Book of Common Prayer
Si Pedro at si Cornelio
10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio, isang senturyon ng tinatawag na batalyong Italiano. 2 Kasama ang kanyang buong sambahayan, siya ay masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos. 3 Minsan, nang mag-iikatlo ng hapon,[a] nagkaroon siya ng pangitain. Kitang-kita niyang dumarating ang isang anghel ng Diyos at tinawag siya, “Cornelio.” 4 Natatakot siyang tumingin sa kanya at nagtanong, “Ano po iyon, panginoon?” Sumagot ito sa kanya, “Nakaabot sa pansin ng Diyos ang iyong mga panalangin at ang pagtulong mo sa mga dukha. 5 Ngayon di'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang taong nagngangalang Simon na tinatawag ding Pedro. 6 Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon, isang tagapagbilad ng balat ng hayop, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.” 7 Pag-alis ng anghel na kumausap sa kanya, tinawag ni Cornelio ang dalawa sa kanyang mga utusan at isang relihiyosong kawal na isa sa mga naglilingkod sa kanya. 8 Isinalaysay niya sa kanila ang buong pangyayari, at pagkatapos ay pinapunta sila sa Joppa.
9 Kinabukasan, nang magtatanghaling tapat,[b] samantalang naglalakbay at malapit na sa lungsod ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin. 10 Siya'y nagutom at nais nang kumain. Samantalang inihahanda ang kanyang pagkain, nawalan siya ng malay at nagkaroon ng pangitain. 11 Nakita niyang nabuksan ang langit, at may isang bagay tulad ng isang malapad na kumot ang ibinababa sa lupa, nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na lumalakad at mga gumagapang sa lupa, maging mga lumilipad sa himpapawid. 13 May tinig na nagsabi sa kanya, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.” 14 Subalit sumagot si Pedro, “Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.” 15 Muling sinabi sa kanya ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Nangyari ito ng tatlong ulit, at pagkatapos ay agad binatak pataas sa langit ang kumot.
12 Ngunit tumakbo si Pedro patungo sa libingan at nang yumukod ay nakita na lamang niya ang mga telang lino. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.
Ang Paglalakad Patungong Emaus(A)
13 Nang araw ding iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakbay patungo sa nayong kung tawagin ay Emaus na may labindalawang kilometro[a] ang layo sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga nangyaring ito. 15 Habang sila ay nag-uusap at nagpapaliwanagan, mismong si Jesus ay lumapit at nakisabay sa kanila. 16 Subalit tila tinakpan ang kanilang mga mata upang siya ay hindi nila makilala. 17 Nagtanong si Jesus sa kanila, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo habang kayo'y naglalakad?” At tumigil silang bakas ang kalungkutan sa mukha. 18 Sumagot ang isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, “Ikaw lang ba ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na nangyari doon sa mga araw na ito?” 19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila, “Ang mga tungkol kay Jesus na taga-Nazareth, isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan. 20 Ibinigay siya ng aming mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus. 21 Subalit umasa sana kaming siya ang tutubos sa Israel. Bukod pa sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw mula nang nangyari ang mga ito. 22 Binigla pa kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga pa lang, nagpunta sila sa libingan, 23 ngunit hindi nila natagpuan doon ang kanyang bangkay, kaya bumalik sila at sinabi sa amin na nagkaroon sila ng isang pangitain ng mga anghel na nagsasabing buháy si Jesus. 24 Pumunta sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila gaya ng sinabi ng mga babae ngunit siya ay hindi nila nakita.” 25 Sinabi niya sa kanila, “Mga hangal! Kay bagal naman ng inyong pang-unawa at hindi pinaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't ang Cristo ay kailangang magdusa ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 Ipinaliwanag niya sa kanila ang sinasabi ng lahat ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises at sa lahat ng mga propeta. 28 Nang malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan, lumalakad siya na parang magpapatuloy pa, 29 ngunit siya'y kanilang pinakiusapan ng ganito: “Tumuloy muna kayo sa amin sapagkat gumagabi na at lumulubog na ang araw.” Kaya't pumasok siya upang tumuloy sa kanila. 30 Nang nakaupo siya sa hapag kasalo nila, kumuha siya ng tinapay at ito'y binasbasan. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa kanila. 31 Nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, ngunit bigla na lang siyang naglaho sa kanilang paningin. 32 At sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating mga puso habang kinakausap niya tayo sa daan, habang ipinapaliwanag niya sa atin ang Kasulatan?” 33 Nang oras ding iyon ay bumalik sila sa Jerusalem; natagpuan nila na nagtitipon doon ang labing-isa at ang iba pa nilang kasamahan. 34 Sabi nila, “Totoo ngang nabuhay muli ang Panginoon at nagpakita kay Simon!” 35 Kaya't isinalaysay nila ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang siya'y magpuputul-putol ng tinapay.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.