Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 51-57

Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran

Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.

51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
    sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
    ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan,
    at patawarin mo'ng aking kasalanan!

Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
    di ko malilimutan, laging alaala.
Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
    at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
    marapat na ako'y iyong parusahan.
Ako'y masama na buhat nang isilang,
    makasalanan na nang ako'y iluwal.

Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
    puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
    at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
    butong nanghihina'y muling palakasin.
Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
    lahat kong nagawang masama'y pawiin.

10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
    bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
    iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
    ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
    sa iyo lumapit ang makasalanan.

14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
    at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
    at pupurihin ka sa gitna ng madla.

16 Hindi mo na nais ang mga handog;
    di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
    ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.

18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
    at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
    dala sa dambana, torong susunugin,
    malugod na ito'y iyong tatanggapin.

Ang Hatol at Habag ng Diyos

Maskil[a] (C) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.

52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.

Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
“Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”

Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.

Ang Kasamaan ng Tao(D)

Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[d]

53 Sinabi(E) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.

Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.

Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”

Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.

Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!

Panalangin Upang Saklolohan

Isang Maskil[e] (F) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

54 Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas,
    ipagsanggalang mo ng iyong lakas.
Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin,
    iyo ngang pakinggan, aking mga daing.
Ang nagmamataas ay laban sa akin,
    hangad ng malupit ang ako'y patayin,
    kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah)[f]

Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong,
    tagapagsanggalang ko, aking Panginoon.
Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway;
    ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.

Buong galak naman akong maghahandog
    ng pasasalamat kay Yahweh,
    dahilan sa kanyang kagandahang-loob.
Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway,
    at aking nakitang sila ay talunan!

Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan

Isang Maskil[g] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
    mga daing ko ay huwag namang layuan.
Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
    sa bigat ng aking mga suliranin.
Sa maraming banta ng mga kaaway,
    nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
    namumuhi sila't may galit ngang tunay.

Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
    sa aking takot na ako ay pumanaw.
Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
    sinasaklot ako ng sindak na labis.
Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
    hahanapin ko ang dakong panatag.
Aking liliparin ang malayong lugar,
    at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[h]
Ako ay hahanap agad ng kanlungan
    upang makaiwas sa bagyong darating.”

Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
    yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
    araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
    pati pang-aapi ay nasasaksihan.

12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
    kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
    kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
    aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
    at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
    ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.

16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
    aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
    Aking itataghoy ang mga hinaing,
    at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
    at pababaliking taglay ang tagumpay,
    matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
    ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[i]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
    ayaw nang magbago at magbalik-loob.

20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
    at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
    ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
    ngunit parang tabak ang talas at tulis.

22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
    aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
    ang taong matuwid, di niya bibiguin.

23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
    O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
    Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha(G) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[j] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
    lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
    O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
    sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
    tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
    ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
    naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
    sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!

Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
    pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
    tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10     May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
    pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.

12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
    ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
    iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
    sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha(H) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[k] nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
    sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
    ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.

Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
    ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
    ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
    ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)[l]

Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
    mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
    matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.

Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
    ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)[m]

Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
    purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
    Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
    tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
    Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
    nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.