Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 86-89

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Panalangin ni David.

86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
    tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
    ako'y mahina na't wala nang tumingin.
Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
    lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.

Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
    sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
    pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
    sa dumadalangin at sa nagsisisi,
    ang iyong pag-ibig ay mananatili.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
    tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
    iyong tinutugon ang aking pagtawag.

Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
    sa iyong gawai'y walang makaparis.

Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
    lalapit sa iyo't magbibigay galang;
    sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
    na anumang gawin ay kahanga-hanga!

11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
    at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
    turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
    at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
    di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
    taong mararahas, na ang adhikain
    ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
    wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
    lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
    iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
    pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
    upang mapahiya ang aking kaaway,
    kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!

Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.

87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
ang lunsod na ito'y
    higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya't iyong dinggin
    ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]

“Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
    aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
At tungkol sa Zion,
    sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
    siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Si Yahweh ay gagawa,
    ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
    “Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Mahalath Leanoth.[d] Isang Maskil[e] ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.

88 Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan,
    pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,
    sa aking pagdaing ako ay tulungan.

Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema.
    Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.
Ibinilang ako niyong malapit nang sa hukay ilagak,
    ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.
Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
    animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot,
    parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.
Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
    na tulad ng libingan na ubod ng dilim.
Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton,
    ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)[f]

Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan,
    hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan,
kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
    Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam,
kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw,
    sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.

10 Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
    para purihin ka niyong mga patay? (Selah)[g]
11 Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag,
    o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?
12 Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita,
    o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?

13 Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan,
    sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
14 Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo.
    Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?
15 Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay;
    ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.
16 Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama,
    ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
17 Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid,
    sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.
18 Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay;
    ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.

Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa

Isang(B) Maskil[h] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.

89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
    ang katapatan mo'y laging sasambitin.
Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
    sintatag ng langit ang iyong katapatan.

Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
    at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa(C) sa lahi mo'y laging maghahari,
    ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[i]

Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
    ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
    Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
    may banal na takot sa iyo at paggalang.

O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
    Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
    alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
    lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
    ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
    Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
    ay walang kaparis, di matatawaran!
14 Ang kaharian mo ay makatarungan,
    saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
    ang pamamahala mong ginagampanan.

15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
    at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
    ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
    dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
    ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.

Ang Pangako ng Diyos kay David

19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
    sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
    “Aking pinutungan ang isang dakila,
    na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(D) piniling lingkod na ito'y si David,
    aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
    at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
    ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
    silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
    at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
    dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
    tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(E) ko siyang panganay at hari,
    pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
    at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
    sintatag ng langit yaong kaharian.

30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,
    at ang aking utos ay di igagalang,
31 kung ang aking aral ay di papakinggan
    at ang kautusa'y hindi iingatan,
32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
    sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
    ay di magbabago, hindi mapapatid.
34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
    ni isang pangako'y di ko babawiin.

35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
    kay David ay hindi magsisinungaling.
36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
    hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37 katulad ng buwan na hindi lilipas,
    matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)[j]

Hinagpis sa Pagkatalo ng Hari

38 Subalit ngayon, siyang iyong hirang,
    ay itinakwil mo at kinagalitan;
39 binawi mo pati yaong iyong tipan,
    ang kanyang korona ay iyong dinumhan.
40 Ang tanggulan niya ay iyong winasak,
    mga muog niya'y iyong ibinagsak.
41 Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,
    ang ari-arian niya'y kinukuha;
    bansa sa paligid, pawang nagtatawa.
42 Iyong itinaas ang kanyang kaaway,
    tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.
43 Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,
    binigo mo siya sa kanyang paglaban.
44 Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,
    inalis sa kanya't iyong ibinagsak.

45 Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,
    sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah)[k]

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

46 Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago?
    Wala na bang wakas, tindi ng galit mo?
47 Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo;
    papanaw na lahat silang nilikha mo.
48 Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?
    Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah)[l]

49 Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David?
    Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid.
50 Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis;
    ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit.
51 Ganito tinuya ng iyong kaaway
    ang piniling haring saan ma'y inuyam.

52 Si Yahweh ay ating purihin magpakailanman!

    Amen! Amen!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.