Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 72

Awit ni Solomon.

72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
    at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
    at ang iyong dukha ng may katarungan!
Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
    at ang mga burol, sa katuwiran!
Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
    magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
    at ang mapang-api ay kanyang durugin!

Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
    at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
    gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
    at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.

Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
    at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
    at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
    ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
    ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
    lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!

12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
    ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
    at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
    at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.

15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
    at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
    at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
    sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
    ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
    gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
    ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
    at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
    mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.

20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.

Mga Awit 119:73-96

JOD.

73 Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay;
    bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutunan.
74 Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa;
    sapagkat ako'y umasa sa iyong salita.
75 O Panginoon, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo,
    at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako.
76 Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin,
    ayon sa pangako mo sa iyong lingkod.
77 Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay,
    sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan.
78 Mahiya ang masama,
    sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan,
    para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan.
79 Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo,
    at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo.
80 Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa,
    upang huwag akong mapahiya.

CAPH.

81 Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
    sa iyong salita ay umaasa ako.
82 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
    aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83 Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
    hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84 Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
    Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85 Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
    mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86 Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
    kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87 Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
    ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88 Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
    upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.

LAMED.

89 Magpakailanman, O Panginoon,
    ang iyong salita ay natatag sa langit.
90 Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan;
    iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay.
91 Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo,
    sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92 Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan,
    namatay na sana ako sa aking kalungkutan.
93 Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo;
    sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay.
94 Ako'y iyo, iligtas mo ako,
    sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95 Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako,
    ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo.
96 Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan;
    ngunit ang utos mo'y totoong malawak.

Error: 'Karunungan ni Solomon 13:1-9' not found for the version: Ang Biblia, 2001
Roma 13

Tungkulin sa mga may Kapangyarihan

13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.

Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[a] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:

sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.

Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.

Sapagkat(A) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.

Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.

Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.

Ang(B) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.

11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.

12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.

13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.

14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

Lucas 8:16-25

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(A)

16 “Walang(B) taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.

17 Sapagkat(C) walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag.

18 Kaya't(D) mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin.”

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(E)

19 Pagkatapos ay pumaroon sa kanya ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki, subalit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.

20 At may nagsabi sa kanya, “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas; nais nilang makita ka.”

21 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at ginagawa ito.”

Pinayapa ni Jesus ang Unos(F)

22 Isa sa mga araw na iyon, siya'y lumulan sa isang bangka kasama ang kanyang mga alagad at sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang panig ng lawa.” At sila'y naglayag.

23 Samantalang sila'y naglalayag siya'y nakatulog. Dumating ang unos sa lawa, at sila'y napupuno ng tubig at nanganganib.

24 Sila'y lumapit at ginising siya na nagsasabi, “Guro, Guro, tayo'y napapahamak!” Siya'y gumising at sinaway ang hangin at ang pagngangalit ng tubig. Ang mga ito'y huminto at nagkaroon ng kapayapaan.

25 Sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” At sila'y natakot at namangha, at sinabi sa isa't isa, “Sino nga kaya ito, na kanyang inuutusan maging ang hangin at tubig at sila'y sumusunod sa kanya?”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001