Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 8-10

Ang Pitong Ilaw sa Santuwaryo

Nagsalita(A) ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo kay Aaron, ‘Kapag sinindihan mo ang mga ilaw ay magbibigay liwanag ang pitong ilaw sa harap ng ilawan.’”

At gayon ang ginawa ni Aaron. Kanyang sinindihan ang mga ilaw upang magliwanag sa harap ng ilawan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ito ang pagkagawa ng ilawan, na yari sa gintong pinitpit; mula sa patungan niyon hanggang sa mga bulaklak niyon ay pinitpit ayon sa anyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises ay gayon niya ginawa ang ilawan.

Paglilinis sa mga Levita

Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Kunin mo ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel at linisin mo sila.

At ganito ang gagawin mo sa kanila, upang maging malinis sila. Iwisik mo sa kanila ang tubig na panlinis ng kasalanan, ahitan nila ang buong katawan nila, labhan nila ang kanilang mga suot, at sa gayo'y lilinisan nila ang kanilang sarili.

Kumuha sila ng isang batang toro at ng handog na butil niyon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, at kukuha ka ng ibang batang toro na handog pangkasalanan.

Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng toldang tipanan at titipunin mo ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel.

10 Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng Panginoon. At ipapatong ng mga anak ni Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita.

11 Ihahandog ni Aaron ang mga Levita sa harap ng Panginoon bilang handog na iwinagayway sa mga anak ni Israel upang kanilang gawin ang paglilingkod sa Panginoon.

12 At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga batang toro at ihandog mo ang isa na handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog sa Panginoon, upang itubos sa mga Levita.

13 Patayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak, at ihahandog mo ang mga iyon bilang handog na iwinagayway sa Panginoon.

14 “Ganito mo ibubukod ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel at ang mga Levita ay magiging akin.

15 Pagkatapos nito ay papasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan pagkatapos na malinisan mo sila bilang handog na iwinagayway.

16 Sapagkat sila'y buong ibinigay sa akin mula sa mga anak ni Israel; kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagbubukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga Israelita.

17 Sapagkat(B) lahat ng mga panganay sa mga Israelita ay akin, maging tao o hayop. Nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga sila para sa akin.

18 At aking kinuha ang mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga Israelita.

19 Aking ibinigay ang mga Levita na kaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak mula sa mga anak ni Israel upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa toldang tipanan, upang ipantubos sa mga anak ni Israel, at nang huwag magkaroon ng salot sa mga anak ni Israel kapag ang mga anak ni Israel ay lumalapit sa santuwaryo.”

20 Ganito ang ginawa nina Moises at Aaron, at ng buong sambayanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila.

21 Ang mga Levita ay naglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at naglaba ng kanilang mga damit. Sila'y inihandog ni Aaron bilang handog na iwinagayway sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay gumawa ng pagtubos sa kanila upang linisin sila.

22 At pagkatapos niyon ay pumasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa toldang tipanan sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak. Kung paano ang iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita ay gayon ang ginawa nila sa kanila.

23 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 “Ito ang nauukol sa mga Levita: mula dalawampu't limang taong gulang pataas ay papasok upang gampanan ang gawaing paglilingkod sa toldang tipanan.

25 Mula sa limampung taong gulang ay titigil sila sa katungkulan sa paglilingkod at hindi na sila maglilingkod.

26 Ngunit sila'y maaaring tumulong sa kanilang mga kapatid sa toldang tipanan sa pagsasagawa ng kanilang mga katungkulan, ngunit sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan.”

Batas tungkol sa Paskuwa ng Panginoon

Sinabi(C) ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Ehipto,

“Ipangilin ng mga anak ni Israel ang paskuwa sa takdang panahon nito.

Sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipapangilin sa kanyang takdang panahon ayon sa lahat na tuntunin niyon at ayon sa lahat ng ayos niyon ay inyong ipapangilin.”

At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipangilin ang paskuwa.

Kanilang ipinangilin ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.

Mayroon ngang mga lalaki na marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao, na anupa't hindi nila naipangilin ang paskuwa nang araw na iyon; at humarap sila kina Moises at Aaron nang araw na iyon.

At ang mga lalaking iyon ay nagsabi sa kanila, “Kami ay marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao. Bakit kami ay pipigilin sa pag-aalay ng handog sa Panginoon sa kanyang takdang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?”

Sinabi ni Moises sa kanila, “Maghintay kayo upang aking marinig ang ipag-uutos ng Panginoon tungkol sa inyo.”

Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Kung ang sinumang tao sa inyo o sa inyong salinlahi ay maging marumi dahil sa paghawak sa isang bangkay, o nasa malayong paglalakbay ay kanyang ipapangilin din ang paskuwa sa Panginoon.

11 Sa ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan, sa paglubog ng araw ay kanilang ipapangilin; kanilang kakainin ito kasama ng mga tinapay na walang pampaalsa at mga gulay na mapait.

12 Wala(D) silang ititira sa mga iyon hanggang sa kinaumagahan, ni babali ng buto niyon, ayon sa lahat ng tuntunin ng paskuwa ay kanilang ipapangilin iyon.

13 Subalit ang lalaking malinis at wala sa paglalakbay na hindi mangingilin ng paskuwa ay ititiwalag sa kanyang bayan sapagkat siya'y hindi nag-alay ng handog sa Panginoon sa takdang panahon, ang taong iyon ay mananagot sa kanyang kasalanan.

14 Sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo na nagnanais ipangilin ang paskuwa sa Panginoon, ay gagawin niya iyon ayon sa tuntunin ng paskuwa at ayon sa batas. Kayo'y magkakaroon ng isang tuntunin para sa dayuhan at sa katutubo.”

Ang Ulap sa Ibabaw ng Tabernakulo(E)

15 Nang araw na ang tabernakulo ay itayo, tinakpan ng ulap ang tabernakulo, samakatuwid ay ang tabernakulo ng patotoo. Mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinaumagahan, iyon ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy.

16 Gayon ito nagpatuloy; iyon ay tinatakpan ng ulap kapag araw, at ng anyong apoy kapag gabi.

17 Tuwing ang ulap ay pumapaitaas mula sa ibabaw ng tolda, naglalakbay ang mga anak ni Israel at sa dakong tigilan ng ulap ay doon tumitigil ang mga anak ni Israel.

18 Sa utos ng Panginoon ay naglalakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay tumitigil sila. Kung gaano katagal ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo ay siya nilang itinitigil sa kampo.

19 Kahit ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo ng maraming araw, sinusunod ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi sila naglalakbay.

20 At kung minsan ay nananatili ng ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; at ayon sa utos ng Panginoon ay nananatili sila sa mga tolda, at ayon sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila.

21 Kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan. Kapag ang ulap ay pumaitaas sa kinaumagahan ay naglalakbay sila. Maging araw o gabi kapag ang ulap ay pumaitaas ay naglalakbay sila.

22 Maging dalawang araw o isang buwan, o mas mahabang panahon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo na nananatili doon, ay nananatili ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglalakbay, subalit kapag pumaitaas ay naglalakbay sila.

23 Sa utos ng Panginoon ay nagkakampo sila, at sa utos ng Panginoon ay naglalakbay sila. Kanilang sinunod ang bilin ng Panginoon, ang utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Ang mga Trumpetang Pilak

10 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Gumawa ka ng dalawang trumpetang pilak; gagawin mo mula sa pinitpit na pilak at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapulungan, at kapag kakalasin na ang mga tolda.

At kapag hinipan na nila ito, ay magtitipon sa iyo ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.

Ngunit kung isa lamang ang kanilang hihipan, kung gayon ang mga pinuno, ang mga puno ng mga lipi ng Israel ay magtitipon sa iyo.

Paghihip ninyo ng hudyat ay susulong ang mga kampo na nasa dakong silangan.

At kapag hinipan ninyo ang hudyat sa ikalawang pagkakataon, lulusong ang mga kampo na nasa dakong timog. Sila'y hihihip ng isang hudyat sa tuwing sila'y maglalakbay.

Subalit kapag ang sambayanan ay magtitipon ay hihihip kayo, ngunit huwag kayong magpapatunog ng hudyat.

Ang mga anak ni Aaron, ang mga pari, ang hihihip ng mga trumpeta; at ang trumpeta ay magiging walang hanggang tuntunin sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

Kapag makikipaglaban kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na lumulupig sa inyo, inyo ngang patutunugin ang hudyat ng trumpeta; at kayo'y aalalahanin sa harap ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.

10 Pati sa mga araw ng inyong kagalakan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang trumpeta sa ibabaw ng inyong mga handog na sinusunog, at sa ibabaw ng mga alay ng inyong mga handog pangkapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Diyos. Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”

Ang mga Anak ni Israel ay Lumakad mula sa Sinai

11 Nang ikalawang taon, nang ikadalawampung araw ng ikalawang buwan, ang ulap ay pumaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.

12 At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa mga yugto ng kanilang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay huminto sa ilang ng Paran.

13 Kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

14 At unang sumulong ang watawat ng kampo ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga pangkat; at nangunguna sa kanyang pangkat si Naashon na anak ni Aminadab.

15 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Isacar si Natanael na anak ni Suar.

16 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon si Eliab na anak ni Helon.

Ang Pagkakasunud-sunod ng mga Hukbo

17 Nang maibaba ang tabernakulo, lumakad na ang mga anak ni Gershon at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo.

18 Ang watawat ng kampo ni Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.

19 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurishadai.

20 Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad si Eliasaf na anak ni Deuel.

21 Ang mga Kohatita ay sumulong na dala ang mga banal na bagay at itinayo ng iba ang tabernakulo bago sila dumating.

22 Ang watawat ng kampo ng mga anak ni Efraim ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisama na anak ni Amihud.

23 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases si Gamaliel na anak ni Pedasur.

24 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin si Abidan na anak ni Gideoni.

25 At ang watawat ng kampo ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampo ay lumakad ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Ahiezer na anak ni Amisadai.

26 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Pagiel na anak ni Ocran.

27 Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Neftali si Ahira na anak ni Enan.

28 Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo, nang sila'y sumulong.

29 Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Midianita, biyenan ni Moises: “Kami ay naglalakbay patungo sa dakong sinabi ng Panginoon, ‘Aking ibibigay sa inyo.’ Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti sapagkat ang Panginoon ay nangako ng mabuti tungkol sa Israel.”

30 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Ako'y hindi aalis; ako'y babalik sa aking sariling lupain at sa aking kamag-anak.”

31 At sinabi ni Moises, “Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mo kaming iwan, sapagkat nalalaman mo kung paanong magkakampo kami sa ilang, at ikaw ay magiging mata para sa amin.

32 At kung ikaw ay sasama sa amin, anumang mabuting gagawin ng Panginoon sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.”

33 Kaya't sila'y lumusong mula sa bundok ng Panginoon ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa unahan nila sa loob ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.

34 Ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag araw, tuwing sila'y susulong mula sa kampo.

Ang Paglabas

35 At(F) kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, “Bumangon ka, O Panginoon, at mangalat nawa ang mga kaaway mo, at tumakas sa harap mo ang napopoot sa iyo.”

36 At kapag nakalapag ay kanyang sinasabi, “Bumalik ka, O Panginoon ng laksang libu-libong Israelita.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001