Beginning
Ang Paglalakbay ni Pablo sa Jerusalem
21 Nagpaalam kami sa mga namumuno sa iglesya sa Efeso, at bumiyahe kami nang tuloy-tuloy hanggang sa nakarating kami sa Cos. Kinabukasan, dumating kami sa isla ng Rodes. At mula roon, nagpatuloy kami sa Patara. 2 Doon sa Patara ay may nakita kaming barko na papuntang Fenicia, kaya sumakay agad kami. 3 Natanaw namin ang isla ng Cyprus, pero hindi kami pumunta roon kundi dumaan kami sa gawing kanan at tumuloy sa Syria. Dumaong kami sa bayan ng Tyre, dahil nagbaba roon ng kargamento ang barko. 4 Hinanap namin doon ang mga tagasunod ni Jesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. 5 Pero pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin. 6 Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila.
7 Mula sa Tyre, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemais. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil kami sa kanila ng isang araw. 8 Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol. 9 Apat ang kanyang anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabus mula sa Judea. 11 Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Judio sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga hindi Judio.” 12 Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay humiling kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem. 13 Pero sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at kahit mamatay pa sa Jerusalem para sa Panginoong Jesus.” 14 Hindi talaga namin mapigilan si Pablo, kaya sinabi na lang namin, “Matupad sana ang kalooban ng Panginoon.”
Dumating si Pablo sa Jerusalem
15 Makaraan ang ilang araw, naghanda kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sinamahan kami ng ilang mga tagasunod ni Jesus na taga-Cesarea. Dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay isa sa mga unang tagasunod ni Jesus.
Dinalaw ni Pablo si Santiago
17 Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, sumama kami kay Pablo at dinalaw namin si Santiago. Naroon din ang mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem. 19 Binati sila ni Pablo at ikinuwento niya ang lahat ng ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan niya.
20 Nang marinig nila ito, nagpuri silang lahat sa Dios. At sinabi nila kay Pablo, “Alam mo kapatid, libu-libo nang mga Judio ang sumampalataya kay Jesus at silang lahat ay masigasig sa pagsunod sa Kautusan ni Moises. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo sa mga Judiong nakatira sa ibang bansa na hindi na nila kailangang sumunod sa Kautusan ni Moises. Sinabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak o sundin ang iba pang kaugalian nating mga Judio. 22 Ngayon, ano kaya ang dapat mong gawin? Sapagkat siguradong malalaman nila na nandito ka. 23 Mabuti siguroʼy gawin mo ang sasabihin namin sa iyo. May apat na lalaki rito na may panata sa Dios. 24 Sumama ka sa kanila at gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis ayon sa Kautusan. Bayaran mo na rin ang gastos nila sa seremonya para makapagpaahit din sila ng kanilang ulo. Sa ganitong paraan, malalaman ng lahat na ang balita na narinig nila tungkol sa iyo ay hindi totoo, dahil makikita nila na ikaw din ay sumusunod sa Kautusan ni Moises. 25 Kung tungkol sa mga hindi Judiong sumasampalataya kay Jesus, nakapagpadala na kami ng sulat sa kanila tungkol sa aming napagkasunduan na hindi sila kakain ng mga pagkain na inihandog sa mga dios-diosan, o dugo, o karne ng hayop na namatay na hindi tumulo ang dugo. At iwasan nila ang sekswal na imoralidad.” 26 Kaya kinabukasan, isinama ni Pablo ang apat na lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, pumunta si Pablo sa templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang kanilang paglilinis para maihandog ang mga hayop para sa bawat isa sa kanila.
Hinuli si Pablo
27 Nang matatapos na ang ikapitong araw ng kanilang paglilinis, may mga Judiong mula sa lalawigan ng Asia na nakakita kay Pablo sa templo. Sinulsulan nila ang lahat ng tao roon sa templo na hulihin si Pablo. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayan kong mga Israelita, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo laban sa Kautusan at sa templong ito kahit saan siya pumunta. Hindi lang iyan, dinala pa niya rito sa templo ang mga hindi Judio, kaya dinudungisan niya ang sagradong lugar na ito!” 29 (Sinabi nila ito dahil nakita nila si Trofimus na taga-Efeso na sumama kay Pablo roon sa Jerusalem, at ang akala nilaʼy dinala siya ni Pablo sa templo).
30 Kaya nagkagulo ang mga tao sa buong Jerusalem, at sumugod sila sa templo para hulihin si Pablo. Pagkahuli nila sa kanya, kinaladkad nila siya palabas at isinara agad nila ang pintuan ng templo. 31 Papatayin na sana nila si Pablo pero may nakapagsabi sa kumander ng mga sundalong Romano na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya nagsama agad ang kumander ng mga kapitan at mga sundalo, at pinuntahan nila ang mga taong nagkakagulo. Pagkakita ng mga tao sa kumander at sa mga sundalo, itinigil nila ang pagbugbog kay Pablo. 33 Pinuntahan ng kumander si Pablo at ipinahuli, at iniutos na gapusin siya ng dalawang kadena. Pagkatapos, tinanong ng kumander ang mga tao, “Sino ba talaga ang taong ito at ano ang kanyang ginawa?” 34 Pero iba-iba ang mga sagot na kanyang narinig, at dahil sa sobrang kaguluhan ng mga tao hindi nalaman ng kumander kung ano talaga ang nangyari. Kaya inutusan niya ang mga sundalo na dalhin si Pablo sa kampo. 35 Pagdating nila sa hagdanan ng kampo, binuhat na lang nila si Pablo dahil sa kaguluhan ng mga tao 36 na humahabol at sumisigaw ng, “Patayin siya!”
Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili
37 Nang dalhin na si Pablo sa loob ng kampo ng mga sundalo, sinabi niya sa kumander, “May sasabihin sana ako sa iyo.” Sumagot ang kumander, “Marunong ka palang magsalita ng Griego? 38 Ang akala koʼy ikaw ang lalaking taga-Egipto na kailan lang ay nanguna sa pagrerebelde sa pamahalaan. Dinala niya sa disyerto ang 4,000 lalaking matatapang at pawang armado.” 39 Sumagot si Pablo, “Akoʼy isang Judiong taga-Tarsus na sakop ng Cilicia. Ang Tarsus ay hindi ordinaryong lungsod lang. Kung maaari, payagan ninyo akong magsalita sa mga tao.” 40 Pinayagan siya ng kumander, kaya tumayo si Pablo sa hagdanan at sumenyas sa mga tao na may sasabihin siya. Nang tumahimik na sila, nagsalita siya sa wikang Hebreo.
22 “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan muna ninyo ang sasabihin ko bilang pagtatanggol sa aking sarili!” 2 Nang marinig ng mga tao na nagsalita siya sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita: 3 “Akoʼy isang Judiong ipinanganak sa Tarsus na sakop ng Cilicia, pero lumaki ako rito sa Jerusalem. Dito ako nag-aral at naging guro ko si Gamaliel. Sinanay akong mabuti sa Kautusan na sinunod din ng ating mga ninuno. Gaya ninyo ngayon, masigasig din akong naglilingkod sa ating Dios. 4 Inusig ko at sinikap na patayin ang mga sumusunod sa pamamaraan ni Jesus. Hinuli ko sila at ikinulong, lalaki man o babae. 5 Ang punong pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay makapagpapatunay sa lahat ng sinasabi ko. Sila mismo ang nagbigay sa akin ng sulat para sa mga kapatid nating Judio doon sa Damascus. At sa bisa ng sulat na iyon, pumunta ako sa Damascus para hulihin ang mga sumasampalataya kay Jesus at dalhin pabalik dito sa Jerusalem para parusahan.
Ikinuwento ni Pablo Kung Paano Niya Nakilala si Jesus
6 “Tanghaling-tapat na noon at malapit na kami sa Damascus. Biglang kumislap sa aming paligid ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. 7 Napasubsob ako sa lupa at may narinig akong tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’ 8 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang tinig, ‘Akoʼy si Jesus na taga-Nazaret, na iyong inuusig.’ 9 Nakita ng mga kasama ko ang liwanag pero hindi nila narinig[a] ang boses na nagsasalita sa akin. 10 At nagtanong pa ako, ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damascus, at sasabihin sa iyo roon ang lahat ng iyong gagawin.’ 11 Nabulag ako sa tindi ng liwanag. Kaya inakay ako ng aking mga kasama papuntang Damascus.
12 “Doon sa Damascus, may isang tao na ang pangalan ay Ananias. May takot siya sa Dios at sumusunod sa Kautusan. Iginagalang siya ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pumunta siya sa akin at sinabi, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon din ay gumaling ako at nakita ko si Ananias. 14 Sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Dios ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban niya at para makita mo at marinig ang boses ng Matuwid na si Jesus. 15 Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na at magpabautismo, at tumawag sa Panginoon para maging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’ ”
Inutusan si Pablo na Mangaral sa mga Hindi Judio
17 “Pagkatapos, bumalik ako sa Jerusalem. At habang nananalangin ako sa templo, nagkaroon ako ng pangitain. 18 Nakita ko si Jesus na nagsasabi sa akin, ‘Bilisan mo! Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi tatanggapin ng mga taga-rito ang patotoo mo tungkol sa akin.’ 19 Sinabi ko sa kanya, ‘Ngunit bakit hindi sila maniniwala, Panginoon, samantalang alam nila na inikot ko noon ang mga sambahan ng mga Judio para hulihin at gulpihin ang mga taong sumasampalataya sa iyo? 20 At nang patayin si Esteban na iyong saksi, naroon ako at sumasang-ayon sa pagpatay sa kanya, at ako pa nga ang nagbabantay ng mga damit ng mga pumapatay sa kanya.’ 21 Pero sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Umalis ka sa Jerusalem, dahil ipapadala kita sa malayong lugar para ipangaral mo ang Magandang Balita sa mga hindi Judio!’ ”
22 Pagkasabi nito ni Pablo, ayaw na siyang pakinggan ng mga tao. Sumigaw sila, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay dito sa mundo!” 23 Patuloy ang kanilang pagsigaw, habang ibinabalibag nila ang kanilang mga damit at inihahagis ang alikabok paitaas.
24 Kaya iniutos ng kumander sa kanyang mga sundalo na dalhin si Pablo sa loob ng kampo at hagupitin para ipagtapat niya ang kanyang nagawang kasalanan. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya. 25 Nang iginagapos na nila si Pablo para hagupitin, sinabi niya sa kapitan na nakatayo roon, “Naaayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang Romano kahit hindi pa napatunayang may kasalanan siya?” 26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa kumander at sinabi, “Ano itong ipinapagawa mo? Romano pala ang taong iyon!” 27 Kaya pumunta ang kumander kay Pablo at nagtanong, “Romano ka ba?” “Opo,” sagot ni Pablo. 28 Sinabi ng kumander, “Ako rin ay naging Romano sa pamamagitan ng pagbayad ng malaking halaga.” Sumagot si Pablo, “Pero akoʼy isinilang na isang Romano!” 29 Umurong agad ang mga sundalo na mag-iimbestiga sana sa kanya. Natakot din ang kumander dahil ipinagapos niya si Pablo, gayong isa pala siyang Romano.
Dinala si Pablo sa Korte ng mga Judio
30 Gusto talagang malaman ng kumander kung bakit inaakusahan ng mga Judio si Pablo. Kaya kinabukasan, ipinatawag niya ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Pagkatapos, ipinatanggal niya ang kadena ni Pablo at iniharap siya sa kanila.
23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang mga miyembro ng Korte at sinabi, “Mga kapatid, kung tungkol sa aking pamumuhay, malinis ang aking konsensya sa Dios hanggang ngayon.” 2 Pagkasabi nito ni Pablo, inutusan ng punong pari na si Ananias ang mga nakatayong malapit kay Pablo na sampalin siya sa bibig. 3 Sinabi ni Pablo sa kanya, “Sampalin ka rin ng Dios, ikaw na pakitang-tao! Nakaupo ka riyan para hatulan ako ayon sa Kautusan, pero nilabag mo rin ang Kautusan nang iniutos mo na sampalin ako!” 4 Sinabi ng mga taong nakatayo malapit kay Pablo, “Iniinsulto mo ang punong pari ng Dios!” 5 Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang punong pari, dahil sinasabi sa Kasulatan na huwag tayong magsalita ng masama laban sa namumuno sa atin.”
6 Nang makita ni Pablo na may mga Saduceo at mga Pariseo roon, sinabi niya nang malakas sa mga miyembro ng Korte, “Mga kapatid, akoʼy isang Pariseo, at ang aking ama at mga ninuno ay Pariseo rin. Inaakusahan ako ngayon dahil umaasa akong muling mabubuhay ang mga patay.”
7 Nang masabi niya ito, nagkagulo ang mga Pariseo at mga Saduceo at nagkahati-hati ang mga miyembro ng Korte. 8 Nangyari iyon dahil ayon sa mga Saduceo walang muling pagkabuhay. Hindi rin sila naniniwala na may mga anghel o may mga espiritu. Pero ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Pariseo. 9 Kaya ang nangyari, lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilang mga tagapagturo ng Kautusan na mga Pariseo at mariin nilang sinabi, “Wala kaming makitang kasalanan sa taong ito. Baka may espiritu o kayaʼy anghel na nakipag-usap sa kanya!”
10 Lalong uminit ang kanilang pagtatalo, hanggang sa natakot ang kumander na baka pagtulung-tulungan ng mga tao si Pablo. Kaya nag-utos siya sa kanyang mga sundalo na bumaba at kunin si Pablo sa mga tao at dalhin sa kampo.
11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Huwag kang matakot! Sapagkat kung paano ka nagpahayag tungkol sa akin dito sa Jerusalem, ganoon din ang gagawin mo sa Roma.”
Ang Planong Pagpatay kay Pablo
12-13 Kinaumagahan, nagpulong ang mahigit 40 Judio, at nagplano sila kung ano ang kanilang gagawin. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. 14 Pagkatapos, pumunta sila sa mga namamahalang pari at sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Nanumpa kami na hindi kami kakain ng kahit ano hanggaʼt hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya hilingin ninyo at ng Korte sa kumander ng mga sundalong Romano na gusto ninyong papuntahin ulit dito sa inyo si Pablo. Sabihin ninyo na gusto ninyong imbestigahan nang mabuti si Pablo. Pero bago pa siya makarating dito, papatayin namin siya.”
16 Pero ang plano nilaʼy narinig ng pamangking lalaki ni Pablo, na anak ng kapatid niyang babae. Kaya pumunta siya sa kampo ng mga sundalo at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan doon at sinabi, “Dalhin ninyo ang binatilyong ito sa kumander, dahil may sasabihin siya sa kanya.” 18 Kaya dinala siya ng kapitan sa kumander. Pagdating nila roon, sinabi ng kapitan, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at nakiusap na dalhin ko rito sa iyo ang binatilyong ito, dahil may sasabihin daw siya sa iyo.” 19 Hinawakan ng kumander ang kamay ng binatilyo, at dinala siya sa lugar na walang ibang makakarinig. At tinanong niya, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?” 20 Sinabi ng binatilyo, “Nagkasundo ang mga Judio na hilingin sa inyo na dalhin si Pablo sa Korte bukas, dahil iimbestigahan daw nila nang mabuti. 21 Pero huwag po kayong maniwala sa kanila, dahil mahigit 40 tao ang nagbabantay na tatambang sa kanya. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. Nakahanda na sila at naghihintay na lang ng pahintulot ninyo.” 22 Sinabi ng kumander sa kanya, “Huwag mong sasabihin kahit kanino na ipinaalam mo ito sa akin.” At pinauwi niya ang binatilyo.
Ipinadala si Pablo sa Cesarea
23 Ipinatawag agad ng kumander ang dalawa sa kanyang mga kapitan at sinabi sa kanila, “Maghanda kayo ng 200 sundalo at ipapadala ko kayo sa Cesarea. Magdala rin kayo ng 70 sundalong nakakabayo at 200 sundalong may sibat. At lumakad kayo mamayang gabi, mga alas nuwebe. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayo na sasakyan ni Pablo. Bantayan ninyo siyang mabuti para walang mangyari sa kanya hanggang sa makarating siya kay Gobernador Felix.” 25 At sumulat ang kumander sa gobernador ng ganito:
26 “Mula kay Claudius Lysias.
“Mahal at kagalang-galang na Gobernador Felix:
27 “Ang taong ito na ipinadala ko sa iyo ay dinakip ng mga Judio, at papatayin na sana. Pero nang malaman kong isa pala siyang Romano, nagsama ako ng mga sundalo at iniligtas siya. 28 Dinala ko siya sa kanilang Korte para malaman kung ano ang kanyang nagawang kasalanan. 29 Natuklasan ko na ang akusasyon sa kanya ay tungkol lang sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanilang relihiyon. Wala talagang sapat na dahilan para ipakulong siya o ipapatay. 30 Kaya nang malaman kong may plano ang mga Judio na patayin siya, agad ko siyang ipinadala sa inyo. At sinabihan ko ang mga nag-akusa sa kanya na sa inyo na sila magreklamo.”
31 Sinunod ng mga sundalo ang utos sa kanila. At nang gabing iyon, dinala nila si Pablo sa Antipatris. 32 Kinabukasan, bumalik ang mga sundalo sa kampo, samantalang nagpaiwan ang mga sundalong nakakabayo para samahan si Pablo. 33 Nang dumating sila sa Cesarea, iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat. 34 Binasa ito ng gobernador at pagkatapos ay tinanong si Pablo kung saang lalawigan siya nanggaling. Nang malaman niyang taga-Cilicia si Pablo, 35 sinabi niya, “Pakikinggan ko ang kaso mo kapag dumating na ang mga nag-aakusa sa iyo.” At pinabantayan ng gobernador si Pablo sa palasyo na ipinagawa ni Herodes.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®