Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mikas 1-7

Panaghoy para sa Samaria at Jerusalem

Ang(A) salita ng Panginoon na dumating kay Mikas na Morastita, sa mga araw nina Jotam, Ahaz, at Hezekias, na mga hari ng Juda, na nakita niya tungkol sa Samaria at Jerusalem.

Pakinggan ninyo, kayong mga taong-bayan, kayong lahat,
    pakinggan mo, O lupa, at ng lahat ng naroon;
at ang Panginoong Diyos ay maging saksi nawa laban sa inyo,
    ang Panginoon mula sa kanyang banal na templo.
Sapagkat narito, ang Panginoon ay dumarating mula sa kanyang dako,
    at siya'y bababa at lalakad sa matataas na dako ng lupa.
At ang mga bundok ay matutunaw sa ilalim niya,
    at ang mga libis ay mabibiyak,
na parang pagkit na malapit sa apoy,
    parang tubig na ibinuhos mula sa isang mataas na lugar.
Lahat ng ito'y dahil sa pagsuway ng Jacob,
    at dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ni Israel.
Ano ang pagsuway ng Jacob?
    Hindi ba ang Samaria?
At ano ang kasalanan ng sambahayan ng Juda?
    Hindi ba ang Jerusalem?
Kaya't gagawin ko ang Samaria na parang bunton sa parang,
    isang lugar upang taniman ng ubasan;
at aking ibubuhos ang kanyang mga bato sa libis,
    at aking ililitaw ang kanyang mga pundasyon.
Lahat ng kanyang larawang inanyuan ay dudurugin,
    ang lahat ng kanyang mga upa ay susunugin,
    at ang lahat ng kanyang diyus-diyosan ay aking sisirain;
sapagkat kung paanong tinipon niya ang mga upa ng isang masamang babae
    ay muling gagamitin ang mga upa ng masamang babae.
Dahil dito tataghoy ako at tatangis,
    ako'y aalis na nakayapak at hubad;
ako'y uungol na parang asong-gubat
    at tatangis na gaya ng mga buwitre.
Sapagkat ang kanyang mga sugat ay walang lunas;
    at ito'y dumating sa Juda;
ito'y umabot hanggang sa pintuan ng aking bayan,
    hanggang sa Jerusalem.

Ang Kaaway ay Papalapit sa Jerusalem

10 Huwag ninyo itong sabihin sa Gat,
    huwag kayong tumangis,
sa Bethle-Aphra
    ay gumulong kayo sa alabok.
11 Dumaan ka,
    O mamamayan ng Saphir,
    sa kahubaran at kahihiyan;
ang mamamayan ng Zaanan
    ay hindi lumalabas;
ang taghoy ng Bet-esel
    ay mag-aalis sa iyo ng kanyang dakong kinatatayuan.
12 Sapagkat ang mga mamamayan ng Maroth
    ay balisang naghihintay ng mabuti,
sapagkat ang kasamaan ay bumaba mula sa Panginoon
    hanggang sa pintuan ng Jerusalem.
13 Isingkaw mo ang kabayo sa karwahe,
    mga mamamayan ng Lakish;
kayo ang pasimula ng kasalanan sa anak na babae ng Zion:
sapagkat sa iyo ay natagpuan ang pagsuway ng Israel.
14 Kaya't ikaw ay magbibigay ng kaloob ng pamamaalam
    sa Moreshet-gat;
ang mga bahay sa Achzib ay magiging mapandayang bagay
    sa mga hari ng Israel.
15 Muli akong magdadala sa iyo ng mananakop,
    O naninirahan sa Maresha,
ang kaluwalhatian ng Israel
    ay darating sa Adullam.
16 Magpakalbo ka, at pagupit ka
    para sa mga anak ng iyong kaluguran;
magpakalbo kang gaya ng agila;
    sapagkat sila'y patungo sa pagkabihag mula sa iyo.

Ang Kapalaran ng mga Umaapi sa mga Dukha

Kahabag-habag sila na nagbabalak ng kasamaan,
    at gumagawa ng kasamaan sa kanilang mga higaan!
Kapag dumating ang umaga, ay ginagawa nila ito,
    sapagkat ito'y nasa kapangyarihan ng kanilang kamay.
Sila'y nag-iimbot ng mga bukid, at kanilang kinakamkam;
    at ng mga bahay at kanilang kinukuha;
at kanilang inaapi ang isang tao at ang kanyang sambahayan,
    ang tao at ang kanyang mana.
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Laban sa angkang ito ay nagbabalak ako ng kasamaan
    na doo'y hindi ninyo maaalis ang inyong mga leeg,
ni makalalakad man na may kahambugan;
    sapagkat iyon ay magiging isang masamang panahon.
Sa araw na iyon ay aawit ako nang pagtuya laban sa inyo,
    at mananaghoy ng mapait na panaghoy,
at sasabihin, “Kami ay lubos na nasira;
    kanyang binabago ang bahagi ng aking bayan;
ano't inilalayo niya sa akin!
    Kanyang binabahagi ang aming mga bukid sa mga bumihag sa amin.”
Kaya't mawawalan ka na ng maghahagis ng pisi sa pamamagitan ng palabunutan
    sa kapulungan ng Panginoon.
“Huwag kayong mangaral”—ganito sila nangangaral—
    “walang dapat mangaral ng gayong mga bagay;
    hindi tayo aabutan ng kahihiyan.”
Ito ba ay dapat sabihin, O sambahayan ni Jacob,
    Ang pagtitiis ba ng Panginoon ay ubos na?
    Ang mga ito ba ang kanyang mga gawa?
Di ba ang aking mga salita ay gumagawa ng mabuti
    sa lumalakad nang matuwid?
Kamakailan ang aking bayan ay bumangon na gaya ng isang kaaway:
    inyong hinubaran ng kasuotan
ang mga walang malay na nagdaraan,
    na galing sa digmaan.
Ang mga babae ng aking bayan ay inyong pinalalayas
    sa kanilang masasayang bahay;
mula sa kanilang mga bata ay inyong inaalis
    ang aking kaluwalhatian magpakailanman.
10 Bumangon kayo at humayo,
    sapagkat hindi ito lugar na pahingahan;
dahil sa karumihan na lumilipol
    sa pamamagitan ng malubhang pagkawasak.
11 Kung ang isang tao ay lumalakad at nagsasalita ng hangin at kasinungalingan,
    na nagsasabi, “Ako'y mangangaral sa iyo tungkol sa alak at matapang na inumin.”
    Siya ang magiging tagapagsalita para sa bayang ito!

12 Tiyak na titipunin ko kayong lahat, O Jacob,
    aking titipunin ang nalabi ng Israel;
akin silang ilalagay na magkakasama
    na parang mga tupa sa isang kulungan,
na parang kawan sa pastulan nito,
    isang maingay na pulutong ng mga tao.
13 Nangunguna sa kanila ang nagbubukas ng daan;
    sila'y lalampas at daraan sa pintuan
    at lalabas doon.
Ang kanilang hari ay daraan sa harapan nila,
    at ang Panginoon ang nasa unahan nila.

Sinumbatan ni Mikas ang mga Pinuno ng Israel

At aking sinabi,
Pakinggan ninyo, kayong mga pinuno ng Jacob,
    at mga pinuno ng sambahayan ni Israel!
Hindi ba para sa inyo na malaman ang katarungan?
    Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa kasamaan;
na tumutuklap ng balat ng aking bayan,
    at ng kanilang laman sa kanilang mga buto;
na kumakain ng laman ng aking bayan,
    at lumalapnos ng kanilang balat,
at pinagpuputul-putol ang kanilang mga buto,
    at tinatadtad ang mga ito na gaya ng karne sa kaldero,
    gaya ng laman sa isang kawa.

Kung magkagayo'y dadaing sila sa Panginoon,
    ngunit sila'y hindi niya sasagutin;
kanyang ikukubli ang kanyang mukha sa kanila sa panahong iyon,
    sapagkat kanilang pinasama ang kanilang mga gawa.

Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta
    na nagliligaw sa aking bayan;
na nagsisisigaw ng, “Kapayapaan”;
    kapag sila'y may makakain,
ngunit naghayag ng pakikidigma laban sa kanya
    na hindi naglagay ng anuman sa kanilang mga bibig.
Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain;
    at kadiliman para sa inyo, walang panghuhula.
Ang araw ay lulubog sa mga propeta,
    at ang araw ay magdidilim sa kanila;
ang mga tagakita[a] ay mahihiya,
    at ang mga manghuhula ay mapapahiya,
silang lahat ay magtatakip ng kanilang mga labi;
    sapagkat walang kasagutan mula sa Diyos.
Ngunit sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan
    ng Espiritu ng Panginoon,
    at ng katarungan, at ng kapangyarihan,
upang ipahayag sa Jacob ang kanyang pagsuway,
    at sa Israel ang kanyang kasalanan.

Pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob,
    at mga pinuno sa sambahayan ni Israel,
na napopoot sa katarungan,
    at binabaluktot ang lahat ng katuwiran,
10 na itinatayo ang Zion sa pamamagitan ng dugo,
    at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamalian.
11 Ang mga pinuno niya'y humahatol dahil sa suhol,
    at ang mga pari niya'y nagtuturo dahil sa sahod,
    at ang propeta niya'y nanghuhula dahil sa salapi:
gayunma'y sumasandal sila sa Panginoon, at nagsasabi,
    “Hindi ba ang Panginoon ay nasa gitna natin?
    Walang kasamaang darating sa atin.”
12 Kaya't(B) dahil sa inyo,
    ang Zion ay bubungkalin na parang isang bukid,
at ang Jerusalem ay magiging mga bunton ng pagkasira,
    at ang mga bundok ng bahay ay parang matataas na dako sa isang gubat.

Ang Paghahari ng Kapayapaan ng Panginoon(C)

At nangyari sa mga huling araw,
    ang bundok ng bahay ng Panginoon
ay itatatag bilang pinakamataas sa mga bundok,
    at itataas sa mga burol;
at ang mga tao'y magpupuntahan doon,
    at maraming bansa ang darating at magsasabi,
“Halikayo, tayo'y umahon patungo sa bundok ng Panginoon,
    at sa bahay ng Diyos ni Jacob;
upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan,
    at tayo'y makalakad sa kanyang mga landas.”
Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang kautusan,
    at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.
Siya'y(D) hahatol sa gitna ng maraming bayan,
    at magpapasiya para sa malalakas na bansa sa malayo;
at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod,
    at ang kanilang mga sibat upang maging karit;
ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa,
    ni magsasanay para sa pakikidigma.
Kundi(E) bawat isa'y uupo sa ilalim ng kanyang punong ubas at sa ilalim ng kanyang punong igos;
    at walang tatakot sa kanila;
    sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon ng mga hukbo.

Sapagkat ang lahat ng bayan ay lalakad
    bawat isa sa pangalan ng kanya-kanyang diyos,
ngunit tayo'y lalakad sa pangalan ng Panginoon nating Diyos
    magpakailanpaman.

Ang Israel ay Babalik mula sa Pagkabihag

Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
    titipunin ko ang pilay,
at titipunin ko ang mga itinapon,
    at ang aking mga pinahirapan.
Ang pilay ay gagawin kong nalabi,
    at ang mga itinapon ay isang malakas na bansa;
at ang Panginoon ay maghahari sa kanila sa bundok ng Zion
    mula ngayon hanggang sa walang hanggan.

At ikaw, O tore ng kawan,
    na burol ng anak na babae ng Zion,
ito sa iyo'y darating,
    ang dating kapangyarihan ay darating,
    ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem.

Ngayo'y bakit ka sumisigaw nang malakas?
    Wala ka bang hari?
Ang iyo bang tagapayo ay namatay,
    upang ang mga paghihirap ay sumaiyo na gaya ng babaing manganganak?
10 Mamilipit ka at dumaing, O anak na babae ng Zion,
    na gaya ng babaing manganganak;
sapagkat ngayo'y lalabas ka sa lunsod,
    at maninirahan sa parang,
    at ikaw ay pupunta sa Babilonia.
Ililigtas ka roon,
    doo'y tutubusin ka ng Panginoon
    sa kamay ng iyong mga kaaway.

11 At ngayo'y maraming bansa
    ang magtitipon laban sa iyo,
na nagsasabi, “Hayaan siyang malapastangan,
    ituon natin ang ating mata sa Zion.”
12 Ngunit hindi nila alam ang mga pag-iisip ng Panginoon,
hindi nila nauunawaan ang kanyang panukala,
    sapagkat kanyang tinipon sila na parang mga bigkis sa giikan.
13 Bumangon ka at gumiik,
    O anak na babae ng Zion;
sapagkat aking gagawing bakal ang iyong sungay,
    at tanso ang iyong mga kuko;
at iyong dudurugin ang maraming bayan,
    upang iyong italaga sa Panginoon ang kanilang pakinabang,
    at ang kanilang kayamanan ay sa Panginoon ng buong lupa.

Nangako ang Diyos ng Isang Pinuno mula sa Bethlehem

Ngayon ay magtipun-tipon kayo sa mga hukbo, O anak na babae ng mga hukbo,
    sila'y naglagay ng pagkubkob laban sa atin;
kanilang hahampasin ng tungkod
    ang pisngi ng hukom ng Israel.

Ngunit(F) ikaw, Bethlehem sa Efrata,
    na maliit upang mapabilang sa mga angkan ng Juda,
mula sa iyo ay lalabas para sa akin
    ang isa na magiging pinuno sa Israel;
na ang pinagmulan ay mula nang una,
    mula nang walang hanggan.
Kaya't kanyang ibibigay sila hanggang sa panahon
    na siya na nagdaramdam ay manganak;
kung magkagayon ang nalabi sa kanyang mga kapatid ay babalik
    sa mga anak ni Israel.
At siya'y titindig at pakakainin ang kanyang kawan sa lakas ng Panginoon,
    sa kamahalan ng pangalan ng Panginoon niyang Diyos.
At sila'y mananatili, sapagkat sa panahong iyon siya'y magiging dakila
    hanggang sa mga dulo ng lupa.
At ang isang ito ay magiging kapayapaan.
    Kapag ang taga-Asiria ay sumalakay sa ating lupain,
    at kapag tinapakan niya ang ating mga muog,
kung gayon tayo ay maglalagay laban sa kanya ng pitong pastol,
    at walong pinuno ng mga tao.
Kanilang(G) pamumunuan ng tabak ang lupain ng Asiria,
    at ang lupain ng Nimrod sa mga pasukan niyon,
at kanyang ililigtas tayo sa taga-Asiria,
    kapag siya'y sumalakay sa ating lupain,
    at kapag siya'y tumapak sa ating nasasakupan.

At ang nalabi sa Jacob
ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon
    sa gitna ng maraming bayan,
parang ulan sa damo
    na hindi naghihintay sa tao,
    ni naghihintay man sa mga anak ng tao.
At ang nalabi sa Jacob
    ay makakasama ng mga bansa,
    sa gitna ng maraming bayan,
parang leon sa gitna ng mga hayop sa gubat,
    parang batang leon sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
na kapag siya'y dumaan, yumapak
    at lumapa, at walang magligtas.
Itataas ang iyong kamay sa iyong mga kaaway,
    at lilipulin ang lahat ng iyong mga kaaway.

10 At sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
    aking aalisin sa iyo ang mga kabayo mo,
at aking sisirain ang iyong mga karwahe,
11 at aking wawasakin ang mga lunsod ng iyong lupain,
    at aking ibabagsak ang lahat ng iyong tanggulan.
12 Aalisin ko ang mga panghuhula sa iyong kamay;
    at hindi ka na magkakaroon ng mga manghuhula:
13 Aalisin ko ang iyong mga larawang inanyuan
    at ang iyong mga haligi sa gitna ninyo,
at hindi ka na sasamba
    sa gawa ng iyong mga kamay;
14 at aking bubunutin ang iyong mga Ashera mula sa gitna mo;
    at aking wawasakin ang iyong mga bayan.
15 Sa galit at poot ay maglalapat ako ng paghihiganti
    sa mga bansa na hindi nakinig.

Ang Usapin ng Panginoon Laban sa Israel

Pakinggan ninyo ngayon ang sinasabi ng Panginoon:
    Bumangon ka, ipaglaban mo ang iyong usapin sa harapan ng mga bundok,
    at hayaang marinig ng mga burol ang iyong tinig.
Pakinggan ninyo, kayong mga bundok, ang usapin ng Panginoon,
    at kayong matitibay na pundasyon ng lupa;
sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa kanyang bayan,
    at siya'y makikipagtalo sa Israel.

“O bayan ko, anong ginawa ko sa iyo?
    Sa ano kita pinagod? Sagutin mo ako!
Sapagkat(H) ikaw ay aking iniahon mula sa lupain ng Ehipto,
    at tinubos kita mula sa bahay ng pagkaalipin;
at aking sinugo sa unahan mo sina Moises, Aaron, at Miriam.
O(I) bayan ko, alalahanin mo kung ano ang isinasagawa ni Balak na hari ng Moab,
    at kung ano ang isinagot sa kanya ni Balaam na anak ni Beor;
at kung ano ang nangyari mula sa Shittim hanggang sa Gilgal,
    upang iyong malaman ang mga matuwid na gawa ng Panginoon.”

Ang Itinatakda ng Panginoon

“Ano ang aking ilalapit sa harapan ng Panginoon,
    at iyuyukod sa harap ng Diyos sa kaitaasan?
Lalapit ba ako sa harapan niya na may mga handog na sinusunog,
    na may guyang isang taon ang gulang?
Nalulugod ba ang Panginoon sa mga libu-libong tupa,
    o sa mga sampung libong ilog ng langis?
Ibibigay ko ba ang aking panganay dahil sa aking pagsuway,
    ang bunga ng aking katawan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa?”
Ipinakita niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti.
    At ano ang itinatakda ng Panginoon sa iyo,
kundi ang gumawa na may katarungan, at umibig sa kaawaan,
    at lumakad na may kapakumbabaan na kasama ng iyong Diyos?

Ang tinig ng Panginoon ay sumisigaw sa lunsod
    isang mainam na karunungan ang matakot sa iyong pangalan:
“Pakinggan ninyo, O lipi at ang pagtitipon ng bayan!
10     Mayroon pa kayang mga kayamanan ng kasamaan sa bahay ng masama,
at ng kulang na panukat na kasuklamsuklam?
11 Pawawalang-sala ko ba ang taong may masamang timbangan
    at may isang supot ng mapandayang panimbang?
12 Sapagkat ang mayayamang tao ng lunsod ay punô ng karahasan;
    ang kanyang mga mamamayan ay nagsasalita ng mga kabulaanan,
    at ang kanilang dila ay mandaraya sa kanilang bibig.
13 Kaya't pinasimulan kitang saktan,
    ginawa kitang wasak dahil sa iyong mga kasalanan.
14 Ikaw ay kakain, ngunit hindi ka mabubusog;
    at iyong karumihan ay mapapasa gitna mo;
ikaw ay magtatabi, ngunit hindi makakapag-ipon;
    at ang iyong inipon ay aking ibibigay sa tabak.
15 Ikaw ay maghahasik, ngunit hindi ka mag-aani:
    ikaw ay magpipisa ng mga olibo, ngunit hindi ka magpapahid ng langis sa iyong sarili;
    ikaw ay magpipisa ng ubas, ngunit hindi ka iinom ng alak.
16 Sapagkat(J) iningatan ang mga tuntunin ni Omri,
    at ang lahat ng mga gawa ng sambahayan ni Ahab,
    at kayo'y nagsisilakad sa kanilang mga payo;
upang gawin kitang wasak, at ang iyong mamamaya'y hahamakin,
    at inyong papasanin ang pagkutya ng aking bayan.”

Ang Pagkabulok ng Lipunan

Kahabag-habag ako! Sapagkat ako'y naging gaya
    nang tipunin ang mga bunga sa tag-init,
    gaya nang pulutin ang ubas sa ubasan,
walang kumpol na makakain
    walang unang hinog na bunga ng igos na aking kinasabikan.
Ang mabuting tao ay namatay sa lupa,
    at wala nang matuwid sa mga tao;
silang lahat ay nag-aabang upang magpadanak ng dugo;
    hinuhuli ng bawat isa ang kanyang kapatid sa pamamagitan ng lambat.
Ang kanilang mga kamay ay nasa kasamaan upang sikaping isagawa;
    ang pinuno at ang hukom ay humihingi ng suhol;
at ang dakilang tao ay nagsasalita ng masamang pagnanasa ng kanyang kaluluwa,
    ganito nila ito pinagtatagni-tagni.
Ang pinakamahusay sa kanila ay parang dawag;
    ang pinakamatuwid sa kanila ay gaya ng bakod na tinikan.
Ang araw ng kanilang mga bantay, ang araw ng kanilang kaparusahan ay dumating;
    ngayo'y dumating na ang kanilang pagkalito.
Huwag kayong magtitiwala sa kapitbahay;
    huwag kayong magtiwala sa kaibigan;
ingatan mo ang mga pintuan ng iyong bibig
    sa kanya na humihiga sa iyong sinapupunan,
sapagkat(K) lalapastanganin ng anak na lalaki ang ama,
    ang anak na babae ay titindig laban sa kanyang ina,
ang manugang na babae ay laban sa kanyang biyenang babae;
    ang mga kaaway ng tao ay ang kanyang sariling kasambahay.

Ang Panginoon ay Magdadala ng Kaligtasan

Ngunit sa ganang akin, ako'y titingin sa Panginoon;
    ako'y maghihintay sa Diyos ng aking kaligtasan;
    papakinggan ako ng aking Diyos.
Huwag kang magalak laban sa akin, O aking kaaway;
    kapag ako'y nabuwal, ako'y babangon;
kapag ako'y naupo sa kadiliman,
    ang Panginoon ay magiging aking ilaw.
Aking papasanin ang galit ng Panginoon,
    sapagkat ako'y nagkasala laban sa kanya,
hanggang sa kanyang ipagsanggalang ang aking usapin,
    at lapatan ako ng hatol.
Kanyang ilalabas ako sa liwanag,
    at aking mamasdan ang kanyang pagliligtas.
10 Kung magkagayo'y makikita ng aking kaaway,
    at kahihiyan ang tatakip sa kanya na nagsabi sa akin,
    “Nasaan ang Panginoon mong Diyos?”
Makikita ng aking mga mata ang nais ko sa kanya;
    siya'y yayapakan
    na parang putik sa mga lansangan.

11 Isang araw para sa pagtatayo ng iyong mga kuta!
    Sa araw na iyon ay palalawakin ang iyong hangganan.
12 Sa araw na iyon ay pupunta sila sa iyo
    mula sa Asiria at sa mga lunsod ng Ehipto,
at mula sa Ehipto hanggang sa Ilog,
    at mula sa dagat hanggang sa dagat, at mula sa bundok hanggang sa bundok.
13 Ngunit masisira ang lupa
    dahil sa kanila na naninirahan doon,
    dahil sa bunga ng kanilang mga gawa.

Ang Pagkahabag ng Panginoon sa Israel

14 Pastulin mo ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong tungkod,
    ang kawan na iyong mana,
na mag-isang naninirahan sa gubat
    sa gitna ng mabungang lupain;
pakainin mo sila sa Basan at sa Gilead,
    gaya ng mga araw noong una.
15 Gaya ng mga araw nang ikaw ay lumabas sa lupain ng Ehipto
    ay pagpapakitaan ko sila ng mga kagila-gilalas na bagay.
16 Makikita ng mga bansa at mapapahiya
    sa lahat nilang kapangyarihan;
kanilang ilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig,
    ang kanilang mga tainga ay mabibingi.
17 Hihimurin nila ang alabok na parang ahas;
    gaya ng gumagapang na mga hayop sa lupa;
sila'y lalabas na nanginginig mula sa kanilang mga kulungan;
    sila'y lalapit na may takot sa Panginoon nating Diyos
    at sila'y matatakot dahil sa iyo.

18 Sino ang Diyos na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan,
    at pinalalampas ang pagsuway ng nalabi sa kanyang mana?
Hindi niya pinananatili ang kanyang galit magpakailanman,
    sapagkat siya'y nalulugod sa tapat na pag-ibig.
19 Siya'y muling mahahabag sa atin;
    kanyang tatapakan ang ating kasamaan.
Kanyang ihahagis ang lahat nating kasalanan
    sa mga kalaliman ng dagat.
20 Igawad mo ang katotohanan kay Jacob,
    at tapat na pag-ibig kay Abraham,
na iyong isinumpa sa aming mga ninuno
    mula pa nang unang panahon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001