Beginning
Ang Magkapatid na Makasalanan
23 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, may dalawang babae na mga anak na babae ng isang ina;
3 sila'y naging bayarang babae[a] sa Ehipto. Sila'y naging bayarang babae[b] sa panahon ng kanilang kabataan; doo'y pinisil ang kanilang mga suso at hinipo ang suso ng kanilang pagkadalaga.
4 Ang pangalan ng nakatatanda ay Ohola[c] at si Oholiba[d] ang kapatid niya. Sila'y naging akin at nanganak ng mga lalaki at babae. At tungkol sa kanilang mga pangalan, si Ohola ay ang Samaria, at si Oholiba ay ang Jerusalem.
5 “Si Ohola ay naging bayarang babae[e] nang siya'y akin; at siya'y umibig sa kanyang mga mangingibig na mga taga-Asiria,
6 mga mandirigma na may damit na kulay ube, mga tagapamahala at mga pinuno, silang lahat ay mga binatang makikisig, mga mangangabayo na nakasakay sa mga kabayo.
7 Ipinagkaloob niya sa kanila ang kanyang pagiging bayarang babae,[f] sa kanilang lahat na mga piling lalaki sa Asiria. Dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng lahat ng diyus-diyosan ng mga taong kanyang kinahumalingan.
8 Hindi niya iniwan ang kanyang pagiging bayarang babae[g] na kanyang ginawa mula pa sa mga araw niya sa Ehipto, sapagkat sa kanyang kabataan, sila'y sumiping sa kanya at hinawakan nila ang suso ng kanyang pagkadalaga; at kanilang ibinuhos ang kanilang kahalayan sa kanya.
9 Kaya't ibinigay ko siya sa kamay ng kanyang mga mangingibig, sa kamay ng mga taga-Asiria, na siya niyang kinahumalingan.
10 Ang mga ito ang naglantad ng kanyang kahubaran. Kinuha nila ang kanyang mga anak na lalaki at babae at siya'y pinatay nila ng tabak. Siya'y naging tampulan ng paghamak sa mga babae nang ilapat sa kanya ang hatol.
11 “Nakita ito ng kanyang kapatid na si Oholiba, gayunma'y siya'y higit na masama sa kanyang pagkahumaling, at sa kanyang pagiging bayarang babae,[h] na higit pa sa kanyang kapatid.
12 Siya'y nahumaling sa mga taga-Asiria, sa mga tagapamahala at mga pinuno sa kanyang mga kalapit, na nakadamit ng mga pinakamahusay sa mga nangangabayo na nakasakay sa mga kabayo, na silang lahat ay mga binatang makikisig.
13 Aking nakita na siya'y nadungisan; kapwa nila tinahak ang iisang daan.
14 At kanyang pinalago ang kanyang pagiging bayarang babae.[i] Siya'y nakakita ng mga lalaking nakalarawan sa mga pader, mga larawan ng mga Caldeo na nakalarawan sa bermillon,
15 na nabibigkisan sa kanilang mga balakang, na may nakabalot na mga putong sa kanilang mga ulo. Silang lahat ay parang mga pinuno ayon sa larawan ng mga taga-Babilonia na ang lupaing tinubuan ay Caldea.
16 Nang makita niya sila ay nahumaling siya sa kanila at nagpadala ng mga sugo sa kanila sa Caldea.
17 At sinipingan siya ng mga taga-Babilonia sa higaan ng pag-ibig, at kanilang dinungisan siya ng kanilang kahalayan. At pagkatapos na siya'y madungisan nila, lumayo siya sa kanila na may pagkainis.
18 Nang ipagpatuloy niya nang hayagan ang kanyang mga pagpapakasama, at inilitaw niya ang kanyang kahubaran, may pagkainis akong lumayo sa kanya, gaya ng pagtalikod ko sa kanyang kapatid.
19 Gayunma'y kanyang pinarami ang kanyang pagiging bayarang babae,[j] at inalaala ang mga araw ng kanyang kabataan, nang siya'y naging bayarang babae[k] sa lupain ng Ehipto.
20 Siya'y nahumaling sa kanyang mga kalaguyo roon, na ang laman ay parang laman ng mga asno, at ang lumalabas sa kanila ay parang ang lumalabas sa mga kabayo.
21 Ganito mo kinasabikan ang kahalayan ng iyong kabataan, nang hipuin ng mga Ehipcio ang iyong mga dibdib at pisilin ang iyong mga suso.”
Ang Hatol ng Diyos sa Nakababatang Kapatid
22 Kaya, O Oholiba, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Aking ibabangon laban sa iyo ang iyong mga mangingibig na iyong nilayuang may pagkainis, at aking dadalhin sila laban sa iyo sa lahat ng dako:
23 Ang mga taga-Babilonia at lahat ng Caldeo, ang Pekod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria na kasama nila, na mga binatang makikisig, mga tagapamahala at mga pinuno silang lahat, mga puno, at mga mandirigma, silang lahat ay nakasakay sa mga kabayo.
24 At sila'y paparitong laban sa iyo na may mga karwahe, mga kariton, at napakaraming mga tao. Sila'y maghahanda laban sa iyo sa bawat panig na may mga pananggalang, kalasag at helmet. Aking ipauubaya ang hatol sa kanila, at kanilang hahatulan ka ayon sa kanilang mga kaugalian.
25 Aking itutuon ang aking galit laban sa iyo, upang pakitunguhan ka nilang may poot. Kanilang puputulin ang iyong ilong at ang iyong mga tainga, at ang nakaligtas sa iyo ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak. Kanilang darakpin ang iyong mga anak na lalaki at babae; at ang mga nakaligtas sa iyo ay lalamunin ng apoy.
26 Kanila rin namang huhubaran ka ng iyong mga suot, at kukunin ang iyong mga magagandang hiyas.
27 Kaya't ganito ko wawakasan ang iyong kahalayan, at ang iyong pagiging bayarang babae[l] na dinala mo mula sa lupain ng Ehipto. Hindi ka na masasabik sa kanila[m] o alalahanin mo pa ang Ehipto kailanman.
28 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ibibigay kita sa kamay ng mga kinapopootan mo, sa kamay ng mga nilayuan mong may pagkainis;
29 at papakitunguhan ka nila na may poot, at aalisin ang lahat ng bunga ng iyong pagpapagal, at iiwan kang hubad at hubo, at ang kahubaran ng iyong pagiging bayarang babae[n] ay malalantad. Ang iyong kahalayan at ang iyong pagiging bayarang babae,[o]
30 ang nagdala nito sa iyo, sapagkat ikaw ay naging bayarang babae[p] sa mga bansa, at iyong dinumihan ang iyong sarili ng kanilang mga diyus-diyosan.
31 Ikaw ay lumakad sa landas ng iyong kapatid; kaya't ibibigay ko ang kanyang saro sa iyong kamay.
32 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Ikaw ay iinom sa kopa ng iyong kapatid,
na ito'y malalim at malaki;
ikaw ay pagtatawanan at kukutyain,
sapagkat marami itong laman.
33 Ikaw ay malalasing at mamamanglaw.
Isang kopa ng lagim at kapahamakan
ang kopa ng iyong kapatid na Samaria;
34 iyong iinumin at uubusin,
at iyong ngangatngatin ang mga piraso nito,
at lulurayin ang iyong dibdib;
sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos.
35 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ako'y iyong nilimot, at tinalikuran mo ako, kaya't pasanin mo ang mga bunga ng iyong kahalayan at pagiging bayarang babae.”[q]
Ang Parusa ng Panginoon sa Magkapatid
36 Bukod dito'y sinabi ng Panginoon sa akin: “Anak ng tao, hahatulan mo ba si Ohola at si Oholiba? Kung gayo'y ipahayag mo sa kanila ang kanilang mga kasuklamsuklam na gawain.
37 Sapagkat sila'y nagkasala ng pangangalunya, at ang dugo ay nasa kanilang mga kamay. Kasama ng kanilang mga diyus-diyosan ay nagkasala sila sa pagsamba sa mga iyon, at pinadaan sa apoy ang kanilang mga anak na kanilang ipinanganak sa akin bilang pagkain nila.
38 Bukod dito'y ginawa nila ito sa akin: kanilang nilapastangan ang aking santuwaryo nang araw ding iyon, at nilapastangan ang aking mga Sabbath.
39 Sapagkat nang kanilang patayin ang kanilang mga anak bilang handog sa kanilang mga diyus-diyosan, pumunta sila nang araw ding iyon sa aking santuwaryo upang lapastanganin ito. Ganito ang kanilang ginawa sa aking bahay.
40 Nagsugo pa sila ng mga taong nagmumula sa malayo, na siyang ipinasundo sa sugo, at sila'y dumating. Iyong pinaliguan ang iyong sarili para sa kanila, kinulayan mo ang iyong mga mata, at ginayakan mo ang iyong sarili;
41 naupo ka sa isang magarang upuan, na may hapag na nakahanda sa harapan niyon, na siya mong pinaglapagan ng aking insenso at langis.
42 Ang tunog ng maraming taong walang iniintindi ay nasa kanya; at kasama ng mga pangkaraniwang lalaki ay dinala ang mga maglalasing na mula sa ilang. Kanilang nilagyan ng mga pulseras ang mga kamay ng mga babae, at magagandang korona sa kanilang mga ulo.
43 “Nang magkagayo'y sinabi ko, Hindi ba nangangalunya ngayon ang mga lalaki kapag sila'y nagpapaupa sa kanya?
44 Sapagkat kanilang sinipingan siya, na parang sumiping sila sa isang upahang babae. Gayon nila sinipingan sina Ohola at Oholiba, mga masasamang babae.
45 Ngunit ang matutuwid na tao ang hahatol sa kanila ng kahatulan na may hatol sa mangangalunya, at ng hatol sa mga babae na nagpadanak ng dugo; sapagkat sila'y mangangalunya, at ang dugo ay nasa kanilang mga kamay.”
46 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Magdala ka ng isang hukbo laban sa kanila, at gagawin ko silang tampulan ng takot at pagsamsam.
47 At babatuhin sila ng hukbo, at tatagain sila ng kanilang mga tabak; papatayin nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae, at susunugin ng apoy ang kanilang mga bahay.
48 Ganito ko wawakasan ang kahalayan sa lupain, upang ang lahat ng mga babae ay mabalaan na huwag gumawa ng gayong kahalayan na inyong ginawa.
49 At sisingilin ang inyong kahalayan sa inyo, at inyong papasanin ang mga kaparusahan para sa inyong makasalanang pagsamba sa diyus-diyosan; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.
Ang Talinghaga ng Kumukulong Palayok
24 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak(A) ng tao, isulat mo ang pangalan ng araw na ito, ang araw ding ito. Kinubkob ng hari ng Babilonia ang Jerusalem sa araw ding ito.
3 At magsalita ka ng isang talinghaga sa mapaghimagsik na sambahayan, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
Magsalang ka ng palayok, isalang mo,
at buhusan mo rin ng tubig;
4 ilagay mo rito ang mga piraso ng laman,
lahat ng mabubuting putol, ang hita at ang balikat;
punuin mo ng mga piling buto.
5 Kumuha ka ng piling-pili mula sa kawan,
at ibunton mo ang mga kahoy[r] sa ilalim niyon;
pakuluan mong mabuti;
lutuin mo rin ang mga buto sa loob niyon.
6 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang madugong lunsod, ang kaldero na may kalawang, at ang kalawang ay hindi naalis doon! Ilabas mo mula roon ang pira-piraso, na walang pamimiling[s] ginawa roon.
7 Sapagkat ang dugo na kanyang pinadanak ay nasa gitna pa rin niya. Inilagay niya ito sa lantad na bato; hindi niya ito ibinuhos sa lupa upang tabunan ng alabok.
8 Upang pukawin ang aking poot, upang maghiganti, inilagay ko sa lantad na bato ang dugo na kanyang pinadanak upang hindi ito matakpan.
9 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang madugong lunsod! Akin ding patataasin ang bunton.
10 Ibunton ang kahoy, paningasin ang apoy, pakuluang mabuti ang laman, ihalo ang mga pampalasa, at sunugin ang mga buto.
11 Pagkatapos ay ilagay itong walang laman sa mga baga upang ito ay uminit, at ang tanso niyo'y masunog, upang ang dumi niyon ay matunaw roon, upang mawala ang kalawang niyon.
12 Ako'y nagpakapagod sa walang kabuluhan, ang makapal nitong kalawang ay hindi naaalis sa pamamagitan ng apoy.
13 Ang kalawang niyon ay ang iyong maruming kahalayan. Sapagkat ikaw ay nilinis ko sana at hindi ka nalinis sa iyong karumihan, hindi ka na malilinis pa hanggang sa aking malubos ang aking poot sa iyo.
14 Akong Panginoon ang nagsalita, ito'y mangyayari, ito'y aking gagawin. Hindi ako magpipigil, ni magpapatawad, ni magsisisi man. Ayon sa iyong mga lakad at mga gawa ay hahatulan kita, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Kamatayan ng Asawa ni Ezekiel
15 Ang salita ng Panginoon ay dumating din sa akin, na sinasabi,
16 “Anak ng tao, narito, malapit ko nang alisin sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ang kaluguran ng iyong mga mata. Gayunma'y hindi ka tatangis, ni iiyak man, ni aagos man ang iyong mga luha.
17 Magbuntong-hininga ka, ngunit huwag malakas; huwag mong tangisan ang patay. Itali mo ang iyong putong, at isuot mo ang iyong mga sandalyas sa iyong mga paa. Huwag mong takpan ang iyong mga bigote, at huwag kang kumain ng tinapay ng mga tao.”
18 Kinaumagahan, nagsalita ako sa taong-bayan, at kinagabihan ay namatay ang aking asawa. Aking ginawa nang sumunod na umaga ang gaya ng iniutos sa akin.
19 At sinabi ng taong-bayan sa akin, “Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito sa amin, kung bakit ikaw ay kumikilos ng ganyan?”
20 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
21 ‘Sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking lalapastanganin ang aking santuwaryo, ang kapalaluan ng inyong kapangyarihan, ang kaluguran ng inyong mga mata, at naisin ng inyong kaluluwa. Ang inyong mga anak na lalaki at babae na inyong iniwan sa hulihan ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak.
22 Inyong gagawin ang gaya ng aking ginawa; hindi ninyo tatakpan ang inyong mga bigote, o kakain man ng tinapay ng mga tao.
23 Ang inyong putong ay malalagay sa inyong mga ulo, at ang inyong mga sandalyas sa inyong mga paa. Kayo'y hindi tatangis o iiyak man, kundi kayo'y manlulupaypay sa inyong mga kasamaan, at dadaing sa isa't isa.
24 Ganito magiging isang tanda sa inyo si Ezekiel; ayon sa lahat niyang ginawa ay inyong gagawin. Kapag ito'y nangyari, inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.’
25 “At ikaw, anak ng tao, sa araw na iyon nang aking alisin sa kanila ang kanilang lakas, ang kanilang kagalakan at kaluwalhatian, ang kaluguran ng kanilang mga mata, at ang ninanais ng kanilang puso, maging ang kanilang mga anak na lalaki at babae,
26 na sa araw na iyon ay darating sa inyo ang isang takas upang iulat sa inyo ang balita.
27 Sa araw na iyon ay bubuka ang iyong bibig sa kanya na nakatakas, at ikaw ay magsasalita, at hindi na mapipipi pa. Kaya't ikaw ay magiging isang tanda sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001