Book of Common Prayer
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan,
purihin siya sa mga kaitaasan.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel,
purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo!
3 Purihin ninyo siya, araw at buwan;
purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning,
4 Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit,
at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit.
5 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.
6 At kanyang itinatag sila magpakailanpaman,
siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.
7 Mula sa lupa ang Panginoon ay purihin,
ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim,
8 apoy at yelo, niyebe at hamog,
maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita!
9 Mga bundok at lahat ng mga burol,
mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro!
10 Mga hayop at lahat ng kawan.
mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan!
11 Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan,
mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan!
12 Mga binata at gayundin ang mga dalaga;
ang matatanda at mga bata!
13 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila;
nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya.
14 Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan,
ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal,
para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya.
Purihin ang Panginoon!
149 Purihin ang Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon ng isang bagong awit,
ng papuri sa kanya sa kapulungan ng mga tapat!
2 Magalak nawa ang Israel sa kanyang Lumikha,
ang mga anak ng Zion sa kanilang Hari nawa'y matuwa!
3 Purihin nila ng may pagsasayaw ang pangalan niya,
na umaawit sa kanya na may pandereta at lira!
4 Sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang bayan;
kanyang pagagandahin ng kaligtasan ang mga nahihirapan.
5 Magsaya nawa ang mga tapat sa kaluwalhatian;
umawit nawa sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.
6 Malagay nawa ang mataas na papuri sa Diyos sa kanilang lalamunan,
at ang tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
7 upang maggawad ng paghihiganti sa mga bansa,
at ng kaparusahan sa mga bayan,
8 upang gapusin sa mga tanikala ang kanilang mga hari,
at ang kanilang mga maharlika ng mga bakal na panali,
9 upang sa kanila'y ilapat ang hatol na nasusulat!
Ito ay kaluwalhatian para sa lahat niyang mga tapat!
Purihin ang Panginoon!
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Diyos sa kanyang santuwaryo;
purihin siya sa kanyang makapangyarihang kalawakan!
2 Purihin siya dahil sa kanyang mga makapangyarihang gawa;
purihin siya ayon sa kanyang kadakilaang pambihira!
3 Purihin siya sa tunog ng trumpeta;
purihin siya sa salterio at alpa!
4 Purihin siya sa mga tamburin at sayaw;
purihin siya sa mga panugtog na may kuwerdas!
5 Purihin siya ng mga matunog na pompiyang!
Purihin siya sa mga pompiyang na maiingay!
6 Lahat ng bagay na may hininga ay magpuri sa Panginoon!
Purihin ang Panginoon!
114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
2 ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
ang Israel ay kanyang sakop.
3 Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
ang Jordan ay umatras.
4 Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
ang mga burol na parang mga batang tupa.
5 Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
O Jordan, upang umurong ka?
6 O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
O mga burol, na parang mga batang tupa?
7 Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Diyos ni Jacob;
8 na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
na bukal ng tubig ang hasaang bato.
Ang Isang Tunay na Diyos
115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
2 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”
3 Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
4 Ang(D) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
gawa ng mga kamay ng mga tao.
5 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
6 Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
7 Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
8 Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.
9 O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(E) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
ang mababa kasama ang dakila.
14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
siya na gumawa ng langit at lupa!
16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!
Ang Ikalawang Panaginip ni Nebukadnezar
4 Si Nebukadnezar na hari, sa lahat ng bayan, mga bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: Nawa'y sumagana sa inyo ang kapayapaan!
2 Inaakala kong mabuting ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa para sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3 Napakadakila ng kanyang mga tanda!
at makapangyarihan ang kanyang mga kababalaghan!
Ang kanyang kaharian ay walang hanggang kaharian,
at ang kanyang kapangyarihan ay mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi.
4 Akong si Nebukadnezar ay nagpapahinga sa aking bahay, at namumuhay nang sagana sa aking palasyo.
5 Ako'y nakakita ng isang panaginip na tumakot sa akin; habang ako'y nakahiga sa aking higaan, ang mga guni-guni at mga pangitain ay bumagabag sa akin.
6 Kaya't ipinag-utos ko na iharap sa akin ang lahat ng pantas sa Babilonia, upang kanilang ipaalam sa akin ang kahulugan ng panaginip.
7 Nang magkagayo'y dumating ang mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ang mga manghuhula, at isinalaysay ko sa kanila ang panaginip, ngunit hindi nila maipaalam sa akin ang kahulugan nito.
8 Ngunit sa wakas dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Belteshasar, ayon sa pangalan ng aking diyos, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na diyos;[a] at isinalaysay ko sa kanya ang panaginip:
9 O Belteshasar, na puno ng mga salamangkero, sapagkat nalalaman ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at walang hiwagang napakahirap para sa iyo, narito ang panaginip na aking nakita, sabihin mo sa akin ang kahulugan nito.
10 Ngayon ay ganito ang mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nasa higaan: Ako'y nakatingin, at narito, may isang punungkahoy sa gitna ng lupa, at ito'y napakataas.
11 Ang punungkahoy ay lumaki, at naging matibay, at ang tuktok nito'y umabot hanggang sa langit, at ito'y natatanaw hanggang sa dulo ng buong lupa.
12 Ang mga dahon nito'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at doo'y may pagkain para sa lahat. Ang mga hayop sa parang ay may lilim sa ilalim nito, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagpupugad sa mga sanga nito, at ang lahat na tao ay pinakakain mula roon.
13 “Aking nakita sa mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nakahiga sa aking higaan, at nakita ko ang isang bantay, isang banal ang bumaba mula sa langit.
14 Siya'y sumigaw nang malakas at nagsabi ng ganito, ‘Ibuwal ang punungkahoy at putulin ang kanyang mga sanga, lagasin ang mga dahon at ikalat ang kanyang mga bunga; paalisin ang mga hayop sa ilalim nito at ang mga ibon sa kanyang mga sanga.
15 Gayunma'y inyong iwan ang tuod ng kanyang mga ugat sa lupa, na gapos ng bakal at tanso sa gitna ng murang damo sa parang. Hayaan siyang mabasa ng hamog ng langit, hayaan siyang makasama ng mga hayop sa damo ng lupa.
16 Hayaang ang kanyang isipan na pusong tao ay mapalitan at puso ng hayop ang ibigay sa kanya; at hayaang ang pitong mga panahon ay lumipas sa kanya.
17 Ang hatol na ito ay sa pamamagitan ng utos ng mga bantay, ang pasiya ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang malaman ng mga may buhay na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kaninumang kanyang naisin, at pinamumuno niya rito ang pinakamababa sa mga tao.’
18 Akong si Haring Nebukadnezar ay nakakita ng panaginip na ito. At ngayon ikaw, O Belteshasar, ipahayag mo ang kahulugan, sapagkat lahat ng pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpahayag sa akin ng kahulugan, ngunit magagawa mo sapagkat ang espiritu ng mga banal na diyos[b] ay nasa iyo.”
Mga Katiwala ng mga Kaloob ng Diyos
7 Ngunit ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na,[a] kaya kayo'y magpakatino at magpigil sa sarili alang-alang sa inyong mga panalangin.
8 Higit(A) sa lahat, magkaroon kayo ng maningas na pag-ibig sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.
9 Maging mapagpatulóy kayo sa isa't isa nang walang bulung-bulungan.
10 Kung paanong ang bawat isa ay tumanggap ng kaloob, ipaglingkod ito sa isa't isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos.
11 Sinumang nagsasalita ay gawin iyon nang tulad sa nagsasalita ng mga aral ng Diyos; sinumang naglilingkod ay tulad sa naglilingkod mula sa kalakasang ibinibigay ng Diyos, upang ang Diyos ay maluwalhati sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
Inatasan si Pedro
15 Pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi ni Jesus[a] sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga kordero.”
16 Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi niya sa kanya, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi niya sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”
17 Sinabi niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong ulit nang sinabi sa kanya, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.
18 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nang ikaw ay bata pa, binibigkisan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.”
19 Ito'y sinabi niya upang ipahiwatig kung sa anong kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
Si Jesus at ang Ibang Alagad
20 Pagtalikod(A) ni Pedro, nakita niya ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod. Siya rin iyong nakahilig na malapit kay Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?”
21 Nang makita siya ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, at paano naman ang taong ito?”
22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo? Sumunod ka sa akin.”
23 Kaya't kumalat ang sabi-sabi sa mga kapatid na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Subalit hindi sinabi ni Jesus sa kanya na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo?”
24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at ang sumulat ng mga ito; at nalalaman namin na ang kanyang patotoo ay tunay.
Pagtatapos
25 Subalit marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, sa palagay ko, kahit sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga aklat na isusulat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001