Beginning
Tumutol ang Buong Kapulungan
14 Kaya't ang buong kapulungan ay sumigaw nang malakas; at ang taong-bayan ay umiyak nang gabing iyon.
2 At nagreklamo ang lahat ng mga anak ni Israel laban kina Moises at Aaron. Sinabi sa kanila ng buong sambayanan, “Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto! O kaya'y namatay na sana tayo sa ilang na ito!
3 Bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y bumagsak sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging biktima. Hindi ba mas mabuti para sa atin na tayo'y magbalik sa Ehipto?”
4 Kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Maglagay tayo ng isang pinuno at tayo'y magbalik sa Ehipto.”
5 Nang magkagayon, sina Moises at Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan ng bayan ng mga anak ni Israel.
6 Si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone, na mga kasama ng mga nagsiyasat nang lihim sa lupain, ay pinunit ang kanilang mga damit.
7 At sinabi nila sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, “Ang lupain na aming pinuntahan upang lihim na siyasatin ay isang napakagandang lupain.
8 Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing iyon, at ibibigay niya sa atin; isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot.
9 Huwag(A) lamang kayong maghimagsik laban sa Panginoon ni matakot sa mga tao ng lupaing iyon, sapagkat sila'y para lamang tinapay sa atin; ang kanyang kalinga ay inalis sa kanila, at ang Panginoon ay kasama natin; huwag kayong matakot sa kanila.”
10 Subalit pinagbantaan sila ng buong sambayanan na babatuhin sila ng mga bato. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa toldang tipanan sa lahat ng mga anak ni Israel.
Ang Babala ng Panginoon at ang Pagsamo ni Moises
11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng bayang ito? At hanggang kailan sila hindi maniniwala sa akin, sa kabila ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?
12 Hahampasin ko sila ng salot, at tatanggalan ko sila ng mana at gagawin kitang isang bansang mas malaki at mas matibay kaysa kanila.”
13 Ngunit(B) sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung gayo'y mababalitaan ito ng mga taga-Ehipto, sapagkat dinala mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan mula sa kanila;
14 at kanilang sasabihin sa mga naninirahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon ay nasa gitna ng bayang ito, sapagkat ikaw Panginoon ay nagpakita nang mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga iyon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.
15 Kung papatayin mo ang bayang ito na parang isang tao, magsasalita nga ang mga bansang nakarinig ng iyong katanyagan at kanilang sasabihin,
16 ‘Sapagkat hindi kayang dalhin ng Panginoon ang bayang ito sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa kanila, kaya't kanyang pinaslang sila sa ilang.’
17 At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, hayaan mong ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong ipinangako,
18 ‘Ang(C) Panginoon ay mabagal sa pagkagalit at sagana sa tapat na pag-ibig, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsuway, ngunit kailanman ay hindi pinapawalang-sala ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi.
19 Hinihiling ko sa iyo, patawarin mo ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig, at ayon sa iyong pagpapatawad sa bayang ito, mula sa Ehipto hanggang ngayon.”
20 At sinabi ng Panginoon, “Ako'y nagpatawad ayon sa iyong salita;
21 gayunman,(D) na kung paanong ako'y buháy at kung paanong mapupuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa,
22 wala sa mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda na aking ginawa sa Ehipto at sa ilang, ngunit tinukso pa rin ako nitong makasampung ulit, at hindi dininig ang aking tinig,
23 ang makakakita sa lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno, at walang sinuman sa kanila na humamak sa akin ang makakakita nito.
24 Ngunit(E) ang aking lingkod na si Caleb, sapagkat siya'y nagtaglay ng ibang espiritu at sumunod nang lubos sa akin, ay dadalhin ko sa lupain na kanyang pinaroonan; at aariin ng kanyang mga binhi.
25 Ngayon, sapagkat ang mga Amalekita at ang mga Cananeo ay naninirahan sa libis, bumalik kayo bukas at kayo'y maglakbay sa daang patungo sa Dagat na Pula.”
Ang Parusa sa Israel
26 At nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron, na sinasabi,
27 “Hanggang kailan magrereklamo laban sa akin ang masamang kapulungang ito? Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel na kanilang sinasabi laban sa akin.
28 Sabihin mo sa kanila, ‘Ako'y buháy, sabi ng Panginoon, kung ano ang sinabi ninyo sa aking pandinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo.
29 Ang(F) inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito; at ang lahat na nabilang sa inyo ayon sa inyong kabuuang bilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas na nagreklamo laban sa akin,
30 ay hindi papasok sa lupaing aking ipinangako na patitirahan ko sa inyo, maliban kay Caleb na anak ni Jefone at kay Josue na anak ni Nun.
31 Ngunit ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga biktima ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.
32 Ngunit tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito.
33 At(G) ang inyong mga anak ay magiging palaboy sa ilang na apatnapung taon, at magdurusa dahil sa kawalan ninyo ng pananampalataya, hanggang sa ang huli sa inyong mga bangkay ay humandusay sa ilang.
34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong lihim na ipinagsiyasat sa lupain, samakatuwid ay apatnapung araw, sa bawat araw ay isang taon, inyong pananagutan ang inyong mga kasamaan, nang apatnapung taon, at inyong makikilala ang aking sama ng loob!
35 Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapulungang ito, na nagtitipon laban sa akin. Sa ilang na ito, sila'y magwawakas, at dito sila mamamatay.’”
36 Ang mga lalaki na sinugo ni Moises upang lihim na magsiyasat sa lupain, na bumalik at naging dahilan upang magreklamo ang buong kapulungan laban sa kanya dahil sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,
37 samakatuwid ay ang mga taong naghatid ng masamang balita tungkol sa lupain ay namatay sa salot sa harap ng Panginoon.
38 Ngunit si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone ay naiwang buháy sa mga taong iyon na pumaroon upang lihim na siyasatin ang lupain.
Hinabol Hanggang sa Horma(H)
39 At sinabi ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel at ang bayan ay lubhang nanangis.
40 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at umakyat sa taluktok ng bundok, na sinasabi, “Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon, sapagkat kami ay nagkasala.”
41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit sinusuway ninyo ngayon ang utos ng Panginoon? Iyan ay hindi magtatagumpay.
42 Huwag kayong umahon, baka kayo'y masaktan sa harap ng mga kaaway, sapagkat ang Panginoon ay hindi ninyo kasama.
43 Sapagkat naroon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y babagsak sa tabak, sapagkat kayo'y tumalikod sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay hindi ninyo makakasama.”
44 Ngunit sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok; gayunman ang kaban ng tipan ng Panginoon at si Moises ay hindi lumabas sa kampo.
45 Nang magkagayon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo na naninirahan sa bundok na iyon ay bumaba, nilupig sila at hinabol hanggang sa Horma.
Batas tungkol sa Handog na Pinaraan sa Apoy
15 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagpasok ninyo sa lupain na inyong titirahan na ibibigay ko sa inyo,
3 at maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy mula sa bakahan o sa mga kawan, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng kusang loob na handog, o sa inyong mga takdang kapistahan, upang gawing mabangong samyo sa Panginoon,
4 kung gayon ang sinumang mag-aalay ng kanyang handog ay mag-alay sa Panginoon ng isang handog na butil, na ikasampung bahagi ng isang efa[a] ng piling harina na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis;
5 at ng alak na handog na inumin, na ikaapat na bahagi ng isang hin,[b] ang iyong ihahanda na kasama ng handog na sinusunog, o ng alay sa bawat kordero.
6 O kung isang lalaking tupa, ang iyong ihahanda para sa handog na butil ay dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis.
7 At bilang handog na inumin ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na mabangong samyo sa Panginoon.
8 Kapag maghahanda ka ng isang toro bilang handog na sinusunog, o bilang alay upang tuparin ang isang panata, o bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon,
9 ay iyong ihahandog nga na kasama ng toro ang isang handog na butil na tatlong ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis.
10 At ang iyong iaalay na handog na inumin ay kalahating hin ng alak na handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
11 Gayon ang gagawin sa bawat toro, bawat tupang lalaki, bawat korderong lalaki, o sa mga anak ng kambing.
12 Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyo gagawin sa bawat isa ayon sa kanilang bilang.
13 Lahat ng katutubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
14 At kung ang isang dayuhan ay nakikipamayan kasama ninyo, o sinumang kasama ninyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon ay kanyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa.
15 Sa kapulungan ay magkakaroon ng isang tuntunin sa inyo, at sa dayuhang nakikipamayang kasama ninyo, isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi. Kung paano kayo ay magiging gayundin ang dayuhan sa harap ng Panginoon.
16 Magkakaroon(I) sa inyo at sa dayuhan na nakikipamayan sa inyo ng isang kautusan at isang batas.’”
17 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
18 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagpasok ninyo sa lupaing aking pagdadalhan sa inyo,
19 ay maghahandog kayo ng isang alay sa Panginoon tuwing kakain kayo ng tinapay ng lupain.
20 Sa pinakauna sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay bilang isang handog. Kung paano ninyo ginagawa ang handog na mula sa giikan, ay gayon ninyo ihahandog ito.
21 Sa pinakauna sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
22 “‘Ngunit kapag kayo'y nagkamali at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinabi ng Panginoon kay Moises,
23 samakatuwid ay lahat ng iniutos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na binigyan kayo ng Panginoon ng utos at mula noon, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi;
24 ay mangyayari na kung iyon ay ginawa nang hindi sinasadya, at hindi nalalaman ng kapulungan, ang buong kapulungan ay maghahandog ng isang batang toro na handog na sinusunog, na mabangong samyo sa Panginoon, kasama ng handog na butil niyon at handog na inumin niyon, ayon sa batas at isang lalaking kambing na handog pangkasalanan.
25 Tutubusin ng pari ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sila'y patatawarin. Iyon ay hindi sinasadya at sila'y nagdala ng kanilang alay na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog pangkasalanan sa harap ng Panginoon, dahil sa kanilang pagkakamali.
26 Ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang dayuhan na nakikipamayan sa kanila, sapagkat ang buong bayan ay kasama sa pagkakamali.
Handog sa Pagkakasalang Hindi Sinasadya
27 “‘Kung(J) ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae na isang taong gulang na handog pangkasalanan.
28 At tutubusin ng pari ang taong nagkamali sa harap ng Panginoon, kung tunay na siya'y nagkasala nang hindi sinasadya upang tubusin siya at siya'y patatawarin.
29 Kayo'y magkakaroon ng isang batas sa kanya na nagkasala nang hindi sinasadya, sa kanya na katutubo sa bayan ng Israel, at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila.
30 Ngunit ang tao na makagawa ng anuman nang buong kapusukan, maging katutubo sa lupain o dayuhan ay lumalapastangan sa Panginoon at ang taong iyon ay ititiwalag sa gitna ng kanyang bayan.
31 Sapagkat kanyang hinamak ang salita ng Panginoon, at sinira ang kanyang utos; ang taong iyon ay lubos na ititiwalag. Ang kanyang kasamaan ay tataglayin niya.’”
Ang Parusa sa Pagsuway sa Batas ng Sabbath
32 Samantalang ang mga anak ni Israel ay nasa ilang, nakakita sila ng isang lalaking namumulot ng kahoy sa araw ng Sabbath.
33 Ang mga nakakita sa taong namumulot ng kahoy, ay dinala siya kina Moises at Aaron, at sa buong kapulungan.
34 Kanilang inilagay siya sa kulungan, sapagkat hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kanya.
35 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang lalaki ay tiyak na papatayin; babatuhin siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo.”
36 Inilabas siya ng buong kapulungan sa kampo at siya'y kanilang pinagbabato hanggang sa mamatay, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ipinag-utos ang Paglalagay ng Tirintas
37 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
38 “Sabihin(K) mo sa mga anak ni Israel na sila'y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawat laylayan ng isang panaling asul.
39 At sa inyo'y magiging isang tirintas upang inyong pagmasdan, at inyong maaalala ang lahat ng mga utos ng Panginoon at gawin ang mga iyon, upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata, na sanhi ng inyong pakikiapid.
40 Sa gayon, inyong maaalala at gawin ang lahat ng aking mga utos, at maging banal kayo sa inyong Diyos.
41 Ako ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos. Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001