay Esteban

54 Nagngitngit sa matinding galit kay Esteban ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio nang marinig ang mga ito. 55 Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.”

57 Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at nagsigawan. Pagkatapos, sabay-sabay nilang sinugod si Esteban 58 at kinaladkad siya palabas ng lungsod upang batuhin. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo. 59 At habang binabato nila si Esteban, nanalangin siya ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!”

At pagkasabi nito, siya'y namatay.

Inusig ni Saulo ang Iglesya

Sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban.

Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay nagkawatak-watak at napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang.

Samantala,(AG) sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinasok niya ang mga bahay-bahay at kanyang kinaladkad at ibinilanggo ang mga sumasampalataya, maging lalaki o babae.

Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita

Ipinangaral ng mga mananampalatayang nagkawatak-watak sa iba't ibang lugar ang Salita saan man sila magpunta. Nagpunta si Felipe sa lungsod[e] ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang marinig ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig silang mabuti sa kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay lumabas sa mga taong sinapian nila at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang pinagaling kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y isang dakilang tao, 10 at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas sa lipunan, “Ang lalaking ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila,” sabi nila. 11 Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila. 12 Ngunit nang sumampalataya sila nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, nagpabautismo ang mga lalaki't babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16 sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo.

18 Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. 19 “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo,” sabi niya.

20 Sinagot siya ni Pedro, “Nawa'y mapapahamak ka kasama ng iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi tama ang iyong puso sa paningin ng Diyos. 22 Pagsisihan mo ang kasamaan mong ito at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa iyong hangarin, 23 dahil nakikita kong puno ka ng inggit at bilanggo ng kasalanan.”

24 Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!”

25 Pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon, bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan.

Si Felipe at ang Pinunong Taga-Etiopia

26 Pagkatapos, sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Pumunta ka sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Halos hindi na iyon dinadaanan ngayon. 27 Pumunta nga doon si Felipe. Samantala, isang eunuko na pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, reyna ng Etiopia, ang nagtungo sa Jerusalem upang sumamba 28 at pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. 30 Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?”

31 Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. 32 Ito(AH) ang bahagi ng kasulatang binabasa niya:

“Siya ay tulad ng isang tupang dinadala sa katayan;
    tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan.
    At hindi umiimik kahit kaunti man.
33 Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.
    Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan,
    sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.”

34 Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?”

35 Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Mayroon bang hadlang upang ako'y bautismuhan?” [37 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang pinuno, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos!”][f]

38 Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. 40 Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.

Ang Pagtawag kay Saulo(AI)

Samantala, patuloy ang pagbabanta ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon.[g]

Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?”

“Sino kayo, Panginoon?” tanong niya.

“Ako si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya. “Tumayo ka't pumasok sa lungsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”

Natigilan at hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita. Tumayo si Saulo at pagmulat niya ay hindi siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya at dinala sa Damasco. Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw at hindi rin siya kumain ni uminom.

10 Sa Damasco ay may isang alagad na ang pangala'y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa pamamagitan ng isang pangitain, “Ananias!”

“Ano po iyon, Panginoon,” tugon niya.

11 Sinabi ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon. 12 [Sa isang pangitain],[h] nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang siya'y makakitang muli.”

13 Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po akong nabalitaan tungkol sa taong ito at sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem. 14 At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.”

15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat siya'y pinili ko upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”

17 Pumunta nga si Ananias sa naturang bahay at pumasok dito. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Isinugo niya ako upang muli kang makakita at upang mapuspos ka ng Espiritu Santo.” 18 Noon(AJ) di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo. 19 Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas.

Nangaral si Saulo sa Damasco

Si Saulo'y ilang araw na kasa-kasama ng mga alagad sa Damasco. 20 At agad siyang nangaral sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang dating umuusig doon sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito nga siya upang sila'y dakpin at dalhing nakagapos sa mga punong pari?”

22 Ngunit lalong naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo at walang maisagot ang mga Judiong naninirahan sa Damasco sa kanyang pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.

23 Pagkaraan(AK) ng maraming araw, nagkaisa ang mga Judio na patayin si Saulo. 24 Araw at gabi ay inaabangan nila si Saulo sa mga pintuang-bayan para patayin, ngunit nalaman niya ito. 25 Kaya't isang gabi, inilagay siya ng kanyang mga alagad sa isang basket at ibinabâ sa kabila ng pader.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit silang lahat ay takot sa kanya dahil hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. 27 Subalit dinala siya ni Bernabe sa mga apostol at isinalaysay nito sa kanila kung paano nagpakita at nakipag-usap ang Panginoon kay Saulo nang ito'y nasa daan papunta sa Damasco. Sinabi rin ni Bernabe na buong tapang na nangaral sa Damasco si Saulo sa pangalan ni Jesus. 28 Kaya mula noon, si Saulo'y kasa-kasama na nila sa buong Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. 29 Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya't tinangka nilang patayin siya. 30 Nalaman ito ng mga kapatid kaya't inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso.

31 Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at matatag. At patuloy silang namuhay na may takot sa Panginoon, at sa tulong ng Espiritu Santo ay lumago sila.

Nagpunta si Pedro sa Lida at sa Joppa

32 Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga hinirang ng Panginoon. Pagdating niya sa Lida, 33 natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!”

At agad siyang tumayo. 35 Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at sila'y sumunod sa Panginoon.

36 Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas[i]. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. 38 Malapit lang sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay nasa Lida, nagsugo sila ng dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. 39 Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga damit at mga balabal na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. 40 Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. 41 Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga hinirang ng Panginoon at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. 42 Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Maraming araw ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ng isang tagapagbilad ng balat ng hayop na nagngangalang Simon.

Ang Pangitain ni Pedro

10 Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. Siya ay isang taong sumasamba at may takot sa Diyos, gayundin ang kanyang buong pamilya. Siya'y matulungin sa mga dukha at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.”

Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?”

Sumagot ang anghel, “Nasiyahan ang Diyos sa iyong mga dalangin at pagtulong mo sa mga dukha. Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.”

Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa.

Kinabukasan,(AL) samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan[j] upang manalangin. Bandang tanghali na noon. 10 Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. 11 Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. 13 Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.”

14 Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.”

15 Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon.

17 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at noon ay nasa may pintuan na sila.

Ang Kahulugan ng Pangitain

18 Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. 19 Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong[k] lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. 20 Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.”

21 Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ba ang sadya ninyo?”

22 Sumagot ang mga lalaki, “Pinapunta po kami dito ni Cornelio, isang kapitan ng hukbo. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo upang marinig niya ang sasabihin ninyo.” 23 Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. 24 Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan na kanyang inanyayahan. 25 Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. 26 Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.”

27 Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. 28 Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan ang sinuman. 29 Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”

30 Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin[l] dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.

31 “Sinabi niya, ‘Cornelio, nakarating sa Diyos ang iyong mga panalangin at nakita niya ang pagtulong mo sa dukha. 32 Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ 33 Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at sa inyong kagandahang-loob ay pumarito kayo. Ngayon ay naririto kaming lahat sa harap ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon.[m]

Nangaral si Pedro

34 At(AM) nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos. 35 Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. 36 Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! 37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa niya ang mga ito sapagkat kasama niya ang Diyos.

39 “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus[n]. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, 41 hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. 43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga Hentil

44 Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. 45 Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ibinigay din sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. 46 Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, 47 “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” 48 At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.

Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem

11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na naniniwalang dapat tuliin ang mga Hentil. “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga di-tuling Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila.

Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari.

“Ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ 10 Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon.

11 “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko[o] ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila kahit sila'y mga Hentil. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. 13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. 14 Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’

15 “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una. 16 At(AN) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?”

18 Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan upang mabuhay!”

Ang Iglesya sa Antioquia

19 May mga mananampalatayang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban, na nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. 20 Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay ipinangaral din sa mga Griego[p] ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus.

22 Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.

25 Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, 26 at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.

27 Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. 28 Tumayo(AO) ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio. 29 Napagpasyahan ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. 30 Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo.

Panibagong Pag-uusig

12 Nang mga panahon ding iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes[q] ang ilang kaanib ng iglesya. Ipinapatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. At nang makita niyang ito'y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkadakip(AP) kay Pedro, siya'y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Subalit ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.

Pinalaya ng Anghel si Pedro

Nang gabi bago iharap ni Herodes si Pedro sa bayan, natutulog ito sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Walang anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa silid-piitan. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. “Dali, bumangon ka,” sabi ng anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. “Magbihis ka't magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.”

Lumabas at sumunod si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y pangitain lamang iyon. 10 Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lungsod. Ito'y kusang bumukas at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, bigla siyang iniwan ng anghel.

11 Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”

12 Nang maunawaan niya ang nangyari, nagpunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Nang si Pedro ay kumatok sa pinto, lumapit si Roda na isang katulong upang tingnan kung sino iyon. 14 Nakilala niya ang tinig ni Pedro, dahil sa tuwa ay tumakbo siyang papasok ng bahay nang hindi pa nabubuksan ang pinto, at sinabi sa lahat na si Pedro ay nasa pintuan.

15 “Nahihibang ka!” sabi nila. Ngunit iginiit niyang naroroon nga si Pedro. Kaya't sinabi nila, “Anghel niya iyon!” 16 Samantala, patuloy na kumakatok si Pedro.

Nang buksan nila ang pinto, nakita nga nila si Pedro at hindi sila makapaniwala. 17 Sila ay sinenyasan niyang tumahimik. Pagkatapos, isinalaysay niya kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan. “Sabihin ninyo ito kay Santiago at sa mga kapatid,” sabi pa niya. Pagkatapos, umalis siya at nagpunta sa ibang lugar.

18 Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro, at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Ipinahanap ni Herodes si Pedro, at nang hindi matagpuan ay ipinasiyasat ang mga bantay at ipinapatay.

Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea, pumunta sa Cesarea at nanatili roon.

Ang Pagkamatay ni Herodes

20 Matagal(AQ) nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at mga taga-Sidon. Kaya't sama-samang lumapit sa kanya ang mga taga-Tiro at taga-Sidon upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang tagapamahala sa palasyo, upang sila'y samahan. 21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga taong-bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!” 23 At noon din ay hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay.

24 Samantala, patuloy na lumago at lumaganap ang salita ng Diyos.

25 Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem[r] kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Ang Pagkasugo kina Bernabe at Saulo

13 May mga propeta at mga guro sa iglesya sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Maitim, Lucio na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes[s] na pinuno ng Galilea at Saulo. Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinahayo na.

Ang Pangangaral sa Cyprus

Dahil isinugo ng Espiritu Santo, sina Bernabe at Saulo ay nagpunta sa Seleucia at buhat doo'y sumakay sila sa isang barkong papunta sa Cyprus. Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Katulong nila si Juan[t] sa kanilang gawain.

Nilibot nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Natagpuan nila roon ang isang salamangkerong Judio na isang huwad na propeta; Bar-Jesus ang kanyang pangalan. Kaibigan ito ni gobernador Sergio Paulo, isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang marinig ang salita ng Diyos. Ngunit sinalungat sila ng salamangkerong si Elimas (ito ang pangalan ni Bar-Jesus sa wikang Griego) upang hadlangan ang gobernador sa pananampalataya. Si Saulo, na tinatawag ring Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig kay Elimas 10 at nagsabi, “Ikaw na anak ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng mabuti! Punô ka ng pandaraya at kasamaan! Hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matuwid na landas ng Panginoon? 11 Ngayon, paparusahan ka niya! Mabubulag ka at pansamantalang hindi ka makakakita ng liwanag.”

Noon di'y naramdaman ni Elimas na parang tinakpan ng maitim na ulap ang kanyang mga mata, at siya'y naghanap ng taong aakay sa kanya. 12 Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, at humanga siya sa katuruan tungkol sa Panginoon.

Sa Antioquia sa Pisidia

13 Mula sa Pafos, naglayag sina Pablo hanggang sa Perga sa Pamfilia; humiwalay naman sa kanila si Juan[u] at nagbalik sa Jerusalem. 14 Mula sa Perga, nagpatuloy sila hanggang Antioquia sa Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo.

15 Matapos basahin ang ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong mensaheng makapagpapalakas ng loob ng mga tao, maaari kayong magsalita.”

16 Kaya't tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik,

“Mga Israelita, at kayong lahat na may takot sa Diyos, makinig kayo! 17 Ang(AR) Diyos ng ating bansang Israel ang pumili sa ating mga ninuno. Sila'y ginawa niyang isang malaking bansa habang naninirahan pa sila sa lupain ng Egipto, at sila'y inilabas niya doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. 18 Sa(AS) loob ng apatnapung taon, sila ay pinagtiisan[v] niya sa ilang. 19 Nilipol(AT) niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan at ibinigay sa mga Israelita ang lupain bilang pamana. 20 Naganap ang lahat ng ito sa(AU) loob ng halos apatnaraan at limampung taon.

“Pagkatapos, sila'y binigyan niya ng mga hukom, hanggang sa panahon ng propetang si Samuel. 21 Nang(AV) humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos si Saul na anak ni Cis, isang lalaking mula sa lipi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng apatnapung taon. 22 At(AW) nang siya'y alisin ng Diyos, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Sinabi ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Si David, na anak ni Jesse, ay isang lalaking aking kinalulugdan, na handang sumunod sa lahat ng nais ko.’

23 “Sa angkan ng lalaking ito nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos sa Israel. 24 Bago(AX) siya dumating, nangaral si Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisihan at talikuran ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo. 25 Nang(AY) matatapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Cristo. Ngunit siya'y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’

26 “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos, tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. 27 Hindi nakilala ng mga taga-Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Jesus ang Tagapagligtas. Hindi rin nila naunawaan ang mga pahayag ng mga propeta, na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng pahayag na iyon nang si Jesus ay hatulan nila ng kamatayan. 28 Kahit(AZ) na wala silang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya'y hatulan ng kamatayan. 29 At(BA) nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya ay ibinabâ nila sa krus[w] at inilibing.

30 “Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos, 31 at(BB) sa loob ng maraming araw, siya ay nagpakita sa mga sumama sa kanya sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila ang mga saksi niya sa mga Israelita. 32 Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno 33 ay(BC) tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Gaya ng nakasulat sa ikalawang Awit,

‘Ikaw ang aking Anak,
    sa araw na ito ako'y naging iyong Ama.’

34 Tungkol(BD) naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala
    gaya ng ipinangako ko kay David.’

35 At(BE) sinabi rin niya sa iba pang bahagi,

‘Hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal.’

36 Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. 37 Subalit ang muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok. 38 Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangangaral sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinalalaya na sa lahat ng pagkakasala na mula sa mga ito ay hindi kayo kayang palayain ng Kautusan ni Moises. 40 Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41 ‘Tingnan(BF) ninyo, kayong mga nangungutya!
    Manggilalas kayo at mamatay!
Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan
    ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan,
    kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’”

42 Nang sina Pablo at Bernabe ay palabas na sa sinagoga, inanyayahan sila ng mga tao na magsalita muli tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga relihiyosong Hentil na nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.

44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ng Panginoon.[x] 45 Inggit na inggit naman ang mga Judio nang makita nila ang napakaraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na lang kami pupunta. 47 Ganito(BG) ang iniutos sa amin ng Panginoon,

‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil
    upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”

48 Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. 50 Ngunit ang mga pinuno ng lungsod at ang mga debotong babae na kilala sa lipunan ay sinulsulan ng mga Judio upang usigin sina Pablo at Bernabe at palayasin sa lupaing iyon. 51 Kaya't(BH) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagpunta sa Iconio. 52 Ang mga alagad naman sa Antioquia ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.

Sa Iconio

14 Gayundin ang nangyari sa Iconio; sina Pablo at Bernabe ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Napakahusay ng kanilang pangangaral kaya't maraming Judio at Griego ang sumampalataya. Gayunman, may ilang Judiong ayaw sumampalataya. Sinulsulan pa nila ang mga Hentil at nilason ang isip ng mga ito laban sa mga kapatid. Nanatili roon nang matagal sina Pablo at Bernabe, at buong tapang silang nangaral tungkol sa Panginoon. Pinatunayan ng Panginoon na totoo ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Kaya't nahati ang mga tao sa lungsod; may pumanig sa mga Judio at may pumanig din sa mga apostol.

Binalak ng ilang mga Hentil at mga Judio, kasama ng kanilang mga pinuno, na saktan at pagbabatuhin ang mga apostol. Subalit nang malaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas papuntang Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain, at doon sila nangaral ng Magandang Balita.

Sa Listra

Sa Listra ay may isang lalaking hindi nakakalakad dahil lumpo na ito mula pa nang ito'y isilang. Siya'y nakaupong nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo ay may pananampalatayang siya'y mapapagaling, tinitigan niya ang lumpo 10 at malakas na sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad.

11 Nang makita ng mga taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nasa bungad ng lungsod ang templo ni Zeus. Ang pari ni Zeus ay nagdala ng mga toro at mga kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lungsod. Nais ng pari at ng mga tao na maghandog sa mga apostol.

14 Nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila, 15 “Mga(BI) ginoo, huwag ninyong gawin iyan! Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinapangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran ninyo ang mga walang kabuluhang bagay na iyan, at manumbalik kayo sa Diyos na buháy na lumikha ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroroon. 16 Sa mga panahong nakalipas, hinayaan niyang gawin ng lahat ng bansa anuman ang kani-kanilang maibigan. 17 Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin sina Bernabe at Pablo na pigilan ang mga tao na sila'y alayan ng mga handog.

19 Ngunit may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga taga-Listra laban kay Pablo, kaya't siya'y pinagbabato nila. Pagkatapos, siya ay kinaladkad nila sa labas ng bayan, sa pag-aakalang siya'y patay na, 20 subalit nang dumating ang mga alagad at palibutan siya, tumayo si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagpunta sila ni Bernabe sa Derbe.

Ang Pagbabalik sa Antioquia

21 Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia. 22 Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad. 23 Sa bawat iglesya ay nagtalaga sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan.

24 Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia. 25 Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos para sa gawaing kanilang natapos na.

27 Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong nagbukas siya ng pagkakataon sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin. 28 At matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.

Ang Pagpupulong sa Jerusalem

15 May(BJ) dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.”

Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa matatandang pinuno ng iglesya.

Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga matatandang pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.”

Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. Pagkatapos(BK) ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. Ang(BL) Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap niya nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo tulad ng pagkakaloob niya sa atin. Walang pagkakaiba ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. 10 Bakit sinusubok ninyo ang Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus at gayundin sila.”

12 Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila.

13 Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon kung paano unang ipinamalas ng Diyos ang kanyang pagkalinga sa mga Hentil upang mula sa kanila ay may mga mapabilang sa kanyang bayan. 15 Ito ay sumasang-ayon sa ipinahayag ng mga propeta, tulad ng nasusulat,

16 ‘Pagkatapos(BM) nito ay babalik ako,
    at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David.
Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
17 upang ang Panginoon ay hanapin ng iba pang mga tao,
    ng lahat ng mga Hentil na tinawag ko upang maging akin.
18 Ganoon ang sinabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’”

19 Nagpatuloy si Santiago, “Kaya't ang pasya ko'y huwag nating pahirapan ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. 20 Sa(BN) halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, at huwag kakain ng hayop [na binigti][y] at ng dugo. 21 Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.”

Ang Sulat sa mga Hentil na Sumasampalataya

22 Kaya't minabuti ng mga apostol, ng matatandang pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman:

“Kaming mga apostol at ang matatandang pinuno ng iglesya, inyong mga kapatid, ay bumabati sa mga kapatid naming Hentil na nasa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. 24 Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, 25 kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. 28 Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na ito na talagang kailangan: 29 huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan para sa ikabubuti ninyo. Paalam.”

30 At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa mensaheng nagpalakas ng kanilang loob. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpasigla at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. 33 Ang dalawa'y tumigil doon nang kaunting panahon. Pagkatapos, sila'y pinabalik na taglay ang pagbati ng mga kapatid para sa mga nagsugo sa kanila. [34 Ngunit minabuti ni Silas ang manatili doon.][z]

35 Subalit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.

Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe

36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit(BO) ayaw ni Pablo, sapagkat hindi ito nagpatuloy na sumama sa kanilang gawain, sa halip, ito'y humiwalay sa kanila sa Pamfilia. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos silang ipagkatiwala ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon.

Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas

16 Nagpunta rin si Pablo sa Derbe at sa Listra. May isang alagad doon na ang pangala'y Timoteo. Ang kanyang ina ay isang mananampalatayang Judio at ang kanyang ama nama'y isang Griego. Mataas ang pagtingin ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio kay Timoteo. Ibig isama ni Pablo si Timoteo kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judio sa lungsod na iyon, dahil alam nilang lahat na ang kanyang ama ay isang Griego. Sa bawat lungsod na kanilang dalawin, ipinaaalam nila sa mga kapatid ang pasya ng mga apostol at mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya't tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng mga iglesya, at araw-araw ay nadagdagan ang kanilang bilang.

Ang Pangitain ni Pablo sa Troas

Sapagkat binawalan sila ng Espiritu Santo na mangaral sa lalawigan ng Asia[aa], naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia. Pagdating sa hangganan ng Misia, papasok na sana sila sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. Kaya't dumaan sila ng Misia at nagpunta sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain; isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” 10 Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak agad kami sapagkat natiyak naming kami'y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Magandang Balita.

Sumampalataya si Lydia

11 Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag papuntang Samotracia, at kinabukasa'y sa Neapolis. 12 Mula naman roo'y nagpunta kami sa Filipos, isang pangunahing lungsod na sakop ng mga Romano sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon nang ilang araw. 13 At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lungsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. 14 Kabilang sa mga nakikinig ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya'y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip upang kanyang pakinggan ang ipinapangaral ni Pablo. 15 Nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tunay na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” Mahigpit ang kanyang anyaya kaya't hindi namin napahindian.

Sa Bilangguan sa Filipos

16 Isang araw, nang kami'y papunta sa pook-dalanginan, nasalubong namin ang isang batang babaing alipin. Sinasapian siya ng masamang espiritu kaya siya nakakapanghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinundan-sundan niya kami nina Pablo, at sumisigaw ng ganito: “Ang mga taong ito'y lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”

18 Marami nang araw na ginagawa niya iyon kaya't nainis na si Pablo. Hinarap niya ang bata at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa babaing iyan!” At noon di'y lumabas ang espiritu.

19 Nang makita ng mga amo ng bata na nawala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, kinaladkad sa liwasang-bayan at iniharap sa mga maykapangyarihan. 20 Iniharap sila sa mga pinuno ng lungsod at pinaratangan ng ganito: “Nanggugulo po sa lungsod ang mga Judiong ito. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin maaaring sundin ang mga itinuturo nila.” 22 Nakisali ang mga tao sa pananakit sa kanila, at pinahubaran sila ng mga pinuno at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hampasin nang paulit-ulit, sila'y ipinabilanggo at pinabantayang mabuti. 24 Ipinasok sila ng bantay sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy.

25 Nang maghahatinggabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo. 26 Walang anu-ano'y lumindol nang malakas at nayanig pati ang mga pundasyon ng bilangguan. Biglang nabuksan ang mga pinto at nakalag ang mga tanikala ng lahat ng bilanggo. 27 Nagising ang bantay ng bilangguan, at nang makita niyang bukás ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana. 28 Ngunit sumigaw si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Narito kaming lahat!”

29 Humingi ng ilaw ang bantay, patakbong pumasok at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Sila ay inilabas niya at sinabi, “Mga ginoo, ano po ang dapat kong gawin upang ako'y maligtas?”

31 Sumagot naman sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 At ang salita ng Panginoon ay ipinahayag nila sa kanya at sa lahat ng nasa kanyang bahay. 33 Nang oras ding iyon, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, pati ang buo niyang sambahayan. 34 Pagkatapos, sila ay isinama niya sa kanyang tahanan at ipinaghanda ng pagkain. Masayang-masaya ang bantay at ang kanyang buong sambahayan, sapagkat sila'y sumampalataya sa Diyos.

35 Kinaumagahan, inutusan ng mga pinuno ng lungsod ang mga kawal na palayain sina Pablo at Silas. 36 Kaya't sinabi ng bantay ng bilangguan kay Pablo, “Iniutos po ng mga pinuno na palayain na kayo. Lumabas na kayo at umalis nang mapayapa.”

37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Ipinahagupit nila kami nang hayagan at ipinabilanggo nang hindi man lang nilitis gayong kami'y mga mamamayang Romano! At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.