Book of Common Prayer
25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umawit ng mga himno sa Diyos, habang nakikinig naman ang ibang bilanggo. 26 Biglang lumindol nang malakas, at nayanig ang mga pundasyon ng bilangguan. Agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nalagot ang mga tanikala ng lahat ng mga bilanggo. 27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at nagtangkang magpakamatay. 28 Ngunit sumigaw nang malakas si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Naririto kaming lahat!” 29 Humingi ng ilaw ang bantay at tumakbo paloob, at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Nang sila'y dalhin sa labas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” 31 At kanilang sinabi, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang tahanan. 33 Nang oras ding iyon ng gabi, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, kasama ang kanyang buong sambahayan. 34 Matapos na patuluyin sa kanyang tahanan, sila'y ipinaghanda niya ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya sa Diyos. 35 Kinaumagahan, nagsugo ng mga kawal ang mga hukom upang sabihin sa bantay, “Pakawalan mo ang mga taong iyan.” 36 Sinabi ng bantay kay Pablo, “Ipinag-utos ng mga hukom na pakawalan na kayo. Kaya maaari na kayong umalis at humayo nang payapa.” 37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Hinampas nila kami sa harap ng madla at ipinabilanggo nang walang anumang paglilitis, gayong kami'y mamamayang Romano. At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin!” 38 Iniulat ito ng mga kawal sa mga hukom at nang malamang sila'y mga mamamayang Romano, sila'y natakot. 39 Kaya pumunta sila sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos ay pinalaya nila ang mga ito at pinakiusapang umalis ng lungsod. 40 Pagkalabas sa bilangguan, nagtuloy sila sa bahay ni Lydia. Doon ay dinatnan nilang nagtitipon ang mga kapatid. Bago sila umalis, pinagbilinan nilang magpakatatag ang mga ito sa pananampalataya.
Ang mga Minanang Turo(A)
7 Nang sama-samang lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ilang tagapagturo ng Kautusan na nanggaling sa Jerusalem, 2 nakita nila ang ilan sa kanyang alagad na kumakaing marumi ang kamay, samakatuwid, ay hindi nahugasan ayon sa kaugalian. 3 Ang mga Fariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas na mabuti ng mga kamay. Ginagawa nila ito bilang pagsunod sa turong minana nila sa kanilang mga ninuno. 4 Kapag nanggaling sila sa mga pamilihan, hindi sila kakain nang hindi muna naglilinis. Marami pa silang sinusunod na minanang turo gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.[a] 5 Kaya't tinanong si Jesus ng mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turong ipinamana ng ating mga ninuno at kumakain sila nang marurumi ang kamay?” 6 Sumagot (B) si Jesus sa kanila, “Akma nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo. Mga mapagkunwari! Ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng mga taong ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’
8 Tinatalikuran ninyo ang utos ng Diyos at niyayakap ang tradisyon ng mga tao.”
9 Sinabi pa niya sa kanila, “Napakahusay ninyong magpawalang-bisa sa utos ng Diyos, masunod lamang ang mga turong minana ninyo. 10 Isang (C) halimbawa ang sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay!’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na sinuman ang magsabi sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Corban, ibig sabihi'y handog ko sa Diyos,’ 12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya hinahayaang tumulong sa kanyang ama o ina. 13 Sa gayong paraa'y pinawawalang-saysay ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong mga minanang kaugalian. Marami pa kayong ginagawang tulad nito.”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
14 Muling pinalapit ni Jesus ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang isinusubo ng tao ang nagpaparumi sa kanya; ang lumalabas sa kanya ang nagpaparumi sa tao.” 16 [Makinig ang sinumang may pandinig.][b] 17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at pagkapasok niya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba kayo'y hindi nakauunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya? 19 Sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi!” Sa sinabing ito ay ipinahayag niya na malinis ang lahat ng pagkain. 20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. 21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagpaslang, 22 mga pangangalunya, mga pag-iimbot, mga kabuktutan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paglapastangan, kapalaluan, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay sa loob nagmumula at siyang nagpaparumi sa tao.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.