Beginning
Ang Pagkawasak ng Israel
6 “Kahabag-habag sila na nagwawalang-bahala sa Zion,
at sila na tiwasay sa bundok ng Samaria,
ang mga kilalang tao ng una sa mga bansa,
na pinagmulan ng sambahayan ni Israel!
2 Dumaan kayo sa Calne, at inyong tingnan;
at mula roon ay pumunta kayo sa Hamat na dakila;
at pagkatapos ay bumaba kayo sa Gat ng mga Filisteo.
Magaling ba sila kaysa mga kahariang ito?
O mas malaki ba ang kanilang nasasakupan kaysa inyong nasasakupan?
3 Naglalayo ba kayo ng araw ng sakuna
at maglalapit ba kayo ng upuan ng karahasan?
4 “Silang mga nahihiga sa mga higaang garing,
at nag-uunat ng kanilang sarili sa kanilang mga hiligan,
at kumakain ng mga batang tupa mula sa kawan,
at ng mga guya na mula sa gitna ng kulungan;
5 na kumakatha ng mga tunog ng alpa na walang paghahanda;
na kumakatha para sa kanilang sarili ng mga panugtog ng tugtugin, na gaya ni David;
6 na umiinom ng alak sa mga mangkok,
at binubuhusan ang kanilang sarili ng pinakamagandang uri ng langis,
ngunit hindi nahahapis sa pagkaguho ni Jose.
7 Kaya't sila ngayon ay tutungo sa pagkabihag sa unahan ng mga bihag,
at ang kasayahan nila na nag-uunat ng sarili ay mapaparam.”
8 Ang Panginoong Diyos ay sumumpa sa kanyang sarili,
ang Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo ay nagsabi:
“Aking kinapopootan ang kapalaluan ng Jacob,
at aking kinamumuhian ang kanyang mga muog;
kaya't aking ibibigay ang lunsod at lahat ng naroroon.”
9 At kung may natitirang sampung tao sa isang bahay, sila'y pawang mamatay.
10 At kapag ang isang tiyuhin o yaong sumusunog ng patay, ang magbubuhat upang ilabas ang buto mula sa bahay, at sasabihin doon sa nasa loob na bahagi ng bahay, “Mayroon ka pa bang kasama?” at kanyang sasabihin: “Wala”; kung magkagayo'y kanyang sasabihin: “Tumahimik ka! Hindi natin dapat banggitin ang pangalan ng Panginoon.”
11 Sapagkat narito, ang Panginoon ay mag-uutos
na ang malaking bahay ay mawawasak,
at ang munting bahay ay madudurog.
12 Tumatakbo ba ang mga kabayo sa malaking bato?
Inaararo ba ng sinuman ang dagat sa pamamagitan ng mga toro?
Ngunit inyong ginawang lason ang katarungan,
at ginawang mapait na kahoy ang bunga ng katuwiran.
13 Kayong nagagalak sa isang bagay na walang kabuluhan, na nagsasabi;
“Hindi ba sa pamamagitan ng sarili naming lakas
ay nagapi namin ang mga sungay para sa aming sarili?”
14 “Sapagkat aking ititindig laban sa inyo ang isang bansa,
O sambahayan ni Israel,” sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo;
“at kanilang pahihirapan kayo mula sa pasukan sa Hamat
hanggang sa batis ng Araba.”
Ang mga Balang sa Pangitain
7 Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Diyos: at narito, siya'y lumikha ng mga balang sa pasimula ng huling pagsibol ng pananim, at narito, ang huling pananim ay pagkatapos ng mga gapas para sa hari.
2 At nangyari, nang kanilang matapos kainin ang damo ng lupain, aking sinabi,
“O Panginoong Diyos, isinasamo ko sa iyo, magpatawad ka!
Paanong tatayo ang Jacob? Sapagkat siya'y maliit!
Siya'y napakaliit!”
3 Ang Panginoon ay nagbago ng isip tungkol dito,
“Hindi mangyayari,” sabi ng Panginoon.
Ang Pangitaing Apoy
4 Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Diyos: at narito, ang Panginoong Diyos ay tumatawag, upang humatol sa pamamagitan ng apoy, at tinupok nito ang malaking kalaliman, at kinakain ang lupain.
5 Nang magkagayo'y sinabi ko,
“O Panginoong Diyos, itigil mo, isinasamo ko sa iyo!
Paanong makakatayo ang Jacob?
Siya'y maliit!”
6 Ang Panginoon ay nagbago ng isip tungkol dito,
“Ito'y hindi rin mangyayari,” sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Pangitaing Panghulog
7 Ipinakita niya sa akin: Narito, ang Panginoon ay nakatayo sa tabi ng isang kuta na itinayo na may panghulog, na may panghulog sa kanyang kamay.
8 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Amos, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Isang panghulog.” At sinabi ng Panginoon,
“Tingnan ninyo, ako'y maglalagay ng panghulog sa gitna ng aking bayang Israel;
hindi na ako magdaraan pa sa kanila.
9 At ang matataas na dako ng Isaac ay magiging sira,
at ang mga santuwaryo ng Israel ay mahahandusay na wasak;
at ako'y babangon na may tabak laban sa sambahayan ni Jeroboam.”
Si Amos at si Amasias
10 Nang magkagayo'y nagsugo si Amasias na pari sa Bethel kay Jeroboam na hari ng Israel, na nagsasabi, “Si Amos ay nakipagsabwatan laban sa iyo sa gitna ng sambahayan ni Israel. Hindi kayang dalhin ng lupain ang lahat niyang mga salita.
11 Sapagkat ganito ang sabi ni Amos,
‘Si Jeroboam ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak,
at ang Israel ay tunay na pupunta sa pagkabihag
mula sa kanyang lupain.’”
12 Sinabi ni Amasias kay Amos, “O ikaw na tagakita, humayo ka, at tumakas ka sa lupain ng Juda, at doo'y kumain ka ng tinapay, at magsalita ka ng propesiya roon.
13 Ngunit huwag ka nang muling magsalita ng propesiya sa Bethel, sapagkat iyon ay santuwaryo ng hari, at iyon ay templo ng kaharian.”
14 Nang magkagayo'y sumagot si Amos kay Amasias, “Ako'y hindi propeta, o anak man ng propeta; kundi ako'y pastol, at manggagawa sa mga puno ng sikomoro.
15 At kinuha ako ng Panginoon mula sa pagsunod sa kawan, at sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Humayo ka, magsalita ka ng propesiya sa aking bayang Israel.’
16 “Kaya't ngayo'y pakinggan mo ang salita ng Panginoon,
Iyong sinasabi, ‘Huwag kang magpahayag ng propesiya laban sa Israel,
at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac.’
17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
‘Ang iyong asawa ay magiging masamang babae[a] sa lunsod,
at ang iyong mga anak na lalaki at babae ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak,
at ang iyong lupain ay mahahati sa pamamagitan ng pising panukat;
at ikaw ay mamamatay sa isang lupaing marumi,
at ang Israel ay tiyak na dadalhing bihag papalayo sa kanyang lupain.’”
Ang Pangitaing Kaing ng Prutas
8 Ganito ang ipinakita ng Panginoong Diyos sa akin: isang kaing ng bungang-kahoy sa tag-init.
2 At kanyang sinabi, “Amos, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Isang kaing ng mga bungang-kahoy sa tag-init.” Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ang wakas ay dumating sa aking bayang Israel;
hindi na ako muling daraan sa kanila.
3 At ang mga awit sa templo ay magiging mga panaghoy sa araw na iyon,” sabi ng Panginoong Diyos;
“darami ang mga bangkay
na itinatapon sa bawat dako. Tumahimik kayo!”
Ang Kapahamakan ng Israel
4 Pakinggan ninyo ito, O kayong tumatapak sa nangangailangan,
upang inyong puksain ang mapagpakumbaba sa lupain,
5 na sinasabi, “Kailan matatapos ang bagong buwan,
upang tayo'y makapagbili ng butil?
at ang Sabbath,
upang ating mabuksan ang bilihan ng trigo,
upang ating mapaliit ang efa, at mapalaki ang siklo,
at gumawa ng pandaraya sa pamamagitan ng maling timbangan;
6 upang ating mabili ng pilak ang dukha,
at ng isang pares na sandalyas ang nangangailangan,
at maipagbili ang ipa ng trigo?”
7 Ang Panginoon ay sumumpa sa pamamagitan ng kapalaluan ng Jacob:
“Tunay na hindi ko kalilimutan kailanman
ang alinman sa kanilang mga gawa.
8 Hindi ba manginginig ang lupain dahil dito,
at mananaghoy ang bawat tumatahan doon?
Oo, lahat ng ito ay tataas na gaya ng Nilo,
at tatangayin ng alon at lulubog uli, gaya ng Nilo ng Ehipto?”
9 “At sa araw na iyon,” sabi ng Panginoong Diyos,
“Aking palulubugin ang araw sa katanghaliang-tapat,
at aking padidilimin ang lupa sa maliwanag na sikat ng araw.
10 At aking papalitan ng panangis ang inyong mga kapistahan,
at lahat ng inyong awit ay magiging panaghoy;
at ako'y maglalagay ng damit-sako sa lahat ng balakang,
at pagkakalbo sa bawat ulo;
at gagawin ko iyon na gaya ng pagtaghoy sa isang bugtong na anak,
at ang wakas niyon ay gaya ng mapait na araw.
Ang Taggutom sa Buong Lupa ay Ibinabala
11 “Ang mga araw ay dumarating,” sabi ng Panginoong Diyos,
“na ako'y magpapasapit ng taggutom sa lupain,
hindi taggutom sa tinapay, o pagkauhaw sa tubig,
kundi sa pakikinig sa mga salita ng Panginoon.
12 At sila'y lalaboy mula sa dagat hanggang sa dagat,
at mula sa hilaga hanggang sa silangan;
sila'y tatakbo ng paroo't parito
upang hanapin ang salita ng Panginoon,
at hindi nila ito matatagpuan.
13 “Sa araw na iyon ay manlulupaypay sa uhaw
ang magagandang birhen at ang mga binata.
14 Silang sumumpa sa pamamagitan ng Ashimah ng Samaria,
at nagsasabi, ‘Habang buháy ang diyos mo, O Dan;’
at, ‘Habang buháy ang daan ng Beer-seba;’
sila'y mabubuwal, at kailanma'y hindi na makakabangon.”
Ang mga Hatol ng Panginoon
9 Nakita ko ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng dambana, at kanyang sinabi:
“Hampasin mo ang mga kapitel,
upang ang mga tuntungan ay mauga;
at basagin mo sila sa ulo nilang lahat,
at aking papatayin ng tabak ang nalabi sa kanila;
hindi sila magkakaroon ng takas na makakaalis,
o sinuman na makakatakas.
2 “Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol,
mula roo'y kukunin sila ng aking kamay;
bagaman sila'y umakyat hanggang sa langit,
mula roo'y ibababa ko sila.
3 At bagaman sila'y magtago sa tuktok ng Carmel,
mula roo'y hahanapin ko sila at kukunin,
at bagaman sila'y magkubli sa aking paningin sa kailaliman ng dagat,
mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutuklawin sila niyon.
4 At bagaman sila'y mapunta sa pagkabihag sa harapan ng kanilang mga kaaway,
doon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin sila niyon.
at aking itititig ang aking mga mata sa kanila
sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.”
5 Ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo,
na siyang humihipo ng lupain at natutunaw,
at lahat ng naninirahan doon ay tatangis;
at lahat niyon ay tumataas na gaya ng Nilo,
at lulubog uli, na gaya ng Nilo ng Ehipto;
6 siya na gumagawa ng kanyang mga silid sa langit,
at inilagay ang kanyang pabilog na bubong sa lupa;
siya na tumatawag ng tubig sa dagat
at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa—
Panginoon ang kanyang pangalan.
7 “Di ba kayo'y parang mga anak ng Etiopia para sa akin,
O mga anak ni Israel?” sabi ng Panginoon.
“Hindi ko ba pinaahon ang Israel mula sa lupain ng Ehipto,
at ang mga Filisteo, mula sa Caftor, at ang mga taga-Siria mula sa Chir?
8 Ang mga mata ng Panginoong Diyos ay nasa makasalanang kaharian,
at wawasakin ko iyon mula sa ibabaw ng lupa;
gayunman hindi ko lubos na wawasakin ang sambahayan ni Jacob,” sabi ng Panginoon.
9 “Sapagkat narito, ako'y mag-uutos,
at aking liligligin ang sambahayan ni Israel sa gitna ng lahat ng bansa,
gaya ng pagliliglig sa pamamagitan ng isang bithay,
subalit hindi malalaglag sa lupa ang pinakamaliit na butil.
10 Lahat ng makasalanan sa aking bayan ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak,
sila na nagsasabi, ‘Ang kasamaan ay hindi aabot sa atin o sasalubong sa atin.’
Manunumbalik ang Israel
11 “Sa(A) araw na iyon ay ibabangon ko
ang tabernakulo ni David na bumagsak,
at lalagyan ko ng bakod ang mga sira niyon;
at ibabangon ko ang mga guho niyon,
at muli kong itatayo na gaya ng mga araw nang una;
12 upang kanilang angkinin ang nalabi ng Edom,
at ang lahat ng bansa na tinatawag sa aking pangalan,”
sabi ng Panginoon na gumagawa nito.
13 “Ang mga araw ay dumarating,” sabi ng Panginoon,
“na aabutan ng nag-aararo ang nag-aani,
at ng tagapisa ng ubas ang nagtatanim ng binhi;
ang mga bundok ay magpapatulo ng matamis na alak,
at lahat ng mga burol ay matutunaw.
14 At aking ibabalik ang kapalaran ng aking bayang Israel,
at kanilang muling itatayo ang mga wasak na bayan, at titirahan nila iyon,
at sila'y magtatanim ng ubasan, at iinom ng alak niyon;
gagawa rin sila ng mga halamanan, at kakain ng bunga ng mga iyon.
15 At aking ilalagay sila sa kanilang lupain;
at hindi na sila palalayasin pa sa kanilang lupain,
na ibinigay ko sa kanila,” sabi ng Panginoon mong Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001