Beginning
Parusahan ang Gumagawa ng Imoralidad
5 May nagbalita sa akin na mayroon diyan sa inyo na gumagawa ng sekswal na imoralidad – kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Itoʼy masahol pa sa ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios, dahil maging sila ay hindi gumagawa nito. 2 At sa kabila ng pangyayaring ito, nagawa pa ninyong magyabang! Dapat sana ay naghinagpis kayo at pinalayas na ninyo sa inyong grupo ang gumagawa nito. 3-4 Kahit na wala ako riyan ng personal, nariyan naman ako sa espiritu. At sa pangalan[a] ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hinatulan ko na ang taong iyon. Kaya sa pagtitipon ninyo, isipin ninyo na parang nariyan na rin ako sa espiritu. At sa kapangyarihang ibinigay sa atin ng ating Panginoong Jesu-Cristo, 5 ipaubaya ninyo kay Satanas ang taong iyon upang mapahamak ang kanyang katawan at maligtas ang kanyang espiritu sa araw ng paghuhukom ng Panginoon.
6 Hindi tama ang pagyayabang ninyo. Hindi nʼyo ba alam ang kasabihang, “Ang kaunting pampaalsa ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina”? 7 Kaya alisin ninyo ang lumang pampaalsa na walang iba kundi ang kasalanan, upang maging bago at malinis kayo. Sa katunayan, nilinis na kayo dahil inialay si Cristo para sa atin. Tulad siya ng tupang iniaalay tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. 8 Kaya ipagdiwang natin ang pistang ito hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa kundi ng tinapay na walang pampaalsa, na ang ibig sabihin ay talikuran na natin ang dati nating mga kasalanan at kasamaan, at mamuhay na tayo nang malinis at tapat.
9 Sumulat ako sa inyo noon na huwag kayong makikisama sa mga imoral.[b] 10 Hindi ko tinutukoy dito ang mga taong hindi sumasampalataya sa Dios – ang mga imoral, sakim, magnanakaw, at sumasamba sa dios-diosan. Dahil kung iiwasan ninyo sila, kinakailangan nʼyo talagang umalis sa mundong ito. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong pakikisamahan ay ang mga nagsasabing silaʼy mga kapatid sa Panginoon pero mga imoral, sakim, sumasamba sa dios-diosan, mapanlait, lasenggo, at magnanakaw. Ni huwag kayong makisalo sa kanila sa pagkain. 12-13 Kung sabagay, ano ba ang karapatan nating husgahan ang mga hindi mananampalataya? Ang Dios na ang huhusga sa kanila. Ngunit tungkulin ninyo na husgahan ang mga kapatid kung tama o mali ang kanilang ginagawa, dahil sinasabi ng Kasulatan, “Paalisin ninyo sa inyong grupo ang taong masama.”[c]
Demanda Laban sa Kapatid sa Panginoon
6 Kapag may reklamo ang isa sa inyo laban sa kanyang kapatid, bakit dinadala niya ito sa hukom na hindi sumasampalataya sa Dios? Dapat dalhin niya ito sa mga sumasampalataya sa Dios[d] 2 Hindi nʼyo ba alam na sa mga huling araw tayong mga banal ang hahatol sa mga tao sa mundo? At kung kayo ang hahatol sa mga tao sa mundo, wala ba kayong kakayahang hatulan ang maliliit na bagay na iyan? 3 Hindi nʼyo ba alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? At kung kaya nating gawin ito, mas lalong kaya ninyong ayusin ang mga alitan sa buhay na ito. 4 Kaya kung mayroon kayong mga alitan, bakit dinadala pa ninyo ito sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5 Mahiya naman kayo! Wala na ba talagang marurunong sa inyo na may kakayahang umayos ng mga alitan ng mga mananampalataya? 6 Ang nangyayari, nagdedemandahan ang magkakapatid sa Panginoon, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya!
7 Kayo mismo ang talo sa pagkakaroon ninyo ng mga kaso laban sa isaʼt isa. Bakit hindi na lang ninyo tiisin ang mga gumagawa ng masama at nandaraya sa inyo? 8 Ngunit ang nangyayari, kayo pa mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, at ginagawa ninyo ito mismo sa inyong kapatid sa Panginoon. 9-10 Hindi nʼyo ba alam na hindi magmamana ng kaharian ng Dios ang masasama? Huwag kayong palilinlang! Sapagkat kailanmaʼy hindi magmamana ng kaharian ng Dios ang mga imoral,[e] sumasamba sa dios-diosan, nangangalunya, nakikipagrelasyon sa kapwa lalaki o babae, magnanakaw, sakim, lasenggo, mapanlait, at mandarambong. 11 At ganyan nga ang ilan sa inyo noon. Ngunit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ibinukod na kayo ng Dios para maging kanya; itinuring na kayong matuwid dahil sa Panginoong Jesu-Cristo at sa Espiritu ng ating Dios.
Ang Katawan Ninyo ay Templo ng Banal na Espiritu
12 Maaaring may magsabi sa inyo ng ganito, “Pwede kong gawin ang kahit ano.” Totoo iyan, ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakabuti sa inyo. Kaya kahit pwede kong gawin ang kahit ano, hindi naman ako paaalipin dito. 13 Maaari rin namang sabihin ng iba, “Ang pagkain ay ginawa para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit darating ang araw na pareho itong sisirain ng Dios. Ang katawan ay hindi para sa sekswal na imoralidad kundi para sa paglilingkod sa Dios; at ang Dios ang nag-iingat nito. 14 Ang katawan natiʼy muling bubuhayin ng Dios sa huling araw, tulad ng ginawa niya sa ating Panginoon.
15 Hindi baʼt tayong mga mananampalataya ay bahagi ng katawan ni Cristo? Iyan ang dahilan kung bakit hindi talaga natin maaaring gamitin ang ating katawan, na bahagi ng katawan ni Cristo, sa pakikipagtalik sa babaeng bayaran. 16 Hindi baʼt ang nakikipagtalik sa ganoong babae ay nagiging kaisang-katawan niya? Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Silang dalawaʼy magiging isa.”[f] 17 At kung nakikipag-isa tayo sa Panginoong Jesu-Cristo kaisa niya tayo sa espiritu.
18 Kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. Ang ibang kasalanang ginagawa ng tao ay walang kinalaman sa kanyang katawan, ngunit ang gumagawa ng sekswal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan. 19 Hindi baʼt ang katawan ninyo ay templo ng Banal na Espiritung nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Dios? Kung ganoon, ang katawan ninyoʼy hindi sa inyo kundi sa Dios, 20 dahil tinubos kayo ng Dios sa napakalaking halaga. Kaya gamitin ninyo ang inyong katawan sa paraang ikapupuri ng Dios.
Tungkol sa Pag-aasawa
7 Ngayon, ito naman ang masasabi ko tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin. Mas makabubuti sa isang lalaki kung hindi na lang mag-aasawa. 2 Ngunit dahil sa marami ang natutuksong gumawa ng sekswal na imoralidad, mas mabuti pa na mag-asawa na lang ang bawat lalaki o babae. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang kanyang tungkulin sa kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae. 4 Sapagkat ang lalaki ay may karapatan sa katawan ng kanyang asawa. At ganoon din naman, ang babae sa kanyang asawa. 5 Kaya huwag ninyong ipagkait ang pagsiping sa inyong asawa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong ipagpaliban ito, upang mailaan ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkalipas ng inyong pinagkasunduan, magsiping na uli kayo dahil baka hindi na kayo makapagpigil at matukso kayo ni Satanas.
6 Ang sinasabi koʼy hindi isang utos kundi mungkahi lamang. 7 Kung pwede lang, gusto ko sanang kayong lahat ay maging katulad ko na walang asawa. Ngunit may kanya-kanyang kaloob sa atin ang Dios, at hindi ito pare-pareho.
8 Ngayon, ito naman ang masasabi ko sa mga wala pang asawa at sa mga biyuda: mas mabuti kung magpatuloy na lang kayo sa kalagayan ninyong iyan. 9 Ngunit kung hindi kayo makapagpigil sa inyong sarili, mag-asawa na lang kayo. Mas mabuti na ito kaysa sa magkasala kayo dahil sa matinding pagnanasa ng laman.
10-11 Ngayon, sa inyong mga may asawa, may utos ako na sinabi mismo ng Panginoon: Hindi dapat hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung hihiwalay ang babae sa kanyang asawa, dapat manatili siyang walang asawa o di kayaʼy bumalik na lang sa kanyang asawa.
12 Sa iba naman, ito ang masasabi ko (itoʼy opinyon ko lang; walang sinabi ang Panginoon tungkol dito): Kung ang isang mananampalatayang lalaki ay may asawa na hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang babae. 13 At kung ang isang babae naman ay may asawang hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang lalaki. 14 Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay tinatanggap ng Dios dahil sa kanyang mananampalatayang asawa, at ang babaeng hindi mananampalataya ay tinatanggap din ng Dios dahil sa kanyang mananampalatayang asawa. Dahil kung hindi, maging ang mga anak nila ay hindi tatanggapin ng Dios. Ngunit ang totoo, tinatanggap din sila ng Dios. 15 Ngunit kung gustong humiwalay ng asawang hindi mananampalataya, hayaan siyang humiwalay. Sa ganitong pangyayari ay wala nang pananagutan ang mananampalatayang asawa, dahil tinawag tayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa. 16 Kung sabagay, hindi naman kayo nakasisiguro kung ang inyong pagsasama ay magiging kasangkapan ng Dios para maligtas ang inyong asawa.
Mamuhay Ayon sa Kalagayang Ibinigay ng Dios
17 Ang bawat isa sa inyo ay dapat mamuhay ayon sa kalagayan na ibinigay ng Panginoon sa kanya. Dapat manatili siya sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Dios.[g] Ito ang iniuutos ko sa lahat ng iglesya. 18 Halimbawa, kung ang isang lalaki ay tuli nang siyaʼy tawagin ng Dios, hindi na niya dapat baguhin ang kanyang kalagayan. At kung hindi pa siya tuli nang siyaʼy tawagin, hindi na niya kailangang magpatuli pa. 19 Sapagkat hindi mahalaga kung tuli ang isang lalaki o hindi. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Dios. 20 Kaya mamuhay ang bawat isa ayon sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Dios. 21 Ikaw baʼy isang alipin nang tawagin ng Dios? Hindi na bale, ngunit kung may magagawa ka naman para maging malaya, samantalahin mo ito. 22 Sapagkat ang alipin nang tawagin siya ng Panginoon ay malaya na sa harap ng Panginoon. Ang tao namang malaya nang tawagin siya ay alipin na ngayon ni Cristo. 23 Binili kayo ng Dios sa malaking halaga, kaya huwag kayong basta magpaalipin sa tao. 24 Kaya nga mga kapatid, mamuhay ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang kalagayan nang tawagin siya ng Dios.
Tungkol sa mga Walang Asawa at mga Biyuda
25 Ngayon, tungkol naman sa mga walang asawa, wala akong utos mula sa Panginoon. Ngunit bilang isang mapagkakatiwalaan dahil sa awa ng Dios, ito ang aking masasabi:
26 Dahil sa mga kahirapan ngayon, mas mabuti kung magpatuloy na lang kayo sa inyong kalagayan. 27 Kaya kung ikaw ay may asawa na, huwag mong hihiwalayan ang iyong asawa. At kung ikaw naman ay wala pang asawa, mas mabuti na huwag ka na lang mag-asawa. 28 Ngunit kung mag-asawa ka man, hindi ka nagkasala. At kung mag-asawa ang isang dalaga, hindi rin siya nagkasala. Kaya ko lang sinasabi sa mga wala pang asawa na manatili na lang na ganoon dahil gusto kong maiwasan nila ang mga hirap ng buhay may asawa.
29 Ang ibig kong sabihin mga kapatid, maikli na lang ang natitirang panahon. Kaya ang mga may asawa ay dapat nang mamuhay na parang walang asawa, 30 ang mga umiiyak naman na parang hindi umiyak, ang mga nagagalak na parang hindi nagagalak, at ang mga bumibili na parang hindi bumibili para sa sarili. 31 Ang mga gumagamit ng mga bagay dito sa mundo ay hindi dapat mawili sa mga bagay na ito, dahil ang mga bagay sa mundong ito ay lilipas.
32 Gusto ko sanang maging malaya kayo sa mga alalahanin sa mundong ito. Kung ang isang lalaki ay walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang mga gawain ng Panginoon at kung paano siya magiging kalugod-lugod sa kanya. 33 Ngunit ang lalaking may asawaʼy abala sa mga bagay dito sa mundo, kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa. 34 Dahil dito, hati ang kanyang isipan. Ganoon din naman sa mga babae. Kung ang isang babaeʼy walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang paglilingkod sa Panginoon, at nais niyang ilaan ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa kanya. Ngunit ang babaeng may asawa ay abala sa mga bagay dito sa mundo, kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa.
35 Sinasabi ko lamang ito para sa inyong kabutihan. Hindi ko kayo pinagbabawalang mag-asawa. Gusto ko lamang hanggaʼt maaari ay maging maayos at walang hadlang ang inyong paglilingkod sa Panginoon.
36 Ngayon, tungkol naman sa mga magkasintahan: Kung sa palagay ng lalaki ay hindi tama ang ikinikilos niya sa kanyang nobya dahil sa pagnanasa, at sa palagay niyaʼy dapat na silang magpakasal, mas mabuti ngang magpakasal na sila. Hindi ito kasalanan. 37 Ngunit kung nagpasya ang lalaki na hindi na lang niya pakakasalan ang kanyang nobya, at hindi na lang siya mag-aasawa dahil kaya naman niyang magpigil sa sarili, mabuti rin ang kanyang ginagawa. 38 Kaya mabuti kung mag-aasawa siya, ngunit mas mabuti kung hindi.
39 Ang babaeʼy nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay pa ito. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, maaari na siyang mag-asawa uli, pero dapat sa isang mananampalataya. 40 Para sa akin, mas maligaya siya kung hindi na lang siya mag-asawang muli. Opinyon ko lang naman ito, ngunit sa tingin koʼy ito rin ang itinuturo ng Espiritu ng Dios na nasa akin.
Tungkol sa mga Pagkain na Inialay sa mga Dios-diosan.
8 Ngayon, tungkol naman sa mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, kung maaari ba natin itong kainin o hindi: Kahit marami na ang ating nalalaman, dapat nating tandaan na kung minsan ang kaalaman ay nagpapayabang sa tao. Mas mahalaga ang pagmamahalan, dahil itoʼy nakapagpapatatag sa atin. 2 Ang taong nag-aakala na marami na siyang alam ay kulang pa rin talaga sa kaalaman. 3 Ngunit ang taong nagmamahal sa Dios ay siyang kinikilala ng Dios na kanya.
4 Kaya kung tungkol sa mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, alam natin na ang mga dios-diosang itoʼy hindi totoong Dios, dahil iisa lamang ang Dios. 5 At kahit na sinasabi ng iba na may mga dios sa langit at sa lupa, at marami ang mga tinatawag na “mga dios” at mga “panginoon,” 6 para sa atin iisa lamang ang Dios, ang ating Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kanya. At may iisang Panginoon lamang, si Jesu-Cristo. Sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya ay nabubuhay tayo ngayon.
7 Ngunit may mga mananampalataya na hindi pa alam ang katotohanang ito. Ang iba sa kanilaʼy sumasamba noon sa mga dios-diosan, kaya hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, naiisip nila na parang kasama na sila sa pagsamba sa mga dios-diosan. At dahil sa kakaunti pa lang ang kaalaman nila, nagkakasala sila sa kanilang konsensya. 8 Kung sabagay, ang pagkain ay walang kinalaman sa ating kaugnayan sa Dios. Walang mawawala sa ating kaugnayan sa Dios kung hindi tayo kakain, at wala rin naman tayong mapapala kung kumain man tayo.
9 Ngunit kahit na malaya kayong kumain ng kahit ano, mag-ingat kayo dahil baka iyan ang maging dahilan ng pagkakasala ng mga taong mahihina pa sa kanilang pananampalataya. 10 Halimbawa, may kapatid kang hindi pa nakakaunawa sa katotohanang ito, at ikaw na nakakaunawa ay nakita niyang kumakain sa templo ng mga dios-diosan, hindi baʼt mahihikayat din siyang kumain ng mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan kahit na para sa kanya ay isa itong kasalanan? 11 Dahil sa iyong “kaalaman,” napapahamak ang iyong kapatid na mahina pa sa pananampalataya, na kung tutuusin ay namatay din si Cristo para sa kanya. 12 At sa ganitong paraan ay nagkasala ka na rin kay Cristo, dahil nagkasala ka sa iyong kapatid na mahina pa ang pananampalataya sa pag-udyok mo sa kanya na gumawa ng bagay na labag sa kanyang kalooban. 13 Kaya kung ang kinakain ko ay nagiging dahilan ng pagkakasala ng aking kapatid, hindi na lang ako kakain nito[h] kailanman, para hindi magkasala ang aking kapatid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®