Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 61-62

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.

61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
    dinggin mo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
    kapag nanlulupaypay ang aking puso.

Ihatid mo ako sa bato
    na higit na mataas kaysa akin;
sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
    isang matibay na muog laban sa kaaway.

Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
    Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
    ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.

Pahabain mo ang buhay ng hari;
    tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
    italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!

Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
    habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.

Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Awit ni David.

62 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa;
    ang aking kaligtasan ay nanggagaling sa kanya.
Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
    ang aking muog; hindi ako lubhang matitinag.

Hanggang kailan kayo magtatangka laban sa isang tao,
    upang patayin siya, ninyong lahat,
    gaya ng pader na nakahilig, o bakod na nabubuwal?
Sila'y nagbabalak lamang upang ibagsak siya sa kanyang kadakilaan.
    Sila'y nasisiyahan sa mga kasinungalingan.
Sila'y nagpupuri ng bibig nila,
    ngunit sa kalooban sila'y nanunumpa. (Selah)

Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa,
    sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.
Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
    ang aking muog, hindi ako mayayanig.
Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan;
    ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan.

Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, O bayan;
    ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan;
    para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah)

Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan,
    ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan;
sumasampa sila sa mga timbangan;
    silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga.
10 Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala,
    sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa;
    kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso.

11 Ang Diyos ay nagsalitang minsan,
    dalawang ulit kong narinig ito:
na ang kapangyarihan ay sa Diyos;
12     at(A) sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig,
sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa.

Mga Awit 68

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
    tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
    kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
    gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
    magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
    oo, magalak nawa sila sa kasayahan!

Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
    magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
    magalak kayo sa kanyang harapan.

Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
    ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
    kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
    ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
    nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
ang(A) lupa ay nayanig,
    ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
    ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
    iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
    sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.

11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
    malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12     “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13     kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
    ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
    ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.

15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
    bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
    sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
    oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
    samakatuwid ay libu-libo.
    Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
    pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
    tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.
19 Purihin ang Panginoon
    na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
    samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
    at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.

21 Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway,
    ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan.
22 Sinabi ng Panginoon,
    “Ibabalik ko sila mula sa Basan,
ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan,
23 upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan,
    upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway.”

24 Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos,
ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo—
25 ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan,
    sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan:
26 “Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan,
    ang Panginoon, kayong mga mula sa bukal ng Israel!”
27 Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna,
    ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat,
    ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali.

28 Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan,
    ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
    ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo.
30 Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan,
    ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan.
Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak,
    pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa.
31 Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto;
    magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito.

32 Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa;
    magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah)
33 sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una,
    narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig.
34 Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan,
    na nasa Israel ang kanyang kadakilaan,
    at nasa mga langit ang kanyang kalakasan.
35 O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo,
    ang Diyos ng Israel,
    nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan.

Purihin ang Diyos!

Error: 'Karunungan ni Solomon 10 ' not found for the version: Ang Biblia, 2001
Roma 12

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]

Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.

Sapagkat(A) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;

kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.

Tayo(B) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;

kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;

o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.

Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.

10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,

11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.

12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.

13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.

14 Pagpalain(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.

16 Magkaisa(D) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.

17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.

19 Mga(E) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”

20 Kaya't(F) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

Lucas 8:1-15

Mga Babaing Sumama kay Jesus

Pagkatapos nito, siya'y nagtungo sa bawat lunsod at mga nayon na ipinangangaral at ipinahahayag ang magandang balita ng kaharian ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa,

at(A) ang ilang babae na pinagaling mula sa masasamang espiritu at sa mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang lumabas,

si Juana na asawa ni Chuza, na katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang iba na nagkaloob sa kanila[a] mula sa kanilang mga ari-arian.

Ang Talinghaga ng Manghahasik(B)

Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:

“Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa himpapawid.

Ang iba'y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig.

At ang iba'y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito'y sinakal.

At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito,

10 sinabi(D) niya, “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos; subalit sa iba'y nagsasalita ako sa mga talinghaga upang sa pagtingin ay hindi sila makakita, at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa.

Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik(E)

11 “Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos.

12 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay dumating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas.

13 At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito'y walang ugat; sila'y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod.

14 Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang.

15 At ang nahulog sa mabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001